Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

MGA BULAKLAK NG MAYO

LATHALAIN

NI MARIO D. DALANGIN

ANG buwan ng Mayo ang isa sa pinakamasayang buwan ng taon, kasunod na siguro ng buwan ng Disyembre, ang panahon ng Kapaskuhan. Ito ang panahon ng kasingkaran ng tag-araw, ng bakasyon na walang pakialam ang sinuman sa pagdaraan ng mga sandali, panahon ng mga piyesta, at ng mga bulaklak. Masayang panahon ito, panahon ng kabataan, ng pagliligawan, at panahong masarap balikan ngayong panahon ng pandemya. Ito rin ang mga araw na sumasagisag sa pagmamahal natin sa Inang Birhen Maria, ina ng ating Panginoong Hesus, mga araw kung saan mayroon tayong tinatawag na “Flores de Mayo, o Flores de Maria” bilang pagkilala at pagmamahal natin sa Mahal na Birhen. Maraming ulat na nabanggit tungkol sa kapistahang ito si Maria Dolores Dino, isang magaling na manunulat. Sa magasing “World Mission”, sinabi niyang “noong huling siglo ng “13th century”, nagsimulang ipagdiwang ng mga tao at iaalay ang buwan ng Mayo sa Inang Birhen Maria sa pamamagitan ng mga pista. Ang nasabing mga kapistahan ay sinimulang kilalanin ng simbahang Kristiyano noong panahong iyon. Pagkalipas ng maraming taon, noong taong 1867, ang probinsiyang Bulakan ang unang lugar na nagsimulang magdaos ng Flores de Maria na pinalaganap naman at inilathala ni Mariano Sevilla sa isang pahayagan. Ayon pa rin kay Ms. Dino, ang pinagmulan ng Flores de Mayo ay sa pinagsamang kultura ng Kastila at Mehikano. Pero ang mga Heswita ang sinasabing nagpalaganap nito noong 1700. Ang Mahal na Papa Pius V11 ang nagbigay naman ng paunang basbas sa nasabing pagdiriwang noong 1815 at pagkuwa’y tuluyang ipinagkaloob naman ng Banal na Papa Pius IX ang lubusang “indulehensya” rito noong 1859. Di naglaon, gumawa ng isang “encyclical letter” ang Banal na Papa noon na si Pius V1 para bigyang importansiya at diin ang Flores de Maria na ayon sa kanya’y magbibigay ito ng pagpapala at maraming grasya mula sa Mahal na Birhen Maria. Unti-unting pinalago at pinagbuti ng mga malikhaing Pilipino noon ang nasabing pagdiriwang hanggang sa sumulpot ang tinatawag na Santacruzan. Ginaganap ito sa huling Linggo ng buwan ng Mayo na isang napakalaking selebrasyon ang nangyayari. Mga taong medyo may kaya sa buhay ang namumuno nito na kung tawagi’y “Hermano at Hermana Mayor”. Sila ang sagot sa lahat na gastos ng nasabing pagdiriwang katulad ng mga damit na isusuot ng mga lalaki at babae na pawang nakasuot ng Barong Tagalog at iba pang mga pormal na kasuotan. Bukod dito, sila rin ang bahala sa pagpapakain sa lahat ng mga taong sasama sa prusisyon at sa mga taong pupunta sa kanilang bahay matapos ang nasabing parada. Sagot din nila ang mga karosa, mga bulaklak, mga gayak sa kapilya o “tuklong”, pailaw, mga dekorasyon, arangyas at palamuti sa nayon at iba pa. Isang malaking pista ang okasyong ito sa lugar na pagdadausan ng nasabing Santakrusan at talaga namang malaking gastos ng mga hermano at hermana na sinasabing lubos na pagpapalain ng Diyos at ng Mahal na Birhen dahil sa kanilang mga gawaing ito. Constantino ang tawag sa batang nakapormal ang gayak na siyang nagsisilbing “eskort” sa Reyna Elena na may daladalang Krusipiho. Ang Reyna Elena ay isang magandang babae na pinili para sa okasyon. Ang nasabing prusisyon ay tinatampukan din ng maraming mga kababaihan na may kani-kanyang konsorte na lahat ay nakapormal ang gayak na nasa gitna ng isang kawayang ginawang hugis “arko” na puno ng mga bulaklak. Ang mga babae at lalaking ito ang nagsisilbing kasama at umaagapay sa Reyna Elena. Karaniwang ginagawa ang nasabing prusisyon bago mag-alas