Manila Bulletin

Teorya ng Unang Panahon

Ni Edgar Calabia Samar

(IKA-2 NA LABAS)

GALING

TATLONG taon si JM nang una niyang narinig ang salitang iyon. Panaginip. Rumehistro ito sa short-term memory niya sa loob ng 1/5 na segundo, iprinoseso sa loob ng sumunod na 2/5 na segundo at nang hindi matapatan ng katulad na datos sa mga nakaimbak na impormasyon sa long-term memory niya, isinuksok at isiniksik ang salita sa kaila-ilaliman ng utak niya, kasama ng iba pang mga banyagang danas ng mga pandama na naghihintay lang na muling maantig––na muling may umantig––sa utak niya. Naganap ang lahat ng ito sa loob ng wala pang isang saglit kaya napakadaling hindi mapansin ng karaniwang nagmamatyag—maliban sa hindi nga karaniwang tiktik lang ang sariling utak ng bawat tao. Hindi nalilingat ang utak, kaya nitong magpanggap na walang-malay. Kaya nitong magkubli sa sarili. Kahit ang mukhang kawalang-ingat nito ay isang anyo ng pagiingat. Kaya naroon na talaga ang salitang iyon sa kaloob-looban ng utak ni JM, simula noong tatlong taon siya, kahit na hindi niya alam. Kahit hindi na niya alam. Panaginip.

Ngayon, makalipas ang labing-isang taon, utak ng mga sinaunang tao ang pilit niyang inuunawa bilang paghahanda sa SET o System Evaluative Test na magtatakda ng gagawin niya sa loob ng Sistema sa mga natitirang taon ng buhay niya.

... Walang sariling trash bin ang isip ng tao, lahat ng nasasagap nito ay iniipon nito’t hindi pinakakawalan gaano man kawalanghalaga––gaya ng mga sinaunang tao na hindi maitapon-tapon ang mga liham ng namatay nang kakilala, ang mga forwarded na e-mail na hindi naman talaga para sa kanila, reseta ng gamot na hindi nabili at resibo ng pinamiling gadget, programa sa napanood nang dula’t palabas, paperback ng ilang ulit nang nabasang paboritong libro, libo-libong digital na kopya ng mga libro na di nila nabasa’t mababasa kahit kailan, mga kinunang larawan ng kung ano-ano masapol ang pinakagustong anggulo at tama ng ilaw sa mukha, mga plastik at papel na bag na pinaglagyan ng regalo’t paglalagyan ng basura, mga lumang barya na wala nang halaga, at kahit nagamit nang tiket sa mga sinaunang sasakyan nila noong tinatawag na shinkansen, noong nahahati pa sa iba’t ibang nasyon ang Sistema at dumadaloy sa ilalim ng lupa’t dagat ang mga shinkanseng ito bago magluwal ng mga pasaherong naglalagalag sa mundo, baon ang iba’t ibang nagamit na nilang mukhang hindi rin nila maitapon-tapon para mayroon silang alaala ng mga dating sila na maihaharap sa mga estrangherong nakakabungguan sa mga banyagang estasyon––kaya sa isang banda, utak ng tao ang naging pinakamabagal ang pag-unlad, ang nananatiling sinauna, sa loob ng mahabang panahon...

