Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

TINIG SA KAIBUTURAN

FRONT PAGE

Ni ARIEL SOTELO TABAG

TINIG SA KAIBUTURAN BULONG ni Joshua kay Lia habang inaamoy niya ang kulutin nitong buhok: “Ano ang ayaw mo sa akin?” “’Yang boses mo,” sabi ni Lia na tumingin sa kaniya nang patagilid. Tumapat ito sa kaliwa niyang tainga at nagkasiya na ito na nagpaugong sa kaniyang utak. Napagtanto niyang hindi niya namalayang bigkasin ang sarili niyang katanungan sa kaniyang kasintahan at hindi niya inasahan ang mabilis na pagsagot at ang uri ng sagot nito. Nakaramdam siya ng nginig sa kaniyang puson kahit pa nakadantay rito ang malambot na singit ng kaniyang katipan. “At bakit naman?” Napalunok siya saka tumikhim para mabawasan ang ugong sa kaniyang utak. “Pakiramdam ko kasi, nasa tren ako.” Nakaramdam siya ng pagkahamak at pagkaasar. Ngayon lamang siya biruin ni Lia na may kaugnayan sa kaniyang tinig. Siya lamang ang nakakaalam—bukod sa mga kumuha sa kaniya—na tinig niya ang ginamit sa babala sa tren tungkol sa pag-iingat ng mga pasahero. Nang kontakin siya ng mga nangangasiwa sa kompanya ng tren para sa isang interview sa isang programa sa telebisyon tungkol sa mga voice talent, hindi siya pumayag kahit sinabi nilang may bayad ang interview niya. Sa kaniyang trabaho bilang isang call center agent, hindi rin naman nila napapansin na tinig niya ang nasa tren dahil kaya naman niyang pag-ibaibahin ang kaniyang tinig, depende sa kausap niyang kustomer. Hinawi niya ang dantay ni Lia saka iniwan ito sa kama. Hindi niya pinansin ang paghingi nito ng dispensa. Hindi naman siya makikipagmatigasan pero nasa isip na niya ang pa-oorder ng hapunan sa pamamagitan ng app sa selpon. Mag-aalas kuwatro na ng hapon. Kailangan niyang makaalis dito sa tinitirhan niyang condominium sa Mandaluyong bago mag-alas sais tamang-tama sa trabaho niya sa Ortigas ng alas siyete. Lalakarin na niya. Makakapag-ehersisyo pa siya, maliban sa mahirap ang pagko-commute niya. Parang nakalutang ang kaniyang katawan dahil nakadalawa sila ni Lia. Dalawang linggo na nakikitulog sa tinitirhan niya ang babae. Dalawang linggo na rin silang nagbalikan pagkaraan ng tatlong buwan na hindi ito nagpakita. Pinagpalagay niyang nagsawa na ito sa tatlong taon nilang relasyon saka anim na taon nilang pagkakaibigan mula noong nasa unang taon sila sa hayskul. Pero bumalik naman, at saka may posibilidad na makikisama na ito sa kaniya. Katatapos lamang ito ng kolehiyo samantalang kailan lang din niya nakuha ang kaniyang sertipiko mula sa TESDA. Kailan lang din siya nakakuha ng trabaho na bahagyang malaki ang sahod. Bago nito, kung ano-anong trabaho ang nakuha niya kagaya ng pagiging voice talent niya sa iba’t ibang babala. “Mali naman kasi ang tanong mo, ‘heart,” paglalambing ni Lia sa kaniya habang inihahanda niya ang brewed na kape. Naramdaman niyang maluwag na ang kaniyang mukha. Pero hindi pa rin siya kumikibo. Nakasanayan na niya na kapag mayroon siyang ginagawa, tahimik siya dahil nakatuon ang kaniyang pansin sa ginagawa niya. Kung hindi, mawawala ang kaniyang atensiyon at hindi niya maipapagpatuloy ang gusto niyang gawin. Bahagya niyang itinigil ang pakana niyang pagluluto ng kape. Napansin iyon ni Lia at nagpatuloy ito