Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

Sagutin ko ba?

PAG-USAPAN NATIN

Ni KUYA SAM

DEAR KUYA SAM: Isa po akong masugid na tagasubaybay ng Liwayway lalo na sa inyong pitak. Ako nga pala si Trixie, 27, taga-Caloocan North. May ipinakilala sa akin ang tropa ko noong nakaraang taon sa kasagsagan ng pandemic. Isa po siyang seaman na taga-Cebu ngunit na-stranded sa Maynila dahil inabutan nga ng travel restrictions. Habang nasa bahay dahil hindi nga makalabas, chat kami nang chat ni Angelo. Mukhang mabait naman po siya, magalang, may sense of humor, at mapag-alala. Halos magdamagan kami kung mag-chat o kaya videocall sa messenger. Marami kaming napagusapan sa kani-kanyang buhay. Naikuwento niya sa akin ang past niya na may dati siyang kinakasama at meron siyang anak na sinusuportahan ngayon. Humanga po ako sa kanya nang husto, Kuya Sam, dahil ipinagtapat niya sa akin ang kanyang personal na buhay. Gusto niya akong puntahan para makita sa personal, pero dahil mahirap bumiyahe at delikado, hindi pa kami nagkausap sa personal. Hindi ko alam kung ano ang sadya niya. Kutob ko lang, baka manligaw siya sa akin ng personal although hindi ako ganoon kasigurado dahil hindi naman siya nagpalipad-hangin. Panay pakikipagkaibigan lang ang kanyang mga chat at topic. Sa kabilang dako naman, mayroon akong boyfriend na hindi ko alam kung seryoso itong relasyon namin. Medyo lumamig ang ugnayan namin sa hindi malamang dahilan. Pero kung susumahin, meron talaga kaming relasyon. ‘Yun nga lang, may mga araw na hindi kami nagtsa-chat at parang wala naman talagang malinaw na koneksiyon other than sinagot ko siya noong nanligaw siya sa akin. Hindi ko ito ikinuwento kay Angelo at hindi ko alam kung bakit itinago ko ito sa kanya gayong ang mga karanasan niya sa pag-ibig ay tahasan niyang ikinuwento sa akin. Kung sakali manligaw sa akin si Angelo, sasagutin ko kaya siya? Kailangan ko pa bang ikuwento na meron akong boyfriend na on-off ang relasyon? Anong dapat kong gawin, Kuya Sam? – TRIXIE DEAR TRIXIE: Sa tingin ko, tama ang duda mo na manliligaw sa iyo si Angelo. Sa totoo lang, napakaseryosong suitor itong si Angelo. Mantakin mo, sa panahon ngayon na maraming paraan para manligaw at a distance, mas pinili niya na ligawan ka sa personal. Doon pa lang, hanga na sa ako sa effort niya kung sakali tama itong duda natin na panliligaw ang isa sa dahilan kung bakit gusto niyang makipagkita sa iyo. Una sa lahat, dapat sigurong linawin mo itong karelasyon mo ngayon. Bakit hindi mo tuldukan itong pakikipagrelasyon na hindi naman seryoso? Trixie, para sa kapayapaan mo at kapanatagan ng loob, maghiwalay na kayo nitong current boyfriend mo. Walang mawawala sa iyo. Tutal, hindi nga natin alam kung may ibang girlfriend na rin ang lalaking ito. Baka naman isa sa dahilan kung bakit bihira na siyang komuntak sa iyo ay nasa ibang kandungan na siya. Ikuwento mo rin kay Angelo ang kalagayan mo ngayon. Ang mahalaga, alam din niya ang karanasan mo. Wala naman akong nakitang dapat ikahiya o dapat ilihim. Normal lang naman sa atin na magkaroon ng failed relationship kahit anong pag-iingat ang gagawin natin. Tutal, hindi pa naman kayo magkakilala noong nagkaroon ka ng boyfriend. Siya nga, nagtapat sa iyo na medyo mas malalim ang sugat ng karanasan niya. The fact na kaya na niyang ikuwento iyon, ang ibig sabihin nalagpasan na niya iyon. Kaya ikuwento mo rin iyong sa iyo para patas na man sa kanya, di ba? Tinatanong mo sa akin kung sagutin mo ba si Angelo kung manligaw siya. Siguro ganito na lang, Trixie: kung masaya ka habang nag-uusap kayo ni Angelo, kung siya ang ibinubulong ng puso mo, bakit hindi mo siya sagutin? Pero kung parang hindi naman kayo swak sa isa’t isa, kung medyo walang bugso ng damdamin na maramdaman mo habang nag-uusap kayo, huwag mo siyang sagutin. Sa madaling salita, ikaw lang ang makapagsabi kung mahal mo siya o hindi. Irrelevant dito ang sasabihin ng ibang tao, pati na ang sasabihin ko. Ikaw at ikaw lang ang spokesperson ng iyong sarili. Maraming salamat sa tiwala, Trixie. – KUYA SAM

Images:

© PressReader. All rights reserved.