Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

KASAYSAYAN ...

TATAK PILIPINO

aklat na nabasa niya. Hindi niya naunawaan pero naunawaan niya. Paglingon niya, nakita niya sa wakas ang hinahanap niya. May kakaibang takam ang pag-ibig sa salimuot ng isang salaysay: iyong pagkatapos ng unang tikim ay hahanap-hanapin ng panlasa, at kung sakali’y may linamnam na hindi agad-agad pakakawalan at pagsasawaan. Samantala, naroon din ang sustansiya ng anumang kailangan ng katawan, na nagbibigay-halaga sa bawat pagdulog sa hain. Inisa-isa ko nga ang kanilang mga akda nang tila dumadalo sa isang piging: laging may kakabit na damdaming binubuksan at maaantig lamang ng isang pagdiriwang. Hindi na nakapagtataka na isa sa mahahalagang kuwentista ng Kalibutan ay hindi nagsulat ng nobela, at nanalig sa timpi ng salita sa isang maikling katha upang magsalaysay ng patong-patong na realidad na maaaring magsanib-sanib, magsali-salikop sa iisang saglit. Ano pa nga ba ang maaaring asahan sa bahaging iyon ng daigdig na lunan ng kamanghamangha, at binubuhay ng imahinasyong nakikipagtitigan nang malalim sa kababalaghan? Ganito ang makikita sa maikling kuwentong “Maliit ang Daigdig” ng Huklubang Ansisitek na isinilang sa Silangan sa pagsasara ng Dakilang Sanggalang. Sa limitasyon ng anyo, nagawa niyang kumatha ng posibilidad sa nilalaman na nagtatangkang humawak sa mga paksang hindi basta-basta mayayakap: Kamatayan, Walang Hanggan, Pag-alala, Paglimot. Walang salungatan ang mga konsepto-karanasang ito para sa kaniya, imbes ay mukhang nakaharap-nakalingon na tila mga puwersang kailangan ang isatt isa upang hindi tayo makabitiw sa ating mga Sentro, upang manatiling nakatuntong sa sari-sarili nating kinikilalang Uniberso. Isinilang sa pagsasara ng Dakilang Sanggalang sa panahong nagbubukas at nagsasara ng mga rebolusyon, hinubog ang isip ng Huklubang Ansisitek ng bukang-liwayway ng dantaon na haharap sa iba’t ibang digmaan ng pangangailangan ng diwata para sa kaniyang kasarinlan at pagsasarili. May malinaw na ako sa naratibong ito ng Huklubang Ansisitek, itong ako na kumikilala sa magkasabay niyang pagka-nag-iisa na tumitiyak sa pagkakaroon nga ng iba pa, ng marami, ng hindi mabibilang-sa-ngayon, ng milyong mukhang hindi niya mamumukhaang lahat. Sa pragmatikong daigdig kung saan naglalaho na rin ang alaala ng mukha ng kaniyang Laurenaria na inakala niyang hindi mabubura sa kaniyang isip, ano ang maaaring panghawakan? Mga pangalan, mga pang-ngalan: ng diwata, ng nuno, ng daan, ng tula, ng plaza, ng sigarilyo, ng pangyayari–– kasal, diborsiyo, kamatayan––at taon, mga taon na gumagapos sa kanila upang tiyakin ang patuloy na paglayo ng ako na ito mula sa kanila––tao, bagay, taon––samantalang tinititigan ang mga larawan, taon-taon, na nagsasabing naganap ito. At kasabay noon, na: wala na ito. Saan nakalugar ang Tagpuan dito? Ito ang nasa pangayaw ng mga tahanan, tila kubling-malay ng lahat ng mga espasyong ating inookupa at pinananahananan. Ang Huklubang Ansisitek ang aninong nakabitin sa ilalim ng bawat pag-iisip ng mga sumunod sa kaniya, kinikilala man ito o hindi. Ito ang lunan ng