Manila Bulletin

Ihuhudyat ng mga Bituin

Ni Armando T. Javier

(IKA-13 NA LABAS)

AYAW sana niya, pero mapilit si Arnold. At para yata mapapayag siya, sa halip na mag- jeep, nagpapara ng taksi.

“Sa Robinsons Ermita,” sabi nito sa driver.

Nang tumatakbo na ang taksi, siniko siya ni Arnold. “Ba’t ‘antahitahimik mo?”

“Wala,” matabang na sabi niya. “Galit ka ba sa ‘kin?” Umiling siya.

Natawa ito. “Me toyo ka, ‘no?” Hindi siya kumibo.

Sa Robinson’s, namimili na sila ng makakainan, tahimik pa rin siya. “Ano ba talaga’ng problema mo?” “Wala sabi.”

“Wala, e parang dinedma mo ‘ko? Dinededma mo ba ‘ko?” Medyo mataas na ang tono ni Arnold.

Umiling siya. Nakaorder na ito ng hamburger, spaghetti at softdrinks. Nadala na sa mesa nila.

“Kain na. Baka gutom lang ‘yan...” Gusto nitong magpatawa pero hindi siya tumawa.

Bahagya na nga niyang nabawasan ang inorder ni Arnold. Ipinahalata niya ritong napilitan lang siya. Noon, tumitiyempo siya para magkausap sila nang masinsinan. Ito na siguro ang pagkakakataon.

“Ano ba talaga’ng problema mo? Magsalita ka naman.” Halatang apektado na si Arnold. Iritado na. “Nang hindi naman ako nanghuhula...”

Huminga siya nang malalim. “Magtapat ka nga sa ‘kin, Arnold, hindi naman ako magagalit.”

“A-Ano’ng ipagtatapat ko sa ‘yo?” “Me ibang dyowa ka pa ba bukod sa ‘kin?”

Napatuwid si Arnold, bahagyang namula.

“Sa’n naman galing ‘yan? Sino’ng me makating dila naman ang me sabi n’yan?”

“Isang mapagkakatiwalaang tao. Totoo ba o hindi?” Tiningnan niya ito nang tuwid. Umiwas ng tingin si Arnold. “Magtapat ka na para natatapos na ‘tong usapan natin.”

“Wala akong ipagtatapat sa ‘yo. Hindi totoo’ng sinasabi mo.”

“Me nakakita sa inyong pumapasok sa sinehan!”

Doon, nasukol si Arnold: nandilat ang mata, lalong pinamulahan ng mukha.

“Sino s’ya, Arnold?”

“Hindi ko alam ang sinasabi mo, Dory...”

Tumayo si Dory. “Sige, d’yan ka na. Wala nang patutunguhan ‘tong usapan natin!”

“Dory, teka...”

Tinangka ni Arnold na hawakan siya sa braso at pigilan; pinalis niya ang kamay nito. Dire-diretso siya sa escalator. Tumayo rin si Arnold, akmang susunod sa kanya. Pinukol niya ito nang matalim na tingin. Pumatda. Nagbubuntunghiningang tinanaw na lamang siya habang bumababa ang sinasakyan niyang escalator. Nagpupuyos pa rin ang loob ni Dory. Sa sinakyan niyang jeep sa Pedro Gil, hindi niya mapigilang mapaluha.

SI Nenit ang nakapansin niyon. “Hindi ‘ata dumadalaw si Arnold mo?”

Patay-malisya siya.

“Me LQ ba kayo?” Lover’s quarrel daw. Nagkibit-balikat lang siya. Bahagyang napikon ang pinsan niya. “Wala ka namang kabuhay-buhay na tanungin!”

“Kung ako nga hindi naaapektuhan, ikaw pa?”

“Ang ibig mong sabihin...?” Pero hindi nito itinuloy ang sasabihin. Nahalata sigurong mainit na siya.

Naiinis lang siya kapag napaguusapan si Arnold. Pakiramdam kasi niya’y nagamit lang siya. Ang bait-bait sa kanya noong nasa probinsiya sila at nanliligaw pa lamang sa kanya. Ngayong maging boyfriend niya, naggi- girlfriend pa rin ng iba! Hindi na nga ito ang Arnold na kababata niya. At sa pagbabago nito, nakatitiyak siya, malaki ang kaugnayan nang dalawang lalaking sabi’y ka- brod nito sa fraternity. Pinanghihinayangan niya si Arnold, siyempre pa.

