Manila Bulletin

Desisyon

Ni Mellodine Antonio

NORMAL nilang dalawa iyon – mag-inuman matapos ang mahaba-habang araw ng subsob-ulong trabaho. “Pilsen?”

Tango ang sagot ni Rhoda. Tumutungga na sila nang magsimulang tumugtog ang banda.

Nagulat ang dalaga nang marinig niya ang pagsabay ni Randy sa kanta.

“… Pinagtagpo pero di itinadhana…”

Nakatingin ito sa kanya. May kislap ang mga mata. Luha?

Tumungo si Rhoda.

Hindi niya kaya. Sa marami-raming pagkakataon, nararamdaman naman niya. Nagpapakamanhid lang siya. Nagpakawala siya ng pilit na ngiti.

Kunwa’y walang napansin. Kinuha ang isang bote ng beer. Diretsong inilapat ang labi sa pinanggalingan ng tansan.

“Bottom’s up?” Napapalatak si Randy.

“Camel, e.”

Sabay silang natawa. Mapakla pa kaysa beer niyang tinungga.

“Ga’no na ba tayo katagal?” Nilaro ni Randy ng tinidor ang patang pulutan. “A year and a half?”

“Two to be exact,” pagwawasto ng dalaga.

‘Dumating iyong hinihintay – pinangarap - pinagdasal niya. Sinagot ang dasal niya. Masaya siya. Pero malungkot din. Paano iyong dumating na iba? Umasa?’

“Matagal-tagal na rin ‘no?” Muli itong tumingin kay Rhoda. Nagbaba ng mata ang dalaga. Malapit na siyang matunaw sa ganitong tingin nito sa kanya.

“Ang tiyaga rin nating dalawa sa isa’t isa, ‘no?” bitaw Randy na nakatawa.

“Puwede namang putulin na natin. Hayaan na hanggang dalawang taon na lang.” May kirot ang nanunubok na sagot ng dalaga.

Mabilis na iling ang sagot ng lalaki. “Nope! Hindi iyon ang ibig kong sabihin.”

Naghihintay ang dalaga ng kasunod nitong sasabihin.

“Nahihirapan ako,” amin nito. “Nahihirapan na ako.”

“Magiging madali ba kung titigilan na natin ‘to? Kung di na tayo ganito? Kung magkakani-kanya tayo?” Sugal ang mga tanong na iyon ng dalaga. May gusto siyang alamin. Matagal na niya iyong gustong sabihin pero natatakot siya sa magiging sagot.

Mas matigas na pag-iling kasabay ng pagyuko.

“Hindi mo ‘ko naiintindihan.” “Ipaintindi mo. Di naman ako slow learner, e. Mabilis naman ang pickup ko.” Nagtangkang magbiro ang dalaga pantakip sa takot niyang nadarama.

“Uy, nakanta na namin ‘to kanina, a. Pero dahil mukhang may pinagdadaanan si ate, kakantahin namin ulit. We’ll be granting your request to sing this favorite song of yours.”

Inabala sila ng salita ng bokalista ng banda bago tumugtog ang pamilyar na kantang iyon.

Sumibol ang kaba sa dibdib ni Rhoda.

Para silang pelikula sa background music na mayroon ngayon na naririnig nila.

“Naniniwala ka ba sa destiny?” Seryosong-seryoso si Randy. “Minsan.”

“Ako, naniniwala na may kapalaran ang tao. Destiny kung bakit nakakatagpo natin ang isang tao. Destiny kung mananatili sila sa atin o hindi. Destiny kung saglit lang o panghabambuhay. Destiny kung inilaan para sa iyo.”

“May pagkakataong, tao mismo ang gumagawa ng destiny niya,” salag ng dalaga.

“Mapait kapag gano’n. Mapakla. Parang hinog sa pilit ang bunga. Hindi masarap kasi may ihihinog pa pero minadali na.”