Napatigil si JM sa pagrerebisang ito tungkol sa utak ng tao at sa papel nito sa alaala ng mga bagay—at sa lokasyon ng mga bagay na iyon sa iba pang bagay sa daigdig. Kung walang itinatapon ang utak, lagi bang higit ang nilalaman nito sa dinaranas ng tao sa mundo? Simula bata siya, alam ni JM na kailangan niyang magawang muling kathain ang larawan ng daigdig sa utak niya. Isaayos isa-isa. Mula sa pinakamaliit na alabok na kaya niyang makita sa isip niya, hanggang sa dulo ng pinakamatayog na monumento ng Sistema. Kailangan niyang gawin iyon kahit nga hindi pa niya totoong nakikita ang daigdig sa labas ng silid na kinaroroonan niya. Magiging karapat-dapat lamang siyang makita ang totoong daigdig kapag nagawa niya itong kathain sa isip niya bago pa man niya ito makita. Parang napakahirap, parang halos imposible noong una. Pero walang imposible sa Sistema. Naitatag ang mismong Sistema mula sa kinatha lang sa isip ng mga Tagapagtatag. Gaano man kalawak ang daigdig, malilibot ito ng sinuman sa paisa-isang hakbang, basta’t may tiyak na patutunguhan. At sa mga nagdaang taon, sa bawat araw at oras ng buhay niya, iyon ang ipinagkaloob sa kanya ng mga pagsasanay at paghahandang pinagdaanan niya—ang bawat kinakailangang hakbang para makarating siya sa mga tiyak na patutunguhan. At halos natatanaw na niya ang dulo sa ngayon. Sa wakas. Sa wakas, makakapagsimula na siya ng totoong buhay niya. Iyon ang nasa isip niya. Kaya hinding-hindi niya inaasahan na nang gabing iyon, nang gabi ring iyon na pinag-aaralan niya ang utak ng tao, maririnig niya ulit ang salitang hindi naitapon ng utak niya kahit pagkatapos ng labing-isang taon. At na bubulabugin ng panaginip na ito ang mundong pinaghirapan niyang kathain sa isip niya.

MAY TATLONG bahagi ang SET na kailangang maipasá ni JM sa huling linggo bago siya tumuntong ng 15 taon. Ibig sabihin, wala nang isang buwan mula ngayon. Hindi niya alam kung anong araw at oras mismo, basta’t magsisimula iyon anumang sandali kapag iniwan na siya ng Tagapagturo niya’t Tagapagsanay na sampung taon nga siyang inihahanda para sa pagsusulit na ito. Laging parang napakabilis na napakatagal kapag pinag-isipan ang panahon sa ganitong puntong malapit ka na sa isang itinakdang dulo. Lubog na lubog siya sa mga paghahanda sa kanya kaya sa isang banda, parang hindi niya naramdaman ang paglipas ng oras. Subalit araw-araw din ang pananabik na matapos na ang lahat ng paghahandang ito kaya parang araw-araw din ang pagkainip. Isa pa iyon sa mga pundasyon ng pag-aaral niya sa galaw ng utak ng tao, ang paggagap sa relatibismo ng isipan, ang manipulasyon ng kamalayan sa lahat ng kaya nitong hawakan.

Kung tutuusin, nitong nagdaang taon, puro pagbabalik na lang sa mga naituro na sa kanya ang ginagawa ni JM. Parang pagpapatalas ng mga sandatang binuo niya sa loob ng naunang siyam na taon. Parang paulit-ulit na pagmamapa ng mundong ginalugad na niya’t kinilala. Ang totoo, hindi niya halos nararamdaman ang pagbabago sa kanya mula noong apat na taon siya kung kailan nagsimula ang pagtuturo sa kanya’t pagsasanay. Pero dahil sa mga panukat ng mga Tagapagturo niya’t Tagapagsanay sa bawat kasanayan na nakikita niya sa samot-saring graph ng mga ito, kaya may biswalisasyon siya ng layo na ng iniusad niya. Kapag nagtagpo ang siya noong apat na taon siya at ang siya sa ngayon, hindi siya makikilala ng batang siya. Malayong-malayo na nga sila sa isa’t isa. Pero ikaw, nananatili rito sa loob ko—ito ang sasabihin niya sa batang siya kung sakali.