pagbibigay-kahulugan, na maaaring magmula at tumungo sa kung saan-saang direksiyon, gaya ng ginawa ng makatang bathla sa sarili niyang tulang “Ang Munting Daigdig” sa loob ng kuwento. Ito ang lokasyon ng katwiran at kawalang-kawawaan, kaya’t may himig na magkasabay na seryoso at nagtatawa, nagpupuri at nang-uuyam. Hindi nga sanlaksang kabanata lamang ang nasa sentro ng Kalibutan kundi itong demonyong tagpuan ng alaala, alaalang tagpuan, na laging sanlaksa at inaambahan lagi ng panganib na mawala, magwala, kumawala. Kuwento ito ng pagbibigay ng pangalan sa mga masang diwata, dahil sa di mabilang na mga pagkakataon, laging masang diwata ang sumasalba sa mga suliranin ng Samahan. Sa pagsusulong ng paghihimagsik, lagi silang kasangkot, sa lahat ng larangan. Sa harap ng matinding korupsiyon ng di iilang tamawp nitong mga nagdaang mga panahon sa mukha ng masa, binubuhay ng katha ang totoong masang diwata sa labas ng Tahilan, sa mga lunan kung saan nagaganap ang “totoong pakikibaka,” kung saan sinusulat ngayon ang Kasaysayan ng Kalibutan” sa pamamagitan ng dalawang tauhang kapwa nagmula sa linya ng mga Bathala’t Bathaluman, mga nagsimula bilang kagila-gilalas subalit namuhay nang karaniwan para sumali sa digmang bayan. Kung sa ibang mga akda ng Huklubang Ansisitek ay napakaindibwal ng tugon sa sistemikong pandarahas, dito nama’y hinaharap ang mga posibilidad at suliranin ng kolektibong pagkilos. Halos bawat kabanata, ipakikilala sa atin ang iba’t ibang diwata, dahil galaw nga sila nang galaw, lakad nang lakad, dahil hindi maaaring manatili. Naipakikita rito ang pluralidad ng mga nakikisangkot—na maraming mukha sa kilusang bayan. Naririto rin ang mobilidad bilang pakikipagugnayan o ang pakikipag-ugnayan bilang mobilidad. Sa pamamagitan ng kaniyang kuwento, makikilala natin ang salimuot ng idealisasyon at kabiguan sa masang diwatang binigyan ng mukha: ang mga pinunong may kani-kaniyang takot din at karuwagan; ang mga ama’t inang naging ama’t ina na rin niya at puntahan sa mga panahon ng iba’t ibang pangangailangan: matutuluyan, mapagtataguan, mapagpapahingahan, makakausap: si Sinamay na taga-Bamban sa dulo ng gubat patagos sa Garay, kahit pa nga pinaghinalaan ang anak niyang si Tayud na espiya; si Inang Anughara at ang apat niyang anak na dalaga sa bayan; si Inang Igaya sa Tabil, nanay ni Ka Tugday (dating Ansagan) na humikayat sa kanya; si Inang Goring, nanay ni Rading at pinapaniwalang bayani sa Tahilan ang anak iyon pala’y limang taon nang patay, at ang Samahan mismo ang pumatay dahil naging ahente umano ito ng kalaban; si Salugi na may dalawang asawa at labing-anim na anak na pawang napaslang minsang sinugod sila ng mga tamawong militar. Nagiging pamilya rin nga ang lahat—iniiwan nila ang pamilya subalit nagkakaroon nga ng mas malawak na extensiyon ng pamilya sa Samahan. Sa Samahan, nangyayaring nagkakasamaan ng loob, may mga pagdududang nabubuo, may mga pinapatay na kasama dahil sa iba’t ibang anyo ng pagtataksil sa ideal na ipinaglalaban (gaya ni Amang Dalumdum na noon pa pala ginagahasa ang kaniyang mga anak na babae, kasama si Sambil), pero doon din