Sila…ang mga OFW
Efren R. Abueg
2023-09-01T07:00:00.0000000Z
2023-09-01T07:00:00.0000000Z
Manila Bulletin Publishing Corp

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281625309884217
NOBELA
(Ika-20 na Labas) KINABUKASAN, nagpasiya si Archie na kausapin ang kaniyang ama. Maaga siyang gumising at pagkarinig ng kaluskos sa silid ni David, walang pangiming pinasok niya ito. “Sasamahan kita sa pag-uwi mo sa Pilipinas!” Deretso ang pagsasalitang hindi inisip na ama niya ang kaharap. Nakaupo si David sa kama nito, parang hilo pa sa pagkalasing nang nagdaang gabi. Napatanga ito sa narinig. “Maghanda ka na at maaga tayo sa embahada. Makaiiwas pa tayo sa red tape!” Nakatunganga pa rin si David kay Archie. “Hindi puwedeng patuloy kang maglalasing dahil kay Dina!” Napayuko si David at mayamaya, nagtaas na ito ng mukha. Tumayo ito at hinarap si Archie. “Sino ang may sabing sa ‘yong susundan ko si Dina sa Pilipinas?” “Alam kong ‘yon ang gusto mong gawin!” Mataas pa rin ang sagot niya. Hindi inaasahan ni Archie ang pagsigaw ng ama. “At bakit sasamahan mo ako sa pag-uwi sa Pilipinas? Paano ang trabaho mo sa restawran?” “Nakalimutan ninyo…sadya ko rito sa Middle East na iuwi kayo!” “Hindi ko nalilimutan, Archie. Pero nagtatrabaho ka na sa restawran. Isa ka nang OFW ngayon!” Hindi iyon ang naisip ni Archie kundi ang pagbaba ng boses ang kaniyang ama. Ngayon, parang humihingi pa ito ng paumanhin dahil sa pagsigaw sa kaniya. Parang sinasabing magpasensiya na lamang siya dahil sa pagkabigla nito. Hindi binanggit si Dina na inakala ni Archie na sanhi ng sanhi ng sama ng loob nito. Pati na ang hindi pagtawag sa cellphone o isang maikling sulat man! “Oo, Archie. Hindi ka pa babalik sa Pilipinas. May responsibilidad ka na sa restawran! Sayang lamang ang mga isinaayos ko sa opisina ng migration sa Dubai,” sabi pa nito. Ngayon, sa halip na restawran, si Nellie ang naisip ni Archie. Namamalengke na ito para sa restawran. Babad na ito sa pamamahala ng mga waiter. Maiiwan ba niya ang araw-araw na paguusap nila? Halos gabi-gabi, inihahatid pa niya ito. At sa nangyaring paghalik niya kay Nellie, alam niyang parang apoy na madadarang siya nito araw-araw. Ngayon, mababali pa ang pangako niya sa yumaong si Demy at ang sanggol na kasama nitong nahimlay sa libingan. Naisip din ni Archie ang kaniyang Tiya Ising, ang lumang bahay sa Pilipinas, ang kaniyang pangako na iuuwi niya sa Pilipinas ang kaniyang ama. Ngunit alam niyang darating na ang araw na hindi niya maiiwasan. Magtatapat siya sa kaniyang tiya tungkol sa pagtalikod niya kay Demy. At sasabihin na niyang lilikha siya ng bagong pamumuhay sa piling ni Nellie! “Hindi, Archie. Ikaw na ang namamahala sa restawran. Nakasentro na ang atensiyon mo sa mga costumer. Hindi ka ba naghihintay sa amo kong Hudyo na maaaring nag-iisip ng paglilipat ng restawran dito sa pangalan ko?” “Babalik naman ho ako pagkaraang maiuwi ko kayo!” Humihina na ang kaniyang boses. “Hindi ko naman ho nalilimutan ang lahat ng obligasyong sa restawran na nasabi na ninyo sa akin!” “At hindi mo ba alam na naririnig ko kay Mr. de Luna ang gabi-gabi halos na paghahatid mo kay Nellie?” Tama nga ang kaniyang ama na banggitin si Nellie! Inihahatid niya ito gabi-gabi. At kapag nagawang dalawa ang silid na iniwan ni Dina, magkakaroon sila ni Nellie ng privacy. Alam naman ni Monique ang namamagitan sa kanilang dalawa ni Nellie. Maiiwasan pa ba niyang pakasalan ito balang-araw kung gabi-gabi’y mapag-iisa sila sa silid na uupahan nito? Pinukaw uli ang pag-iisip niya ng sinabi sa mababang tinig ng kaniyang ama. “Huwag kang pabigla-bigla, Archie. Kung nakikita mong naglalasing ako…nababakarda lamang ako sa mga sundalo kong kaibigan. Kababalik lang nila mula sa kanilang ilang araw na furlough sa France!” Oo, naisip na ni Archie. Hindi ba’t tumigil na sa paglalasing ang kaniyang ama pagkaraang mawala sa Dubai