sa pagsasalita. “Sa katunayan, lahat ng nasa iyo o tungkol sa iyo, gusto ko. Ngayon, iyong tinig mo sa LRT, hindi ‘yang mismong tinig mo ang ayoko. Bakit? Sapagkat bahagi mo iyon pero hindi mo lang ipinagmamalaki, ‘di ba?” Hinarap ni Joshua ang kaniyang kasintahan at saka sinabi: “Okey, dinggin mo, ‘heart. Kinumisyon ako para irekord iyon. At gaya ng naririnig mo, hindi ko natural na tinig iyon. May ipinabasa sila. Inirekord. Binayaran ako. ‘Yon.” Hindi na nagsalita pa si Lia. Bagaman nagpatuloy ito sa paglalambing habang ipinagpatuloy naman ni Joshua ang paghanda ng kape. MAYA’T MAYA, humihiging sa isipan ni Joshua ang awiting “Grow Old With You” ni Adam Sandler, at alam niya, nagmumula ito sa kailanman hindi nawawaksing alaala—pangyayari na kung may isang yugto sa buhay niya na gusto niyang palitan, itong panonood nila ng programa na “The Voice Teens” minsan isang gabi habang nasa unang taon siya ng hayskul noong taong 2011. Kasisimula lamang ng pagkanta ng kabataan na contestant, may napansin na ang kapatid niyang si Juliana. “Hala, kamukha ni Papa, o!” sabi nito. Parang may nagkiskisang kawad ng kuryente sa kaibuturan ni Joshua. Nanatili siyang parang hindi niya napansin ang itinuro ng kaniyang kapatid kahit bumubulwak na ang kaniyang dibdib. Tinitigan niya ang kabataan na kumakanta. Tunay, kamukhang-kamukha ito ng kaniyang ama. At kahit sa timbre ng tinig nito, halos ito na rin ang kaniyang ama. Sa pagkakataong iyon, inalala na rin niya ang madalas ding pagkanta-kanta ng kaniyang ama bilang dating bokalista ng isang banda. Dumagundong ang magkakahalong damdamin sa kaniyang dibdib. Mantakin mo, siya na unang anak ng kaniyang ama, hindi niya namana ang husay nitong kumanta, mas kamukha niya ang kaniyang ina, at maliit siya kung ihambing sa pisikal na katawan ng kaniyang ama. At bigla-bigla, narito na ang isang nilalang na nagtataglay sa halos lahat ng katangian ng kaniyang ama. Kung niyaya na lang sana niya noong gabing iyon ang kaniyang mga magulang na kakain na lang sila sa labas, hindi kaya sana nahawan ang landas patungo sa pagkakabuklat ng lihim ng kaniyang ama? Tutal, hindi naman nabiyayaan ng sobrang husay na kakayahan sa pagkanta ang kabataan at umabot lamang ito sa ng paligsahan, posible sana kayang hindi nabigyan ng pagkakataon ang kaniyang ina para mag-imbestiga? Pero sabi nga nila, walang baho na maitatago; aabutin ng tubig ang tunay nitong antas. Nang mabigyan ng pagkakataon ang nasabing contestant na magsalita sa pamamagitan ng pagtatanong-tanong ng mga hurado, binanggit nito na ang pangunahing dahilan nito sa pagsali ay para matulungan ang ina, at para makilala na rin sana ang nawawala nitong ama. At sa pagkakataong iyon, para kay Joshua, para siyang tinamaan ng kidlat nang banggitin ng kabataan ang pangalan ng hinahanap nitong ama: Julio Tabbada. Ang kaniyang ama iyon. MAY bumara sa kaniyang mga tainga. Ganoon ang pakiramdam ni Joshua mula sa pangyayaring iyon. May pandong na sumaklob sa kaniyang paningin. May hindi nakikitang kasuotan na naitalukbong sa kaniya at hindi niya nararamdaman ang anumang maisagi sa kaniya. Isa siyang bahagi ng lupa na untiunting nahiwalay at naging isang isla. Sa mga pag-iisa niya sa kaniyang silid, hindi matapos-tapos