Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

Ang Palakaibigang…

LATHALAIN

Bonifacio Glenn G. Rivera, Jr.

Si Muning at ang Rolyo ng Sinulid ISANG araw, may isang kuting na nagngangalang Muning ang naglalaro ng isang rolyo ng sinulid sa kaniyang higaan sa loob ng isang malaking bahay sa Baryo Makuting. Kinakalmot, nginangatngat at pinapalo-palo ng kuting ang kaniyang kinagisnang laruan hanggang sa muntik na itong matanggal sa pagkakarolyo. Si Muning ay kulay kahel na kuting, katulad ng kaniyang ina at amang mala-tigre ang mga balahibo. Siya ay lalaki at bukod-tanging anak. Ilang buwang gulang pa lamang siya, kaya nga halos hindi pa niya alam ang kaniyang mga dapat gawin sa mundong kaniyang ginagalawan. “Masyado kang matapang, a! Lalaban ka pa!” sabi ng kuting sa bungkol ng sinulid. “Mabuti pa kaya ay isabit kita sa bubong at saka hampas-hampasin.” Pagkaraan ng ilang sandali, dumating ang Inang Pusa na si Monang at siya ay naabutan at nakitang naglalaro. Lumapit si Monang sa kanya at sinabi, “Hindi ‘yan kalaban, anak. Ang bagay na ‘yan ay dapat mong pag-ingatan sapagkat magagamit mo ‘yan sa hinaharap. Maaari mo mang paglaruan ‘yan sa ngayon, ngunit huwag na huwag mong sisirain. May mga bagay na dapat nating pahalagahan at ingatan upang magamit pa natin nang matagal lalo na sa hinaharap sa mga panahong kakailanganin natin ang mga ito. Gayundin, may mga nilalang ang Diyos na dapat mong matutunang pakisamahan nang maayos, iwasan upang ikaw ay hindi mapahamak o kaya ay mailigtas nila sa anumang kapahamakan.” “Opo, Inay,” sagot niya sa sinabi ng kaniyang Inay. “Mabuti naman,” tugon ng Inang Pusa. Si Muning at ang Asong si Edu Pagkaraan ng ilang araw, nakakita si Muning ng isang nilalang na bago sa kaniyang paningin nang sinubukan niyang lumabas ng bahay upang magliwaliw. Hindi niya alam ang gagawin nang kahulan siya nito kaya tumakbo siya papasok ng kanilang lungga sa loob ng malaking bahay. “Ano ba ‘yon? Kinabahan ako do’n, a,” humahangos na sabi ng kuting. Sumilip siya sa isang butas ng kanilang dingding at sinipat kung naroon pa ang hayop na iyon na kulay puti. Nang wala na ang kaniyang kaba, lumabas si Muning. “Matagal ka na ba dito? Bago ka sa paningin. May dalawang malalaking katulad mo na madalas dito sa bahay,” sabi ng aso. “Tatay at Nanay ko siguro ang mga ‘yon,” sagot ng kuting. “Madalas ko silang habulin dahil nangunguha sila ng pagkain lalo na ng ulam ko at tira-tira. Pero hindi ako galit sa kanila. Tinuturuan ko lang sila ng leksiyon. Hindi kasi nagpapaalam sa akin at sa mga amo ko. Ako nga pala si Edu,” sambit ng aso na maamo na ang mukha. “Pasensiya ka na po. Mabuti naman at hindi mo ako hinabol,” ayon kay Muning. “Naku, takot ako sa kalmot n’yo. Kita mo ‘to? Ang dami ko nang sugat dahil sa mga kuko ng Tatay mo,” tugon ng aso. “Umalis ka dito!” biglang sigaw ni Inang Pusa sa asong si Edu. “Hindi ako nandito para makipag-away,” sabat ng aso na nagulat sa pagbulahaw ni Monang. “Aalis na ako,” anito. “Anak, huwag na huwag kang makikipag-usap sa asong ‘yon. Kaaway natin ang mga tulad nila. Madalas nila tayong habulin. Halos makagat na kami niyan ng Tatay mo,” payo ng ina ni Muning. “Opo, ‘Nay. Pero mukhang mabait naman po si Edu. Hindi niya naman ako sinaktan,” sabat ng kuting. “Kahit pa anak. Huwag kang magtitiwala sa mga tulad nila. Oo, may mga mababait naman talagang aso riyan, ang iba nga nagiging kaibigan pa ng mga tulad natin. Kaso hindi sa sitwasyon natin at ni Edu. Siya ay alaga ng amo natin at kahati natin sa pagkain. Madalas kapag may nawawala sa amo natin, tayo ang napagbibintangan na kumuha dahil lamang sa mas mahal ng amo natin ang asong ‘yon,” paliwanag ni Inang Pusa. Si Muning at ang Dagang si Mikoy Lumabas si Muning upang magliwaliw ulit. Nakita niyang may daga na naipit sa isang mouse trap. “Tulong! Tulong!” sigaw ng daga. Lumapit si Muning. Nagpaikot-ikot sa patibong. Kinain pala ng daga ang keso na nakasalang sa