Manila Bulletin

Tata More

(Nalathala: LIWAYWAY, Oktubre 16, 1950)

Genoveva D. Edrosa

MALIWANAG ko siyang nakikita ngayon sa landas na patungo sa aming tarangkahan. Ang mahagway niyang pangangatawan na natatanaw ko mula sa makapal na kawayanang pinanggagalingan ng landas ay hindi sumasalang umantig sa paghanga at pagmamalaking sa kaniya ko lamang iniuukol. Simula sa pagkakaisip ko’y natatandaan kong hinihintay-hintay ko na ang paglaking katulad niya, ng aking Tata More: matangkad, palatawa, mabilis, at walang intindihin sa buhay. At ngayon, marahil ay sa ikasandaang ulit, humahangang siya’y pinagmasdan ko, samantalang sa isang biglang paglundag ay nabagtas niya ang kawayang pahalang ng aming tarangkahan.

Ginusot niya ang buhok ko ng malaki niyang kamay, pinalo ako nang marahan, at pagkatapos, bigla-bigla, sa isang mabilis na pagbaba ng mahaba niyang bisig, ako’y binitbit niya sa tagiliran, gaya ng kaniyang ginagawa sa ilang piraso ng kahoy na panggatong. Kahit ang malaki niyang paang makakapal sa tuyong putik ay tuminag sa paghanga’t pagmamalaki ko sa kanya, samantalang siya’y umaakyat sa aming hagdan na bitbit ako sa tagiliran.

Ang bahay nami’y biglang nag-umugong sa

ingay. Ang mga kapatid ko, na pitong lahat, ay dumaluhong na lahat sa kaniya, at ang aming tahana’y muling nag-umugong sa ingay at halakhakan.

May isang bagay na malinaw kong natatandaan tungkol kay Tata More – hindi pa siya pumupunta sa aming hindi niya taglay ang ingay at halakhak. Ang pagdating niya’y nangangahulugan ng panunudyo sa pinakamatanda kong kapatid na babae, kay Tinang, na mamula’t mamutla sa panunukso ni Tata More. Ang pagdating niya’y nangangahulugan din ng mga walang bayad na pangangabayo sa kaniyang likod ng mga kapatid kong maliliit. Iyo’y nangangahulugan din ng di iilang baling sanga ng mga punungkahoy na nakapaligid sa aming bahay pagkatapos ng pagsalakay sa mga yaon ng mga batang lalaki sa kaniyang pamumuno.

“Manang, Manang, nasaan ang Manong?” ang tanong niya nang maglubay ang pagkakaingay.

Ipinahid muna ng nanay ko ang kanang manggas ng kanyang kimona sa pawisang noo bago sumagot.

“Naroon,” ang tangi niyang sinabi at muling hinarap ang kaniyang niluluto.

Si Nanay talagang gayon: bilang ang kaniyang mga salita. Siya’y tunay na mahigpit sa kaniyang pamamalakad, hindi nagkulang kailanman sa kanyang mga tungkulin, nguni, kumibo-dili siya sa amin–at kahit kay Tatay. Siya’y patuloy sa mga gawain sa bahay na animo’y nasa malayo ang isipan. Maminsan-minsan, ang tinig niya’y maglalagos sa kababayan sa isang “Itigil iyan,” o kaya’y “Maglubay ka!” at kung minsa’y ang hagunot ng isang pamalo na susundan ng mga yabag ng tumatakas.

Nang tanghaling iyon, nalalaman kong siya’y natutuwa, katulad ng sinuman sa aming magkakapatid, sa pagdating ng Tata More. Kahit na wala siyang sinasabing anuman tungkol sa pagdalaw na iyon, tila siya nalilibang sa ingay na nagpapalimot sa kanya sa malungkot at malalim na pag-iisip. Sapagkat mula pa sa pagkabata’y nalalaman ko nang sa pagtunghay niya sa niluluto, ang iniisip niya’y ang pagkukunan ng susunod. At sa pagdating ng Tata More’y natitiyak ko ang gumuguhit sa kaniyang isipan: ang mararagdag na pinggan sa hapag… at lahat kami’y tunay na humahanga sa pambihirang gana ng Tata More.

