Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

Buklat/Mulat

BUKLAT/MULAT

Dr. Eugene Yambot Evasco

ANG 35 Kuwentong Klasiko (Adarna, 2015) na inedit ni Anna Katrina Gutierrez ay isang antolohiya ng mga kuwentong inilimbag ng Adarna House bilang paggunita sa kanilang ika-35 taong anibersaryo. Inilimbag ito bilang “limitadong edisyon” at ayon sa blurb ay “handog ng Adarna House sa lahat ng aming mambabasa sa nakaraang 35 taon.” Bibihira ang mga nabasa kong Aklat Adarna noong ako’y bata pa. Hindi nakarating sa aming tahanan ang kanilang mga naunang nalimbag. Karamihan sa mga nabasa kong aklat sa antolohiyang ito ay noong ako’y nagsisimula nang magsulat ng mga kuwentong pambata. Ilan din sa mga ito ay aking nagamit sa pagtuturo sa unibersidad—mga aklat na kailangang suriin at mga aklat na magiging modelo sa malikhaing pagsusulat at pagguhit. Ngayong panahon ng remote learning dulot ng pandemya, muli kong binalikan ang aklat na ito. Nabasa ko ito mahigit limang taon na ang lumipas. Kailangan ko itong muling basahin bilang paghahanda sa pagtuturo ng kasaysayan ng panitikang pambata para sa aking klase. Mahalaga ang naging gampanin ng Adarna House. Ito ang kauna-unahang matagumpay na palimbagan ng mga aklat pambata sa Pilipinas. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ito sa paglilimbag ng mga de-kalidad na aklat sa abot-kayang halaga. Hindi maikakaila ang halaga ng kanilang inililimbag upang itanghal ang kultura, sining, at wikang Filipino. Mangyari pa, ang mga Aklat Adarna ang nagsilbing modelo sa iba pang palimbagan. Hinikayat nito ang maraming manunulat at ilustrador na paghusayin ang kani-kanilang kakayahan upang ialay sa mga mambabasa. Sa pagbabasa ng antolohiyang ito, nasaksihan ko ang malaking pagbabago sa teknolohiya sa paglilimbag. Sa mga unang aklat ng Adarna, limitado ang mga kulay na ginagamit. Bibihira ang mga pahina na lalampas sa apat na kulay. Sa katunayan, may isang serye ang mga unang Aklat Adarna na nagtatampok lamang ng iisang kulay sa buong aklat tulad ng “Ang Biyoletang Tren,” “Dragong Pula,” “Planetang Asul,” at “Tutubi! Tutubi!” (na nagtatampok ng kulay kahel). Maituturing itong limitasyon sa paglalathala ngunit hindi sa pagkamalikhain sa pagkukuwento. Wala sa antolohiya ang nabasa kong “Digong Dilaw” at “Berde, Gusto ko ng Berde” noong ako’y nasa ikatlong baitang sa mababang paaralan. Isang katangian ng mga unang Aklat Adarna ang pagtatampok sa panitikang-bayan ng Pilipinas, Asya, at Africa. Dapat pansinin ang mga aklat na halaw sa epiko, alamat, mito, at kuwentongbayan na nagsikap ipakilala sa mga batang Filipino ang tradisyong pampanitikan ng bansa. Ilan sa mga namumukod-tanging piyesa ang mga sumusunod: “Ang Pag-ibig ni Mariang Makiling,” “Beberoca,” “Ibalon,” “Indarapatra at Sulayman,” at “Pandaguan.” Ang karamihan sa mga kuwentong ito ay binigyang-buhay ni Albert E. Gamos na kilala sa pagbibigay-galang sa ilustrasyon sa pamamagitan ng masusing pananaliksik. Sa mga nabanggit, karapat-dapat itanghal ang “Beberoca” na muling isinalaysay ni Virgilio S. Almario buhat sa alamat ng Apayao at may mga ilustrasyon ni Jose Tence Ruiz. Ito ang kauna-unahang aklat pambatang Filipino na nagkamit ng internasyonal na pagkilala—Honorable Mention noong 1983 sa Biennial of Illustrations sa Bratislava (na dating bahagi ng Yugoslavia at ngayo’y kabisera ng bansang Slovakia). Ang halina ng aklat na ito ay hindi lamang sa walang-takot na pagsasalaysay ng mararahas na eksena (“Isang salbaheng anito si Beberoca. Mahilig siyang manloko at kumain ng tao.”) kundi sa grapikong estilo ni Ruiz (hindi realistikong representasyon na namamayani sa mga komiks noon) ng kultura sa Cordillera. Makisig, maskulado, at ekspresibo ang mga linya sa pamamagitan ng screen printing. Litaw na litaw ang imahinasyon sa eksenang iniluwa ni Beberoca ang tubig mula sa ilog kaya nalunod ang mga tao. Tatatak sa isip ng mambabasa ang eksenang hinihiwa ni Ewagan ang bituka at tiyan ng salbaheng anito. Mahihiya ang mga kasalukuyang ilustrador