si Dina!? Baka nga insidental lamang ang paglalasing nito ngayon? “Kung uuwi ako sa Pilipinas, sino ba ang una kong sasabihan?” sabi pa ni David na naglabas na ng isusuot sa araw na iyon. NATIGIL nga sa paglalasing si David. Isang Martes ng hapon, kausap ni Archie ang isang Bikolanang serbidor nila sa makalabas ng kanilang kusina nang sumungaw si Mr. de Luna. Parang inaabangan siya nito nang hapong iyon habang walang taros ang pag-aasikaso niya sa dalawang bisitang customer. “Ibig pa niyang sundan ang girl friend niya sa isang restawran sa Paris!” sabi nito sa kaniya nang makaalis na ang serbidor. “Parang siguradong pakakasal sa kaniya ang babaing iyon!” Namangha si Archie. Parang may pintas sa babae sa Paris si Mr. de Luna. “Bakit ho? Sa tingin n’yo ba, naghahabol sa girl friend niya ang serbidor na iyon?” “Ang tingin ko, hahabol-habol ang serbidor na iyon sa girl friend niya sa Paris! May mga babaing OFW naman tayo sa restawran natin dito!” “Huwag n’yong sabihin applicable ‘yan sa Tatay ko!” biro niya kay Mr. de Luna. “Nagsalita na rin ako sa iyong ama!” Nakatawa si Mr. de Luna. “Sabi ko sa kaniya, bitiwan niya si Dina kung talagang galit siya rito!” “Pero napakatagal na ho nila! Sa kanila ko nakita ‘yong hirap at ginhawang kanilang dinanas!” “Kung sabagay…” At umungol si Mr. de Luna na parang may bigat na kimkim sa dibdib. “Hindi ko ho masukat kung ano na ang pinagdaanan nila!” Muling umungol si Mr. de Luna. “Sa bagay, tumatanda na tayo.Iniisip siguro ni Dina ang kaniyang ama. Ibig din niyang makita ito, makasama bago mawala ito sa buhay niya!” Hindi nga naiisip ni Archie na matanda na si Mr. de Luna. Napansin lamang niyang bahagyang namamayat ito. “Wala kayong sinasabi tungkol sa pamilya n’yo sa Pilipinas!” “Bakit? Hindi ba nasasabi ng iyong ama ang tungkol sa buhay ko?” Biglang humugos sa isip ni Archie ang mga bagay na hindi niya alam tungkol kay Mr. de Luna. Parang nabuksang bigla sa isip niya ang maraming tanong kung papaano naging OFW ito at ang tungkol sa estado ng pamilya nito! Napatingin si Archie kay Mr. de Luna. “Sori ho, pero kay tagal na di ho ako nagtatanong tungkol sa inyo!” Napatikhim si Mr. de Luna. “Wala namang akong dapat ikuwento sa iyo. Namatay ang dalawang anak kong lalaki sa isang aksidente sa bus nang ie-enrol ko sila sa college. Pagkaraan ng isang taon, nag-abroad na ako at nagtrabaho sa maraming bansa, nitong huli sa Saudi. Kagagaling ko lang d’on nang makasabay ko sa eroplano ang iyong ama. Nagpirme ako sa restawran n’ya rito dahil naging mabait siya sa akin!” “Wala s’yang sinasabi o ikinukuwento tungkol sa inyo…” “Tahimik din ang iyong ama. Pero sa paguusap namin, nang umalis si Dina, nasabi niyang mali yata siya. Dapat niyang sundan si Dina sa Pilipinas!” Lumambot din ang kalooban ng kaniyang ama. Sa mahigit dalawang taon na obserbasyon niya sa dalawa, parang pakit na hindi na ito paghihiwalayin ng panahon. Lalo na si Dina na isinakripisyo ang kinabukasan dahil sa kaniyang ama at sa aktibismo. Kaya sa sinabi ni Mr. de Luna, natuwa siya. Hindi lamang dahil sa pangako niya sa kaniyang Tiya Ising kundi dahil sa inakala niyang matibay na palagayan ng kaniyang ama at ni Dina. “Kakausapin ko si Tatay,” naiisip niya ang tampuhan nito at ni Dina, ngunit hindi rin nawaglit sa isip niya ang marami pang detalye sa buhay ni Mr. de Luna na hindi nito naikuwento sa kaniya. ISANG umaga, hindi narinig ni Archie na bumangon at nagbihis si David gayong may kalahating oras nang nakaaalis si Mr. de Luna. Nagtataka, kinatok niya ang pinto ng silid ng kaniyang ama para sabihin tuloy dito ang napakainit na singaw ng Dubai kahit umaga pa lamang. “Itulak mo’ng pinto!” narinig niyang tugon ni David. Itinulak nga ni Archie ang pinto at bumungad sa kaniya si David na nakahiga pa sa kama at bukas ang air-conditioner. “Tingin ko’y iinit pa ang Dubai habang tumatanghali. Tinatamad