Unang bahagi ng SET ang pagsusulit sa Lunan At Gunita o LAG. Mga bagay na may kinalaman sa espasyo at sa nagdaan. Aaminin niyang sa mga bahagi ng SET na kailangan niyang lampasan, ito

ang pinakamasalimuot para sa kanya. Madali para sa kanya ang bahaging may kinalaman sa Gunita. Kaya niyang isalaysay ang nagdaan, balikan ang hindi naman niya personal na pinagdaanan, unawain ang kinahinatnan ng mga bagay kaya nakarating sa kasalukuyan ang daigdig. Pero madalas na natitisod siya sa mga usapin ng Lunan. Masinop na siyang magmapa ng mga bagay sa utak niya para masukat ang lalim, lawak, at layo ng mga ugnayan ng mga bagay sa isa’t isa, pero pumapalya pa rin siya paminsan-minsan sa pagpapaloob ng mga espasyong iyon sa mga partikular na sandali sa nagdaan. Sa Lunan at Gunita, kailangan ng sabayang pagbabanyuhay ng hubog ng mga lugar at di-lugar sa alaala at di-alaala. Subalit habang nasasakyan niya ang pasikot-sikot ng alaala at paglimot, nalulula siya sa dimensiyon ng mga bayan na nasa loob at labas ng bayan, sa likaw ng mga daangtaong nilakaran nang matulin, sa bitukang riles sa tubig, lupa, at himpapawid na madalas pagmulan ng mga aksidente, sa pagsusulputan ng iba’t ibang nagtatayugang gusali sa Matandang Panahon na pinasasabog ng mga digmaan bago pa paguhuin ng kalamidad, sa lahat ng bantayog na tanda ng dinarakila ng mga sinaunang tao, tulad ng mga tagapagpatawa at tagahabi ng kuwento. Dinodoble pa nang patong-patong ang salimuot ng Lunan sa iba’t ibang anggulo ng simulation ng mga lugar sa silid niya. Ilang beses siyang muntik nang malunod sa daluyong ng alon sa mga sinaunang pampang sa mga talâ ng mga manlalakbay kahit alam niyang projected na image lang ang tubig na humahampas sa mukha niya. Nababasâ siya ng tubig, nararamdaman niya ang lamig nito. Hindi siya makahinga, parang may uliuling humihila sa kaniya sa ilalim. At doon siya isasalba ng Tagapagsanay niya na mag-aahon sa kanya sa tubig pabalik sa silid niya.

Madalas, pakiramdam niya, hindi totoong biluhaba ang mundo. Sa halip, . Parang palad niya. Parang buhay niya. Nilang lahat. Kahit hindi niya alam kung sino-sino’t ilan nga ba ang lahat ng kabilang na’t gustong mapabilang pa sa Sistema tulad niya. Maliban sa Magana niya, wala pa siyang ibang nakikita’t nakakaharap na tao nang totohanan. Noong una, gusto niyang isipin na mga totoong tao rin ang Tagapagturo niya’t Tagapagsanay, pero araw-araw na natitibag ang pakiramdam na iyon kapag naglalaho na ang mga ito sa silid niya, tulad ng pagkawala roon ng mga daluyong ng alon o ng mga nagtataasang gusali mula sa Matandang Panahon. Kaya mas madaling isipin para sa kaniya ang isang patag na mundo. Isang mundo na walang nakapanaklong, walang laman sa loob. Sa halip, isang

Madalas, pakiramdam niya, hindi totoong biluhaba ang mundo. Sa halip, flat. Parang palad niya. Parang buhay niya. Nilang lahat. Kahit hindi niya alam kung sino-sino’t ilan nga ba ang lahat ng kabilang na’t gustong mapabilang pa sa Sistema tulad niya.

mundo na tulad ng pahina ng mga sinaunang libro. May sinasabi kahit wala sa sarili ang sinasabi. Maayos na nakahanay ang mga titik para makabuo ng mga salita para makabuo ng mga diwa. Iyon ang matagumpay na buhay. Ang maging titik sa isang salita na nasa loob ng isang pangungusap. Iyon ang pangarap niya. O iyon ang itinuro sa kanya para pangarapin niya at natutuhan nga niyang pangarapin. Sa bandang huli, may pagkakaiba ba? Sa loob niya, wala siyang ibang totoong hinahangad. Ang Sistema ang pangungusap ng pahinang mundo at gusto niyang maging bahagi nito. Isang titik na babago sa bata upang maging bato o batas o bala. Para roon ang lahat ng ito. Para roon ang mabuhay. Pero anong titik sa anong salita ang buhay niya?

