Manila Bulletin

Kilapsaw

Ni FC Marie Esperas

‘Minsan ko nang ipinagkatiwala ang karapatan kong pumili sa maling tao na nanalo, sa tamang tao na natalo, sa partido na mabubuwag lang rin pala matapos nilang makuha ang gusto nila. Lumipas ang ilang taon at malalaman ko na matindi ang dayaang naganap noong panahon ng aking pagboto. Saan na napunta ang aking boto? Sa hangin, sa kawalan?’

Taong 2004 nang unang beses akong bumoto. Naaalala ko noon, marami akong kasabayan na "first time" rin na sasagot ng balota na siyang ihuhulog sa mga kinakalawang na karton na may kandado. Hindi mawari ang kanilang pagkamangha, siguro dala na rin ng paniniwalang mababago nila ang ating bayan sa pamamagitan ng kanilang boto.

Hindi ganoon ang aking naramdaman noon. Sa pagkakaalala ko, pumunta ako sa paaralan kung nasaan ang presinto kung saan ako boboto, at matapos noon ay lumipat ako sa kabilang presinto para naman magbantay ng boto ng ibang tao. Inatasan kasi akong maging “poll watcher” ng isang lokal na partido, isang raket na mistula nang tradisyon sa aming pamilya sa loob ng maraming taon. Hindi na nga bago sa akin ang mga ganoong ganap; kung tutuusin, mas malaki pa kinikita ko noong tagapamigay pa lamang akong ng polyetos noong mas bata-bata pa ako, kumpara sa pagtambay nang ilang oras sa silid-aralan ubod ng init at puno ng tao.

Wala akong kilig na naramdaman pagdating sa kung anumang adhikain na dala-dala ng pagboto. Siguro kasi ang nakatatak sa aking kaisipan na ang eleksyon ay panahon ng raket at kumikitang-kabuhayan. Manalo man o matalo ang kinakampanya naming kandidato, may pera na papasok sa aking bulsa.

Buti na lang din at hindi ako kinilig noong panahon na iyon, dahil sa paglipas ng mga taon, binigo ako ng mga taong aking binoto. Karamihan sa kanila ay naiupo sa puwesto, pero maliban sa mga pangako na kanilang pinako, ang hapdi na gawa ng kanilang mga palpak na desisyon ay patuloy ko pa ring nadarama hanggang ngayon.

Kaya rin siguro ako natuto maging madamot. May ilang eleksyon ang lumipas at hindi ko na naisipang bumoto pa, hanggang sa tuluyan nang mapaso ang aking rehistro. Ano ba kasi ang halaga ng aking boto?

Minsan ko nang ipinagkatiwala ang karapatan kong pumili sa maling tao na nanalo, sa tamang tao na natalo, sa partido na mabubuwag lang rin pala matapos nilang makuha ang gusto nila. Lumipas ang ilang taon at malalaman ko na matindi ang dayaang naganap noong panahon ng aking pagboto.

Saan na napunta ang aking boto? Sa hangin, sa kawalan?

Nang magpasya ako na hindi na muna gamitin ang aking karapatang bumoto (sabi ng isa kong guro noon sa kolehiyo na “we have the right not to vote”), akala ko ito na ang tamang aksyon. Akala ko rin kasi noon, basta nabubuhay ako nang kumportable at natutustusan ang aking pangangailangan, nakakakilos nako bilang tao at mamamayan. Pero hindi rin pala.

Sundan sa kabilang pahina...

Habang dumadaan ang mga araw, habang ako’y tumatanda, mas lalo ko nang nadarama ang kahalagahan ng pagpili sa kung sino ang mga uupo para pamunuan ang ating bayan.

Hindi natin alam, nang dahil sa pinili natin ang maling tao matapos tayo pakiligin sa matatamis na pangako, pagsayaw at pagkanta sa entablado, maaaring isang araw magising na lang tayo at wala na sa atin ang lahat, pati na ang lupang ating kinatatayuan.

Kaya rin naman netong mga nakaraang buwan, nagparehistro na ako para sa darating na eleksyon sa susunod na taon. Gusto ko nang piliin ang tamang tao, kung sinuman iyon, para isulong ang tuluyang pagbabago ng kalidad ng buhay ko, ng kapitbahay ko, at ng milyonmilyong ordinayong Pilipino.

Ang di ko lang mawari sa ngayon ay kung bakit mistulang sabong ang papalapit na eleksyon. May kani-kanyang kambyo ang bawat personalidad na nagdeklarang tatakbo, pero hindi naman natin makitaan ng tunay na kakayahan sa pamumuno. Pero masyado pang maaga para maghusga, at dahil nakarehistro na ako, wala akong magagawa kundi mag-antabay na lang sa mga susunod na kaganapan sa napipintong na halalan.

Pero pakiusap lang sa lahat nang kumakandidato: bigyan naman ninyo ng halaga ang boto ko. Ang boto namin. Dahil higit sa anumang makinarya o teknolohiya o anu pa mang mahika na nagaganap tuwing eleksyon, kami at kami pa rin ang magpapasiya kung sino sa inyo ang iluklok namin sa puwesto.

Sana’y maramdaman ko ang kilig sa darating na Mayo. Ilalaan ko na kasi ang boto ko para sa tunay na pagbabago.

‘Pakiusap lang sa lahat nang kumakandidato: bigyan naman ninyo ng halaga ang boto ko. Ang boto namin. Dahil higit sa anumang makinarya o teknolohiya o anu pa mang mahika na nagaganap tuwing eleksyon, kami at kami pa rin ang magpapasiya kung sino sa inyo ang iluklok namin sa puwesto.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281702617900748

Manila Bulletin Publishing Corp