Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

Ihuhudyat Ng Mga Bituin (7)

NOBELA

Armando T. Javier

MAY nangyari isang araw. Nagtatatalak si Ma’m Meme sa kabilang puwesto. Nang magkaalaman kung bakit, nabisto pala ang relasyon ng pamangkin nito at ni Tems. Highblood ang matandang dalagang may-ari ng stall. Ilang araw na hindi nila nakita si Tems sa shopping center. “Kundi ba naman s’ya timang,” sabi ni Matet, “’andami-dami namang papatusin, pamangkin pa ng amo n’yang tinalo n’ya.” Nakatingin sa kanya si Matet nang sabihin iyon. Dedma siya. Sa isip niya: Buti nga sa ‘yo! Hindi pa rin nila nakita si Tems sa shopping center nang sumunod na linggo; masyado sigurong napahiya ang mama. Talampakin ba naman ng may-ari sa mismong stall, sa harap ng maraming tao at mga tindera. Ang huling balita, pinalayas na ito ni Ma’m Meme. Doon, bahagyang nakaramdam ng awa si Dory kay Tems. Si Kukay, ayon sa tsismis, ay pinauwi ni Ma’m Meme sa Bulacan. Inihabilin daw sa isang kamag-anak; ipinagbiling huwag pababayaang lumuwas ng Metro Manila. “Baka ‘pag nakaluwas dito ‘yan, e, um’wi na lang d’yan nang buntis!” sabi pa raw ni Ma’m Meme. Nakaramdam ba siya ng tuwa? Ewan niya. Sa likod ng isip ni Dory, hindi pa rin niya makalimutan ang gabing iyon na nahuli niyang nasa loob ng L-300 van sina Tems at Kukay at tila nag-isang ulo. “Hindi mo ba s’ya nami-miss?” si Matet. “Sino?” “’Yung die hard mong manliligaw.” “Si Tems?” “Sino pa?” “P’wede ba?” “Mag-boyfriend ka na kasi. Si Nenit, e, me dyowa na. Meron na rin naman ako.” Nakangiti ito. “Ikaw na lang ang nagpagiiwanan...” “Hindi naman ako nagmamadali. ‘Tsaka, hindi ako lumuwas ng Metro Manila para maghanap ng dyowa, ‘no?” “Ikaw rin...” “Bahala ka nga!” Umingos siya. Iyon ay sabi lang naman niya. Sa sarili, siyempre’y naiinggit din siya. Samantala’y heto si Arnold. Hindi nga kagandahang lalaki, payat, pero sa tingin niya’y tapat namang umiibig sa kanya. Kaprobinsiya at kakilala niya ang pamilya. Edukado naman. Ano pa ba ang hahanapin niya? “Wala pa rin ba, Dory?” tanong nito nang minsang dumalaw sa kanya. “Anong wala pa rin ba?” “Ito naman, nakakainis!” Gusto niyang matawa. “Ba’t ba masyado kang naiinip?” “Sayang kasi’ng pinagsamahan natin.” “Kung sa wala pa ‘kong maramdaman para sa ‘yo?” “Ows? Talaga bang wala?” Pinamulahan siya ng mukha. “Bahala ka nga!” Sa isang banda, naaawa rin naman siya kay Arnold. Matagal na rin nga naman itong nanliligaw sa kanya. Nag-elementarya at nag-high school sila, siya pa rin ang gusto. Saan siya makakatagpo ng gayong lalaki sa Metro Manila? Sa Laguna, malimit ngang magpagkamalan na sila na ni Arnold. Minsan, naitanong sa kanya ng nanay niya. “Nanliligaw ba sa ‘yo si Arnold?” “Hindi ho, ‘Nay.” “Hindi? E, laging bubuntot-buntot sa ‘yo...?” “Barkada ko lang si Arnold, ‘Nay.” “Ipinaaalala ko lang sa ‘yo, Dory, na bawas-bawasan mo ‘yang pakikibarkada sa mga lalaki. Alam mo naman ang tsismis dito sa ‘tin...” “Oho.” Sinabi niya iyon kay Arnold. Nasa high school sila noon. Nalungkot ito, siyempre pa. “’Di hindi na pala kita p’wedeng sabayan pauwi?” “Bakit naman?” “Kung sitahin ako ng nanay mo?” “Hindi naman gano’n si Nanay.” “Kung ikaw na lang kaya’ng pumunta sa bahay namin?” “Ano ka?” Kalaunan, napagkasunduan nila na sa school na lang sila magsasabay. Ng paggawa ng assignments halimbawa (sa library sila) o kaya’y pagre-review sa exam (sa canteen o kaya’y sa upuang bato sa campus). Kaso, may nakapagbalita rin sa nanay ni Dory. Siyempre, nasita na naman siya. Doon, nangatwiran na siya. “’Nay, talagang magkaibigan lang kami ni Arnold. Kung hindi ho kayo magtitiwala sa ‘kin, e, sino pa’ng magtitiwala sa ‘kin?” Tumalab sa nanay niya. “O, sige, p’wede mo na uling papuntahin dito si Arnold. Kaya lang, ‘wag na kayong magpapagabi ng k’wentuhan d’yan sa bakuran natin.” Sa isang panig ng bakuran nila sa Laguna ay may isang mahabang bangkong kawayan na malimit nga nilang upuan ni Arnold kapag umuuwi sila galing sa eskuwela. Ginagabi nga sila roon sa pagkukuwentuhan. “Oho.” At masaya