Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

BENILDA

NOBELA

ITO IYONG DULO, iyon ang naisip ni Benilda sa paglubog ng araw ng araw na iyon. O ito pa lang ang simula ng lahat, naisip din niya agad. Gaano katagal na silang naglalakbay? Ilanpung kabanata na ang nagdaan subalit wala pa ring kahit anong balita mula kay Bepuda na may naghahanap man lang sa kanya sa Matandang Tugatog. Sinabi sa kanya ni Dimang, ng Punong Tagasinop, na may gaganap ng papel niya sa pag-alis niya. May haharap sa mga diwatang may gustong idulog sa Lupon ng Matandang Nuno, kaya huwag siyang mag-alala. Kaya hindi iyon ang inaalala niya. Ni hindi ang pagpapatawag sa kanya ni Galang para sabayan lang ito a pagkain at matuklasan ngang wala siya’t hindi mahagilap. Ang nasa isip niya ay sina Salakaw at Lakapati. Kung nakabalik na ba si Pat sa Tahilan. Kung makikita ba ni Salakaw ang hinahanap nito. Kung anong iisipin ng mga ito sa biglaang pag-alis niya. Hindi iilang beses niyang inisip kung dapat bang ipinaalam niya kahit kay Salakaw lang na kinakailangan nga niyang umalis. Pipigilan ba siya ni Salakaw kung sakali? Papipigil ba siya rito kung sakali? Madalas, pakiramdam ni Benilda, nagpapatianod na lang siya sa iba. Kahit itong pag-alis niya, inakala niya noong una na isang anyo ito ng paghihimagsik. Na bunga nga ito ng pagnanasa niyang makawala sa siklo ng pagkabathaluman na hindi niya pinili para sa sarili. Na totoong mahalaga sa kanya ang mga ipinaglalaban ng Samahan na hindi naman pala talaga niya kilala. At kilala lang niya sang-ayon sa pagpapakilala rito ni Isidro sa kanya. Paano naging sapat ang lahat ng iyon sa kanya? Noong isang gabi, naglalaro sa isip niya ang posibilidad na magpasyang bumalik. Humingi ng tawad kay Galang, sabihing nahibang siya ng kung anong bagay na hindi niya nauunawaan. Hindi ba’t gayon naman talaga ang ganap na pagkahibang—walang totoong pag-unawa sa ugat at anyo nito mismo? O baka nga ni hindi niya kailangang humingi ng tawad, ni hindi niya kailangang amining may pagkakamali siyang ginawa laban dito, o na may inintensiyon siyang labag sa kaniyang pagiging bathaluman. Baka kailangan lang talaga niyang taluntunin muli ang mga daan pabalik sa Matandang Tugatog, at ipagpatuloy ang pang-araw-araw na buhay niya nitong mga nagdaang taon. Pero kung gagawin niya iyon, anong gagawin sa kanya ng Samahan? Pipigilan ba siya ni Libay? Papaslangin ba siya ng mga ito—o aasa sa kanyang pananahimik? Kapag ipinagkanulo niya si Dimang sa kapatid nito, papaniwalaan ba siya ni Galang? Pero hindi rin maisip ni Benilda na ipagkanulo ang Punong Tagasinop. Para saan? At siyempre, si Isidro. Napakadaling bumalik kung alam niyang kasama niya si Isidro. Pero hindi nga. Napakalayong samahan siya ni Isidro. Iiwan ni Isidro ang lahat para sa Samahan. Nadama na iyon ni Benilda noon pa man. Kaya nga hindi malayong iyon ang totoong dahilan kaya siya unang pumasok sa Samahan. Kung hindi maiiwan ni Isidro iyon, siya ang sasama roon. Pero iyon pa rin ba ang dahilan niya hanggang ngayon? Kahit matapos niyang mabasa ang mga nabasa niya mula sa mga libro na ipinabasa sa kanya ni Dimang sa pamamagitan ni Isidro noon? Hindi sigurado si Benilda. Pakiramdam niya, nagpapatianod pa rin siya sa lahat ng ito. Pero may isang bagay na hindi niya maitatanggi sa sarili niya. Na kung totoo mang may Bathala pa nga sa Kalibutan, at naririto iyon sa Tahilan, at na iyon ang dahilan kung bakit siya nilapitan ng Samahan, hindi niya siyempre palalampasin ang pagkakataon na makaharap ang Bathalang iyon. At nadarama nga niyang heto na iyon. Ito na ang dulo, naisip niya bago siya pumikit nang gabing iyon. Nagising siya sa paglapat ng mga pangkahig ni Bepuda sa kaliwang braso niya. Nagulat siya, hindi siya hinawakan kahit kailan ni Bepuda. Mas siya ang humahaplos dito noong bata siya. “Bepuda?” Madilim pa rin sa labas. Pakiramdam ni Bepuda, napakalalim ng pagkahimbing niya na ni hindi niya maalala kung anong huli niyang iniisip bago siya nakatulog. “Iniwan tayo ni Libay,” sabi lang ni Bepuda, sa boses pa rin ni Benilda noong walong taong gulang siya at natanggap nga ang daligmata matapos ang pag-angat