Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

Makatiplas Pansamantala

MAIKLING KWENTO

Rene Boy Abiva

“KUT-KU-TA-UK! Kut-kut-kua-uk! Kut-kutkuta-uk!” Umalingawngaw nang sabay-sabay ang mga manok na panabong sa likod ng kural na pagmamay-ari ng isang bundat na court sheriff na higit na kilala hindi dahil sa husay sa kanyang trabaho sa korte kundi dahil sa husay nito sa sugal na tong-its. Ganap nang alas-kuwatro ng madaling araw, at gising at gutom na si Freddie. Nag-aalburuto na kasi ang kaniyang sikmura’t mga laman sa tiyan, galit na galit na ang mga ito at tipong aabot ang lahat sa paghihimagsik laban sa isang sistemang mapanupil at represibo. Bitin na bitin kasi ang kaniyang kinain kagabi na sa labis na kasalata’y ni hindi na nagawang umabot sa kaibuturan ng kanyang tiyan. Ang nakuha lamang niyang rancho ay isang baso ng kanin, na hindi pa mahusay ang pagkakalinis sapagkat nandudumilat ang mga tuyong ipa at bato na nakahalo, at isang takal mula sa isang maliit na sandok ng pinakulong kalabasa, walang asin at lalong walang pampalasang nilagay gaya ng betsin. Tila masusuka siya sa gutom. Nagbabanta kasing bumulwak ang asido mula sa kaibuturan ng kaniyang sikmura at kung mangyayari ito’y maihahalintulad ang kanyang bunganga sa isang bulkang sumabog. Siya’y gutom na gutom na nga at kailangan na niyang kainin ang kahit ano sa loob ng kural. “Nakakainis naman itong buhay na ito, o. Buti pa ang mga inaalagaang baboy sa mga babuyan, sagana sa pagkain,” bulong niya sa sarili. Tulog pa ang lahat ng mga oras na ito. Nasa ikalawang palapag ng tarima ang puwesto ni Freddie. Dahan-dahan siyang bumangon, dahan-dahan na wari’y kumokumandong gerilya sa gitna ng kagubatan, walang ingay ni kaluskos na maririnig. Ang paa niya’y sadyang kamang-mangha sapagkat para itong paa ng isang mabangis na pusa maging ang kanyang katawan, nakikiisa ito sa hangin at ni walang hibla ng tunog ang nalikha nito sa bawat paghakbang niya pasulong. Animo’y kaisa nga niya ang hangin sa mga pagkakataong ito. Nang makalapat nang ganap ang kaniyang paa sa sahig na yari sa sementong nilagyan ng pampula at alaga sa at lampaso, tiningnan niyang mabuti ang kaniyang daraanan. Nakabalandra sa kanyang harapan ang animo’y nakakamadang sako ng palay sa kamalig. Siksikan nga sa Kural Kwatro. Karamihan sa mga aripue’y sa sahig natutulog. Buti sa kanya sapagkat matagal-tagal na rin ang kanyang inilagi sa kural. Mag-iisang taon na siya sa susunod na buwan. Kaya naman nang lumaya si Melchor, isang kapwa aripuen na nakulong dahil sa pambubugbog sa isang pulis, agad na ipinamana sa kanya ang tarima kung saan nahiga ang dati ng higit pitong taon at siyam na buwan. Tradisyon sa loob ng kural na kung bagong salta ka’y sa sahig ka muna matutulog. ‘Ika nga sa poster na nakadikit sa ibabaw ng higaan ng kanyang Mayor, FIRST COME, FIRST SERVE OR ELSE YOU WILL PAY 1,000 MONTHLY. Masaklap ay kung sadyang punuan na’y sa tabi ng palikuran, ibabaw o ilalim ng mesa natutulog ang iba. Habang ang iba namang may sariling duyan ay maaaring lumambitin sa tagpi-tagping rehas na animoy mga gagambang nag-aabang ng insektong dadapo sa kanyang gawang patibong na yari sa sapot. Ang mga iba namang nauna’y pilit pinagkakasya ang kanilang hirap na katawan sa iisang banig. Kadalasan, ang isang single size na banig ay tinutulugan ng tatlong aripuen. Ganito ang sistema ng paghihintay sa loob ng kural. Sa bahagi niya, sa pagkakataong ito’y kailangan niyang magingat. Kailangan ay pulido’t makinis ang kanyang gagawing hakbang upang sa gayo’y walang magambala ni anumang nilalang sa paligid lalo na ang mga aripueng abala sa pakikipag-uyayi sa kani-kanilang panaginip. Maya’t maya’y tinungo ni Freddie ang lamesa. Iniangat