Kunot-noo si Rhoda. “What’s your point?” tanong niya. Nalilito siya.

“May mga taong pinagtapo pero di itinadhana.” Eksakto sa bitaw ng liriks ng bokalista ang mga binitiwan ni Randy.

Sa ibang pagkakataon, matatawa si Rhoda pero hindi ngayon. Iba ngayon.

Mabigat ngayon.

“Saan mo tayo nakikita ro’n?” Napanganga ang dalaga.

Di niya inaasahan ang karugtong na tanong.

Alam naman niya mula’t mula. Wala itong itinago sa kanya. Sa marami-raming pagkakataong nakita niyang laglag ang balikat nito’t tila pasan ang bigat ng buong mundo. Hindi natakot ilabas ang maraming ‘bahong’ di ilalabas ng iba para pagtakpan ang sariling kahinaan at kamalian. Ilang beses na bumagsak ang luha kahit pa pinagsumikapang pigilan sa pamamagitan ng pagtingala at paulit-ulit na pagkurap.

Kinuha ni Randy ang bote sa harap.

Ito naman ang tumungga. Kita niya ang pagbaba-taas ng lalagukan nito sa pagpipilit na ubusin ang laman ng bote. Binabasa ang lalamunang tinutuyo ng paghihintay sa magiging sagot ni Rhoda.

Isinandal ng dalaga ang likod sa kawayang sandalan.

May lamig na sumigid sa balat na nadantay sa kawayan.

Ibinibalik siya sa nandidilat na katotohanan.

“Pinagtagpo lang ba talaga?” untag ni Randy na ikinagulat ng dalaga. “Hindi ba itinadhana?” Naroon ang lugkot. Napailing ang dalaga. “Ewan ko. Hindi ko alam.”

Pinagsalikop ng lalaki ang mga palad.

Inilagay sa batok.

Tila pagod na sumandal.

“My past did not work out. Maraming pinagpilitan dahil iyon ang nagustuhan. Maraming kahit parang ayaw ng tadhana, dahil may desisyon na, itinuloy pa rin.” Muli itong lumagok ng beer. “Kinalaban ko no’n ang tadhana. ‘Kako, ako ang hari ng sarili kong kapalaran. And it was a huge mistake. Greatest failure.”

“Kaya kahit mali na, ipinagpilitan pa?” paniniyak niya.

“Oo. Maling-mali,” amin nito. Tumungga siya ulit. Gustong lunurin ang sakit na nararamdaman.

“Magkasama kami sa ibang bansa. OFW. Maraming pangarap, e. Mag-iipon. Gagawa ng buhay na gusto namin.”

Nakikinig ang dalaga. “Halos sampung taon ang relas

‘“Ang pag-aasawa, hindi parang kaning isusubo na iluluwa mo kapag ka napaso. Mahirap pumasok sa matrimonyo kung may ibang itinitibok ang puso mo.” Muli niyang narinig sa isip ang bilin ng lola niya. “… Pinagtagpo pero di itinadhana…” Paulit-ulit sa isip niya ang sinasabi ng kanta.’

yon. Siya ang unang seryosong relasyon ko. Planado namin lahat. Lahat-lahat.” Tumungga ulit ito. “Pero di pala napaplano lahat. Hindi pala puwedeng lahat. Hindi pala namin kontrolado ang lahat.” Nakikinig pa rin ang dalaga.

“Nauna akong umuwi. Ang plano kasi, ayusin nang maayos na maayos ang kasal. Sabi kasi ng matatanda, ang magandang pagsasama, nagsisimula sa magandang umpisa – iyong maayos at magandang kasal nga.”

Tumikhim si Rhoda. Nag-alis ng bara sa lalamunan.

“Tinatapos pa niya ang kontrata niya kaya di siya sumabay sa pag-uwi. Ako naman, excited na makabalik. Katuparan ng maraming pangarap ang kahulugan ng kasal namin. Pag-uumpisa sa marami pang pangarap namin.”

