Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

KRISTAL

BAGONG MANUNULAT

Ni CHRISTOPHER IGLESIAS DIONIDO

“DAN, ano ba ‘yon?” Isang napakagandang tinig. Mahina, malumanay, may halong kaba. Sumabay sa aliwalas ng hangin ang tinig na iyon ni Maricris habang kami’y nasa restaurant sa ikaapat na palapag ng isang kilalang hotel sa Ortigas. Medyo hindi akma sa kagaya naming nagji-jeep lang habang ang karamihan ng naroon ay may magagarang sasakyan. Totoong pinaghandaan ko ang pagkakataon na iyon. Hawak-hawak ko ang malalambot niyang mga kamay- unang pagkakataon na hinawakan ko ito ng ganoon katagal. Hindi maipaliwanag ang ligaya at kabang nararamdaman ko sa mga sandaling iyon na parehong nagdulot ng bahagyang panginginig ng aking mga tuhod. Naging bantulot sa pagsasalita na parang umuurong ang dila. Hindi magawang tumingin nang tuwid sa kanyang mga mata. Ang tinig na iyon ng pagtatanong- “Dan, ano ba ‘yon?” ay parang nagpahina sa lakas ng loob. Kahit alam ko sa sarili ko na may nararamdaman din siya para sa akin, hindi pa rin umubra ang hiram na tapang mula sa kalahating baso ng alak. Sa madaling sabi, natorpe ako. Kung bakit? Siguro dahil sa sobrang ganda niya. Halatang pinaghandaan niya rin ang gabing iyon. At masyado kong pinayabong ang pagmamahal na matagal kong itinago kaya madalas may takot ako. Takot akong mabigo lalo na kung sa kanya. Masaya na ako na madalas kasama ko siya at parang hindi ko kakayanin kung malaman ko na hanggang kaibigan lang ang turing niya sa akin. Si Maricris. Paano nga ba nag-umpisa ang lahat? Bata pa lang ay kakilala ko na si Maricris. Magkasama sa isang relihiyon ang aming mga magulang. Isang beses isang linggo kapag dumalaw ang tatay niya sa amin, na si Ka Fred, tuwing magsasagawa ng pananalangin at madalas ay kasama siya. Nag-iisa siyang anak kaya sabik siyang palagi na makalaro kami ng nag-iisa kong kapatid na babae. Noong una, simpleng kakilala at kalaro lang. Naging kaibigan, at kalaunan ay parang kapatid na rin ang turing ko sa kanya. Parehong paaralan ang aming pinasukan mula elementarya hanggang high school. Mas matanda ako sa kanya ng halos isa’t kalahating taon kaya isang baitang ang pagitan namin. Noong nasa high school na kami ay madalas sabay na kami sa pagpasok at paguwi dahil isang subdivision lang ang tinitirhan namin. Idinadaan ko muna siya sa kanila tapos diretso na ako ng uwi. Aaminin ko, noon pa lamang ay humahanga na ako sa kanya. Konserbatibong babae si Maricris, simple at malumanay sa pananalita. Ganoon siya pinalaki ng kanyang mga magulang. Nabansagan ko tuloy siyang “Kristal” dahil sabi ko para siyang babasaging napakarupok, at bagay din na karugtong ng huling pantig ng kanyang pangalan. Ngumingiti lang siya tuwing tinatawag ko siya ng ganoon pero sa loob-loob ko, isa kang ‘kristal’ para sa akin at kailangang pakaingatan. Aktibo rin siya sa mga gawain sa aming simbahan. Habang ako- mabarkada at may konting kapilyuhan. Isang ‘tipikal’ na kabataan. Pero pagdating kay Maricris, taas ang kamay at pilit nagiging matino kapag kaharap ko siya. Bagay na minsan ay pinagtatawanan niya sakin. Wala naman akong maitatago sa kanya dahil sabay kaming lumaki sa iisang lugar, kilala niya rin lahat ng mga kabarkada ko, alam niya mga istilo at pag-uugali ko. Sadyang nagbabago lang yata kapag nagsisimula ka nang makaramdam. Aaminin ko, noon pa lang ay nagkakagusto na ako sa kanya. Hanggang sa tumuntong kami ng kolehiyo ay hindi ko siya niligawan. Magkasama ulit kami matapos ang pangungulit ko sa kanya na pumasok sa kaparehong unibersidad na pinasukan ko. Nagkaroon na ako ng kasintahan ng mga panahong iyon habang siya ay nanatiling ‘single’. Maganda siya pero may