tuloy ako na bumangon at tumuloy sa restawran.” “Nagtungo na si Mr. de Luna sa restawran. Hindi ‘yon pahuhuli sa waiters at waitresses natin,” sabi niya. “Ehemplo siya ng lahat sa restawran. Kapag wala na siya, ikaw ang titingalain ng lahat ng employees doon!” “Kailan naman kaya siya magre-retire?” “Ewan ko ba? Pero sa tingin ko…hindi na magtatagal. Uuwi na rin siya sa Pilipinas.” “Nagkuwento ho siya tungkol sa dalawang anak niyang namatay!” “Tragic nga ang aksidenteng ‘yon. Pero mas tragic ang nangyari sa kanilang mag-asawa after that!” May-asawa si Mr. de Luna? Hindi nito nabanggit sa kaniya. Nasabik siyang mag-usisa. Oo, tungkol sa asawa muna ni Mr. de Luna ang uusisain niya sa ama. Saka na ang pag-amin nito kay Mr. de Luna ng pagkakamali nito sa paninikis kay Dina! “Iniisip ko pa nga hanggang sa ngayon. Bakit nagawa iyon ng asawa niya?” Hinagilap ni Archie ang silyang plastik na naroroon at kampanteng umupo siya. “Ano ho ba ang nangyari?” “Santaon pagkaraan noon, nahuli ni Mr. de Luna ang asawa nito na palabas mula sa isang maliit na otel. Nagkaroon ng malaking eskandalo…parang nadiyaryo pa yata ang nangyari. Mula noon, nag-abroad na si Mr. de Luna…at kung saan-saang bansa. Malaon, nabalitaan ng mga kamag-anak at kinontak ito. Noon nakatulong si Mr. de Luna sa deployment ng maraming kamag-anak abroad!” “Hanggang sa makasabay n’yo sa eroplano galing sa Saudi?” Tumango si David na napapikit. Mukhang inaantok pa ang kaniyang ama! NAGTUNGO sa Espanya si David pagkaraan ng isang linggo. Ipinatawag ito ng Hudyong amo. Naunahan si Archie ng itatanong sana niya sa ama tungkol kay Dina. Sa halip, kay Mr. de Luna napako ang kaniyang atensiyon. Nagtaka siya ngayon. Iba na ang hitsura nito. Parang biglang tumanda. Naisip ni Archie na dumarating pala iyon sa buhay ng tao. “Marami na kayong kamag-anak na nagabroad, pero nagsiuwi na nang tumanda. Siguro, marami na kayong naipon at mae-enjoy n’yo na ang buhay na tulad ng mga natulungan n’yo abroad at nakauwi na ngayon!” Parang namangha sa kaniya si Mr. de Luna. Saglit siyang pinagmasdan at saka marahang tumawa. “Napansin din mo pala!” anito. “Ang alin ho?” “Sinabi na rin ‘yan sa akin ng Tatay mo. Halata na ba talaga?” “Hindi naman sa ibig kong magretiro na kayo! Sa laki ho ng utang na loob namin ni Tatay sa inyo, maa-accommodate pa namin kayo sa restawran ng isa o dalawang taon!” “Naku! Maraming salamat. ‘Yan din naman ang tingin ko sa Tatay mo!” Tumawa pa si Mr. de Luna. “Kaya lang ho, ibig ko ho kayong bigyan ng pagkakataon sa pag-abot n’yo sa old age. Kung may sugat man ho kayo…o may bigat kayong dinadala sa inyong isip, panahon na ho para harapin n’yo ang lahat. Hindi ho habang panahon tayo sa mundong ito!” “Alam ko ang ibig mong sabihin, Archie. May sugat nga ako, malalim na sugat. Pero napag-isipan ko na iyon nang matagal. Open na ako sa lahat! Tulad ng iyong ama sa relasyon niya kay Dina!” Napangiti si Archie. Hindi rin nakaila sa kaniya ang ngiting iglap na ibig ilihim ni Mr. de Luna. Nakaramdam siya ng kung anong luwag sa kalooban niya. “Kung sakali ba…open kayo na samahan si Tatay sa pag-uwi niya sa Pilipinas?” “Oo naman, Archie. Indirectly nasabi ko na ‘yan sa Tatay mo. Pero hindi siya sumagot. Malalim na nag-isip. Tumingin lamang sa akin. Hanggang nang magpasabi ang amo niyang Hudyo na magpunta siya sa Madrid…nasabi niyang mali ang desisyon niyang tikisin si Dina!” “Ganoon ho? Ganoon ho ang reaksiyon niya?” “Maluwag na ang kalooban ko, Archie. Isang salita lang ng iyong Tatay pagkabalik niya mula sa Madrid, wala na kaming iba pang pag-uusapan!” Nang gabing iyon na ihatid niya si Nellie sa tinitigilan nito at ni Monique, hindi agad sila nanhik sa hagdanan. Sa anino ng paupahang iyon, ikinubli niya ang kabuuan ni Nellie. Marahan niya itong kinabig, inilapat ang dibdib nito sa kaniya at masuyong siniil ng halik ang dalaga. Itutuloy
tl-ph