Manila Bulletin

Ang Kapit ng Inspirasyon at Imahinasyon sa Pagpinta ni Hareol Tero

Ni Johannes L. Chua

Si Hareol Noval Tero, 35, ay taga Ormoc City, Leyte. Nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Industrial Education major in Drafting Technology sa Eastern Visayas State University-Tacloban, siya ngayon ay nagtuturo sa Ormoc City Senior High School. Namulat si Hareol sa pagdodrowing sa murang edad. “Grade 1 pa lang, gumuguhit na ako. Lahat ng mga notebooks ko may drawing. Kinokopya ko ang mga komiks na gusto ko at mga trading cards ng Marvel at DC. Hanggang nagsimula na akong sumali sa mga art contest sa school namin at tuloy-tuloy na hanggang high school,” ani Hareol.

Sa pagtanda, patuloy ang kanyang pagsasanay hanggang sa matagpuan niya ang kanyang “boses” sa pagpinta. “Sa pagpipinta, naging inspirasyon ko si Vincent Van Gogh dahil sa kanyang dedikasyon sa sining. Sa istilo naman, inspirasyon ko si Pablo Picasso – malaki talaga impluwensiya nya sa aking mga gawa.”

‘Gusto ko pang gumawa ng maraming makabuluhang obra na may positibong mensahe sa lahat at maka-inspire pa ng maraming kabataan sa amin sa Ormoc.’

Ayon kay Hareol, sinusubukan niya na bigyan ng sarili niyang marka ang bersyon niya ng Cubism. Sa mga Pilipinong pintor, sinusubaybayan niya ang gawa nina Ismael Esber, Jessie Marinas, Dante Enage, Billy Pomida, at marami pang iba.

Ang piyesa ni Hareol na ginamit sa pabalat ng isyung ito ay pinamagatan niyang “Basta Kapit Lang.” Ito ay entry niya sa GSIS Painting contest ngayong taon na ito. Ayon sa pintor, gusto niyang ipakita ang kahirapan na dinanas ng karamihan sa panahon ng pandemya at bagyo, at bigyan ng inspirasyon ang mga tao na kayang lagpasan ang lahat ng pagsubok basta kumapit lamang sa Panginoon.

“Noong ginagawa ko ang Basta Kapit Lang, ito ang mensahe na gusto ko iparating – na malalagpasan natin ang lahat ng pagsubok. Mahalaga rin na nagkakaisa ang pamilya sa panahong ito. Ipinapakita ko rin dito ang pagpapahalaga sa mga hayop dahil sila man din ay nahihirapan lalo na kapag may mga kalamidad.”

Sa kasalukuyan, ang “Basta Kapit Lang” ay nakaeksibit sa GSIS Museo ng Sining hanggang Disyembre. Sa mga nais na bumili nito, may nauna na. Ayon kay Hareol, isang art kolekor mula Ormoc ang nakabili.

Kung ilalarawan ni Hareol ngayon ang kanyang mga gawa, masasabi niya na ito ay mga “social commentary” din. “Karamihan sa mga representational na painting ko ay talagang social commentary, maliban na lang sa mga commission at mga abstract na gawa ko. Marahil ay dahil sa malawak na karanasan ko bilang isang editorial cartoonist, kaya nasasalamin ang realidad ng lipunan sa mga gawa ko.” Siya ay may lingguhang comics strip (“King Koy”) sa lokal na pahayagan.

Bagamat nalalasap na ni Hareol ang mga tagumpay mula sa kanyang mga gawang likha, marami pa siyang nais na gawin at isulong. “Gusto ko pang gumawa ng maraming makabuluhang obra na may positibong mensahe sa lahat at maka-inspire pa ng maraming kabataan lalo na sa amin sa Ormoc.”

At para sa mga kabataan, ito ang gustong ipayo ni Hareol. “Siguro ang mapapayo ko sa kanila ay ipagpatuloy lang nila kung ano ang gusto nilang gawin na makapagpapasaya sa kanila. Huwag ikumpara ang sarili sa iba at aralin ang dapat aralin para lalo pang gumaling. Kailangan ding magtiwala sa Panginoon.”

Kung nais na makipagugnayan kay Hareol, mahahanap siya sa Facebook (Hareol Tero) o padalhan siya ng e-mail sa: hareoltero@yahoo.com / terohareol@gmail.com.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281663963195084

Manila Bulletin Publishing Corp