pagkasuplada. At may pagkakataong ginigipit ko ang mga manliligaw niya, bantay-sarado, ‘ika nga. Sa kalaunan, ito ang naging dahilan ng paghihiwalay namin ng kasintahan ko. Ayos lang, sa totoo lang mas masaya akong kasama si Maricris. Sobrang naging malapit kami sa isa’t isa. Kung minsan nga ay napagkakamalan kami ng mga kakilala namin sa unibersidad na ‘kami’ na. Natural masaya ako. Mas madalas ko pa kasi siyang kasama ng mga panahong iyon kaysa sa mga kaibigan at kabarkada ko. Marami kaming magkaparehong mga interes- gaya ng hilig namin sa musika, literatura at mga dokumentaryo. Kahit mahirap, pilit kong pinipigilan ang tunay kong nararamdaman para sa kanya. “Bakit ‘di ka pa magtapat, ‘Tol?” Iyan ang madalas na tanong at kantyaw sa akin ng mga katropa ko kahit ng kapatid kong babae. Ngiti lang ang sinasagot ko sa kanila. Sobra ang respeto ko kay Maricris at alam kong ganoon din siya sa akin. Ayaw ko ring sirain ang tiwalang ibinigay sa akin ng kanyang mga magulang. Sabay kaming nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa dami ng units na nalaktawan ko. ‘Di kalaunan ay nakahanap na rin kami ng trabaho. Pinili kong hangga’t maaari ay mapalapit sa lugar na kanyang pinagtatrabahuhan. Sa mga panahong ito, alam kong mahal na mahal ko na si Maricris. Subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan, pilit ko pa ring itinatago ito sa kanya kahit sa madalas na pagkakataon ay halatang-halata na. May mga sandali na magkasama kami pero parang sinusukluban ng katahimikan. Nalilito na rin siguro siya minsan subalit nahihiyang magtanong. Ewan ko ba, para talagang naging masaya na ako sa ganitong gawi namin. Ka-text ko siya sa gabi, susunduin ko siya sa trabaho pag-uwi. Gaya ng dati, bantay-sarado. Dumating ang mga oras na hindi ko na kayang pigilan pa ang aking nadarama. Inaya ko siyang kumain sa labas sa isang magarang restaurant upang pormal na ipahayag ang tunay kong nararamdaman. “Dan, ano ba ‘yon?” habang hawak ko ang kanyang mga kamay. Nanunuyo man ang lalamunan dahil sa kaba, hindi ko na sinayang pa ang pinakahihintay na pagkakataon. “Kris, mahal kita. Mahal na mahal.” Ilang sandali ang lumipas na walang imik. Hawak ko pa rin ang kanyang mga kamay. Ramdan naming parehas ang kaba ng bawat isa. Tumingin siya sa mga mata ko, maluha-luha. “Dan, mahal na mahal din kita…” pabulong. Subalit sapat na upang saglit na huminto ang oras bunga ng hindi pagkapaniwala sa biglaang pag-apaw ng kaligayahang hindi ko pa naramdaman noon. Ganito pala ang tunay na pag-ibig! Iyon na ang simula ng aming maliligayang mga araw bilang magkasintahan. Lumipas ang humigit-kumulang apat na taon, isang linggo bago ang nakatakdang araw ng aming pinakaaantabayanang pagiisang dibdib. Simple lang ang planong kasal, at halos handa na ang lahat- mga kasuotan, dekorasyon, dako kung saan isasagawa ang handaan- inaayos namin kung ano pa man ang kulang. Ilang gabi na kaming kulang sa tulog bunga ng kaabalahan at pananabik. Abala maging ang aming mga magulang at ilang mga kaibigan at kamag-anak. Puyat man at pagod subalit lahat ay masaya. Hindi na namin mahintay pa ang mga sandaling sabay kaming manunumpa sa harap ng Diyos bilang mag-asawa. Nakapagpundar na rin kami ng hinuhulugang bahay kung saan kami tutuloy pagkatapos ng kasal. Sa mga masasayang araw na iyon walang puwang ang kalungkutan. Subalit hindi ko lubos akalain na ang lahat ng iyon ay maglalaho lamang na parang bula dahil sa isang masamang pangyayaring bunga ng kapangahasan at kawalang-ingat. Nagising ako sa isang malakas na sigaw at pagtangis ng isang babae. Si Maricris na pala iyon. Hubad akong nakahiga sa kama na manipis na kumot lang ang nakabalabal. Sa kanan ko ay isang