ang mga katanungan kung bakit saglit lamang, natanggap ng kaniyang ina at ng kapatid niya na may anak sa ibang babae ang kaniyang ama, bago pa man sila isinilang ng kaniyang kapatid. Hindi niya kayang tanggapin na mula sa pagkilala ng kaniyang ama sa anak nito, kailangang malimitahan na ang mga materyal nilang rekurso dahil mayroon na silang kahati. Higit sa lahat, lalo siyang nakaramdam ng kaliitan dahil unti-unti, higit na nagkakulay sa kaniyang paningin ang marami nilang pagkakaiba ng kaniyang ama, at mas marami ang kaibahan nila ng kapatid niya sa labas. Hindi niya tinangkang ipaliwanag pa kung bakit unti-unting bumulusok ang kaniyang mga grado sa paaralan. Hindi niya isinapuso ang mga payo at galit ng kaniyang mga magulang nang sunod-sunod na ang mga ginagawa niyang hindi nararapat sa paaralan. Para siyang dahon na sunod sa agos sa paglilipat-lipat sa kaniya sa iba’t ibang paaralan. Dahil sa magkaiba nilang pananaw ni Juliana tungkol sa pagkakatuklas ng pagkakaroon ng anak sa labas ang kaniyang ama, unti-unti ring lumawak ang guwang sa pagitan nila. At nang sa tingin niya ay kaya na niyang magsarili, at pagkatapos masuntok na naman ng kaniyang ama dahil sa mainit nilang pagtatalo, ipinasiya niyang maglayas. SUNOD-SUNOD ang mura ni Joshua at muntik pa niyang masaktan si Juliana nang sinubok siyang pakalmahin. Desisyon ng kaniyang kapatid na puntahan nila ang anak sa labas ng kaniyang ama, si Justine sa Clownz, isang bar kung saan ito nagsisilbing pambungad na singer sa palabas ng sikat na komedyante. Abot-abot ang pagsisisi niya kung bakit hindi niya nagawang sapakin si Justine pagkatapos ang walang-galang nitong pananalita, sa harapan pa naman ng mga barkada at kaibigan nitong naghalakhakan. Paulit-ulit si Justine sa maganit nitong pananalita: “Get the fuck out of here! Get the fuck out of here!” Tumuloy sina Joshua at ang kaniyang kapatid sa rotonda sa Timog at ang busina at ugong ng mga paikot na sasakyan, lalong ginulo ang bumubulwak niyang dibdib. Sinubok niyang paimbabawin ang kaniyang tinig sa kabila ng mga busina at ugong at isinigaw niya sa abot ng makakaya niya: “Gago si papa! Siya ang pinakagagong tao sa mundo!” “Sori, Kuya,” sabi ng kapatid niya na humihikbi. “Akala ko kasi, makabubuti sa inyong dalawa ang paghaharap n’yo…” “Nakita mo naman ang pananalita niya? Ipinamukha niya na dahil kay mama, naging miserable ang buhay nilang mag-ina. Napakakitid ng utak…” Mula sa pangyayaring iyon, hindi na sila nagkita pa ni Justine. LAGAPAKAN ang mga bagay na mahawakan at maibato ni Joshua sa dingding at sahig ng kaniyang tirahan. Mesita, plorera, mug, selpon, laptop… Pagkatapos, wala sa sarili na umupo sa bilog na foam sa masikip na sala. Hungkag ang kaniyang paningin na nakatuon sa makulimlim na kalawakan na kisame. Sa tantiya niya, kung umuwi man si Lia sa bahay nila sa Gilmore, Quezon City, nakarating na ito roon. Hindi niya inasahan ang inamin ng kaniyang kasintahan. Buntis ito na posibleng nakuha nito sa lalaking saglit na nakarelasyon nitong huli nilang paghihiwalay ng tatlong buwan. Humingi ito sa kaniya ng tawad saka sinabing hiwalay na ito sa lalaki bago ito bumalik sa kaniya, at imposible nang magkakabalikan pa ang mga ito dahil nagtungo na ang