siyes ng hapon at nagtatapos ng mga alas nuwebe ng gabi. Umiikot ito sa buong barrio o nayon. Maraming mga ilaw ang nagsisilbing mga bituin na tumatanglaw sa mga naggagandahang dilag at makikisig na mga lalaki na akala mo parada ng isang beauty contest. May kasamang banda ng musiko ang parada. Isang malaking imahen ng Mahal na Birhen ang nasakay naman sa karosa na punong-puno ng mga bulaklak na karaniwang nasa unahan ng parada na siyang sentro ng nasabing prusisyon. May mga matatandang babae rin na kasama sa prusisyon na nagdarasal naman ng rosaryo hanggang sapitin nila ang kapilya o tuklong ng mga nayon. Pagdating sa lugar, isang banal na misa ang magaganap kung saan ang mga tao ay magpapasalamat sa Diyos at sa birheng Maria sa mga biyayang natatanggap ng lahat. Ayon pa rin kay Ms. Dino, nag-ugat ang Santacruzan sa pagkakatagpo ng Banal na Krus ni Reyna Helena noong 321 AD. Ang nasabing Reyna ang ina ng dakilang Constantin, ang unang emperador ng Roma na isa ring Kristiyano at Katoliko. Sa dakilang layunin ng Reyna na matagpuan ang nasabing Krus ng Panginoon, at dahil na rin sa kanyang mga mabuting gawain, ginawa siyang Santa ng Simbahan. Pagkatapos ng maraming taon, dinala ng mga Kastila sa Pilipinas ang debosyon kay Maria na kung tawagi’y Flores de Mayo, o mga bulaklak sa Mayo na kinapapalooban nga ng Santacruzan. Laganap ang kaugaliang ito ng piyesta ng Flores de Mayo sa dakong Katagalugan ng Luzon lalo na sa mga probinsiya ng Batangas, Quezon, Marinduque, at Laguna. Marami ang mga turista kabilang na ang mga banyaga na sadyang umuuwi sa mga lugar na ito sa panahon ng Mayo para manood ng Santacruzan at makipamiyesta na rin. Katakot-takot na handaan at kasayahan ang nagaganap sa mga panahong ito. Ito rin ang mga araw na nagkikita kita ang mga magkakaibigan, magkakamag-anak at mga magsing irog. Kung minsan, sa pistahang ito nagkakaroon na rin ng reunion ang marami. Pero ang mga kasayahang ito ay nabawasan na rin ng nakaraang mga taon bago pa man nagpandemya. Sa hirap ng buhay, ang mga ganitong kasayahan at mga magarbong paggastos ay itinuring na rin ng marami na isang malaking kahibangan at kalokohan. Sa halip na gumastos nang malaki sa mga kasuotan, mga gayak, pagkaing sobra-sobra at iba pa, naisip ng marami na mas marapat na lang gastusin ang pera sa pagtulong sa mga naghihirap at talagang walangwala. Dili kaya nama’y ilaan ang mga pondo sa pag-iisip ng livelihood o pagkakakitaan ng mga tao sa lugar o ilagay na lamang sa proyekto na talagang mapapakinabangan ng lahat. Alam ng mga tao, mauunawaan ng Mahal na Birhen ang hindi paggastos na ito ng malaki. Hindi nagtagal, pagkalipas ng mga taon, ang nasabing kapistahan ay ipinagdiwang na lamang sa isang simpleng pamamaraan pero naroon pa rin ang kabanalan. Inalis ang magarbong prusisyon, ang mga sobrang palamuti at gayak ng nayon, ang mga pormal na kasuotan ng mga babae at kanilang mga konsorte, mga maraming ilaw, kainan, at kung ano-ano pang mga gastos. Sa halip, naging simple ang prusisyon na ang mga tao na kasama sa parada ay nagdarasal na may hawak na mga kandila, wala nang mga dalaga at binata na may magagandang kasuotan. Ang pinakatampok na lamang ay ang imahen ng Mahal na Birhen na nakalagay sa isang simpleng lalagyan na puno pa rin ng bulaklak at mga ilaw. Tuloy pa rin ang pagdarasal ng rosaryo at isang simpleng misa ang magaganap pagkatapos. Konting sandwich na lamang at inumin at mga kendi para sa mga bata ang inihahanda ng nasabing hermano at hermana. “Itong bulaklak na alay, Nang aming pagsintang tunay, Palitan mo O Birheng Mahal, Nang tuwa sa kalangitan.” Tandang-tanda ko pa ang mga