Manila Bulletin

Teorya ng Unang Panahon

Edgar C. Samar

(Huling Labas)

HINDI ko alam kung gaano kalaki ang impluwensiya ng panaginip ko sa sinulat kong nobela/manifesto/testamento. pero may tauhan dun na nakakita ng isang piraso ng dice. may mga titik sa halip na numero. at tuwing irorolyo niya ang dice nang anim na sunod-sunod na beses, laging iisang salita ang nabubuo. L-I-G-A-N-G. wait, malamang na sasabihin mo, hindi naman anim na letters ’yun, lima lang. isang letter lang ang NG sa dulo ng ligang. tama ka naman. isang titik nga lang naman talaga sa tagalog ang NG ng LIGANG. baka iyon ang butas nito. na hindi naman talaga anim na titik ang anim na titik doon. alam mo ba kung ano ’yung ligang? tiningnan ko sa diksiyonaryo. kung ligáng, alinman sa “pagkahulog ng anuman sa butas,” o “ang butas na kinahulugan,” o “pagiging akmangakma ng isang bagay sa butas na kinahulugan.” naisip ko, dapat, maging literary term itong ligang. para sa loopholes sa kuwento, sa mga kuwentong binubuo natin. at kung paanong kung minsan, kailangan ang mismong mga butas na iyon para may makita tayong iba pa sa likod ng kuwento, lampas sa mismong kuwento. gusto ko iyong kinahulugan. dating kahulugan. nagdaang kahulugan. ganoon talaga ang butas, hindi ba. dating kahulugan. hindi na ngayon, o wala na ngayon. narito pero wala na rito. iyon ang mga butas na iniiwan sa atin ng mga kuwento, ng bawat pagkukuwento. dahil walang perpektong kuwento kahit sa perpektong mundo.

{ pero may isa pang kahulugan ang LIGANG bilang lígang, pandiwa. ibig sabihin nito, “baligtarin ang sisidlan.” anong sisidlan? paano babaligtarin? kapag binaligtad ko ang sisidlan, may laman ba itong matatapon? kung walang nakasilid sa sisidlan, sisidlan pa rin ba ito? }

NGILAG

NASA loob ng isang silid si Yannis. Hindi na niya alam kung gaano katagal na siya sa loob ng silid na ito. Maaaring isang araw. O isang linggo. O isang taon. Walang bintana ang silid pero puro salamin sa apat na gilid kaya wala siyang nakikita kundi ang sarili niya sa tila walang dulong repleksiyon ng mga repleksiyon.

Infinity mirrors. Minsan, hinihintay na lang niya na may isa sa mga repleksiyon niya sa salamin na mag-iba ng galaw, lumabas sa salamin at palitan siya. Hindi siya magrereklamo. Malaya siyang ipagkakaloob ang buhay niya sa kahit na sinong may gusto nito. Pero malaya nga ba siya?

May tatami sa sahig na halos 100 sqm ang lawak. May unan sa pinakagitna pero walang kumot. Nakaputing t-shirt siya at nakaitim na pantalon. Wala siyang sapatos, wala siyang medyas. Hindi siya nilalamig. Hindi rin siya pinagpapawisan. Hindi niya alam kung paano siya kumakain o nagugutom. Hindi siya nakakaramdam ng gutom o uhaw. Hindi pa. Paano kapag naiihi siya o natatae? Paano ako napunta rito? Sa isang sulok ng silid, naroon ang itim niyang bag. Nilapitan niya ito at dinampot.

Sa isang alaala, nawala siya, nawala siya sa daigdig, ni hindi siya sigurado kung anong nangyari sa kaniya, kung saan siya napunta, pero naroon ang Papa at kuya niya at kahit tumigil na ang mga ito sa paghahanap, hindi siya nawala sa alaala ng mga ito, hindi siya kinalimutan ng dalawa hanggang parehong tumanda ang mga ito.

Napakagaan. Walang laman sa pinakaloob. Kinapa niya ang mga bulsa. Wala kahit notebook niya o ballpen. Pero naroon ang ngilag.

Bakit alam kong ngilag ang tawag dito?

At sa sandaling iyon, nang sambitin niya ang mismong salitang ngilag sa isip niya, parang may kung anong nagdiklap sa utak niya. Alaala. O haraya. Hindi siya sigurado dahil paano siya magkakaroon ng alaala na magkakataliwas.

Sa isang alaala, nawala siya, nawala siya sa daigdig, ni hindi siya sigurado kung anong nangyari sa kaniya, kung saan siya napunta, pero naroon ang Papa at kuya niya at kahit tumigil na ang mga ito sa paghahanap, hindi siya nawala sa alaala ng mga ito, hindi siya kinalimutan ng dalawa hanggang parehong tumanda ang mga ito, hanggang nagkapamilya ang Kuya Gino niya at nagkaroon ng sariling anak at ipinangalan pa sa kaniya ang panganay na anak nitong lalaki. Nawala ba siya roon dahil narito nga siya sa silid na ito? Iyon ba ang totoong alaala?

