Publication:

Liwayway - 2021-05-01

Data:

Ginger

PAG-USAPAN NATIN

Mellodine Antonio

“KUNIN mo na nga, e.” Halos iduldol ng kaibigan ko ang iniaalok niya sa akin. “Ayoko nga.” “Tange, walang bayad. Libre,” pangungumbinse niya. Nagtirik ako ng mata. “Ang kulit mo! Ayoko nga. A-YO-KO!” mariing tanggi ko. “Sigurado ka?” Kasabay ng tanong niya ang paglabas ng ibinibigay niya. Pumunta sa paanan ko. Parang nang-aasar na dinilaan ang paa kong walang sapatos. Napapiksi ako. “Alisin mo! Baka kagatin ako!” Magkahalo ang takot at pandidiri ko sa laway na iniiwan ng pagdila nito sa paa ko. “Arte naman nito!” “Alisin mo nga!” “Iuwi mo na. Gusto ka niya, e.” Nakangisi nitong iniikot ang tali sa kamay ko. “ANG cute!” tuwangtuwang kinarga ng anak ko ang kabibigay sa akin na ayaw ko. “O, ‘kala ko ba ayaw mo, bakit inuwi mo?” Hinaploshaplos ng asawa ko ang balahibong magkahalong kulay kape at puti. “Ipinagpilitan kaya di na ‘ko makatanggi.” “’Ma, Ginger ang ipangalan natin, ha?” Nagtaas ako ng kilay. “Kahit Kurdapya ang ipangalan mo, okey lang.” Sabay na natawa ang mag-ama ko sa hirit ko. Para namang naasar sa akin si Ginger. Inangilan ako’t pinagpakitaan nang maliit pero matutulis niyang ngipin. “Ilayo n’yo sa ‘kin ‘yan!” tili ko. “Baka kagatin ako, kakagatin ko rin ‘yan!” NAG-IBA ang routine sa bahay. Imbes na alasingko ng umaga ang bangon ko, naging alas kuwatro. “Ang aga mo,” nagtatakang napabangon din ang asawa ko. Sanay siyang katabi ako hanggang tumunog ang alarm ng cellphone niya. Naunahan ko sa pag-iingay ang tagagising niya. “Magdadampot pa ‘ko ng pupu at maglalampaso ng wiwi,” nakasimangot ako. Dagdag trabaho! “SU!” taboy ko sa makulit na nakasingit sa pagitan ng mga paa ko. Muntik-muntikan akong matumba dahil hindi ko namalayang nasa likuran ko pala. Parang nang-aasar, lalong nagsumiksik. Ikiniskis pa ang nguso sa bukong-bukong ko. “Ano ba?” Iwawagwag ko sana ang paa ko nang matigilan ako sa itsura niya. “Huwag mo ‘kong anuhin, babanatan kita!” Umupo ako para hawakan siya. “Asus at nang-uto ka pa!” Nangingiti ako sa kiliting dulot ng pagdila niya sa kamay ko. Ewan, kahit di ko siya gusto dahil takot at dagdag sa trabaho ko ang pag-aalaga sa kanya, natuwa ako. Para siyang laruan pero buhay. Nakakausap kahit di nagsasalita. Parang nakakaunawa kahit di man lang nakatatango o nakaiiling. Kinarga ko siya. Dinala ko sa sofa. Malambing na inihilig niya ang ulo sa tagiliran ko. Malambing na ikiniskis ang sarili sa akin. Hinaplos ko ang ulo niya. Saglit lang, nagbuka na ng bibig. Bago pa ako nakahuma. Kagat na niyang daliri ko. “Suuu!” malakas kong taboy na ikinabangon ng mag-ama ko. “Napa’no ka?” kabadong tanong ng asawa ko. “’Ma, bakit?” Nag-aalala pati ang anak ko. “Kinagat ako! Kinagat ako!” Nawalan ng kulay ang mukha ko. Takot ako sa kagat pero mas takot ako sa ineksiyon. “Tingnan nga.” Hinawakan ng asawa ko ang aking kamay. Sinipat-sipat. Tiningnan kung nasaan ang kagat. “Wala naman, Hindi ka naman kinagat.” Naiiling siya nang