KAPAG nagpupunta sa opisina si Tems, nakukulitan siya. Kapag wala naman, parang hinahanap-hanap niya. At may dalawang linggo na yatang hindi ito sumisipot doon. Hindi rin nila natitiyempuhan ni Mel ang ipinapasada nitong jeep kung uwian na. Nang araw na iyon, inilipat sa telepono niya ang tawag na natanggap sa accounting department.

“Transfer,” sabi ng nakasagot na clerk.

Pinindot niya ang buton ng telepono sa kanyang mesa upang malipat sa telepono niya ang tawag. “Hello...”

“Hello, Dory, si Tems ‘to!” Masigla ang boses ni Tems. Excited.

“Oy! Sa’n ka tumatawag?” “Dito sa Divisoria.” “Ano’ng ginagawa mo d’yan?”

‘Naiinis lang siya kapag napag-uusapan si Arnold. Pakiramdam kasi niya’y nagamit lang siya. Ang baitbait sa kanya noong nasa probinsiya sila at nanliligaw pa lamang sa kanya. Ngayong maging boyfriend niya, naggi-girlfriend pa rin ng iba!’

“Nagtatrabaho.”

“Talaga? Anong trabaho?”

“Paris do’n sa Baclaran. Driver- pahinante.” Kaya pala hindi niya nakikitang namamasada ito. “Kelan ka pa d’yan?”

“Two weeks pa lang. Me nakaiwan ng clutch bag sa jeep ko. Nang isoli ko sa me-ari, laking pasalamat! Me anak palang negosyante ang mamang ‘yon, inirekomenda ‘ko dito. Okey ang s’weldo!” “Talaga? Magkano?”

Sinabi ni Tems. Malaki nga. Di hamak na mas malaki kaysa sa suweldo niya sa opisina.

“S’werte mo naman. ‘Di hindi ka na pursigidong mag- abroad?”

“Hindi muna siguro. ‘Pag natuloy kasi ‘ko ro’n, s’yempre, hindi na kita makikita.”

“He! Binola mo na naman ako!”

Narinig niya ang malutong na halakhak ni Tems bago ito nagpaalam at nawala sa linya. Natawa si Dory. Hanggang ngayon pala’y nagpapa- cute pa rin sa kanya si Tems.

Nang sumunod na linggo nga, narito. Day-off daw. May pasalubong pa sa kanyang imported na tsokolate. Inalok niya si Mel.

“Bah, okey ka rin, ‘no?” sabi nito kay Tems. Nagyayang kumain si Tems.

“Bakit? Ano’ng okasyon?” tanong ni Dory. “Blow-out ko. Unang s’weldo ko.” “Kasama ba ‘ko d’yan?” singit ni Mel. “S’yempre naman. Sa’n n’yo type?”

Nilingon ni Dory si Mel. “Sa Chinese resto!” “Me alam ako,” sabi ni Tems.

Sa Escolta pala ang sinasabi nito.

Sa pagbalik nila ni Mel sa opisina, nagtanong.

“Nanliligaw ba sa ‘yo ‘yon?”

“Si Tems? Hindi.”

“Hindi? Ba’t ka gagastusan no’n kung hindi nanliligaw?”

“Sa wala naman s’yang sinasabi...” “Sabagay, okey rin ‘yan. Baka ang style, e, patabain ka muna bago ka ligawan. Ayos na rin. Siguradong lagi kang libre sa kain!”

“Sira!” sabi niyang nakatawa kay Mel. Napapansin na pala sila ni Mark. Hindi tuwirang sinabi sa kanya, ipinadaan nito kay Mel. Sinabi nito sa kanya nang hapong uwian nila.

“Itinatanong sa ‘kin ni Bossing kung sino raw ‘yung lalaking laging pumupunta sa ‘yo.” “Ano’ng sabi mo?”

“Sabi ko, kaibigan mo. Para daw kasing nanliligaw sa ‘yo.”

“E, ano naman kung nanliligaw sa ‘kin?” Nagkibit-balikat si Mel. Umismid. “Ewan ko ba d’yan sa uncle ko, parang nagseselos na hindi ko maintindihan. Nanliligaw ba ‘yan sa ‘yo?” “N-Nagpaparamdam, gano’n...”

“Ma- chicks ‘yang lokong ‘yan. Kaya k’widaw ka d’yan.”

Dati’y si Mel ang nagbubuyo sa kanya kay Mark, bakit ngayo’y pinag-iingat siya sa tiyuhin nito?

“Kaibigan na kita, Dory, at me pinagsamahan na tayo. Napag-isip-isip ko lang na kung me hindi magandang mangyari sa inyo ng uncle ko, e, kargo din kita. Ako’ng nagyakag sa ‘yo dito.”