niya ang mga nakatakip na pinggan sa mga maliliit na platito. Naghahanap siya kung may tira-tira pang pagkain ang mga kapwa aripuen. Ngunit sa kasamaang palad, wala siyang natagpuan. Malinis ito na animoy dinilaan-sinimot ng kalabaw. Makintab at madulas, wala ni patak o bula ng sebo o kanin na tumigas ang naiwan. Hindi nawalan ng pag-asa si Freddie na desperado nang makahanap ng kung anong puwedeng ipakain sa sarili. Nilapitan niya ang thermos at inalog-alog, tiniyak kung ito’y kaya pang lumikha ng tunog. Bahagi ito ng pag-alam kung mayroon itong lamang mainit na tubig. Hindi naman siya nabigo at sa pagkakataong ito’y napangiti siya. Dagli niyang kinuha ang kaniyang basong dating lagayan ng cup noodles. May tatak pa itong “Nissin” at sa bandang gitna’y “Seafood-Spicy Flavor”. Tuwang-tuwa si Freddie habang maingat niyang isinasalin ang mainit na tubig sa kaniyang pinakamamahal na baso. Naubos na lahat ang laman ng thermos subalit halos kalahati lang ang inabot sa kanyang baso. “Ayos na ito,” wika ni Freddie na galak na galak sa pangyayari. Kaya na kasing ibsan ng likidong ito ang daing o protesta ng kanyang sikmura. Dahil wala nang mapagpipilian, inabot ng kaniyang nanginginig sa gutom na kamay ang mga boteng lagayan ng kape at asukal na puno ng kagalakan. “Sa wakas, maiibsan na rin ang gutom ko,” bulong niya muli sa sarili. Binuksan niya ng dahan-dahan ang takip ng isang bote na ang laman ay kape. Nang matagumpay niyang nabuksan ang bote, nang walang nagigising sa kanyang mga kapwa aripuen, nanlumo siya sa kaniyang nakita. Walang laman ang boteng lagayan ng kape, wala ni butil o abo ang natira. Agad niyang binuksan ang isa pang bote ngunit wala ding lamang asukal. “Susmaryusep namang buhay ito. Bitin na nga ang pagkain, nabitin pa ang ranchong kape sa loob,” padabog niyang pagsambit. Hindi napigilan ni Freddie ang kanyang sarili at nausal ito nang malakas. Agad namang nahimasmasan ang kanyang mga kasama dulot ng ingay na nalikha ng kanyang pagdabog. May mga biglang napabangon dahil sa akala nila’y batuta ito ng Cossack na tumunog matapos ihampas sa mga bakal na bumabalot sa kanila. Mistula silang naalimpungatang mga paslit na naging abala sa pagkamot at pagtanggal sa mga natuyong muta sa gilagid ng kanilang hirap dumilat na mga mata. Habang pauntiunti nilang inunat ang kanilang katawan upang ang kasukasuhan, kalamnan, at ugat ay magising mula sa ilang oras na pagkakahimlay. Walang nagawa si Freddie kundi inumin na lamang ang mainit na tubig sa kaniyang baso. Maya maya’y hinihipan niya ito, inisip na lamang niya sigurong isa itong mainit at malinamnam na kape. Maaaring kapeng barako na mula Kalinga o hindi naman kaya’y great taste with granules na mula Maynila na masarap sapagkat malinamnam simutin ang aroma nito ayon na rin sa mga anunsiyo sa telebisyon at patunay ni Daniel Padilla. Habang nakaupo’y kanyang binuksan ang radyo at agad naman itong tumugon, kinanta ng kakarag-karag na makinang tagahatid ng aliw sa pamamagitan ng musika nitong taglay ang popular na kanta ni George Baker na pinamagatang I’ve Been A Way Too Long. Walang pag-aatubili nitong ibinigay ang lahat hanggang sa tangayin ng mga nota nito’t harmonya si Freddie sa kalawakan ng uniberso. Binagtas nila ang mga hindi nakikitang hangganan at batas ng kalikasan, mistulang tinubuan siya ng pakpak at pinangahasan niyang abutin ang templo ng mga hindi nakikita’t kinatatakutang mga Diyos, hanggang sa ito’y basagin ng isang makapal at nakakatakot na ingay. Tumunog ang sirena nang malakas, hudyat na ng bilangan, bibilangin muli ang mga nasa kural, at muling ipapamahagi ang kasumpa-sumpang rancho sa ibabaw ng buong santinakpan.

Images:

© PressReader. All rights reserved.