linyang ito na siyang awiting kinakanta namin sa Mahal na Birhen noong aming kabataan sa lugar namin kapag Mayo. Kaming mga bata na nasa elementarya pa noon ay magkakatuwang o dalawahan na nakapila patungo sa altar ng Birhen ng aming kapilya o tuklong. Mga labindalawang pares kami na maganda ang pagkasalansan, sunod-sunod patungo sa tinatawag naming “pagsabog” ng bulaklak o pag-aalay sa altar ng birhen. Tahimik kami, walang ingay at nakadaop ang mga palad habang nagdarasal. Pag dumating na ang oras namin sa harap ng imahen, isasabog namin ang mga bulaklak na nasa harapan ng altar na karaniwang mga bulaklak ng sampagita, gumamela, rosal, at yellow bell. Sabay sa pag-aalay ng mga bulaklak, ay luluhod kami o didiyas, ( ) bilang pagmamahal at paggalang sa Birhen. Ang mga kadalagahan naman at kabinataan ay ganoon din ang ginagawa. Nakapila rin sila at maganda ang pagkakahanay patungo sa harap ng altar habang ang dalawang kamay ay magkadaop din at nagdarasal. Pero sa halip na magsabog ng mga bulaklak, mga buoquet ang dala dala nila. Ang mga buoquet na ito’y mga maliliit na sanga ng halaman ng kampupot o mga dulo ng dahon ng palmera na nilagyan ng mga mumunting ribbon sa gitna. Ang nasabing mga bouquet ang siyang iaalay naman nila sa harap ng altar habang sinasaliwan ng mga magagandang kanta tungkol sa Inang Birhen. Ang lahat na mga araw sa buwan ng Mayo’y may kani-kanyang schedule ng mga taong taga-nayon. Maaaring ang araw na ito’y kaarawan ng isang miyembro ng pamilya, o anibersaryo ng kasal, o isang importanteng okasyon sa kanila. May alay ang tawag sa taong nakatoka sa araw na iyon. Siya ang bahalang maghanda ng bulaklak, mga buoquet, mag-ayos at maglinis ng tuklong at makipag-ugnayan sa mga magdarasal at iba pang ayusin sa paghahanda sa altar ng birhen. Kung may pera siya, sa hapon bago sapitin ang gabi ng pag-aalay, may konting meryenda siya sa bahay at magpupuntahan ang mga magsisidalo sa nasabing Flores de Mayo. Sa gabi ng alay, punong-puno ang kapilya o ang tuklong ng mga ilaw. Sa harapan ng altar naroon ang maraming bulaklak at buoquet na iaalay sa Mahal na Birhen. Ang mga bata at mga kabinataan at kadalagahan na magsasabog at mag-aalay ng mga bulaklak at buoquet na ito’y nakaupo na rin sa mga upuang kawayan samantalang ang mga matatandang babaeng magdarasal ay nakapuwesto na rin sa kanilang upuan malapit sa altar. Dalawang oras humigit kumulang ang pagdiriwang, na magtatapos sa pagpapaputok ng mga rebentador at pagsisindi ng mga kuwitis. Sa huling araw ng Mayo, na kung tawagi’y “tapusan”, ang hermano at hermana ang siyang naka-tokang may alay. Isang araw pa bago ang tapusan, may musiko na tumutugtog sa hapon, may mga palarong pambata rin at may amateur singing contest sa gabi. Sa mismong tapusan, may juego de anilyong palaro sa dagat sa umaga na kinatatampukan ng mga mangingisda na sakay sa bangka na habang sumasagwan ay sinusungkit ang mga nakasabit na singsing sa isang kawayang nakatayo sa gitna ng tubig sa dagat. Sa hapon naman nagdaraos nga ng prusisyon at Santakrusan na gaya ng nabanggit ko na. Masarap talagang balikan ang Flores de Mayo noong aking kabataan sa aming lugar. Nasa isipan ko pa rin ang mga tagpong iyon na nakaluhod kami sa harap ng altar para magpakita ng pagmamahal sa Birhen. Ngayon sa panahon ng pandemya, buwan man ng Mayo, o anumang buwan, may mga bulaklak man o wala, tayong mga Pilipino ay nakaluhod pa rin sa Mahal na Birhen at nagdarasal. Mahigpit ang ating pagluhod at pagdarasal sa paghingi ng awa sa Diyos na sa tulong ng Birheng Maria, matatapos din ang ating mga hirap.

Images:

© PressReader. All rights reserved.