nagkakaibigan ang mga kasama, gaya nga nina Luttuag at Pagapagayaya na nauwi sa pag-iisa. Subalit ang lahat ng ito’y nakaraang binabalikan na lamang sa kuwento. May tatlong panahon ang akda, gaya ng madalas na gusto nating kilalanin na pinakamadaling paghahati rito sa panahon na hindi natin mahawakhawakan: ang nakaraan, na panahon nga ng pagsali sa Samahan ng Huklubang Ansisitek; ang kasalukuyan, kung kailan matapos magdesisyon sa dulo ng nakaraan na lalabas na siya ng Samahan natagpuan na naman niya ang mga sarili sa isang pasya na makiisang muli, sa gitna ng mga bangungot; at ang hinaharap, kung saan babalik muli sa kilusan ang Huklubang Ansisitek na iniisip kung tatanggapin pa rin kaya siyang muli roon kahit pilay na ang kanyang paninindigan—samantalang titira naman sa isang malayong lunan si Laurenaria. Isang magbabalik at isang tuluyang lalayo sa pakikibakang minsan nilang pinagsaluhan. Balintuna ngang ang kawalan nila ng mga tiyak na mukha ang nagbibigay ng puwersa upang tanggapin ang kasaysayan ng Kalibutan bilang sumpang dumapo sa Tahilan. Maitatatag ang kuwento sa pamamagitan ng salimbayan ng mga lihim at sanggunian, at matimping pagpapaliban ng mga pangyayari, gaya ng isang karaniwang salaysay, bagaman sa tinig nga na may magkahalong pagpapatawa at pait. At mayroon ding mga katahimikang nagluluwal ng mga kamangha-manghang bahagi ng naratibo, ang mga blangkong pahina ng tagapagsalaysay dahil hindi nga niya nakita ang lahat, hindi niya hawak ang buong kuwento. Subalit ang simula ay hindi ang talagang simula ng kuwento, dahil babanggitin ng tagapagsalaysay ang pagpapaskil niya sa mga forum sa daligmata tungkol sa Samahan (bagaman hindi niya ginagamit ang pangalan ng Samahan) nang matatapos na niyang isulat ang kuwentong hawak natin. At kung paanong bumaha ang salaysay ng kani-kaniyang Samahan ng maraming diwata. At isinusulat niya ngayon ang sarili niyang karanasan sa sumpang iyon sa pag-asang ang pagsusulat na ito ay isang uri ng pangontra, ng gayuma laban sa Samahan, ang dalangin na kailangan nilang bigkasin samantalang nakatuntong ang mga paa sa lupa. Sa baha-bahagi, magbibigay siya ng mismong puna sa proseso ng pagsusulat at sa mga impluwensiya sa rebisyon, gaya ng simpleng pagpapalit ng pangalan ng mga lugar. Maláy ang akda hindi lamang sa pagiging kuwento nito kundi sa mismong pagkaaklat nito, kaya’t tutukuyin ang mga naunang yugto sa mga kasunod na yugto upang pag-isipan ang mismong pagkahilig ng katha na lumayo sa kasaysayan upang makalapit sa katotohanan. Ang maikling buhay ng Huklubang Ansisiket ay pinahahaba ng buhay ng iba na nakasalabid sa buhay niya at sa huli’y pinagiisipan niya kung ang kabiguan ba niya’y bunga ng sakit na naidulot din niya sa loob ng kasaysayang ito. Binuhay siya mismo ng mga isinulat ng iba, ng mga nauna sa kanya. Ang pagsusulat ang kasalo niya sa malulungkot na kabanata kung kailan ang nariyan lang ay ang kaniyang mga laro, libro at salita. Ito lang ang kayang tumapat sa mga pag-ibig niya’t kabiguan, kaya’t isa sa pinakamatindi niyang takot ay ang posibilidad ng isang hinaharap kung saan nakapagsulat siya ng isa