Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

KUNG KINUHA...

SHOWBIZ

Efren Abueg

HINDI agad “pinatulan” ni Edel ang sinabi sa kaniya ni Amyra tungkol sa relasyon nina Dino at Ming. Baka ibig lamang nito na panghinaan siya ng loob sa hangad niya sa kababata. Sa magtatatlong taon niyang relasyon sa magkapatid, saulado na niya ang “totoo” at “hindi” sa mga sinasabi ng mga ito sa kaniya. Walang ano mang bagay na permanente sa negosyo—iyon ang kaniyang natuklasan. Pinasyalan minsan ni Edel si Architect Planas sa opisina nito nang hapong iyon. May kausap si Amyra sa kalapit na shopping mall at alam niyang ihahatid ito ni Mr. Apolonio. “O, kumusta? Masyado ka yatang busy sa n’yo ni Chito at hindi mo na ako napapasyalan!” ani Architect Planas. “Balita ko…ilang right of way sa Edsa ang naisaayos n’yo nitong nakaraang buwan!” Ibig niyang malaman ni Architect Planas na hindi siya huli sa balita tungkol sa gawain ng dati niyang opisina sa construction company ng yumaong Sobresantos. “Biniro lang kita,” ani Architect Planas. “Alam ko namang mahal mo pa rin ang trabaho mo rito!” “Siyempre naman! Irerekomenda ko ba na bilhin mo ang ilang sukat ng lupa sa may Malolos kung hindi ko alam na daraanan ‘yon ng tren papuntang Clark?” “Nangyari na ‘yon…thank you!” Malutong ang pasasalamat ni Architect Planas. “Ano naman ang maitutulong ko sa ‘yo?” Nagtawa si Edel. Ibig niyang maging kampante si Architect Planas sa pagdalaw niya. Alam niyang sa pamamagitan ni Ming, naipapasa nito sa arkitekto ang mga lupang daraanan ng mga proyekto ng gobyerno. At tulak iyon ng “tulong” ni Dino sa pagbebenta ng lote ng dalaga. “Wala! Tagal lang nating hindi nagkakuwentuhan. Hindi ko na tuloy alam ang mga nangyayari sa mga korporasyong itinayo ni Dino!” “Masaya si Dino hindi dahil sa nagbukas siya ng bagong subdibisyon sa Laguna!” At tumabi si Architect Planas sa sopa na okupado ni Edel. “Masaya? Lagi naman dahil alam niyang malaking kayamanan ang naiwan ng matandang Sobresantos!” Humarap ng upo si Architect Planas kay Edel. “Malapit ka rin naman kay Romina…” Bigla, kinabahan si Edel. Ano ang narinig niya kay Amyra? “Tingin ko, naghahanda ang dalawa! Kababata mo si Romina at huwag mong sabihing hindi mo alam?” Hinuwad ni Edel ang kaniyang ngiti. “Naghahanda?” “Walang sinabi sa iyo si Amyra?” Biglang naitanong ni Architect Planas. Nakangiti pa rin si Edel, ngunit kay Ming na nakatuon ang kaniyang isip. Totoo pala ang sinasabi ni Amyra! “Akala ko, tsismis lang ‘yon! Lagi naman kasing nagmamadali ‘yang si Amyra!” Tumayo si Architect Planas at bumalik sa upuan nito. “Makibalita ka na lamang sa akin kung ano ang ireregalo mo!” Nakangiti pa rin si Edel nang lisanin niya ang opisina ni Architect Planas.” O, sige. Happy ako at nakuha mo ‘yung daraanan ng tren sa may Malolos!” MAY isang linggo nang alumpihit si Edel. Nagbalak na siya mula nang mabalitaan niyang “naghahanda” na sina Dino at Ming. Makailang ulit niyang binalak na abangan ang kababata, maisakay ito sa kaniyang kotse, mapakain sa restawran o maihatid sa tintuluyan nitong dormitoryo. Ngunit hindi niya matiyempuhan ito. Ginagabi sa opisina at ipinahahatid ni Dino sa drayber nito saan man gustong pumunta ni Ming. Ngunit minsang marinig ni Edel kay Amyra na “hindi pumasok” at “maysakit” si Dino, natiyempuhan niyang sasakay sa taksi si Ming. Nasa pasilyo ng parking sa ilalim ng gusali ang kaniyang kotse at may ilang hakbang lamang bago niya iyon marating. “Wala pang sampung hakbang ang layo rito ng kotse ko, Ming.” Sinabayan ni Edel sa paglakad ang kababata. “Mabuti na sigurong malaman mo ang lahat!” Namangha man si Edel, hindi siya nagpahalata kay Ming. Ibinukas niya ang pinto ng kotse niya sa panig nito, saka siya sumakay sa harap ng manibela. “Sa mall tayo?” ani Edel nang makalabas na sa parking ang kotse niya. “Ibig ko naman sa bandang malayo, Edel!” Bandang malayo? Bakit parang nagyayakag ngayon si Ming gayong parang iniiwasan siya nito sa maraming linggong nagdaan? “You want one in a private place?” ani