Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

Dr. Jun Icban: Gentle Giant

LATHALAIN

Nestor Cuartero

SABI niya sa akin minsang nagkasalubong kami sa hallway ng opisina: ‘’Alam mo ba, editor na rin ako ng Liwayway!’’ Natawa ako. At sumilay mula sa kanya ang ngiti ng isang taal na ka-Pampangan. Higante siyang maituturing sa larangan ng pamamahayag sa media. Ngunit di katulad ng mga higante sa mga alamat at kuwentong-bayan, ang isang ito ay mapino, a gentle one. Subukin mong basahing muli at mababanaag mo ang salitang gentle man. Mabanayad mangusap at may angking katahimikang panloob, si Dr. Crispulo ‘’Jun’’ M. Icban ay isang klase ng editor na ayaw mong iwasan. Bunga na rin ito ng kanyang welcoming aura sa kabila ng kanyang balbas-saradong presensiya. Si Mang Jun ay malikhaing kumbinasyon ng pormal ngunit palakaibigan, seryoso ngunit palabiro, mapuwersa ngunit madaling lapitan. Sayang nga lamang at sa tinagal-tagal ng aming pagsasama, hindi ko siya nautangan. Kay rami, lahat sila ay nagsasabing mabait siya, full of character. Naintindihan niya ang payak na pamumuhay ng mga mamamahayag. Nasa puso niya ang mga ito. Si Mang Jun ay malayong ihambing sa mga editor noong unang panahon na lubhang kinatatakutan ng mga reporter. Sila iyong mga tipo ng editor na lubhang iiwasan mong makasalubong man lang sa hallway o magbasa ng iyong kopya. Sila iyong mga tipo ng editor na naririnig lang namin sa bali-balita noong mid-1970s kung kailan mga uhugin sa diyaryo. Ang mga editor daw noon ay nakakatakot, sobrang mahigpit, para silang mga terorista sa newsroom. Laging may handang pasabog. Sa isip ng iba, animoý may iwinawagayway silang mahaba, matulis na bamboo stick na handang humampas sa iyo sa kahit munting pagkakamali. Nariyang sigawan ka nila, pahiyain, halos hambalusin dahil lamang sa nawawalang comma o quotation. O sanhi ng iyong balita. Nangyayari ang lahat ng dramang ito sa newsroom. Sa harap ng lahat ng empleyado, kabilang na ang mga janitor at copyboy, na sa kadahilanang ito ay maaaring naupos na ang konting respeto sa iyo. Noong mga panahong iyon, ang mga editor ay mistulang lord ng kanilang kaharian. Ang mga reporter naman, na kung bayaran ay base sa haba ng nalimbag na istorya, ay parang mga tinuruang kalabaw na sadyang lumuluhod sa harap ng simbahan tuwing pista sa Pulilan, Bulacan. May mga turing ang iba sa kanila. Ang isa ay tinaguriang ‘’Judge’’ dahil na rin sa angking gilas nito at bagsik. Isa raw ito sa pinakamabangis na editor na umusbong sa Philippine media noong 1950s. Sa harapan nito, isang higanteng tigre, ang mga reporter na nagkakamali o nagkakasala ay mistulang nanginginig na mga kuting, matataeng-maiihi. Eksena ito tuwing hapon habang okupa ang lahat sa pagsasara ng diyaryo. Bilang isang beteranong journalist na pumasok sa industriya noong mga panahong yaon, dekada 1950s, sigurado akong naranasan at nakita ni Mang Jun ang ganitong uri ng buhay sa loob ng newsroom. Taong 1953 pa lamang, nagco-cover na siya para sa Manila Times. Sigurado akong namalas na niya nang personalan ang mga editor na may ganitong temper at attitude. Sigurado akong lumaki siya at nagkamalay sa ganitong uri ng kapaligiran. Ito rin ang pumanday sa kanyang talino bilang isang reporter, editor, at tagaakda ng editorial. Suwerte ko na lang at ng mga kasamahan ko sa Tempo at Manila Bulletin na hindi itinulay ni Mang Jun ang ganitong uri ng kultura sa newsroom noong panahon na namin. Naging Editor-in-Chief ng pahayagang pareho naming minamahal si Mang Jun noong 2003 bagama’t matagal na siyang nagsilbi dito bilang news editor. Sa pamumuno niya, naroon ang kumbinasyon ng disiplina at compassion, sharing at understanding. Tinawag ko itong bittersweet combo. Parang sweet and sour pork lamang o escabeche. Masarap kahit maasim. Hindi ko namalas sa kanya ang higanteng ego o pride ng isang matayog na boss. Simple siya at mapagpakumbaba as can be, laging handang tumulong, sumagot ng oo kung puwede rin lang naman, bukas ang palad upang magturo, magbigay inspirasyon. Tawagin ang iyong atensiyon dahil sa isang maling report o editorial lapse, maling judgment o pag-handle ng isang istorya. Sa kabila ng lahat ng ito, mahinahon siya at hindi mapanghusga. Kakausapin ka niya nang masinsinan. Cool at gentle, bawas iyong panghihiya at 1950s histerya sa harap ng publiko, ng isang buong opisina, kabilang na ang janitor at copy boy. Kapag tapos na ang maigsing miting ninyo, puwede ka pa niyang tapunan ng isang biro, na karaniwaý seksi o sexist. Mahilig siya rito, hindi po sa sex, ewan ko lang, ngunit sa mga green joke, na masaya niyang ibinabahagi kung hindi siya busy o nagmamadali. Parang ipinahihiwatig niya sa iyong okey lang ang lahat, may mali ka man kanina sa pahina mo, ganoon talaga ang buhay sa diyaryo. “Sanaý matutuhan mo ito.’’ Si Dr. Jun Icban, na pumanaw noong Abril 5 sa gulang na 85, ay isang pambihirang nilalang sa mundo ng mass media. Magna cum laude mula sa University of the Philippines. Masteral studies in Journalism sa Syracuse University sa New York. A journalism icon. Sanaý marami pa ang sumunod sa kanyang mga yapak.

Images:

© PressReader. All rights reserved.