lang nobelang bahagya nang napahalagahan. Kaya naman magsusulat siya ng sampu-dalawampung pahina sa bawat araw nang pinanghihinayangan ang lahat ng mga librong hindi niya maisusulat. Pagkatapos noon ay lumisan nga siya’t saka hinarap ang suliranin ng totoong buhay—saan kukuha ng susunod na kakainin, paano ba talaga ganap na magiging maligaya? Gaya ng nangyari sa mga magulang niya na ngayon nga’y kuwento na rin lamang, tauhan, sa isa na namang kuwento, isang katha na rin, katha rin lamang gaya ng mga tauhan sa akdang minahal niya’t hinangaan. Kaya naman, kilalangkilala nito ang kasaysayang katha, ang kasaysayan ng pagbabasa, at babanggitin at ikukumpara sa mga sinasabi’t nangyayari sa Kasaysayan. Sa mga talababa naman makikita ang literal na kasaysayanmula-sa-ibaba, ang iba-pang-naratibo o naratibo-ng-iba kung saan hihimayin ang nakaraan at tauhan ng Kalibutan kaalinsabay ng mga kuwento at nilalang ng iba’t ibang panahon. Narito ang kuwento bilang kasaysayang despamilyarisado. Historikal ang lahat ng mga pinangalanan sa nobelang naging galamay niya, samantalang naniniwala ang Huklubang Ansisiket na nabubuhay tayo sa kuwentong di-nalalayo sa mga kinahuhumalingan niyang pantasya. Malinaw na puna iyon sa uri ng kasaysayan na mayroon ang Kalibutan natin. Isang kasaysayan na tinanggap ng daigdig nating maganap. At ang kuwento, ang katha, ay isang pagtatangkang itama ang mga kasinungalingan at pagtatakip ng kasaysayan sa mga hinayaan nitong mangyari. O pagpuna sa kahit pagtatangkang magtama ng ibang kuwento. Dahil may likas umanong tagisan sa pagitan ng mga manlulupig at manunulat, mula pa kina sa mga aswang, hindi dahil magkataliwas sila kundi dahil nakikilala ng isa ang sarili niyang mukha sa ibang gaya niya. May isang pagkakataon na nabanggit ang Kumpis sa kuwento. Pero malayong-malayo sa sentro ng kamalayan ng akda. Noong nanahimik lamang ang magkapatid na tamawong ng pinagtrabahuhang pagawaan ng Huklubang Ansisiket noong kaniyang kabataan, at dahil doo’y hindi na umano sila makapagsaysay ng mga pangyayari “tungkol sa kanilang kabataan sa Kumpis.” Ganoon lang. Pero hindi ba lahat ng nasa kuwento ay ang nasa kamalayan ng kuwento, minsanan man, o gaano man kasaglit ang pagbanggit? Lalo pa’t napakadaling basahin na kuwento rin ito ng Kumpis. “Ang Gilid ng Sentro.” Kung saan, sa gitna ng pinakamatitinding pagsubok, pananalig pa rin ang huling hantungan. Kung saan ang katatagan ay nasa kakayahang tumawa sa harap ng mga bugbog ng maninikil at dagok ng panahon. Kung saan nagagawang lumaban ng isang lahi hangga’t nariyan siya’t hindi nabubura ng kasaysayan. Kung saan may mga napipilitang lisanin, pansamantala man o hindi, ang kaniyang pamilya para sa kaligtasan. Pero bagaman may mga bagay, diwata, pangyayari ngang mukhang basta nawawala na lamang, wala talagang nakalalayo, lahat ay maisasalba sa alaala, kahit ang hindi nangyari, ang hindi pa nangyayari, at iyon ang katwiran ng mga kuwento, kung bakit patuloy tayong nagkukuwento sa isa’t isa, kung bakit patuloy tayong nakikinig sa kuwento ng isa’t isa, hindi ba? (ITUTULOY)

Images:

© PressReader. All rights reserved.