bitiwan ang kamay ko. “Kinagat ako. Naramdaman ko,” pilit ko. Pilit ko ring hinahanap kung saan ako kinagat. “Baka naglalambing lang, ‘Ma. Baka kunyaring kagat lang.” Nakangiti ang anak ko. Kinarga si Ginger at dinala sa kuwarto. Lalong nadagdagan ang inis ko. Imbes na ako ang asikasuhin, si Ginger ang inintindi. Ako ang nakagat pero iba ang inalo. Ako ang nasaktan at natakot pero iyong nanakit at dahilan ng takot ko ang sinuyo ng mag-ama. A, talagang magkaaway na kami ni Ginger! Talagang ayaw ko na sa kanya! Mukhang magkakaroon ng giyera sa tahimik kong pamilya. “HUWAG ‘YAN!” halos sumigaw ang asawa kong nakasanayan kong pabulong kung magsalita. “Makasigaw ka naman!” napapahiya kong asik. “Bakit huwag, e, panis na ‘to? “Iyon nga, e. Panis na. Bakit mo ibibigay kay Ginger, e, panis na nga iyang pagkaing hawak mo?” “Kasi nga panis na kaya ipapakain ko na sa kanya!” “Mali nga ‘yon! Huwag mong pakainin ng panis kasi masisira ang tiyan.” “E, bakit iyong sa iba, panis ang kinakain o kaya kung ano ang makita sa kalsada, di naman nasisira ang tiyan,” matigas kong pangangatwiran. “Akala mo lang ‘yon.” Tinungo nito ang ref. Kinuha ang gatas na nasa karton. “Ito ang ibigay mo.” Nanlaki ang mga mata ko. “Hoy! Gatas ko ‘yan! Bakit ‘yan ang ibibigay mo?” Parang walang narinig ang asawa ko. Kumuha nang malalim na lalagyan at ibinuhos doon ang gatas bago sumipol para lumapit sa kanya si Ginger. Matunog ang tila sabik na pagdila-dila ni Ginger sa gatas. Habang ligayang-ligaya siya sa pagkain ng gatas ko, nagngingitngit naman ako dahil kinakain niyang gatas ko! “’Ma, bilhan mo si Ginger ng kainan, ha,” bilin ng anak ko bago ko umalis. “Bilhan mo na rin ng dog food. ‘Yong pangpuppy, ha.” “Saka diaper, ‘Ma.” “Dagdagan mo na rin ng gomang laruan na puwede niyang ngatngatin,” habol ng asawa ko. “Orderan mo kaya ng higaan?” “Oo nga, ‘Ma. Iyong sinlambot ng bed natin.” “Baka gusto niyo ‘kong halikan dahil aalis na ‘ko?” asar kong sagot sa kanila. “Imbes sabihin n’yong mag-ingat ako, kung ano-ano ang ipinabibili n’yo buti sana kung para sa inyong dalawa.” Sa loob ng jeep, para kong engot na bubulongbulong. Hindi ko maintindihan kung bakit parang mas mahalaga at mas magiliw na sila kay Ginger kaysa akin. Ako lang ang reyna cum prinsesa sa bahay, ngayon may iba na. Hindi ako makakapayag! “MAY tatapusin akong report, ha. Huwag n’yo na ‘kong hintayain sa tabi n’yo. Matulog na kayo.” Dala-dala ang laptop na nagpunta ako sa salas para magtrabaho na di sila iniistorbo. “Ikaw, matulog ka na rin. Huwag mo ‘kong asarin.” Pero para siyang nang-aasar na kumahol. Natawa ko. Mas malakas pa bulong ko sa tahol niya, e. Tutang-tuta pa talaga. “Huwag kang makulit!” saway ko nang iduldol niya ang sarili sa akin. “Huwag kang magulo!” Tinuntungan ang kandungan ko. “Aba’t talagang!” Bago pa ako nakahirit ulit, humiga na siya sa kandungan ko. Ikinikiskis ang baba at padila-dila pa. Natawa ko. Binitiwan kong trabaho ko para haplos-haplusin ang kanyang ulo. Papikit-pikit pa