hubad na babae na mahimbing sa pagkakatulog. Hindi ko maalala lahat kung ano ang mga nangyari ng gabing iyon kung saan nagkayayaan ang mga kaibigan kong magsagawa ng stag party. Nalasing ako nang husto at nawala sa sarili, hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari. Labis na nasaktan si Maricris. Kinamuhian niya ako ng lalong higit kaninuman. Itinakwil ako ng kanyang mga magulang at kamag-anak. Tuluyan nila akong inusig at sinisi. Nagdulot ang mga pangyayaring ito ng trauma at matinding karamdaman sa Nanay niya na sa huli ay naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Maging ang aking mga magulang at mga mahal sa buhay ay lubos na nalungkot at nasaktan, subalit sa kalaunan ay pilit na lang nila akong inunawa. Napoot ako sa aking mga kaibigan na kasama ko ng gabing iyon, subalit mas lalo akong napoot sa aking sarili. Ang pagmamahalang nabuo sa loob ng mahabang panahon, ang mga pangarap na abot-kamay na, lahat ng iyon ay gumuho sa isang iglap. Sa kabila ng bagbag na pusong pagsisisi at walang tigil na pagsusumamo’t pagmamakaawa, hindi na ako pinakinggan pa ni Maricris. Nawalan na ng puwang sa kanyang puso ang pagpapatawad. Ang isang ubod-rupok na kristal, parang hindi na kailan pa man mabubuo matapos ang marahas na pagkabasag. Durog at hiwa-hiwalay. Hindi ko matanggap na ang babaeng minahal, iginalang at iningatan ko ng halos higit pa sa aking buhay, ay siya na ngayong taong namumuhi sa akin. Hindi ko natanggap ang mga nangyari sa aking buhay. Nalulong ako sa iba’t ibang bisyo, alak at droga. Natanggal ako sa trabaho. Naging pabigat ako sa aking mga magulang at kapatid. Hindi ako nagawang makita pa o mapatawad ni Maricris. Sinisi ko nang lubos ang sarili ko, nasira ko ang buhay niya, nasira ang buhay ko. Sa tulong na rin ng ilang kaibigan at kakilala ni Itay, nakarating ako sa isang malayong lugar sa probinsiya ng Bohol. Malayo sa lahat ng kakilala at kabihasnan. Nagpakalayo-layo ako upang muling hanapin ang nawawala kong sarili, kalimutan ang nakaraan at harapin ang bukas para sa akin. Pasya ito ni Itay at pumayag na rin ako, bago pa tuluyang masira ang aking buhay sa ilang buwan kong pang-aabuso sa aking isip at katawan. Umasa ako na sana ay makalimutan na si Maricris, magsimula ng panibagong yugto ng buhay, at mapatawad ko na rin ang aking sarili. Iba ang takbo ng buhay dito sa probinsiya. Payak, tahimik, mabagal. Ibang-iba sa buhay na nakasanayan at pinangarap ko. Ngunit sa tingin ko hindi ako kailanman makakawala sa sumbat ng nakaraan kung hindi ako magpapakalayo sa lugar kung saan umikot ang mundo ko at ni Maricris. Dito naging katuwang ako sa pangingisda ng isang kaibigang kumupkop sa akin. Mahirap sa umpisa subalit sa kalaunan ay nakasanayan na rin. Tumulong din ako sa pagtitinda sa kanyang karinderya, at lahat ng gawaing bahay. Dito ko na rin nakilala si Dianne. Isang dalagang muling nagparamdam sa akin ng tunay na pag-ibig. Ang angkin niyang mga katangian ay hindi nalalayo kay Maricris. Maganda, mahinhin, simple. Ikinuwento ko sa kanya ang lahat ng aking mga nakaraan, lalo na ang tungkol kay Maricris, subalit tinanggap niya ako. Minahal niya ako ng higit kaninuman. Tinulungan niya akong makalimot at magbagong-buhay, at muling manumbalik sa paglilingkod sa Diyos. Binigyan niya ako nang maraming dahilan para magsikap at maging positibo sa buhay. Sa unang pagkakataon makalipas ang mahigit tatlong taon ay muli akong bumalik pa-Maynila upang makita ang aking mga magulang at kamag-anak. Tutal matagal-tagal na rin akong nawala at humupa na ang usap-usapan at kahihiyang idinulot ko sa aming lugar. Nagbaka-sakali na rin ako na makita ko si Maricris sa hindi ko tiyak na dahilan. Halos