Dalawang Tula
Ni Kian H. Sanchez
2023-09-01T07:00:00.0000000Z
2023-09-01T07:00:00.0000000Z
Manila Bulletin Publishing Corp

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281552295440185
PANULAAN
Ang Pagtula ay Pagngawa Isinigaw mo sa daluyong ng sapa Ang panalangin ng mga bata: Sana’y makalikha ako ng mga tula. Subalit hindi nalilikha ang tula Kusa itong nagmumula sa luha Ng mga buwitreng pagala-gala. Tuwing humuhuni ang mga kuliglig Naliligalig ang tinig ng bagong daigdig At kapag narinig ng taong-yungib Wawakwakin nila ang kanilang dibdib Kusang bubukal ang titik at patinig; Ang dugong dumanak ang yayanig Sa mundong matagal nang humihilik. Sapagkat kung ang bulkan ay nanahimik Kapag sumabog, tiyak ay mabalasik. Hiling mo noon ay makalikha ng tula Ngunit hindi totoo ang salita ng makata Wala silang kakayahang sumulat at gumawa. Marahil ang lahat ng mga tumutula Ay pawang mga batang ngumangawa Ng taludturan at nagkukubling talinhaga Tumutula rin ang mga Tala Tula kang bumukal sa sinapupunan ng makata: Kusang dumadaloy upang lumaya Sa panubigan ng naghihingalong salita. Kung maglaon, nagiging batang manunula Mapagtanong, mausisa sa mga matatanda. Tala kang nagniningning sa gitna ng dilim Alikabok na palutang-lutang sa kawalan ng lilim: Naninibugho’t nagdirimdim. Bakas sa iyong mukha ang pangungulila Ng peregrinong matagal nang nawawala. Dito ka natutong maghintay: Matapos isiwalat ang lihim ng mga bituwin Nanalangin ka nang taimtim Kung kaloob mong ako’y pauwiin, Buntala sa puso ng sawi’y pawiin. Tulala kang naghahanap ng talinhaga: Gaya ng bulaklak na dugo ang iniluluha, Ng mandirigmang takot sa dila, O ng abanterong di masinagan ang mukha. Tulad ng mga ulilang maghapong inalila Ng katahimikan at panitikang walang pananda. Alipin ka ng gunita, At ang pag-alala sa kasaysayan ay pagtalima Sa mga metaporang nagbagong-hugis; nagkatawang-lupa. Doon mo mapagtatanto: Ang pagtulala sa tala ay pagtula sa wala.
tl-ph