ang loka. Nag-e-enjoy sa lambingan naming dalawa. “O, ‘KALA ko magkaaway kayo.” Ginawaran ng halik ng asawa ko ang tuktok ko. Natatawa nang makitang nakasalampak ako sa sahig habang haplos ko ang balahibo ni Ginger na kumakain ng dog food na binili ko. Umirap ako. “Ang kulit, e. Walang ginawa kundi kulitin ako. E, di makikipagkulitan na rin ako.” “’Ma, matamlay si Ginger,” nag-aalalang balita ng anak ko pagdating ko galing trabaho. “Bakit? Pinaliguan n’yo ba ni Daddy?” Bigla ang dating ng pagaalala ko nang makita kong nagmumuta at basa ang ilong ni Ginger. Bagaman di sinsigla ng mga nakaraang araw, sinalubong niya pa rin ako ng harot. Kinarga ko siya kahit nakasukbit pang shoulder bag ko. “Ano nangyari sa baby namin?” Tila nakakaunawang mas nagpaawa ang mga mata niyang abuhin. Tila sanggol na may diramdam na nagsumiksik lalo sa akin. “Dad, dalhin na natin sa vet si Ginger.” Di ko maitago ang pag-aalala sa tinig ko. Halos tubig ang pupu niya. Matindi ang pagmumuta at nabawasan ang sigla. “Sige, ihahanda ko lang ang sasakyan.” “DISTEMPER, ma’m. Viral ‘yan.” Habang tinitingnan ang kit na nilagyan ng specimen mula kay Ginger na sabi ng vet. “Matagal ba bago gumaling?” tanong ng asawa ko. Nag-angat ng mukha ang dorktora. “Di natin masabi. Bihira kasi ang nakaka-survive sa distemper, e.” Para akong nabingi. “Iyong virus kasi kumakalat sa baga hanggang makarating sa utak. Ang maibibigay ko lang sa kanya, antibiotic. Depende sa katawan ni Ginger kung ga’no ang itatagal niya.” “PALLIATIVE care, kumbaga sa taong may malalang sakit. Iyon bang comfort na puwedeng ibigay, ibigay na.” Paulit-ulit iyon sa pandinig ko. Tiningnan ko si Ginger. Okey pa naman maliban sa medyo matamlay. Magana pa rin namang kumain pero di na nagdadadamba sa amin. Dati, kapag sinabing: Up, mabilis na sasampa para maglambing sa amin. Ngayon, kahit na anong: Up, nakatingin lang. Madalas pang bumangga sa kung saan-saan. Araw-araw, humihina siya. Araw-araw mas nagiging malambing pa. Iyong mata niya, lalong lumalamlam. Iyong kahol, di ko na naririnig. Pinalitan ng ingit at mahihinang ungol na parang may matinding sakit siyang nararamdaman. Kapag lalapitan, titingin lang saka lalayo. Para bang ayaw niya kaming makitang malungkot o nasasaktan sa kanyang pinagdaraanan. “Dad, di ko kaya.” Umiiyak ako. “Ang alin?” Alam kong alam niya ang tinutukoy ko. “Si Ginger.” Suminghot ako. “’Ma, ‘di ba makaka-survive?” tanong ng anak ko. Tumungo ako. Panay ang patak ang luha ko. “Sabi ng vet, bihirang-bihira raw ang nakaka-survive sa ganyan, e.” Tahimik na pumasok sa kuwarto ang anak ko. Sinundan ng asawa ko. “GINGER, ! Magpalakas ka. Sige na!” Hawak ko ang basang bimpo para tanggalin ang muta niya na nagpapasara sa magaganda niyang mata. “Sige na, para sa amin, magpagaling ka.” Bumagsak ang luha ko. Mahinang-mahina na siya. Pilit akong dinamba. Binuhat ko. Haplos kong katawan niya. Umuungol siya. Mahina. “Ginger, Mama.” May malaking bikig sa lalamunan ko. Ang sakit ng dibdib ko. Lalo