Manila Bulletin

Isip-Bata

Ni Genaro R. Gojo Cruz

Sa mga nagdaang taon bago ang pandemya, tuwing darating ang pasukan sa paaralan, abala na ang mga pampublikong paaralan sa Bridaga Eskuwela.

Humihiling sila ng mga volunteer sa paghahanda ng paaralan para batang papasok na sa paaralan. Kasabay ng paghingi ng mga paraalan ng mga materyales sa paglilinis at pagsasaayos ng klasrum tulad ng pintura, playwud, yero, semento at iba pa. At ng mga school supply para naman sa mga batang mag-aaral.

Dahil sa pandemya, nagkaroon ng pagbabago ang Brigada Eskuwela 2021 na may temang “Bayanihan sa Paaralan.” Bagaman gagawin pa rin ang ilang sa mga nakasanayang gawin sa paghahanda ng paaralan habang isinasaalang-alang ang health protocol, mas binigyang-tuon ngayon ang halaga ng pagbabasa.

Bago ang pagbubukas ng mga klase sa Setyembre 13, 2021, nagsagawa na ang mga pampublikong paaralan ng paglulunsad ng Brigada Pagbasa nang online sa kanilang paaralan.

Mapalad na maging bahagi ang inyong-abang lingkod ng Brigada Pagbasa sa ilang pampublikong paaralan tulad ng Mines Elementary School (Quezon City), Santa Rosa Elementary School Central I (Sta. Rosa, Laguna), Buenavista Cigaras Elementary School (Magdalena, Laguna);

Julian A Pastor Memorial Elementary School (Cuta, Batangas City), Facundo Angeles Memorial Elementary School (Morong, Bataan), Mabayo Elementary School (Morong, Bataan), Pinulot Elementary School (Dinalupihan, Bataan), Tanay North National High School (Tanay, Rizal) at iba pa.

Bago ang aktuwal na pagkukuwento ng isang kuwentong-pambata sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng zoom at iba pang online platform, nagbigay ako ng ilang mungkahi sa mga magulang na kasama sa paglulunsad kung paanong mahihikayat ang mga mag-aaral na mahalin ang pagbabasa.

Kailangang maging abot-kamay lamang ang mga aklat-pambata sa loob ng bahay. Mahalagang may mga aklat sa sala, silid at balkonahe ng bahay upang kapag may mga bakanteng oras ang bata, maaari siyang magbasa. Mahalaga rin na may nakikitang nagbabasa ang bata sa loob ng kanilang bahay. Madalas kasi, humahanap ng mga modelo ng bata ng gusto nilang maging. Halimbawa kung nakikita niyang may hilig na magbasa ang matatanda sa loob ng kanilang bahay, malaki ang posibilidad na tingnan niya ang pagbabasa bilang isang mahalagang gawain sa araw-araw, at mahikayat din siyang magbasa.

Hinikayat ko rin ang mga magulang na may anak na Kinder o Grade 1 na magkaroon ng oras para magkuwento sa kanilang mga anak kahit sampu hanggang labinlimang minuto sa bawat araw. Iwasan din na madaliing matutong makabasa ang anak.

‘Ang batang hitik sa magagandang karanasan galing sa mga kuwento ay higit na madaling makapagbabasa at matuto. Ang mga batang maraming nabasa ay maraming maisusulat. Sabik din silang magbahagi ng kanilang mga karanasan at nabasa sa mga talakayan sa klase.’

Mahalagang enjoy muna ang bata sa pakikinig ng mga kuwento. Magandang maipatikim sa mga batang ang saya at sarap sa pagbabasa. Maaaring iprograma ng mga magulang ang kapaligiran ng bata sa bahay upang kahiligan niya ang pagbabasa.

Ang batang hitik sa magagandang karanasan galing sa mga kuwento ay higit na madaling makapagbabasa at matuto. Ang mga batang maraming nabasa ay maraming maisusulat. Sabik din silang magbahagi ng kanilang mga karanasan at nabasa sa mga talakayan sa klase. At alam na alam ng guro ang mga mag-aaral niyang maraming nabasang aklat.

Kung nais nating maging palabasa ang mga batang Filipino, mahalagang may makita siyang mga modelong matatanda na nagbabasa. Mahalagang may mga aklat-pambata na angkop sa kaniyang edad o kakayahan sa pag-unawa. Piliin sana ang mga aklat na nakasulat sa wika ng bata at may kahawig na karanasan ng mga batang Filipino.

Higit na pumapatok sa mga batang mambabasa ang mga kuwentong katulad o kahawig ng kanilang mga karanasan. Unahin ipabasa sa mga bata ang mga aklat-pambata na isinulat ng mga manunulat na Filipino. Dahil sabi ko, kapag nagsusulat ang isang manunulat ng mga kuwentongpambata na Filipino, iniisip niya ang mga batang Filipino bilang mambabasa.

Higit pa sa layunin na matutong makabasa lamang ang mga bata ang tuon ng Brigada Pagbasa ng Brigada Eskuwela 2021, kundi maitanim sa mga batang Filipino ang pagkahilig sa pagbabasa.

Mahalin nila ang pagbabasa at ituring na bahagi ng pang-arawaraw nilang buhay!

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281685438031564

Manila Bulletin Publishing Corp