Paminsan-minsan, siya’y tumatanaw sa kabahayan, mula sa harap ng kakalanan. Minsan o makalawa siyang ngumiti sa pagkakaingay namin, at minsa’y humahalakhak siya at yao’y nang ang Tata More’y madapa sa bigat ng apat na batang lalaki sa kaniyang likod, sandaling kumisay-kisay kunwa at pagkatapos ay bumulagta nang tuwid na tuwid at walang kakilus-kilos.

Sa gayong ayos siya dinatnan ng Tatay na nanggaling sa bukid sa sakahan. Kaming mga bata’y nagkakatuwa sa kahiya-hiyang wakas ng isang kahanga-hangang “kabayo” at ang Nanay ay tumatawang nakatanaw mula sa lutuan. Pinahid ng Tatay ng isang tuwalya ang pawisan niyang leeg at bisig at nakihalo sa katuwaan.

Naging masaya ang kainan sa dulang hanggang sa tumitig ang Tatay sa Tata More mula sa kanyang pinggan at matagal na hindi nagsalita. Ang Nanay ay hindi nagtaas ng paningin ngunit ang kanyang mga kamay ay walang kakilus-kilos

Lumalala ang dalita’t Sumasagwa ang tagsalat, Kung malubha ang pag-iral Ng imbot na ngumangatngat!

sa ibabaw ng dulang.

Pagkatapos, ang Tata More ay nagsabi ng, “Manong, hindi mo gagawin ang…” “Gagawin ko, Mauricio,” ang sabi ng Tatay. Pagkatapos noon ay katahimikan. Ang pinakamaliliit kong kapatid lamang ang nagpatuloy ng katatanong kay Tata More ng kung anu-ano, ngunit iyo’y walang sinasagot sa kanila kundi mga tango at iling lamang. Sila man ay tumahimik na rin. Naglipat-lipat ang paningin ni Tinang sa kanila nang walang imik. Ako’y walang tinag sa pagkakaupo; ang naiisip ko’y ang pinakamasamang bagay na maaaring mangyari. Tila ko ba natunghayan ang isang buong kuwento: sa matatag na tinig ng Tatay, sa pamumutla ng Nanay, at sa pagtakas ng halakhak sa Tata More.

Kinagabihan, pagkahapunan, isinabit ng

Nanay ang ilawang-gaas sa malaking pako sa dingding at hininaan ang sindi. Lahat ng maliliit ay pinatulog agad sa malaking banig sa loob ng kabahayan, sa kabila ng kanilang pagtutol. Sila’y namanhik, nagtampo, umiyak…payagan lamang silang makipaglaro sa Tata More, ngunit matatag ang utos ng Tatay. Sila’y nagtataka kung bakit sila pinatutulog nang gayong kaaga, ngayong naroon pa naman ang Tata More, ngunit tumaginting ang tinig ng Tatay na nagwikang:

“Sinabi ko sa inyong pumasok at matulog!” Tumindig ang Nanay sa kaniyang bangko at umabot ng isang pamalo.

Nang gabing yaon, samantalang hinuhugasan namin ni Tinang ang kinanan at ang mga pinaglutuan, nadama kong ang halakhak ay tumakas na sa aming tahanan.

“Alam mong sasagpangin ni Ka Inte ang

ganiyang pagkakataon–ang hayop na iyon! Lumuluwa nga ang mga mata niyon sa paghanap sa mga taong katulad mo…” ang tinig ng Tata More ay tuyot.

“Ano ang gusto mong sabihin sa mga taong katulad ko? Makapagsalita ka nga nang ganiyan – sapagkat ikaw ay nag-iisa at iisang bituka lamang ang iniintindi mo, at iisang katawan lamang ang sasaplutan mo!” Ako’y tumigil sa aking ginagawa at nakita ko ang pagsulyap ng Tatay sa maliliit at yayat na katawang nasa malaking banig. Tumigil siyang bigla sa pagsasalita at alam kong siya’y ginagapi ng matinding pagkagalit.

Marahang umupo ang Nanay sa tabi ng Tatay at nangusap sa Tata More.