Sumasakit na naman ang ulo niya sa mga ito. Walang problema, iyon ang laging sinasabi ng Manggagamot sa kaliwang PALAD o Palm Avatar Login Access Device niya. Nakangiti ito sa kaniya na tulad ng isang babeng doktor sa mga pelikula mula sa Matandang Panahon. Halos kasing-edad ng Magana niya, bagaman mas pino ang kilos. Parang hindi kayang manakit kahit ng mga imahinaryong halimaw. Namamangha pa rin siya kapag naiisip na pinag-aaralan ng mga tao noon ang pagiging doktor. Na maaaring maging doktor noon ang isang tao at sabihin sa kapwa nila tao na walang problema. O may problema. Ang problema, maaaring may problema rin ang mismong doktor noon na tagatingin at tagasabi kung may problema o wala ang iba. Parang sinusukat ng sirang panukat ang sarili niya. Kaya nakamamangha para sa kaniya na nabuhay ang mga tao noon nang ilang daang taon na umaasa sa mga doktor na tulad lang din nilang mga tao. Pero siyempre, ipapaliwanag ng Tagapagturo niya na iyon lang ang kayang maisip ng sinaunang utak ng tao noon. Ang iasa ang mga bagay sa sariling utak at katawan o sa utak at katawan ng ibang tao. Wala silang magagawa kundi iasa ang buhay sa isa’t isa. Dahil wala pang Sistema. Kaya nauwi sa banta ng pagkawasak ang mundo. Nakalimutan ng tao na napakatagal na umiral ng mundo noon na walang mga tao at na para mapanatili ito, hindi maaaring sa tao isalalay ang lahat. Maraming buhay ang naging kabayaran sa mahabang prosesong iyon ng rebolusyon, subalit salamat at naisalba ng Sistema ang mundo sa huli. Utang ng lahat sa Sistema ang patuloy na pag-iral ng buhay. Alam ni JM na hindi sa kanya ang buhay niya kundi sa Sistema. Ni hindi niya kayang isipin ang buhay niya maliban bilang gramatikong konstruksiyon subalit walang nosyon ng pagmamay-ari na tulad ng pagsasabi, halimbawa, ng silid niya.

Walang problema, sabi ulit ngayon ng Manggagamot sa PALAD niya. At wala siyang dahilan para magduda. Hindi alam ni JM kung ano ang pagdududa, wala ito sa bokabularyo ng Sistema, bagaman madalas na niya itong nararamdaman, hindi niya lang makilala dahil hindi pa niya kayang pangalanan. Sa mga sandaling tulad nito, napapapaniwala siya ng utak niya na hindi umiiral ang hindi niya kayang pangalanan. Paano mo iisipin ang ni hindi mo kayang isagisag? Nagpasalamat siya sa Manggagamot na ngumiti lang sa kanya bago naglaho ang maliit na avatar nito sa PALAD niya.

‘Wala siyang dahilan para magduda. Hindi alam ni JM kung ano ang pagdududa, wala ito sa bokabularyo ng Sistema, bagaman madalas na niya itong nararamdaman.’