Pero sa isa pang alaala, naroon siya pero ang Papa at Kuya Gino niya ang wala na. Magkasabay na napaslang ang mga ito nang nilooban ang bahay nila. Nasa second year high school siya. Nagising siya sa kalabog sa loob ng bahay. Pagtingin niya sa cellphone niya, pasado alas-tres. Pagkatapos, putok. Tapos, isa pa. Narinig niya ang sigaw ng Kuya Gino niya sa salas. Tapos, putok ulit. Hindi niya alam kung bakit hindi na nagawang pumasok ng mga salarin sa kuwarto. Malamang na tulad ng katotohanang hindi na niya nagawang makakilos sa higaan niya, sa itaas ng double-deck nilang magkuya. Hindi siya makakilos pero dinig niya ang marahang pag-ingit ng pintuan nila sa salas, ang paghakbang ng dalawang pares ng mga paa, ang bahagyang paggalaw ng gate nila, ang arangkada ng motorsiklo palayo. Saka lang siya parang natauhan at nanginginig na bumangon at bumaba mula sa higaan at lumabas ng kuwarto. Patay ang ilaw sa salas at parang ayaw niyang buksan. Hindi siya handang makita ang ilaw. Hindi na niya maalala ang tamang pagkakasunodsunod ng mga sumunod na pangyayari. Basta’t tinawagan niya ang Papa nina Karlo sa kabilang kalye. Sumugod ang mga ito sa kanila, sinabing nagising nga ang mga ito sa putok. May mga kapitbahay na ring gising sa kanila sa Atis Street. Kahit ang ilang taga-Banaba at Lawan, nagsibangon at lumapit na sa kanila. Hindi niya alam kung gaano katagal bago dumating ang ambulansiya pero may mga dumating na ambulansiya. At mga pulis. Baka nauna ang mga pulis. Pagkatapos ng mga tanod. Malamang na nauna ang mga pulis sa ambulansiya. Naaalala ni Yannis na kinakausap siya ng mga pulis sa loob ng bahay nila. At ang kasunod ay nasa ospital na siya at sinasabing wala na nga ang Papa at Kuya Gino niya. May mga nasirang gamit sa bahay, mukhang nagtangkang lumaban ang Kuya Gino niya, na gagraduate na dapat sa high school noon. Pero walang nawala. Hindi pagnanakaw ang motibo. Simpleng propesor lang ang Papa niya. Wala itong kaaway, sa pagkakaalam niya.

Kumandidato itong barangay chairman dati sa udyok ng mga kapitbahay at dahil gusto na rin nito ng pagbabago sa baranggay nila pero hindi naman nanalo at hindi na ulit nagkainteres tumakbo kahit tumutulong-tulong ito kapag may mga project sa baranggay nila. Halos katropa ng Kuya Gino niya ang lahat sa Atis at mga kalapit na kalye. Iisa ang sinasabi ng lahat, hindi nila alam kung sinong gagawa nito. Pero may rasyonal ba sa krimen, sa pagpaslang? Hindi makatwiran ang mismong pagpaslang.

Pagkatapos, babalik siya sa naunang alaala, at makikita niya ang Papa at Kuya Gino niya na dinadalaw ang puntod niya, kahit alam ng mga itong wala roon ang bangkay niya. Kahit naniniwala pa rin ang mga ito sa loob nila na nawawala lang siya. Gumawa ang mga ito ng puntod niya para may madadalaw ang mga ito kapag undas at kapag bertdey niya. Kasama ng puntod ng Mama niya.

Pero makikita rin niya ang sarili niya, kasama si Karlo, dinadalaw ang puntod ng Papa niya at Kuya Gino niya. Kasama ng puntod ng Mama niya.

Tapos, babalik na naman sa Papa at Kuya Gino niya, sa isang alaala kung saan namatay si Karlo noong bata pa lang sila. Naiwan lang sa kaniya si Karlo Z. Nasaan na ba si Karlo Z?

Walang Karlo Z sa kabila kung saan naroon si Karlo at pareho silang nagbinata na parang totoong magkapatid. Pero nawala rin ito.

Kumabog ang loob niya. Nawala rin si Karlo sa isa pang alaala.

Hanggang sa nalilito na siya sa permutasyon ng mga pagkawala sa magkakaibang alaala.

Pipilitin niyang humiga sa tatami, pumikit, matulog, pero wala, ni hindi siya dinadalaw ng antok. Hindi ba siya natutulog dito?

