Manila Bulletin

Epektibong Pagtuturo

Ni Pat V. Villafuerte

Ang ikaapat na dimensyon sa pagbasa ay ang pagsasanib ng mga kaisipang nabasa at ng mga karanasan upang magdulot ng bagong pananaw at pagkaunawa.

Sa dati at bagong kurikulum sa antas elementarya at sekondarya ng mga paaralang publiko at pribado ay laging itinatagubilin sa mga memorandum at kautusang pangkagawaran ng Kagawaran ng Edukasyon na tiyakin sa mga guro na makadebelop sa mga mag-aaral na maging mahusay na komyunikeytor sa pagtalakay sa mga kasanayang makro kabilang ang pakikinig, pagsasalita, pagbasa, pagsulat at panonood.

Sinabi sa kurikulum na sa paglinang ng mga nabanggit na kasanayan, kinakailangang taglayin ng mga magaaral an tiyak na kaalaman tulad ng gramatikal, sosyo-linggwistiks, diskorsal at istratedyik. Sapagkat, layunin na linangin ang kakayahang komunikatibo.

Kaugnay nito, sa ipinalabas na Most Essential Learning Competencies sa Baitang 1 hanggang Baitang 6 sa antas elementarya, at sa Baitang 7 hanggang Baitang 10 ng Junior High School, at sa Baitang 11 at Baitang 12 ng Senior High School ay nakapaloob ang mga kasanayan sa pagsasanib ng kaisipang nabasa at ng karanasan upang lalong maunawaan ang binasang teksto at magkaroon ng kritikal na pag-iisip ang mga mag-aaral.

Upang maisakatuparan ang mithiing ito, sa pagtuturo at pagkatuto ng pagbasa ay ibinilang sa mga kasanayang nakapaloob sa ikaapat na dimensyon ang mga sumusunod:

1. Pagbibigay ng opinyon at reaksyon. Sa nakagawiang pagtuturo ng pagbasa ay malimit na tahimik na pagbasa ang ipinagagawa ng guro. Matapos maibigay ng guro ang pamagat ng babasahing akda, nililinang niya sa kaniyang mga mag-aaral ang talasalitaan. Pumipili ang guro ng mga salitang natitiyak niyang mahihirapang unawain ng mga mag-aaral. Sa bawat ipinababasang akda ay iba’t ibang paraan at pamamaraan ang ginagamit ng guro sa bawat araw ng kaniyang pagtuturo.

Maaaring ang isang paraan ay ang pagtatanong sa mga mag-aaral ng kasingkahulugan o kasalungat ng mga salita. Maaari ring pinakukuha ng guro ang salitang ugat at panlaping ginamit sa salita. Ang kasunod na gawaing ipinagagawa ng guro ay ang pagpapabasa ng mga tanong mula sa ipababasang akda.

Sa paraang ito nagaganap ang pagbibigay ng samu’t saring reaksyon ang mga mag-aaral batay sa naihandang mga tanong. Kasunod nito ay ang pagpapabasa ng akda nang buong tahimik.

Ang mga maipupukol na reaksyon ng mga mag-aaral ay maaaring nauukol sa tungkuling transakyonal na gamit ng wika gaya ng pagtatanong, pagpapaalala, pagsasabing tama ng isang bagay o pagwawasto sa kamalian ng isang tao at pagsagot kung tama ang naganap na pangyayari sa binasang akda.

Maaari ring ang reaksyon ay bauukol sa tungkuling interaksyonal na gamit ng wika gaya ng pagmumungkahi, pagpapalakas ng loob, paghikayat, o pagrereklamo.

2. Pag-uugnay ng binasang kaisipan sa kaniyang sariling karanasan at sa tunay na pangyayari sa buhay. Masasabing matagumpay ang maisasagawang talakayang panglase kung maglalapat ng sariling karanasan ang mga mag-aaral sa binasang kaisipang hatid ng akda.

Malimit kasing ang mga kuwentong nakapaloob sa ipinababasang akda ay nakakatulad sa naging karanasan ng mga mag-aaral sa tahanan, sa paaralan o maging sa komunidad.

3. Pagpapayaman ng talakayan sa aralin sa pamamagitan ng paglalahad ng mga kaugnay na karanasan. Sa pagtuturo ng pagbasa ng guro ay malinaw na kaniyang naipakikita ang paglinang ng komprehensyon dahil nakabatay ito sa aktibong pakikisangkot ng mga mag-aaral sa proseso ng pagiisip.

Pinayayaman ng guro ang talakayang pangklase sa tulong mga karanasang inilalahad ng kaniyang mga mag-aaral.

Ginigising ng gawaing ito ang dating kaalaman ng mga mag-aaral hanggang sa pagmomonitor ng sarili nilang pagpapakahulugan sa binasang teksto.

Sa pamamagitan nito ay lubusang nalilinang ang kamalayan ng mga magaaral sa kahalagahan ng mga nabuong kaisipan sa pamamagityan ng pagpokus sa impormasyon at kaisipang hatid ng mayakda sa mga mambabasa.

4. Pag-alaala sa mga kaugnay na impormasyon. Maraming pag-aaral ang nagpapatunay na napakahalaga ng pagalala sa mga kaugnay na impormasyong hatid ng binabasang teksto. Ayon kay Coady (1979), ang kakayahang pangkaisipan ay ang panlahat na kakayahang intelektuwal ng isang tagabasa.

Sa aklat ni Badayos (1990) ay sinabi niyang ang mga estratehiya sa pagpoproseso ng impormasyon ay iyong may kinalaman sa paggising nang impormasyong nasa isipan ng tagabasa ng kaalamang semantika (impormasyon tungkol sa daigdig, halimbawa, mga konsepto, ideya, karanasan, at iba pa); kaalamang sintaktika (impormasyon tungkol sa wika, halimbawa, ang pagbuo ng pangungusap at mga batayang hulwaran); at kaalaman sa ugnayang graphophonic (halimbawa, pormasyon ng pantig, pagbaybay, at iba pa.)

5. Pagpapaliwanag sa nilalaman o kaisipang binasa batay sa sariling karanasan. Ang mga unang karanasan ng mga mag-aaral sa tahanan at sa kanilang kapaligiran ay nakaaapekto sa kanilang panloob at panlabas na personalidad. May mga mag-aaral na galing sa tahimik at masayang pamilya, at mayroon namang galing sa magulo at malungkot na pamilya.

Maaaring makaapekto rin ang mga ito sa kanilang kakayahan sa pagbasa at pagunawa sa binabasa nilang teksto. Maaari ring makaapekto ang mga ito sa kanilang mga gawain sa pagkatuto. Dahil dito, mahalagang may pagmomonitor na gawin ang guro habang ipinaliliwanag ng kanilang mga mag-aaral ang mga inilalahad na karanasan na may kaugnayan sa kaisipang nilalaman ng binasang akda.

Makabubuti ring magdaos ng pagtataya at ebalwasyon pagkatapos mailahad ang kanilang mga karanasan.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281844351821516

Manila Bulletin Publishing Corp