HINDI TULAD ng problema niya sa LAG, lalo pa sa Lunan, na maláy siya kahit paano, hindi pa alam ni JM na mas malaki ang problema niya sa Galaw At Panahon o GAP, na ikalawang bahagi ng SET. Pero paano nga niya poproblemahin ang hindi niya pa alam na problema? Sa isip niya, madaling unawain ang Panahon dahil madaling isipin na kakawing ito ng Alaala, na pakiramdam nga niya’y gamay na gamay na niya, kaya lagi niyang tinatalunan ang mas hayag na palaisipan kung bakit piniling ikabit ng SET ang Panahon sa Galaw. Na para bang mas mahirap ihiwalay ang Galaw sa Panahon kaysa sa iba pang aralin. Totoo namang halos imposible ang anumang galaw nang hindi nasa-panahon. Nasa mismong imahinasyon ng Panahon ang Galaw, iyon ang unang inilatag ng mga nag-aral sa materyal na daigdig. Subalit para sa kanyang walang tuwirang danas sa daigdig maliban sa loob ng silid niya, Galaw ang talinghaga ng Panahon, kung paanong Lunan ang talinghaga ng Alaala. Talinghaga ang pundasyon ng mga una niyang pag-aaral noon, lalo pa nga’t marami sa pinag-aaralan niya, hindi niya nakita nang totohanan. Kailangan niyang maunawaan ang galaw ng talinghaga para maisiksik ang sanlaksang posibilidad ng mga bagay-bagay sa isipan niya. At kinailangan niyang maunawaan na may sariling lohika ang pananalinghaga. Na may pagtutulad na mas mahigpit kaysa ibang pagtutulad na madaling makalag ang ugnayan ng mga bagay para muling magkawatak-watak. Na may pagwawangis na mas mabangis kaysa ibang pagwawangis na agad mangangayupapa sa harap ng ibang tambisan. Na may sinekdoke na mas malaki sa lahat ng kayang harayain sa uniberso subalit matitibag ng pagsasataong naghuhunyango sa mga anino ng walang buhay. Sa pamamagitan ng talinghaga kaya rin niya nagagawang maisip ang posibilidad ng ilusyong galaw na nakakapit sa ilusyong panahon. At sa mundo ng pag-aaral at pagsasanay niya, hindi kahinaan ang ilusyon kundi kapangyarihan.

Batay sa monitoring ng Tagapagsanay niya, sigurado si JM na mas maliksi siya kaysa sa optimum at target na bilis para sa edad niya. Natutuhan din niya ang angkop na galaw sang-ayon sa hinihingi ng bawat sandali, lalo na kapag may mga kakaibang daan siyang kailangang lampasan na hinugot mula sa nagdaan. Nagagawa niyang magpatawid-tawid sa malalawak na highway ng mga rumaragasang bus at kotse at trak nang nakalulusot sa pagi-pagitan ng mga sasakyan at kamatayan. Alam din niya kung paano mamaybay sa maninipis na daang-tao sa masusukal na gubat na pinaghaharian ng mga halimaw at ulupong at iba pang ihalas. Nauunawaan niya ang kawalang-kaayusan ng impiyernong kalye ng mga siyudad na walang lohika ang direksiyon ng mga yao’t paritong dyip at traysikel at pedikab at tao. Nasasaliksik niya kahit ang masisikip na eskinita na may anino ng mga kriminal at alagad ng batas na naghuhunyango bilang isa’t isa. Naroon siya sa laberinto ng mga palasyo’t bilangguan ng kabihasnan. Sa balaot ng matatandang lugod at takot. Sa kasanaan ng mga kaluluwang naglulunoy sa burak ng layaw at yaman. Maaaring nahihirapan siya sa pagmamapa ng mga Lunan sa utak niya, pero kapag nalampasan na niya ang anumang puwedeng pagmulan ng pagkalula, naghahari ang iniisip niyang kahusayan niya sa Galaw para malampasan ang lahat ng iyon. Galaw ang nagdudulot ng di-pagkapanatag sa Lunan. Iyon ang natutuhan ni JM. Kaya hindi niya iniisip na may problema siya sa GAP. Na may problema siya sa lahat ng ito. Na ang pag-iisip niyang may problema siya sa Lunan, sa Lunan lang, ay pagtatatwa ng utak niya na may problema siya sa lahat ng ito. Na problema ang lahat ng ito.

(ITUTULOY)

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281758452475596

Manila Bulletin Publishing Corp