natanggap ko na rin naman na talagang wala na kami. Pero ewan ko ba, parang gusto ko lang makita siya at makausap, magpatawaran. Nagtiwala at pumayag naman si Dianne kahit ramdam ko na meron siyang konting pag-aalinlangan. Sa pagkakataong ito ay pumayag na si Maricris na makipagkita sa akin. Totoo ngang nahihilom ng panahon ang anumang sugat ng kahapon. Halos hindi niya ko makilala dahil sa laki ng initim at pinayat ko sa pagtatrabaho sa dagat. Mabilis lang ang naging pag-uusap namin sa isang restaurant malapit sa kanyang pinagtatrabahuhan. Bagama’t tanggap na niya ang mga nangyari, bakas pa rin sa mukha niya ang sama ng loob. Hindi ko maitatanggi na may konting pagmamahal pa rin ako sa kanya, at malamang ay ganoon din siya para sa akin. Pero hindi na ito nangibabaw. Nagulat ako nang inamin niya sa akin na meron na siyang dalawang taong gulang na anak na lalaki, at ako ang ama! Hindi ko alam na nagbunga pala ang ilang gabing pagsasama namin noon ilang linggo bago ang kasal. Pansamantala akong natigilan at nalito sa mga narinig ko. Hindi ko alam kung ano dapat kong maramdaman. Nalaman ko rin na meron na siyang kasintahan na tanggap at inaalagaan ang anak namin, at nakatakda na silang ikasal sa taong iyon. Ang lahat ng ito ay hindi lingid sa aking mga magulang, kapatid at kamag-anak, subalit pinili nilang hindi na ito ipaalam pa sa akin. Hindi ko na rin nagawang magalit sa kanila dahil alam ko na ng mga panahong iyon ayaw na nilang guluhin pa ang isip ko. Bago ako umalis pabalik ng Bohol, pumayag siyang makita ko ang bata. Napakamusmos pa niya para makaunawa. Nagawa ko siyang yakapin subalit saglit lang at nagtago rin kaagad ng payakap sa likod ni Maricris. Hindi niya ipagdadamot na makita ko ang bata sa tuwing uuwi ako, subalit pakiusap niya na ang makilala nitong ama ay ang kasintahan niya ngayon na malapit na niyang maging asawa. Hindi na rin ako tumanggi pa. Ayoko nang guluhin muli ang buhay na pinili niya. Wala rin akong kakayanan para palagian makita o makasama ang anak namin at para tustusan ang pangangailangan nila. Mabigat ang aking mga paa at nangingilid ang mga luha habang muling humahakbang papalayo sa lugar kung saan ako lumaki, sa buhay na nakasanayan ko, sa mga taong minahal ko. Subalit alam ko, na kailangan kong bumalik sa lugar kung saan nasimulan ko na ang panibagong yugto, kung saan naghihintay ang babaeng nagmamahal sa akin at makakasama ko hanggang sa aking pagtanda. Ikinagulat ni Dianne ang balita tungkol sa anak namin ni Maricris, subalit mas nangibabaw ang pag-ibig niya sa akin. Lubos niya akong inunawa, pinagkatiwalaan at minahal. Sa kasalukuyan ay nabiyayaan na kami ng dalawang anak na parehong nasa elementarya na. Nakahanap kami ng kahit papaano ay matatag na hanapbuhay sa bayan at sa tulong na rin ng aming mga magulang ay nakapagpundar kami ng sarili naming bahay. Minsan sa isang taon ay lumuluwas kami paMaynila. Hindi ko na rin binisita si Maricris at ang anak namin mula nang huli ko silang makita. Ang balita ko ay doon na sila tumira sa bahay ng napangasawa niya pagkatapos ng kasal at sa ngayon ay masayang namumuhay sa ibang bansa kapiling ng kanilang tatlong anak. Sapat na sa akin na sa isang sulok ng kaisipan ko, nalalaman kong kabahagi pa rin ako ng buhay niya sa pamamagitan ng aming anak, kahit hindi man ako ang kinilala nitong ama. A, si Maricris… Isang masaya at masakit na alaala. Hindi kailanman mawawalan ng puwang sa aking puso ang ilang pitak ng nagkabasag-basag na ‘kristal’, na nagkadikit-dikit lamang sa paglipas ng mahabang panahon. At kung saan ay hindi na niloob ng tadhana, na ako ay maging kabahagi pa sa pagkakabuo nito.

Images:

© PressReader. All rights reserved.