Isa uling tungga.

“Alam mo ‘yong lahat nasa iyo? Lahat naplano mo? Ultimo kaliit-liitang detalye, naisip mo? Nagawan mo ng paraan para maging maayos? Tapos, nakita mo, unti-unting humuhulagpos sa ayos ang lahat? Nawawala iyong mga magaganda mong plano? Nasisira sa mismong harapan mo? Nakikita mo kung paano gumuho lahat ng binuo mo? Nawawasak ang mga pangarap mo?”

Tumungo si Rhoda.

Hindi na bago sa kanya ang kuwentong iyon. Ilang ulit na niyang narinig. Pero ganoon pa rin ang epekto sa kanya – may mga pinong kurot – may maliliit na kirot.

“Isanlinggo bago ang kasal, di pa rin siya umuuwi. Nag-aaway na kami sa telepono. Marami siyang gustong ipabago sa mga plano. Gusto niyang i- delay ang kasal kahit daw isang taon lang. Paano, sabi ko, ayos na ang lahat. Masisira ang plano.”

Marahas na hinaplos ang buhok. Halos sabunutan ng tuktok.

“Two days bago ang kasal, umuwi siya. Ilang ulit kaming nagtalo dahil may mga di raw ako sinunod sa mga bilin niya para sa ‘big day’ naming dalawa. I- gave in. Inayos ko iyong mga kaya pa – base sa sinasabi niyang gusto niya.”

Nag-angat ng mukha si Rhoda.

“That was the worst plan. Worst decision of mine.” Namagitan sa kanila ang katahimikan. “Masama ba ‘kong tao?” pagkuwa’y tanong nito. Sunod-sunod ang iling ng dalaga.

“Hindi! Alam mong mabuti ka.” Sinalubong nito ang mata ng dalaga. “Bakit malupit sa akin ang tadhana? Bakit nasira lahat ng plano? Bakit walang natupad sa mga pinangarap ko kasama siya?”

Nakatingin lang si Rhoda sa binata.

“Two weeks after, dumating ang bangungot. Buntis siya, hindi ako ang ama.”

Natigilan ang dalaga. Ang bahaging iyon ng kuwento nito ang bago sa kanya.

“Kaya niya raw gustong i- delay ang kasal kasi iyon ang iniisip niya. Boss niya ang nakabuntis sa kanya. May asawang iba. Pinangakuan raw siya na idi- divorce ang babae kaya pumayag siya. Kapag raw nagkaanak sila, magsasama na sila. Pero no’ng malamang buntis siya, umalis. Nag- resign. Nangibang bansa kasama ang asawa.” Nasapo nito ang noo. “Ako ang ginawang tagasalo. Kaya raw siya umuwi no’ng tinakasan na siya para may maging ama ang anak niya. Mahal ko raw naman siya. Kung totoong mahal ko raw siya, aakuin ko’ng batang dinadala niya. Ako raw ang tatayong ama. Pangarap naman naming magkaroon ng pamilya, iyon na raw ang pagkakataon. Baka raw iyon ang kapalaran – ang nakatakda – siya at ako kasama ng bata – kumpletong pamilya.”

Muli itong nagbukas ng bote ng beer. Tumungga.

“’Tang inang tadhana! Letseng plano! Putang inang pagmamahal!”

Sapo-sapo ng dalawang palad nito ang buong mukha. Tila nagtatago sa lahat ng kahihiyan at kabiguang inabot. Tila iyon ang tanging paraan para pagtakpan lahat ng mapait na karanasan – maibsan lahat ng sakit na nararamdaman na dumurog sa marami nitong plano kasama ng pagdurog sa pagkatao nito.

“Okey ka lang?” Natatangahan sa sariling tanong ang dalaga.

Sinong magiging okey sa ganoong mga pangit na karanasan?

Buntunghininga ang sagot nito.