Edel. “May alam ako…at the left side of a mall near Otis!” sabi ni Ming. Alam ni Edel ang restawrang iyon. Minsan na niyang nagamit iyon, kasama ng matandang Sobresantos mahigit nang dalawang taon ang nakalilipas! Dalawang pares lamang ng mga parokyano ang naroon at malayo pa ang mga agwat. Kumuha ng isang sulok si Edel, saka itinanong kay Ming ang mga pagkaing gusto nito. Magaan sa tiyan ang hapunang hiningi ni Ming kay Edel. Parang hindi nagmamadali ang kababata niya. Kahit dumating agad ang kanilang mga pagkain, tamilmil ito at sa ilan nilang napag-usapan, hindi nito ginalaw ang ibang inihain. “Wala siya?” sabi ni Edel para mabuksan niya ang dapat pag-usapan. “Maysakit, ilang araw na. Sa bahay lang…” ani Ming. “Ilang araw lang, papasok na ‘yon!” “Sinabi sa ‘yo ni Amyra?” “Nasabi lang…di ko naman itinanong!” Tumahimik si Ming. “Pero kinabahan ako…parang totoo ang kaniyang ibinalita!” ani Edel. “Totoo naman, maysakit siya. Hindi ko na lang nasabi sa iba.” Ipinagbilin ni Dino kay Ming na ipagkaila ang pagkakasakit nito? “Pero ‘yung paghahanda…alam na ng iba?” Tuwiran na ngayon ang kaniyang pagtatanong. Baka mawalan na siya ng pagkakataong makausap uli si Ming. Parang ayaw siyang kausapin noon ni Ming, kaya nagtaka siya ngayon at sumama ito sa kaniya. “Oo…sa kaniya lang ako nag-commit!” Napayuko si Edel. Tumahimik si Ming. “Noon, may sasabihin sana ako sa iyo!” Hindi siya makasagot. “Malabo pa siya…noon. Hindi ko alam ang kaniyang gusto!” Segunda mano pala siya, naisip ni Edel. Si Dino ang hinihintay nito! “Siya ang may pera, Edel! Kahit alam ko ang gusto mo, paano ako iiwas sa kaniya?” Ibig niyang magalit, ngunit hindi ba’t iyon ang totoo? Tinukso si Ming ng salapi ni Dino! May magagawa ba siya? “Sorry, Edel. Pinadalo kita sa graduation ko. Pinilit kong kausapin ka noong nakaraang mga araw. Pero alam kong walang mangyayari. Sa panahong ayaw kong kausapin ka, wala pa akong desisyon. Nag-iisip pa ako noon. Pero nang mamatay si Tatay…ano pa ba ang magagawa ko? Hinihingi na ni Dino ang commitment ko. Bago siya nagkasakit, saka ko lang isinuko sa kaniya ang aking sarili. Ngayon, maluwag na sa kalooban ko na kausapin ka. I know, you, too would be realistic… tulad ng pagpapatangay mo kay Amyra. You went along with her. Alam niya at alam mo na ang mga lupaing iyon…” May hindi kinain si Ming. May hindi rin naglagos sa kaniyang lalamunan. Iyon ang katotohanan nang gabing iyon. Ang kailangan, tanggapin niya iyon! Kaya sa ilan pang palitan ng mga datos na nagpapatibay sa obligasyon ni Ming kay Dino, nagpasiya na si Edel na tapusin na nila ng kababata ang hapunang iyon. HINDI narinig ni Edel ang pagpapaalam ni Torre, Jr. kay Chito. Subsob ang kaniyang ulo sa kasong dalawang araw na niyang pinagaaralan. Nakalimutan tuloy niyang sulyapan ang kaniyang relo sa braso. “Hindi mo narinig ang itinawag sa iyo ni Torre, Jr. bago siya umalis?” Kailangang ulitin pa ni Chito ang sinabi nito bago niya marinig. “Sorry…medyo napalalim ang basa ko sa dokumentong ito!” Noon lamang niya narinig ang boses ng kasama niya sa . “Seven pm na. Hindi mo narinig ang aking sinabi?” “Ha? May sinabi ka?” Siya ang namangha sa narinig kay Chito. “Isinara ko na ang opisina ko. Maiiwan ka pa?” Sinulyapan ni Edel ang relo sa braso niya. Malapit na nga ang alas siyete ng gabi. “Ako na ang magsasara sa main door!” Ngumiti sa kaniya si Chito, saka inilapat ang pinto ng kaniyang opisina. Yumuko agad siya at binasa ang tatlong huling pahina ng kasong pinag-aaralan niya. Mahabol sana niya ang kapartner sa opisinang iyon, naisip niya kangina. Ngunit hindi niya itinuloy ang pag-aanyaya rito. Una, hindi pa tapos ang pinag-aaralan niyang dokumento na kailangang maipasa niya kay Torre, Jr. kinabukasan. Ikalawa, hindi pa siya desidido na sabihin kay Chito ang kaniyang problema. Ikatlo, “naghahanda” pa lamang sina Ming at Dino at wala pang tiyak na petsang dapat niyang tandaan dahil nagkasakit ang lalaki. Ilang minutong nakaalis na si Chito nang tumunog ang landline na katabi niya. “Nandyan