lalaki sa Amerika para pakasalan ang nito. Hindi na niya naintindihan ang iba pang mga sinabi ni Lia. Para siyang itinayong monumento na hindi na nagsalita pa. Nang makaalis ang babae, pinagbabato niya ang anumang mapulot. “PAKINGGAN mo naman sana kami, anak,” sabi ng ina ni Joshua habang naghahain ito ng kanilang hapunan. “Siya, pakinggan mo sana ako, kung ‘di mo pa rin kayang pakinggan ang iyong ama.” Nanatiling nakaupo si Joshua. Malayo ang kaniyang tingin. “Nakakahiya sa mga magulang ni Lia, anak…” “Bakit ba, ‘Ma?” sabi niya pagkatapos ng ilang sandali. “Nalaman ko sa kapatid mo,” sabi ng kaniyang ina, “na nagsasama na kayo ni Lia.” Naalala niya ang minsang pagbisita ng kaniyang kapatid, inabutan nito roon si Lia. Ilang araw naman ito bago niya nalaman na buntis si Lia. “Isipin mo sana, anak, na ipinagkatiwala sa atin si Lia. Bukod dito, siya ang laging nasa tabi mo…” “Naghiwalay na kami, ‘Ma,” kaswal niyang sinabi. “E, oo nga, alam namin na lagi kayong naghihiwalay, tapos magkakabalikan…” Hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kaniyang luha. Ipit ang paglabas ng iyak na pinipigil niyang makawala. ANG LAGASLAS ng simoy na humahaplos-haplos sa dahon ng naga at sa kandungan ng bakuran ng sementeryo, sa pakiramdam ni Joshua, maligamgam na tela na idinampi sa kaniyang dibdib. Nitong huli nilang pag-uusap ng kaniyang ina, inulit na naman nito kung ano ang gusto niyang mangyari sa kaniyang buhay. At sa hindi malamang dahilan, naitanong niya sa kaniyang ina ang isang bagay na noon pa sana niya tinuklas. Hindi niya alam kung bakit naitanong niya iyon. Pero sa pinakamalalim na bahagi ng kaniyang pagkatao, may tinig, may sigaw. At namutawi sa kaniyang mga labi ang mga salita: Sino ang tunay kong ama? Pagkatapos ng mahaba-habang salaysay ng kaniyang ina, itinuro nito ang sementeryong ito. Dito sa La Loma Cemetery posibleng nakalibing ang lalaki na minsan naging bahagi ng kaniyang buhay. Isang lalaki mula sa malayong pook ng bansa, sa kabila ng mga karagatan. Isang lalaking nakipagsapalaran na pinagkaitan ng kapalaran, at hindi nakapag-iwan ng tanda sa mundo maliban sa kaniya—kung sakali mang ganoon nga. Pakiramdam ni Joshua, nalibot na niya lahat ng mga puntod. Natitigan na niya lahat ng mga lapida. Wala ang pangalan na binanggit ng kaniyang ina. Hindi na nga niya maalala ngayon ang pangalan na iyon. Parang bagay na sinulat sa tubig, ngayon, wala na siyang palatandaan kung ano ang nakasulat. Bawat lapida na tinititigan niya, nararamdaman niya ang unti-unting pagkakatuklap ng bigat sa kaniyang dibdib. At unti-unti ring bumabalik sa kaniyang alaala ang mga sandali na si Julio Tabbada pa lamang ang itinuturing at kinikilala niyang ama. Bumuntonghininga siya at nagtungo sa entrada ng sementeryo. MALINAW sa kaniyang pandinig ang tinig ng pari. Tinatanong nito kung sino ang ama ng anak ni Lia na bibinyagan sa umagang iyon. “Ako po,” sabi niya habang naglalakad siya patungo sa harapan. Lumingon sa kaniya ang mga bisita na halos karamihan sa mga ito, kaibigan nila ni Lia. Naguluhan ang pari. Nagtaka si Lia. “Stepfather?” “A, oo. Stepfather… father… walang ipinag-iba,” sabi ni Joshua. “Kami ni Lia ang magulang ng bata.”

Images:

© PressReader. All rights reserved.