na naman sila ni Arnold. Patpatin nga ang katawan ni Arnold. Mas tamang ikumpara kay Woody Allen kaysa kay Arnold Schwarzenegger pero hindi naman ito lampa. Palibhasa’y katulong ng ama sa pagsasaka, banat ang katawan nito sa trabaho. Minsan, tatlong istambay ang nagtangkang bumastos sa kanya habang pauwi sila mula sa eskuwela. Sinipulan siya. Nilampasan nila ni Arnold. Kaso, hindi pa yata nasiyahan ang isa, sinundan siya. Iniangat ng hawak na patpat ang laylayan ng kanyang palda. Doon, hindi na nagpaawat si Arnold; nasuntok nito ang tinedyer at bumagsak na nagdurugo ang ilong. Sa gulat ng dalawang kasama, niyakag nang umuwi ang tinedyer na nasuntok ni Arnold. Kinabukasan, ipinatawag ng chairman ng barangay si Arnold. Nagreklamo raw ang mga magulang ng tinedyer na nasuntok nito. Siyempre, hiningan din siya ng paliwanag. Hiyang-hiya ang mga magulang ng tinedyer na nasuntok ni Arnold nang malamang kasalanan pala talaga ng anak nila ang nangyari. Humingi ng paumanhin sa kanya at kay Arnold. Maging ang mga magulang ni Dory, nagpasalamat kay Arnold. Ito ang tinutukoy ni Arnold nang banggitin ang tungkol sa pinagsamahan nila. Pero hindi pa rin naging madali sa kanya ang pagpapasya. Isang araw, nilihim siya ni Nenit. “Bakit?” “Nagyayayang mag-disco si Kiko.” “Sasama ka ba?” Alumpihit si Nenit. “Baka kasi hindi ako payagan ni Ate...” “Ba’t naman hindi ka papayagan e magdi-disco lang naman kayo?” “Alam mo naman ang ate, masyado akong pinoprotektahan no’n.” “E, ba’t mo sinasabi sa ‘kin ‘yan?” “Samahan mo ‘ko.” Natawa siya. “Ano naman ang gagawin ko ro’n? Maiinggit lang ako sa inyo.” “Sige na, Dory. Baka nga hindi ako payagan ‘pag hindi ka kasama.” “Sa’n ba kasi kayo magdi-disco?” “D’yan daw sa Malate.” “Baka naman magmuk’ang tanga ako do’n? Wala akong kapartner.” “Isama natin si Arnold.” “Sumama naman kaya ‘yon?” “’Pag alam n’yang kasama ka, t’yak sasama ‘yon!” KARAY nila si Arnold. Pero taliwas sa naunang planong pagdi-disco sa Malate, napagkasunduan na lamang nilang magvideoke. “Baka kasi gabihin tayo sa disco, e, ako naman ang mapagalitan,” sabi ni Nenit kay Kiko. Wala namang angal si Kiko. “At s’yempre,” sabi ni Dory, “damay din ako. Baka isipin pa ng ate mo na kinukunsinti ko kayo!” “At-tsu-tsu-tsu!” tudyo ni Nenit, sabay tingin kay Arnold na napangiti lamang. Hindi nila kailangang lumayo. Kabi-kabila naman ang videoke bars ngayon. Ang pinili nila, isang disenteng bar sa Evangelista St. Abot-abutan sila sa mikropono. Kumanta si Kiko. Kumanta rin si Nenit at siya. Maya-maya, sa pambubuyo ni Nenit, iniabot nila ang mikropono kay Arnold. “Hindi ako marunong,” tanggi agad nito. “E, sino ba’ng marunong sa ‘tin?” korus nilang tatlo. Pinagpawisan ang noo ni Arnold. “Sige na,” malambing na pakiusap ni Dory.” I-dedicate mo sa ‘kin.” Siniko siya ni Nenit. “Uyyy...!” Napilitang mamili ng kanta si Arnold. Ang napili nito, isang revival: I Honestly Love You. “Uyyy...” muling tudyo ni Nenit kay Dory. “How can I tell you... That I love you...?” Mandi’y memoryado ito ni Arnold, pikit-matang kinanta nito. Halata ang pagiging sintunado sa kinig ng boses na halatang ninenerbiyos din. Kinanta nito nang may puso. Para sa kanya. Na-touch naman siya. Nang matapos, palakpakan silang tatlo. Kinamayan pa ni Kiko si Arnold. “Galing mo, ‘tol!” Ngumiti lang si Arnold. Binalingan siya. “Okey ba, Dory?” “Oo.” “Para sa ‘yo talaga ‘yon...” Muli, ang panunudyo ni Nenit. “Uyyy...!” Muli, ang paniniko niya sa kanyang pinsan. “Sagutin mo na kasi si Arnold,” harap-harapang sabi ni Nenit. Sinegundahan ni Kiko. “Oo nga. Para ‘pag magde-date, foursome tayo. Boto naman kami ni Nenit kay Arnold.” Nakamata lamang sa kanila si Arnold. Naghihintay. “O-Oo nga naman, Dory, s-sagutin mo na ‘ko...” Lalong pinamulahan ng mukha si Dory. “Ano ba ‘yan, harap-harapan na ‘yan, a!” Kahit nang ang lahat ng indikasyon at pangyayari ay nagtutulak na sagutin na niya si Arnold nang gabing iyon, hindi niya ginawa. May gusto pa siyang tiyakin. (ITUTULOY)

Images:

© PressReader. All rights reserved.