siyang humilig sa akin. Iyon yata ang pinakamalambing niyang paghilig sa mga bisig ko. Mainit ang dilang dumadantay nang madalang sa balat ko. “Ger, ‘wag mong iiwan si Mama,” pakiusap ko. “Love ka ni Mama. Love ka namin.” Humagulgol na ako. Naramdaman kong nasa loob ng bibig niya ang daliri ko. Magaan na kagat-kagat niya. Hindi ako tumili. Hindi na ako takot. Hindi naman niya ko kakagatin talaga, e. Naglalambing lang siya. Tumingala siya sa akin. Nadudurog ako. Ang sakit ng nakikita ko sa mga mata niyang nag-uulap na. May mahina siyang ungol. Hindi ko mabigyan ng kahulugan. “Ginger…” Niyakap ko siya. Kinarga malapit sa dibdib ko. Parang taong iniakap niya ang isang kamay niya sa akin habang sapo ng palad ko ang isa. Palliative. Make her comfortable na lang. Tumayo ako. Kilik ko pa rin siya. Haplos ng isang kamay ko ang mukha niya. Pinapasadahan ko ng hintuturo ang pagitan ng mga mata niya. Unti-unti siyang napapapikit. Kumilos ang katawan ko. Marahang nagsayaw. Ipinaghele ko si Ginger. Mahina akong kumanta para sa kanya habang ipinaghehele ko siya. Pumipisig-pisig siya. Magkakaroon siya ng seizure. Ibig sabihin, nakarating na sa utak iyong sakit niya. Hindi ko na siya tinitingnan pero patuloy ako sa marahang pagsayaw. Mainit ang singaw ng kanyang katawan pero mas mainit ang luhang hindi ko na mapigilan. Umuungol si Ginger. Umiingit. Alam kong may masakit na masakit. Patuloy ako sa pagkanta. Patuloy rin ang pagpatak ng luha. Patuloy rin ako sa marahang pag-indak. Mami-miss namin ang kulit niya. Mami-miss ko ang mga kalat niya. Mami-miss kong dagdag na trabaho sa pagdadampot ng pupu niya at paglalampaso ng wiwi niya. “’Ma, ano’ng nangyayari?” Naalimpungatan ang anak ko sa ungol ni Ginger. Sumenyas ako na huwag siyang maingay. Tumayo ang asawa ko. Lumapit sa amin ni Ginger. “Mahal ka namin!” Basag din ang boses niya. “’Ma, aalis na si Ginger?” tanong ng anak ko. Marahang tango ang sagot ko. Lumapit siya. Nakihaplos. “Ginger, kahit saglit ka lang sa amin, love na love ka namin.” Humikbi ang anak ko. Inakbayan ng asawa ko ang anak namin para dalhin na sa kuwarto. Si Ginger parang nakakaunawang nag-angat ng tingin. Isiniksik nang maigi ang mukha sa tagiliran ko. Muling nangatal ang katawan niya. Kasabay ng pangangatal din ng lahat ng laman ko. Kasabay ng paghinto ng kanyang panginginig ang paghinto ko sa pagkanta at pag-indak. Napayupyop ako. Wala nang makulit na dadamba bilang pagsalubong sa amin. Wala nang aakyat sa kama kahit di siya imbitado. Wala na akong ipaghahanda ng pagkain. Wala nang pupu at wiwing lilinisin. Hinaplos ko ang malaking pilat sa binti ko na sanhi ng matinding kagat sa akin ng tulad niya noong bata pa ako. Wala na ang Ginger kong madalas dumila sa bahaging iyon. Wala na si Ginger na nag-alis ng matinding takot ko sa matatalas na ngiping iyon. Wala na ang nagpanumbalik ng pagmamahal ko sa tulad niya. Wala na ang nagtanggal sa takot kong mahalin ang tulad niya.

Images:

© PressReader. All rights reserved.