niya. “Ha?” Hindi agad naproseso ni Benilda ang ibig sabihin ng daligmata niya. “Anong iniwan?” “Sinadya niyang umalis,” sabi ni Bepuda. “Sinubok kong tingnan kung saan siya pupunta pero naglaho siya sa dilim.” Parang nag-uulat lamang si Bepuda ng isang katotohanang tinatanggap ng lahat o hindi na pinag-aaksayahan pa ng panahon upang tutulan. Walang babala. Parang sinasabi lang niyang Nigo ang nag-iisang pulo sa buong Kalibutan at naliligid ito ng Dagat Panaw. Walang damdamin. Walang pagtataka. Dahil ba walang nakataya sa kanya? Dahil ba hindi babaguhin ng alinman sa mga ito ang buhay na mayroon siya? Ano ba talagang buhay mayroon ang mga daligmata? Sa bisa ng mga aklat na nabasa niya, nauuna ang tinig ng iba sa gustong sabihin ni Benilda sa sarili niya. Ang mga iyon ang humuhubog ngayon sa himig niya at naninimbang sa pagitan ng kailangan niyang gawin at ng gusto niyang gawin. Ng maaari at ng baka maaari. Sa isang banda, gusto niyang maging karaniwang diwata lang na namumuhay kasama ang mga magulang niya, na magkausap silang mag-ina na tulad ng dati. Sa kabilang banda, gusto niyang manatiling Bathaluman sa ngalan ng pagpapatuloy ng buhay ng mga diwata sa Tahilan. Subalit sa isa pang banda, gusto niyang maging mahalagang kasapi ng Samahan at baguhin ang Kasaysayan. Nakaramdam ng bahagyang pagkaasiwa si Benilda sa kapangahasan ng gayong pag-iisip. Baguhin talaga ang Kasaysayan? Baka narito nga siya sa ganitong sandali ng mga pag-aalinlangan dahil nga sa panaka-nakang pagpasok ng gayong delusyon na mababago niya ang Kasaysayan. O may ikaapat na kanto ba itong mga pagpapasya niya? Mabuhay kasama si Isidro nang malayo sa Samahan? Mahikayat niya ito sa kung anong gayuma upang iwan nito ang mga pinaniniwalaan? Hangal ka, Benilda. Isa kang humihingang kontradiksiyon. Hindi ka tulad ng karaniwang diwata pero ngayo’y nagtatangka kang kumatawan sa karanasan nila. Nabubuhay sa kalibutan-na-walarito subalit nakabaon din nang matindi sa mundong ito. Paminsanminsan, iniisip ni Benilda kung babasahin din ba ng iba ang buhay sa hinaharap dahil wala na ang buhay na iyon. At anong buhay ang mababasa nila pagdating ng panahong iyon? “Anong gagawin natin?” si Bepuda, ibinabalik si Benilda sa kasalukuyan. Sa kadiliman at alinsangan ng gabi. Hindi ako pababayaan ni Isidro rito, iyon ang naisip ni Benilda. May dahilan kung bakit umalis si Libay. Akala niya ay nagkakaunawaan na sila ni Libay. Nakakapag-usap na sila kahit paano nitong mga nagdaang kabanata. Ni hindi niya naisip na basta ito aalis nang walang paalam. “May ginawa ka bang hindi mo dapat ginawa?” si Bepuda. Nabigla si Benilda sa tanong. Saan humuhugot ng ganitong kapangahasan ang daligmata niya? “Bakit mo naitanong iyan?” Biglang hindi nagsalita si Bepuda kaya kinailangang ulitin ni Benilda ang tanong. Saka lang nagsalita si Bepuda. “Hindi ko rin alam kung bakit ko itinanong iyon.” Napabuntong-hininga na lang si Benilda. “Alam mo ba kung nasaan tayo ngayon?” Umikot ang mga mata ni Bepuda, parang hinahalukay ang lahat ng mapa ng kaalaman at kaalaman ng mapa sa loob niya. Pagkatapos, saka nito binitiwan ang sagot na hindi inaasahan ni Benilda. “Wala tayo sa anumang lokasyong nasa mapa ng Tahilan.” “Ha?” Gulat na tanong ni Benilda. “Anong ibig mong sabihin?” Imposibleng lumabas sila sa Tahilan. Hindi sila basta makakalabas sa Dakilang Sanggalang at hindi papunta sa alinman sa dalawang lagusan ang direksiyon ng paglalakbay nila na mas patimog. “Nasa labas tayo ng Tahilan?” Umikot ulit ang mga mata ni Bepuda at saka nagsalita pagtigil niyon. “Wala tayo sa anumang lokasyong nasa mapa ng Tahilan, loob at labas man ng Tahilan.” Noon na hinawi ni Benilda ang kurtina ng kariton para silipin ang labas. Nakatigil ang anuwang sa hindi niya mapangalanang lugar. Walang anumang puno sa paligid. Wala sila sa sementadong daan. Tumingala siya. May mga bituin naman sa itaas. “Teka, lalabas ako.” Hindi nagsalita si Bepuda, hinayaan lang nitong makalabas si Benilda. Paglabas na paglabas ni Benilda sa kariton, may tumawag sa kanya mula sa likuran. Sa tinig ng mga sinaunang tauhan sa mga

Images:

© PressReader. All rights reserved.