Hindi alam ni Yannis kung gaano katagal na siya sa silid na ito. Kung alin sa dalawa ang panaginip. Kung alin ang alaala. Kung may totoo ba sa dalawa. Tinitingnan niya ang sarili niya sa salamin. Ang mga sarili niya sa mga salamin. Tinitingnan siya ng mga ito. Tumatanda ba siya? Ilang dekada na siya rito? Nasaan siya talaga?

Pumipikit siya kapag napapagod na ang mga mata niya pero hindi siya sigurado kung nakakatulog siya talaga. Dahil tuwing magmumulat siya, parang patuloy lang ang paggising niya, ang daloy ng iniisip niya. Iniisip lang ba niya ang mga iyon? Pakiramdam niya, namamatay ang ilaw sa silid sa tuwing pumipikit siya, at muling nabubuhay sa tuwing nagmumulat siya dahil parang nahuhuli pa niya ang huling anag-ag ng dilim sa tuwing magmumulat siya ng mga mata. Sa pagkakamulat ng mata niya, lagi siyang tumatayo’t nilalapitan ang bag sa sulok. Umaasang magkakaroon ng ibang laman iyon maliban sa ngilag. O mawawala ang ngilag.

Paano ba mawawala ang ngilag? Minsan, natutukso siyang lunukin ito. Kung paanong ilang beses na niyang tinangkang basagin ang mga salamin. Pero hindi niya magawa-gawa. Mahirap maghintay nang hindi niya alam kung may hinihintay ba siya. Ito ba ang Purgatoryo? Impiyerno? Samsara? Gimokudan?

Hanggang isang araw ng kung pang-ilan mang araw niya sa silid na iyon, pagmulat niya, nakita niyang lumalabas mula sa salamin si Teresa.

NANG lumabas si Teresa mula sa salamin,

Nabasag ang mga salamin at naging libo-libong maliliit na salamin. Nakita ni Yannis ang libolibong sarili niya. Mga sugatán. Mga hindi nasusugátan. May mga hiwa sa kamalayan. May mga kamalayang humihiwa. Mga nagiisa. Mga nakikiisa.

naglakad mula sa pinakadulong salamin ng parang walang hanggahang hanay ng mga salamin, hindi pa siyempre alam ni Yannis na Teresa ang pangalan nito. Pero nakita na niya ito. Ito ang nag-abot sa kaniya ng… Ano ngang ibinigay nito sa kaniya?

Tulad niya, nakaputing t-shirt ito at nakaitim na pantalon. Lampas sa balikat ang itim na itim nitong buhok na nakapusod sa likod. Hindi ganito ang buhok nito nang una silang magkita. Pero maaliwalas pa rin ang mukha nito. Mukhang nasa 22 o 23. O puwedeng mas bata o mas matanda roon. Hindi na siya sigurado sa edad ng mga tao. Ilang taon na nga ba ako? Parang hindi tumatanda ang isip niya. O parang noon pa tumanda ang isip niya.

“Hello,” sabi ng babae sa kaniya na para bang nagkasalubong lang sila sa corridor ng school sa isang karaniwang araw.

Hindi alam ni Yannis kung paano sasagot. Hello rin? Putek. “Nasaan ako?”

“Ako si Teresa.”

Ang pumasok sa isip ni Yannis, hindi siya interesado. Hindi iyon ang tanong niya. Pagkatapos, naalala niya. Naalala niya kung saan niya nakita ang babae. Tinakbo niya ang itim na backpack niya sa sulok at kinuha sa bulsa ang ngilag. Ipinakita iyon sa babae. “Ano ito?”

“Ipapaliwanag ko. Maupo tayo.” At nauna nang nag-indian sit si Teresa sa tatami.

Walang nagawa si Yannis kundi maupo sa tapat ng babae. Noon niya napansin na may kakaiba sa palad nito. Walang laman sa mga palad nito. Walang guhit. Ang naroon, salamin ng parang patay na cellphone. “Ano ka? Saan ka galing? Anong nangyayari? Nababaliw na ba ako? Ospital ba ’to?”

“Akin na ’yan,” sabi ni Teresa, nakatingin sa ngilag na hawak ni Yannis habang nakalahad ang itim na salamin ng kanang palad.

Nag-aalangang ipinatong ni Yannis doon ang ngilag.

Pagkadamping-pagkadampi ng ngilag sa palad ni Teresa, nagliwanag ang palad nito, parang backlight, at lumabas ang mga simbolo na hindi maunawaan ni Yannis. Pagkatapos, lumutang ang ngilag sa hangin, parang nagliwanag din ang loob nito, at umikot-ikot sa hangin. Mabilis na mabilis bago bahagyang tumitigil para mag-project ng titik sa itaas nito. Parang may binubuong mga salita sa bawat bahagyang pagtigil nito pagkakatapos ng ikaanim na titik. NGILAG. GALING. LIGANG. NGILAG. GALING. LIGANG. NGILAG. ALIGNG. NGILAG. GALING. LIGANG. NGILAG. GALING. LIGANG. NGILAG. Pagkatapos, namatay na ang ilaw mula sa ngilag at dahan-dahan ulit itong lumapag sa palad ni Teresa. Namatay din ang backlight sa palad nito. “Nakita mo ’yun?”