“More,” aniya. “Masakit sa loob naming ipagbili ang nalalabi sa lupang ito kay Ka Inte… o kaninuman. Ngunit anong magagawa namin?”

“May magagawa kayo, alam ko… at alam din ninyo kapuwa,” at bigla-bigla, ang tinig ng Tata More ay may taglay na ring pagkagalit.

Batid ko ang nais niyang sabihin. At sa mga mukha ng Tatay at Nanay ay nakita ko rin ang katotohanang nalalaman ko. Si Tinang ay nakatingin sa akin at alam kong alam din niya.

“Kayo, higit sa lahat, ang nakaaalam kung gaano kayaman ang lupang ito… kayong namuhay rito nang buong kasiyahan,” anang Tata More. “Binuhay kayo nito. Ang lupang ito’y hindi nagkulang sa inyo, kundi noon lamang magkagulo…at kayo’y napilitang tumakas. At nang kayo’y magbalik, ang inabutan ninyo’y isang katigangang bunga ng malaong pagpapabaya. Ngayo’y dapat ba ninyong sisihin ang lupa… o mayroon bang dapat sisihin sa nangyari?”

Ang katahimika’y nanuot sa akin lamang. Nang magsalitang muli ang Tata More, wala nang pagkagalit sa kaniyang tinig.

“Manong, nalalaman ko ang mga tiniis ninyo. At ayaw ko nang ungkatin pa. Ngayon, ang masasabi ko lamang sa inyo ay ito: Ano ang masama sa paghingi mo ng tulong… hanggang sa mapanumbalik mo ang kayamanan ng inyong lupa?”

Nababatid naming lahat na ang tinutukoy niyang hingan ng tulong ay si Tata Juan, ang nasa malaking bahay. Bagama’t sa buong pag-uusap, minsan ma’y hindi nabanggit ang pangalang iyon, lahat ay nakauunawang siya ang tinutukoy sa mga sumunod pang pagsasagutan.

“Manong tumigil ka, Mauricio,” anang Tatay. “Alam na alam mong mamatamisin ko pang ipagbili ito kay Ka Inte kaysa humingi ako ng tulong sa kaniya.”

“Iyan ang hirap sa inyo mga tao kayo! Totoo kayong…”

“Ikaw man ay magkakagayon din kung may walo kang anak na nagugutom… at siya, sa kaniyang malaking bahay na balot ng kasakiman…”

Si Tinang ay nakatingin sa akin at ang ismid sa kaniyang labi ay totoong pangit pagmasdan. Walang tinag ang kaniyang mga kamay sa hugasan ng pinggan. Alam kong iisang pangyayari ang nasa isipan.

Kaming dalawa ni Tinang, bilang pinakamatanda sa magkakapatid, ay siyang nagpasiya, isang araw. Mga ilang araw nang nagdadahop sa aming tahanan at ang kakaunting pagkain ay halos hindi sumapat sa maliliit man lamang. Kami ni Tinang ay nagkayari tungkol sa isang balak. Palihim kaming nagtungo sa malaking bahay. Doo’y ipinaghain kami ng isang bataan sa utos ng Nana Minang. Lumabas sa kaniyang silid ang Tata Juan at kami ni Tinang ay pinagtulungan tungkol sa “mga kaululan ng inyong ama sa mga kara-karapatan… gutom at karalitaang bagay sa inyo,” at iba pa. Kami noon ni Tinang ay sabay na tumayo na halos hindi natikman ang inihain ng utusan. Sa aming pag-uwi’y napagkaisahan namin ni Tinang ang paglilihim. Ang nangyari’y hindi sana matutuklasan kundi sa kapirasong tinapay na

iniuwi ni Tinang para sa pinakamaliliit.

Nakita iyon ng Nanay at iyon ay naging wakas ng aming paglilihim. Tandang-tanda ko pa ang Nanay na namumula ang matang pinapalo kami ni Tinang, at ang Tatay, maputla’t nanginginig sa galit, na sumunod na pumalo sa amin.

