Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

Artsibo…(Mula

LATHALAIN

Edgar Calabia Samar

NOBELANG KOMIKS BLG. 9 SI HAGIBIS SA IBANG DAIGDIG Pamagat: Si Hagibis sa Ibang Daigdig Manunulat: Francisco V. Coching Ilustrador: Francisco V. Coching Petsa ng Unang Labas: 6 Disyembre 1948 Petsa ng Huling Labas: 30 Mayo 1949 Bilang ng Labas: 26 Bilang ng Pahina Bawat Labas: 1, 2 MBUOD INSAN ay nagliwaliw sina Hagibis at Amihan sa tabing-dagat hanggang nagpasya si Hagibis na sumisid sa dagat upang ikuha ng perlas ang asawa. Nang nakita ni Amihan na may pating ay agad siyang sumisid upang mabigyang-babala ang asawa at nakita niyang naipit ng isang kabibe ang isang paa ni Hagibis. [Nawawala ang kopya ng ika-5 hanggang ika-17 labas sa personal kong saliksik.] Sa ika-18 labas, makikita si Kumak na nagsasalaysay kay Hagibis ng pagpapakasal niya sa isang magandang dilag na nagturo sa kaniyang sumuway sa utos ng kaniyang ama. Ginawa naman siyang kapalit ni Amok, ang hari ng mga taong gubat, sapagkat ito umano’y matanda na. Mayroon na siyang dáting asawa kaya’t ipinahuli siya ng amang si Gurak, pinuno ng taong yungib, at bilang suwail ay ipakakain siya kay Gura, ang dambuhalang halimaw, samantalang dinala naman nito ang kaniyang “munting dilag.” Iyon umano ang sitwasyon kaya natagpuan ni Hagibis si Kumak at nailigtas sa yungib. Naghinala si Hagibis na baka si Amihan ang “munting dilag” na pinakasalan ni Kumak. Dumating si Amok at ang mga taong gubat at ipinakilala ni Kumak si Hagibis. Nagplano sila ng paglusob sa lungga ng ama ni Kumak. Nang matuklasan nilang iisa nga si Amihan at ang “munting dilag” ni Kumak matapos nilang matalo ang pangkat ni Gurak, ang dalawang lalaki naman ang naghamok para malaman kung sino ang makaaangkin kay Amihan. Nagupo ni Hagibis si Kumak pero nang papatayin na niya ito ay pinigil siya ni Amihan dahil sa unang asawa ni Kumak. Iginalang na ni Kumak ang pagsasama nina Amihan at Hagibis. Bago umalis ay hiniling ni Hagibis na magkasundo na ang mga taong yungib at taong gubat. Tulad ng nabanggit sa buod, wala akong nasaliksik na kopya ng ika-5 hanggang ika-17 labas ng nobelang ito na nagsisilbing ikalimang aklat din ng seryeng Hagibis. Mahigit sa kalahati ito ng buong aklat. Gayunpaman, makikita sa buod na madaling mahinuha ang mga nawalang labas sang-ayon sa naging direksiyon ng kuwento. Nagsimulang isahang pahina ang bawat labas ng nobela, bago ito naging dalawahang pahina hanggang sa wakas. Sa pakikihamok sa pating sa ilalim ng dagat ay nakita natin sa wakas si Amihan na higit na may pisikal at aktibong pakikihamok dito, sa halip na basta nasa gilid lang ng sagupaan. Kompara sa naunang apat na aklat ng Hagibis, sa aklat ding ito may pinakamalaking papel na ginampanan ang babae. NOBELANG KOMIKS BLG. 10 ANG PAGBABALIK NI HAGIBIS Pamagat: Ang Pagbabalik ni Hagibis Manunulat: Francisco V. Coching Ilustrador: Francisco V. Coching Petsa ng Unang Labas: [di-tiyak] Petsa ng Huling Labas: 6 Hunyo 1949 Bilang ng Labas: [di-tiyak] Bilang ng Pahina Bawat Labas: 2 BUOD PAG-UWI nina Hagibis at Amihan sa kanilang kaharian, dinatnan nilang pinapasabog ito ng kanyon ng mga bapor ng mga Olandes. Nilinlang ni Almirante Cornelius si Gat Sibasib sa pagpapaniwala ritong hindi sila kaaway sa kabila ng kanilang paglusob. Ginamit pa nito ang anak na si Lorraine, nang walang kamalay-malay ang dalaga, upang paibigin ang binata at nang malaman nila kung nasaan ang mga kayamanan. Samantala, hindi nagpapakita si Hagibis sa anak, na ibig niyang sukatin ang kakayahan, at sa mga panauhin nitong Olandes na ibig naman niyang tugaygayan upang máláman ang talagang pakay. Ipinangako naman ni Sibasib ang itim na perlas kay Lorraine kaya’t sinisid niya ito sa pusod ng dagat. Inakala ng lahat na