“Ngayon ko lang nabuksan lahat. Ngayon ko lang nakayang ikuwento.” Mahinang-mahina iyon. Halos ayaw lumabas sa lalamunan. “Ang hirap. Sobra!” Tila iyon panaghoy. Malalim ang pait na pinanggagalingan.

“May maitutulong ba ‘ko? May magagawa ba ‘ko?” Mas gusto sanang itanong iyon ng dalaga sa sarili kaysa sa lalaki.

Tiningnan nito ang dalaga. Nagsalubong ang mga mata nila.

“Sana lagi kang nasa tabi ko.”

Patda si Rhoda.

Unang pagkakataon niyang narinig iyon mula kay Randy.

Sa madalas nilang paglabas-labas, sa di mabilang na kuwentuhan, sa parating harutan at walang patumanggang asaran – ito ang kauna-unahang pagsasabi nito nang ganoon sa kanya.

“Hintayin mo ‘ko,” ulit nito. “May mga dapat lang ayusin. May mga gusot lang na kailangang plantsahin.”

Mabilis na dinampot ng dalaga ang isang bote ng beer.

Mabigat ang paghatak sa magaan na bote. Napahiya sa sarili.

Basyo.

Nagmamadali pa rin.

Natabig ang ilan.

Inabot ng lalaki ang isang boteng bagong bukas. Kinuha ng dalaga.

Mabilis na inilapat sa labi.

Hinayaang mabasa ang labi niyang nangangatal sa narinig at tinuyo ng kaba.

“Okey ka lang?” Bakas ang pag-aalala sa mukha nito. Gustong matawa ng dalaga sakaling naiba ng sitwasyon at di tulad ng ngayon dahil iyon din ang tanong niya rito kanina.

Matapat ang mahinang iling na sagot nito.

“Sorry.” Yumuko ang lalaki.

“No. Hindi gano’n,” agap niya nang sumungaw sa mata ni Randy ang kabiguan. Iyong matang nakarehistro ang rejection. “Nalilito lang ako. Naguguluhan.”

Pilit niyang hinahamig ang sarili mula sa pagkagulat sa narinig.

“Nabigla ako sa sinabi mo. Akala ko kasi.. Akala ko…” “Sorry,” usal nito.

Tumango-tango ang dalaga. “Naiintindihan ko naman. Kaya lang…” Nag-aalangang umpisa ni Rhoda. “Paano kung di na ubra? Paano kung pinagtagpo lang pala?”

Bakas ang pagtataka sa mukha ng lalaki.

“Kasi kaya ako ang nagyaya ngayon, may gusto akong sabihin.” Lumunok ang dalaga.

Naghihintay sa sasabihin niya si Randy. Iniangat niya ang daliri sa hangin.

Ipinakita ang palasinsingang may bagong singsing na nakasuot.

Nasapo ni Randy ang noo. Dama ang biglang pagkaupos.

“Hindi ko kasi alam. Matagal akong naghintay. Akala ko, wala lang. Akala ko, hindi ko maririnig sa ‘yo. Ang sabi mo kasi sa akin, inaayos mo ang sa inyo.”

Napakagat labi ulit ang dalaga. Mabigat sa pakiramdam ang labis na panghihinayang.

“Sigurado ka ba sa kanya?” si Randy.

“Mahal niya ‘ko, dama ko,” tugon ni Rhoda. Umiling ito. “Hindi iyon ang tanong ko.”

“Hindi ko alam,” amin niya. “Ang alam ko, mahal niya ‘ko.”

“Paano ‘yong nararamdaman mo?”

“Ewan ko. Baka matutuhan ko rin. Matututuhan ko rin siguro. Baka siya ang itinakda ng tadhana.”

“Maloloko mo ang ibang tao, kahit ako, pero hindi ang sarili mo!”

Sukol siya. Di sumagot ang dalaga. “Naranasan ko na ang resulta ng maling desiyon. Ang paniniwala sa bigay ng tadhana.”