ka pa?” Maikakaila ba ang boses na iyon? “May tinatapos ako…” “I am waiting here, and I lost track of time!” si Amyra. Lagi siyang dumarating, naisip ni Edel maliban kung tinawagan niya si Amyra at sinabihan ito na magbababad pa siya sa opisina nina Chito.” Chito because what you’re doing is urgent?” “Hindi naman. Darating ako d’yan!” Iyon ang sinabi ni Edel ngayon. “Still wala akong ride. Mr. Apolonio said that he is still convalescing until Friday!” Ibig niyang matawa sa gamit ni Amyra ng kolokyal na Ingles, ngunit pinigil niya iyon dahil may bigat na dinadala siya sa kalooban. “Don’t worry… I’ll come and bring you home,” naisagot niya kay Amyra. Sanay na ito sa isinasagot niya kapag liban ang drayber nito. Tinapos ni Edel na pag-aralan ang ilang pahina ng dokumento sa kaniyang harap. Alam niyang wala pang kasong ibibigay si Chito sa kaniya sa ilang araw na darating. Mukhang masaya si Amyra nang dumating siya sa opisina nito. May ikawalo na ng gabi. “Wala na yatang tao sa building dahil tahimik na tahimik na!” nasabi ni Edel. Itinitiklop na ni Amyra ang isang dokumento na binasa nito. “ “Sa parking meron, pero sa natin, deserted. Ikaw na lang yata ang tao!” “I feel secured especially when you are here!” si Amyra. Pakiramdam ni Edel, malapit na malapit ang kalooban ni Amyra sa kaniya. Ipinasok nito sa ang dokumento na tinapos nitong pag-aralan. “May problema lang ako ngayon!” sabi ni Amyra at niyakag siyang maupo sa sopa. Tumingin siya sa babae. Nagtatanong ang mga mata niya. “Retired na si Mr. Apolonio…he called me up just now!” Nahihiya na si Mr. Apolonio kay Amyra dahil matanda na ito. Pinayuhan niya noon ang matanda na magdesisyon at saka magrekomenda ng papalit dito. “No problem,” sabi ni Edel. “Maraming mairerekomenda si Mr. Apolonio.” “Do I know those people?” ani Amyra. “You will, but it takes time. Ilang taong pinagkatiwalaan ng matanda si Mr. Apolonio?” “But in the meantime?” Nakatitig kay Edel si Amyra at naintindihan agad niya ang ibig sabihin nito. “Ikaw, di ba?” Nakatutok pa rin ang tingin nito sa kaniya. Hindi sumagot si Edel. Pansamantala ang sinasabi ni Amyra at hindi naman siya tutol sa hindi pa nito nasasabing proposal. “In the meantime,…” ulit niya. “Of course, ikaw naman… habang wala pang inirerekomenda si Dino!” At nagtawa si Amyra. Ngunit sinundan agad nito ang sinabi. “And I have to prepare dinner for both of us at the condo and we will have to clean up all we will have utilized for the night?” “Or I invite you to have dinner with me at one of the favorite restaurants of the old man?” “Talaga?” Naging higit na maliwanag ang mukha ni Amyra. Nahihilo ba siya sa sinasabi ni Amyra? O may dumidiin sa kaniyang isip at hindi niya iyon maitatakwil kailanman? “Saan ‘yon, Edel?” Nakatitig sa kaniya si Amyra at mukha pa rin ni Ming ang kaniyang nakikita. “Sumama ka na lang sa akin, Amyra!” Malikmata ba sa kanilang dalawa ni Amyra ang gabing iyon? O para sa kaniya dahil kay Ming? Ngunit alam niyang matutuwa si Amyra! Kailanman, hindi niya ito pormal na naiimbitihan. Dinner! Walang business! Alam iyon ni Amyra! Ang restawrang iyon sa Otis na nasa kaliwa ng mall na napupuntahan niya noong araw dahil sa matandang Sobresantos. Ngayon, siya na ang nagdadala roon kay Amyra! At doon din niya dinala si Ming! Ngayon, may ipinagdiriwang na okasyon sa restawrang iyon. Maliit, eksklusibong kasalan na dinaluhan ng ilang mayayamang kamag-anak. Nangingintab na mga daliri. Pinarlor na mga buhok. Mga piling tela na ipinatahi sa mga paboritong kosturera. Ilang magagarang kotseng tinabihan ng sasakyang kaloob ni Amyra ang down payment at may dalawang taong tinapos niya ang installment! Oo. Nanaginip siya. Inihanap niya ng isang sulok si Amyra. Iniorder niya ang paboritong mga pagkain nito. Inuming makapagpapasigla sa kanila, ngunit hindi naman makalalasing. Gabing magiging malalim dahil hindi agad siya aalis sa condo ni Amyra. Nanaginip nga siya! Saan kaya sila hahantong ni Amyra? (ITUTULOY)

Images:

© PressReader. All rights reserved.