nasawi si Sibasib sa pagsisid, subalit nailigtas ito ng ama na nakakuha pa ng perlas at ibinigay iyon sa anak. Labis namang nagdalamhati si Lorraine sa pagkawala ni Sibasib kaya’t nagdalawang-isip si Cornelius na ituloy ang kanilang binabalak. Subalit hindi sumang-ayon si Kapitan Dongones na binihag ang mag-ama, at saka nilusob at pinagnakawan pa rin ang kaharian. Iniligtas nina Hagibis at Sibasib ang mag-ama ni Lorraine, subalit nabaril ni Dongones si Sibasib bago ito napaslang ni Hagibis. Inoperahan naman ni Cornelius si Sibasib at nailigtas sa kamatayan. Hindi pa tiyak kung hanggang ilang labas umabot ang kabuuan ng nobela. Panibagong mahalagang pagpupuno sa kasaysayan ng mga pananakop sa bansa ang pagsasangkot ni Coching sa mga Olandes dito. Mahalagang pag-isipan ang paglalaro ng buong seryeng Hagibis sa nosyon ng kasaysayan at kagila-gilalas sa pagtawid-tawid nito sa mga espasyo ng dalawa. NOBELANG KOMIKS BLG. 11 LAMÁNG-LUPA Pamagat: Lamáng-Lupa Manunulat: Clodualdo del Mundo Ilustrador: Fred Carrillo Petsa ng Unang Labas: 18 Abril 1949 Petsa ng Huling Labas: 3 Abril 1950 Bilang ng Labas: 53 Bilang ng Pahina Bawat Labas: 2 BUOD NAHULOG sa kailaliman ng lupa si Dario Fuentes at ang kaniyang kasintahang si Lilian Lopez nang lumindol sa Iloilo. Naging Haring Dar sa kaharian ng mga buruka si Dario at naging Reyna Li naman sa kaharian ng mga duwende si Lilian. Nang mahulog sa kaharian ng mga buruka si Lilian, hindi ito nakilala ni Dario dahil sa kagagawan ni Reyna Lama na malaki ang pag-ibig sa binata. Pinarusahan si Lilian subalit iniligtas ito ni No, ang pinakamatapang at pinakamalakas na duwende. Nang magbalik ang alaala ni Dario, natalo nila si Reyna Li, at sumama ang binata kay Lilian sa kaharian ng mga duwende. Subalit dahil sa pangungulila ng dalawa sa daigdig, ipinaliwanag sa kanila ng matandang duwendeng si Nu na marami silang pagdadaanang mga lupain ng mga lamang-lupa. Una nilang iniligtas si Adolfo Linares, ang karibal ni Dario kay Lilian, na hawak ng mga dahak, ang mga lamanglupa na may ahas sa balikat. Kasunod nilang pinuntahan ang lupain ng mga buringkantada: mga lamang-lupa na may mga pangil na naglabas sa mga sulok ng bibig at isang mata sa may balingusan ng ilong. Pinagtaksilan ni Adolfo si Dario at itinakas si Lilian. Naiwan si Dario na pinahirapan ng mga buringkantada na nakatakas lámang dahil sa iniwang agimat ni Lilian mula sa mga duwende. Nakarating siya sa lupain ng mga pugot kung nasaan sina Adolfo at Lilian, kasama si Don Fernando na ama ng dalaga. Handa na sana nilang lisanin ang kaharian ng mga pugot subalit nagahaman si Adolfo na kunin ang setro na hawak ng imaheng sinasamba ng mga pugot na siyang dahilan kaya napasunod niya ang mga ito. Itinakas ni Adolfo si Lilian patungo sa lupain ng mga engkantada, subalit sinundan sila nina Dario at Don Fernando. Nagpanghamok sina Dario at Adolfo hanggang sa masawi ang huli sa pagkahulog sa bangin. Sa kaharian ng mga engkantada nila nakita si Anita, ang nakababatang kapatid ni Lilian. Tinulungan sila ng reyna ng mga engkantada na makabalik sa daigdig kung saan nagpakasal sina Lilian at Dario. ILANG PANSIN Nakalunan ang nobela sa isla ng Panay. Mainam punahin ang mga pagsisikap ng komiks na idesentro ang Maynila sa espasyo ng mga naratibo noon. Hindi tulad ng karaniwang nobelang komiks, nagbabago-bago ang disenyo ng pamagat ng nobela. Mahalaga pa rin ang papel ng relihiyon dito. Naging sandata, halimbawa, ni Lilian laban sa mga buruka ang suot niyang kuwintas na may palawit na krusipiho. Ito rin ang ginamit ni Lilian upang magbalik ang alaala ni Dario. Kahit ang ginintuang prutas na panlaban sa mga dahak ay may bakas na larawan ng Birhen sa gitna kapag biniyak. (ITUTULOY)

Images:

© PressReader. All rights reserved.