At ngayon, ang Tatay, ang Nanay, at ang Tata More ay walang imikan sa harap ng dulang. Ang ilawang-gaas sa sabitan ay aandap-andap na. Ang maliliit at yayat na katawan sa malaking banig ay hindi na nagsisikilos. Kami ni Tinang ay matagal nang nakatapos sa paglilinis at pagliligpit… at paulit-ulit na lamang kami sa pag-aayos upang makapanatili sa labas at mapakinggan ang lahat…

Ang Tata More ay siyang unang tumindig. May isang mahiwagang luningning sa kaniyang mukha nang sabihin niya ang, “Tang na loob, Manong, huwag mo munang ipatatawag si Ka Inte… sa loob man lamang ng isang linggo. Bigyan mo ako ng panahon… ngayo’y naaalala kong nakatanggap na si Kapitan ng kaniyang “back pay:… ang gerilyerong inalagaan ko noong panahon ng digmaan, natatandaan mo ba? Kung sa loob ng isang linggo’y hindi ako makagawa ng paraan, ako na ang tatawag kay Ka Inte…”

Banaag lamang ng pag-asa ang nasa mukha ni Tatay at Nanay. Sa akin, bakas man marahil ay wala… pagkatapos na marinig kong minsan kung paano nakasalubong ng Tata More si Kapitan isang araw at iyon ay hindi man lamang binati. Ngunit bago tuluyang namatay ang ilawang-gaas nang gabing iyon, ako’y nakindatan ng Tata More… at alam kong malulutas niya ang suliranin. Wala akong kapag-a-pag-asa kay Kapitan, subalit halos natitiyak kong kami’y matutulungan ng Tata More.

At tunay nga! Tatlong araw lamang ang nakaraan, siya’y dumating sa aming humahangos. Sa kaniyang malaki’t mapulang panyo ay nababalot ang salapi – ang apat na raang pisong kailangan ng Tatay upang makapagsimulang muli sa sariling lupa: Hiniram daw niya kay Kapitan na walang patubo, walang sanla, walang anuman. Kinabukasan, ang Tata More ay nag-uwi pa sa amin ng isang matabang kapon – handog daw sa kaniya ni Kapitan.

“A! Ang pagkakapatiran ng isa’t isa!” aniyang nasisiyahan.

Ikawalong araw noon nang ang utusan ng Tata Juan ay maparaan sa aming bahay sa pagtungo niya sa isang ipinasisingil. Iniabot niya kay Tinang sa bintana ang isang tinapay na may makapal na pahid ng mantikilya.

“Para sa bunso,” aniya. “At, naku, mag-ingat kayo…” aniyang nakataas ang hintuturo sa amin ni Tinang. “Huwag kayong maliligaw na dalawa roon! Ang Tata Juan ninyo’y parang torong nanunuwag…mula noong magpaareglo ang Tata More ninyo ng kaniyang asunto!”

“Anong asunto, ha, anong asunto?” ang maagap kong tanong.

Lumapit pa siyang mabuti sa ibaba ng aming bintana at halos pabulong na nagsalita.

“Hindi ba ninyo alam? Ang Tata More ninyo’y kaunti nang mabilanggo, dahil sa estapa. Nagpunta sa malaking bahay, a! Sabi sa Tata Juan ninyo, aaminin niya ang sakdal… totoo rin lamang… kundi niya mababayaran ang kaniyang nasirang apat na raang piso… bago dumating ang araw ng bista. Naku, ang inyong Tata Juan?... Bumubula ang bibig sa galit. Ang pangalan daw niya! Ang pangalan daw niya’y masisira sa pagkakaroon ng kapatid na estapador! Naku, sabi ko sa inyo… parang torong manunuwag na lagi, mula nang malaglagan ng apat na raan! At talagang minamalas yata… kinabukasan nama’y nawala’t sukat ang kapong pinatataba niya. Nakawala siguro… o baka may nagnakaw… Aba, pati ba naman sa aki’y masama ang tingin at tinamaan ng… akala siguro’y ako ang kumuha! Aba!”

MGA NILALAMAN

tl-ph

2023-09-01T07:00:00.0000000Z

2023-09-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/282033331777337

Manila Bulletin Publishing Corp