bagay na iyon, kaya ito naipit at nasugatan. Hindi pa siya nakakita ng ganoong klaseng nilalang. Kaya nagtanong siya. “Sino ka? Anong klaseng hayop ka?” “Ako si Mikoy. Isa akong daga. Huwag kang lalapit sa akin, pakiusap.” “Hindi naman kita sasaktan. Narito ako upang tumulong,” pagtatanggol ni Muning sa sarili. Tinulungan ni Muning si Mikoy na makaalis sa patibong. Nakita ni Inang Pusa ang ginawa ni Muning kaya sinunggaban nito agad ang munting daga. Sa kabutihang-palad, nakatakbo agad nang mabilis si Mikoy at nakapagtago. “Huwag kang makikipag-usap sa hindi mo kilala. Hindi ba sinabi ko na sa iyo na huwag magtitiwala basta-basta kahit kanino?” “Pero, Inay, tinulungan ko lamang po siya. Kawawa naman po kasi.” “Kahit na!” galit na sabi ni Inang Pusa. “Hindi mo ba alam na ang mga katulad nila ay ating masarap na pagkain? Pinalagpas mo pa ang pagkakataon. Sinayang mo ang tiyempo na siya ay walang kalaban-laban habang nasa bingit ng patibong. Hindi mo ba naisip ‘yon, anak?” “Akala ko po kasi na puwede ko siyang maging kaibigan. Patawad po, Inay,” nagsisising tugon ng mumunting kuting. Si Muning at ang Ibong si Yvone Sa muling paglabas ni Muning ng kanilang tirahan ay kaniyang nakita ang isang ibon na nakabulagta sa may damuhan sa labas ng malaking bahay. Inamoy-amoy niya ito at hinawi ang mga damo sa paligid. Mukhang masarap kainin, sa wari niya. Kaya naman agad niya itong dinala sa kanilang lungga. “Huwag! Huwag!” sabi ng ibon nang magkamalay ito. “Mabuto ako, baka matinik ka o kaya’y mabulunan.” “Anong hayop ka ba?” mausisang pagtatanong ni Muning sa ibon. “A-Ako ay isang ibong m-maya,” nanginginig na sagot ng ibon. “May pangalan ka ba?” tanong uli ni Muning. “Ako si Yvone.” “Bakit ka nakabulagta at walang malay kanina? Akala ko patay ka na,” sabi ni Muning. “Nahilo ako dahil may tumama sa ulo ko na isang matigas na bagay. Hindi ko na alam ang sumunod na mga nangyari hanggang sa dalhin mo ako dito. Teka, nasaan ba ako?” bulalas ni Yvone. Saglit pa silang nag-usap hanggang sa nakabawi ng lakas ang ibon. Ilang sandali pa ay lumipad na ito papalabas ng lungga nina Muning. Hindi na sinabi ng kuting sa kaniyang ina ang buong pangyayari dahil alam na niya ang maaaring sabihin nito sa kaniya. Si Muning at ang Ahas na si Swes Lumabas muli si Muning sa damuhan. Nakita niya ang isang mahabang bagay na tila gumagalaw nang pasalisid sa mga damo. Ito pala ay isang ahas! Sinubukang sundan ni Muning ang ahas. Papunta ito sa isang puno, kung saan akmang papaakyat na ito. May pugad pala ng ibon sa nasabing puno. May laman itong tatlong itlog. Sumunod si Muning sa ahas. Umakyat ang huli sa puno at pinasok ang pugad ng ibon. Nakita ito ni Muning kung kaya’t sumigaw siya, “Hoy! Anong ginagawa mo diyan!?” “Wala kang pakialam dito. Umalis ka na at baka ikaw pa ang lingkisin ko,” sabi ng ahas. “Maawa ka sa may-ari ng pugad na ‘yan. Marahil ay mayroon diyang mga mumunting ibon o itlog,” pagsusumamo ni Muning. “Wala kang magagawa kung nagugutom ako. Kaya alis na diyan!” sigaw ng ahas habang akmang papasukin na ang pugad ng ibon. “Tara na lang sa aming bahay, may pagkain kami doon,” anyaya ni Muning sa ahas. “Talaga ba? Hindi kita tatanggihan kung gano’n,” ayon pa sa ahas. “Oo, masarap ‘yon. Si Nanay Monang mismo ang naghanda no’n,” pambobola ng kuting. “Isa kang nakakatuwang kuting. At paano naman ako sasama sa iyo? Matagal na kaming may alitan ng sinasabi mong nanay. At ang tatay mo namang si Monong ay muntik na akong mapatay nang kalmutin at kagatin niya ang buntot ko nong isang araw,” sagot ng ahas. “Hindi ganoon ang nanay at tatay ko! Mababait sila!” pagtatanggol ni Muning. “Mas mabuti pa sigurong ikaw na lamang ang kainin ko ngayon,” pagbabanta ng gutom na ahas. “Huwag po! Maawa kayo sa akin,” pagmamakaawa ng kuting. Agad na tumalon si Muning mula sa puno. Tumakbo siya patungo sa direksiyon ng kanilang bahay. Mabilis ding nakababa ang ahas. Sumunod ito kay Muning. Pumasok