“Thank you, Mel, ha? Na- touch naman ako. ‘Ambait mo talaga!”

“Pero, ‘wag mo rin namang isnab-isnabin si Uncle Mark, ha? Baka mapahiya. Ano lang...sakyan mo na lang. Pero, s’yempre, ingat ka pa rin.”

“Tatandaan ko’ng bilin mo, beshie.”

‘“D-Dory, p’wede ba tayong mag-usap?” Nagulat siya nang marinig ang boses na iyon. Nang maglingon-likod siya, nakita niya si Arnold na kasunod niya sa paglalakad. Nasa kalyeng patungo sa bahay ng Ate Emy niya si Dory. Sadyang inabangan siya ni Arnold doon. Kung bahagyang payat na ito nang huli silang magkita, lalo na ngayon. At parang marusing. “Please...”’

“D-DORY, p’wede ba tayong mag-usap?”

Nagulat siya nang marinig ang boses na iyon. Nang maglingonlikod siya, nakita niya si Arnold na kasunod niya sa paglalakad. Nasa kalyeng patungo sa bahay ng Ate Emy niya si Dory. Sadyang inabangan siya ni Arnold doon. Kung bahagyang payat na ito nang huli silang magkita, lalo na ngayon. At parang marusing. “Please...”

Pinagbigyan niya. Pumasok sila sa kalapit na pizza house. Wala naman silang inorder maliban sa root beer.

“Ano’ng pag-uusapan natin?” Pormal si Dory.

“Dory, gusto kitang pakasalan.” “A-Ano?”

“Hindi ako nagbibiro. Ano? Payag ka ba?”

“P’wede ba, Arnold, ‘wag mo ‘kong pasakayin, ha?”

“Hindi kita pinasasakay, totoo’ng inaalok ko sa ‘yo. Ano? Payag ka ba?”

“Hindi! Wala pa sa isip ko’ng pag-aasawa! Me sasabihin ka pa ba? Kung wala na, uuwi na ‘ko. Pagod ako, gusto kong magpahinga.”

“Dory, ‘pag hindi ka pumayag ngayon, baka hindi na tayo magkatuluyan.”

“E, di h’wag!” Mainit na siya. “’Lika na!”

Sumunod si Arnold sa kanya palabas ng pizza house.

“Dory, sorry. Ayokong magalit ka sa ‘kin...”

Hinarap niya ito. “Friends na lang tayo, Arnold, sinira mo kasi’ng pagtitiwala ko sa ‘yo. Sige...” At humakbang na siya pauwi. Hindi na sumunod si Arnold.

Laguna. Pero, higit pa roon ang dala nitong balita sa kanya.

“Anak, ano ba’ng nangyari sa inyo ni Arnold?”

“Bakit ho ganyan ang tanong n’yo?”

“Ang tanong ko muna’ng sagutin mo?”

“Wala na ho kami, ‘Nay. Break na ho kami.”

Parang nabunutan nang malalim na tinik ang kanyang ina. “Bakit ho?”

“Anak, mag-aasawa na si Arnold!”

“H-Ho?!”

“Oo. Balitang-balita sa barangay natin. Buntis daw ‘yung babae. ‘Pag hindi pa pinakasalan ni Arnold, mahahalata na’ng t’yan!”

Nanlumo rin siya. Kaya ba siya niyayayang pakasal ni Arnold nang huli silang mag-usap? Umiiwas sa responsibilidad nito sa iba?

“Bali-balita rin na napabayaan na’ng pag-aaral. At nag-aadik pa raw! Nasuntok nga ng ama nang sagut-sagutin s’ya nang pabalang. Ano ba’ng nangyari sa batang ‘yon?” Napailing ang kanyang ina.

Nagbalik sa alaala ni Dory ang eksenang nadatnan niya nang puntahan niya si Arnold sa inuupahan nitong bahay: ang mga matang parang puyat at namumungay, ang dalawang lalaking barkada nito. Nag-aadik? Mabait, magalang at masunurin si Arnold nang nasa probinsiya pa. Siguro’y dahil nasusubaybayan ng mga magulang. Nang makapagsolo sa Metro Manila, lumayaw. Naimpluwensiyahan pa ng masamang barkada. Siya man ay nanghihinayang din sa naging kapalaran ng kanyang kababata. Pero sa isang banda, nakapagpasalamat din siya. Na siya’y maagang nagising na sila ni Arnold ay hindi talaga para sa isa’t isa.

(TATAPUSIN)

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281831466919628

Manila Bulletin Publishing Corp