sa aklat na ito na gumamit lamang ng mga kulay na itim, asul, at kahel. Sana’y muli itong ilathala ng Adarna bilang isang picture book. Kaugnay nito, nagsaliksik ako online kung may nagbebenta ng kopya ng Beberoca na nailathala noong 1980. Walang kolektor na ipinagbibili ito. Ang nakita ko’y isang website ng digital na aklatang Bibiana sa wikang Slovak. Naglalaman ito ng pabalat ng aklat at tatlong sample spread ng aklat. Kitang-kita sa larawan ang uri ng papel na ginamit—newsprint. Naabutan ko pang may edisyong newsprint at bookpaper ang mga Aklat Adarna. Noong nasa kolehiyo ako, binibili ko ang mga newsprint na aklat para makatipid. Ngayong inaayos ko ang aking aklatan dahil sa mahabang panahon ng lockdown, nagsisisi ako sa pagbili ng mumurahing edisyon. Mabuti na lamang ang itinigil na ng Adarna ang paglalathala sa newsprint dahil sa huli, mas makatitipid ang mga mambabasa kung bibili ng aklat na may matibay at magtatagal na uri ng papel. Higit ding lilitaw ang sining ng ilustrasyon kung ito’y nakalathala sa magandang papel. Ilan pa sa katangi-tangi sa antolohiyang ito ay ang pagsasadokumento ng kasaysayan ng modernong aklat pambata sa bansa. Matatagpuan sa aklat ang kauna-unahang wordless na aklat sa bansa, ang “Huuuups: Nang Lumipad si Langgam” (1980) ni Albert E. Gamos. Narito rin ang mga ebidensiya ng paggamit ng sopistikado at matulaing wika para sa mga picture book. Ilan sa mga unang manunulat ng Adarna ay mga premyadong makatang sina Mike L. Bigornia at Lamberto Antonio. Huwag ding kalilimutan ang mga manunulat na sina Rene O. Villanueva at ang tagapagtatag ng Adarna na si Virgilio S. Almario. Ang kanilang mga kuwento sa antolohiya ay maituturing na klasiko, nagpapamalas ng mataas na kalidad ng pagkakasulat, matulain, at higit sa lahat, pangahas sa pagpili ng paksa at paggamit ng wika. Si Villanueva ay higit na makikilala sa “Nemo, Ang Batang Papel” (1994) na pumapaksa sa mapait na realidad ng mga batang lansangan na pinabayaan ng magulang, ng sistema ng edukasyon at ng lipunan. Ikinagagalak kong ibalita na muli itong inilathala bilang picture book at mabibili sa mga bookstore. Mananatili isa sa mga paborito kong aklat pambata ang “Sundalong Patpat” (1997) ni Almario. Hindi ito retelling o hango sa anumang panitikang-bayan ngunit ang banghay at mga katangian ng kuwento ay nakaugat sa tradisyong pampanitikan ng bansa. Lubos itong mapapahalagahan ng mambabasang nakabasa ng maraming tradisyonal na akda gaya ng mga epikongbayan. Sana’y muli itong ilathala bilang aklat upang maipakilala rin sa mga bata ang mga guhit ni Ferdinand R. Doctolero. Sa pagdaloy ng mga taon, humuhusay ang kalidad ng mga ilustrasyon ng Aklat Adarna. Ilan sa mga ito ay nagwagi ng gantimpala sa PBBY-Alcala Prize gaya ng “Nemo, Ang Batang Papel,” “Nasaan si Kuya Emil?” at “Uuwi na ang Nanay kong si Darna.” Nagiging global din ang mga imahen at hindi na nakukulong sa hangganan ng lokal o pambansa gaya ng mga ilustrasyon sa “Mayroong Akong Alagang Puno” at “Matandang Matabang Pusa.” Sa usapin ng tema, lilitaw ang mga kuwentong nagtataglay ng kultura ng mga bata at mga usapin kaugnay sa modernong bata gaya ng bullying (“Klasmeyt”), puberty (“Nasaan si Kuya Emil?”), child labor (“Nemo, Ang Batang Papel”), mga bata sa bahay-ampunan (“Sandosenang Kuya”), batang may nanay na OFW (“Uuwi na ang Nanay kong si Darna), imahinasyon at pagkamalikhain ng bata (“Mayroon Akong Alagang Puno”), at maging ang payak ngunit praktikal na paksa tulad ng pagtawid (“When I Cross the Street”). Ang aklat na ito ay patikim o sampler sa mayamang produksiyon ng Adarna House sa nakalipas na tatlumpu’t limang taon. Alpabetikal ang ayos ng mga kuwento sa aklat, batay sa mga pamagat. Mas kapakipakinabang sa mga mananaliksik kung nakalahok sa antolohiya ang mga taon ng unang pagkakalathala ng mga aklat. Karapatdapat itong mapabilang sa koleksiyon ng pamilyang Filipino at sinumang may interes sa kasaysayan at pag-unlad ng ating mga aklat pambata.

Images:

© PressReader. All rights reserved.