agad si Muning sa loob ng kanilang lungga. Wala roon ang nanay at tatay niya. Mabilis niyang isinara ang pinto ng kanilang tahanan, upang hindi makapasok ang ahas. “Narito na ako munting kuting. Alam kong nasa loob ka ng iyong lungga. Lumabas ka na diyan kung ayaw mong sirain ko ang inyong pintuan,” sambit ng ahas na halos sirain na nga ang pintuan ng lungga nina Muning. “Halimaw ka, Swes! Umalis ka dito!” sigaw ni Amang Pusa na agaran namang dumating sa kanilang bahay. “Nagkita uli tayo, Monong. Kumusta kaibigan ko?” pang-aasar ng ahas. “Wala akong kaibigang ahas! Lubayan mo ang anak ko!” tugon ng Amang Pusa. “Hindi mo ba alam na inimbitahan ako dito ng napakabuti mong anak? Mayroon daw kayong masarap na pagkain na inihanda ng kaniyang ina, hindi ba, kuting?” anang ahas na si Swes. “A, e, opo, Itay. Niyaya ko po siya rito para kumain, dahil po balak niyang kainin ang laman ng pugad ng ibon sa itaas ng puno sa labas. Patawad po, Itay…” pagsusumamo ni Muning. “Kitam, siya talaga ang nagkumbida sa akin dito. Sino ba naman ako para tumanggi sa isang munting nilalang,” sambit ng ahas habang halatang natatakam na sa target na pagkain. “Nalinlang mo lang ang anak ko kaya ka niya kinausap. Siya ay musmos pa lamang at wala pang alam kung sino at ano ka talaga!” bulalas ni Monong sa ahas. Sinunggaban ni Monong si Swes. Nagpagulong-gulong sila sa sahig. Nilingkis ng ahas ang Amang Pusa. Agad namang dumating ang dagang si Mikoy. Inakit nito si Swes palabas ng lungga na para bang ginawa nitong pain ang sarili. Agad na nagpumiglas si Monong at nakawala sa pagkakapulupot ng ahas. Salamat at naengganyo ang huli sa patibong ni Mikoy kaya rin ito biglang bumitiw sa tatay ni Muning. “Habulin mo ako, Swes,” pang-aakit ni Mikoy sa ahas. “Talagang hahabulin kita! Higit na mas masarap ka sa kahit anumang bagay sa paligid mumunting daga,” sabi ni Swes na agad na hinabol ang daga. Ang Pagtatagpo Nakorner ni Swes si Mikoy sa may pader ng malaking bahay. “Naku, lagot! Wala na akong mapupuntahan at mapagtataguan!” sigaw ng daga. “Kahabag-habag ka ngayon bub’wit. Tiyak wala ka nang kawala sa aking nagngangalit na mga ngipin at sikmura,” sabi ng mabangis na ahas. Ang hindi alam ng dalawa ay nakita na sila ng iba pang mga hayop sa paligid na matatalas ang pandinig at pang-amoy. Ilang sandali pa ay dumating si Muning habang tangaytangay sa bibig ang kaniyang laruang sinulid. Inihagis niya ang kabuuan ng bagay na iyon paitaas at sinalo naman ito ng ibong si Yvone. Agad na tinuka ni Yvone ang dulo ng sinulid at binitiwan ang bahagi kung saan nakapulupot pa ang kahabaan nito. Sa hindi kalayuan ay nakatingin naman ang asong si Edu at agarang sinalo sa kaniyang bibig ang lalagyan ng sinulid at pumaikot-ikot sa ahas. Sa gulat ng ahas sa ginagawa ni Edu ay wala itong magawa kundi matulala na lamang habang untiunting nanghihina. “Bilis, Edu! Pulawin natin si Swes at nang hindi na siya makagalaw!” bulahaw ni Muning sa aso. “Heto na, malapit na siyang mabalot ng sinulid,” tugon ni Edu. “Aba’t pinagkakaisahan niyo ako mga baliw! Wala nang kawala itong kaibigan ninyong daga sa akin,” pagyayabang ng ahas kahit pa ito ay halatang nahihirapan na dahil sa nakabalot na mga hibla ng sinulid. “Anong kaguluhan ‘to?” tanong ni Monong na gulat na gulat sa namalas na mga pangyayari habang mabilis na rumesponde sa eksena kasama ang nanay ni Muning na si Monang. “Buti nga sa ’yo, Swes! Traydor kang sobra!” hiyaw ni Monang. “Nakahanap ka ngayon ng mga katapat mo. Sa sitwasyon mong ‘yan, tiyak na wala ka nang takas.” Sa labis na kasiyahan naman ay napatalon si Mikoy na ligtas na ngayon sa bingit ng kapahamakan. Natabunan ng tuwa ang mga tagpong iyon na kanina lang ay labis na kakaba-kaba. Sa huli ay nagdiwang ang mga nilalang sa isang parte ng bakuran. Kumuha sila ng ilang mga nakaimbak na pagkain sa kani-kanilang mga lungga, nagpasalamat sa panibagong buhay.

Images:

© PressReader. All rights reserved.