Alin dun? “Alin?”

“Iyong isang pangyayari.”

Hindi alam ni Yannis ang tinutukoy ni Teresa. Focus, putek.

Inulit ni Teresa. Nagliwanag ang palad ito. Lumutang ang ngilag at umikot-ikot habang mabilis na nagpo-project ng mga titik para makabuo ng mga salita. Pagkakaanim na titik, naglalaho ang salita at sinusundan ng panibago. Mas naging alerto na ngayon si Yannis.

NGILAG. GALING. LIGANG. NGILAG. GALING. LIGANG. NGILAG. ALIGNG. NGILAG. GALING. LIGANG. NGILAG. GALING. LIGANG. NGILAG.

Nang matapos, tinanong ulit siya ni Teresa. “Nakita mo?”

Tumango si Yannis. Labinlimang salita. Tatlo sa mga salita ang nag-uulit-ulit. Maliban sa ikawalo na hindi niya alam kung salita rin ba.

ALIGNG. Hindi rin naman siya sigurado kung may LIGANG ba. Iyung NGILAG, sigurado siya, nasa parehong alaala niyang nakikita niya. Sa isang alaala, tiningnan niya iyon sa diksiyonaryo. Varyant ng ilag para sa mga sinaunang Tagalog. Pag-iwas upang hindi matamaan o mahagip. Paglayo o pag-iwas sa panganib. Ngilag. Pero ano ang ALIGNG? Bakit may ALIGNG? “Anong ibig sabihin nung kakaiba?” “Kapag inirorolyo mo ito, alin ang nabubuo mo?”

“NGILAG…”

“Laging NGILAG… hindi… teka, sa isang ako, laging NGILAG kapag ako lang… hindi, kapag ako lang o kasama ko ang kaibigan ko…” “Kaya hindi lumalabas ang GALING…” “Anong ibig mong sabihin?”

“Pareho ba ang G sa dulo ng NGILAG? Laging iyon ang huling G?”

“Ha?” Hindi sigurado si Yannis. Hindi. Sigurado siya sa isa. Sa bersiyon na buhay ang mga Papa niya. “Sa isa… laging iyang white na G ang huli… sa isa… hindi ko alam, hindi ako sigurado.”

“Hindi mo mapalabas ang GALING. Hindi mo magawang magsimula at magtapos sa G…” sabi ni Teresa habang mas nag-iisip ito kaysa kinakausap si Yannis. Pumindot-pindot ang mga kanang daliri nito sa kaliwang palad nito.

Hindi pa rin maintindihan ni Yannis ang mga simbolong nakikita niyang lumalabas sa palad ng babae. “Anong G? Bakit G?”

“Ang simula at ang wakas…” sabi ni Teresa. “Anong simula at wakas?… God?” sabi ni Yannis.

Ngumiti si Teresa. “Hindi yata dapat GALING ang kailangan ng mundong nahihimbing. Hindi mo mapalitaw ang GALING dahil patuloy kang nahihimbing.”

“Anong G? Ano ang ALIGNG?” “ALIGN G. Ano ang alam mong G?” “Papa ko? Si Kuya Gino?” Kinakabahan si Yannis. Gregorio ang Papa niya. Pero hindi naman talaga G ang Eugenio ng Kuya Gino niya. “Ano ang alam mong G?”

“Bakit ayaw mo pang sabihin sa akin?” “Hindi ako ang nahihimbing.”

“G… God… ghost, game, genes, genetic, genealogy, genre, genesis, germinal, goddess, guilt, garden… putek, anong G?”

“Ano ang alam mong G?”

“G… Galing… galing… gamot, gamit, gayuma, gusto, galaw, garapon, gitna, gitla, ganda, guniguni, gising. Gagi, GISING.” Nagliwanag ang ngilag. Nagliwanag ang palad ni Teresa. Nagliwanag ang buong silid. Nabasag ang mga salamin at naging libolibong maliliit na salamin.

Nakita ni Yannis ang libo-libong sarili niya. Mga sugatán. Mga hindi nasusugátan. May mga hiwa sa kamalayan. May mga kamalayang humihiwa.

Mga nag-iisa. Mga nakikiisa.

Hindi ito panaginip pero kailangan kong magising at bumangon.

Wakas

MGA NILALAMAN

tl-ph

2023-09-01T07:00:00.0000000Z

2023-09-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281805698510649

Manila Bulletin Publishing Corp