“Huwag mo ‘kong lituhin. Ang alam ko, tama ang desisyon ko.” Mas pakiusap kaysa saway ng dalaga.

Muling umiling si Randy. “Pagkatapos nito, kung tiyak ka sa desisyon mo, itutuloy ko pa rin ang pag-aayos ng gusot sa buhay ko para sa ‘yo.” Matiim ang tingin ni Randy kay Rhoda. “Sinimulan kong ayusin no’ng ma- realize kong mali ako. Sabi ko, iaayos ko. Nakilala kita. Nakasama kita. Naramdaman ko’ng saya kapag nariyan ka. Buo ako kapag nasa tabi kita. Nangarap ulit ako para sa akin. Nangarap akong makasama ka. Nangangarap ako para sa ating dalawa.”

Litong-lito ang dalaga.

Di sinasadyang nakakalabit—nalalaro ng hinlalaki ang singsing sa daliri niya.

Naghintay siya.

Nagdasal.

Nangarap.

Tapos, may dumating na iba.

Dahil akala niya, walang pag-asa ang ipinagdasal – pinangarap niya, pinapasok niya sa buhay niya ang dumating na iba. Hinayaan niyang bumuo ng pangarap kasama siya. Pagkatapos, ito.

Dumating iyong hinihintay – pinangarap - pinagdasal niya.

Sinagot ang dasal niya.

Masaya siya.

Pero malungkot din.

Paano iyong dumating na iba? Umasa? “Ewan ko. Nililito mo ‘ko,” amin niya rito. Hindi niya alam ang plano ni Randy – ang ginagawa nitong pag-aayos sa sinasabing ‘gusot’.

Tumayo ang dalaga.

Kinuha ang bag.

Lumakad palayo.

“ANG pag-aasawa, hindi parang kaning isusubo na iluluwa mo kapag ka napaso.” Lola niya. Nagbibilin – nagpapayo nang makita ang singsing na suot niya. “Mahirap pumasok sa matrimonyo kung may ibang itinitibok ang puso mo.”

Mahinang ungol ang sagot niya bago inilapat ang likod sa kama. Alam ng lola niya ang lahat sa kanya.

Masaya siya – kaninang umaga. Noong isuot sa daliri niya’ng singsing matapos sabihin sa kanyang: Gusto kong makasama ka sa buhay ko. Gusto mo bang maging ina ng mga magiging anak ko? na sinagot niya ng: Oo.

Masaya siya – sa pag-uumpisa ng gabi. Magkasama sila ng lalaking gustong-gusto niya bagaman akala niya, walang gusto sa kanya.

Dumapa ang dalaga.

Niyakap ang unan.

Masagana ang patak ng luha.

Hindi niya alam kung para saan, para kanino at kung ano ang tunay na dahilan.

May pangarap na rin silang binuo. Limang buwan mula ngayon, kasal. Simple lang. Mga kapamilya at mga kaibigan lang ang iimbitahan. Mangungupahan muna sila saka na kukuha ng bahay na hulugan. Magtatrabaho pa rin siya hanggang magbuntis. Bago manganak, magri-resign na siya. Mag-aalaga na lang siya ng anak – mag-aalaga ng pamilya.

Iyon ang plano.

Iyon ang gusto nito.

Iyon ang napagkasunduan nilang dalawa matapos niyang tanggapin ang singsing.

Masaya siya.

Masaya naman siya.

Ang alam niya, masaya siya kasi dapat masaya siya. Bumiling ang dalaga.

Mailap ang antok sa kanya.

Nagkukukot ang kalooban niya. Naghintay kasi siya. Ang tagal niyang umasa.

Akala niya kaibigan lang.

Iyon pala. Iyon pala…

“Ang pag-aasawa, hindi parang kaning isusubo na iluluwa mo kapag ka napaso. Mahirap pumasok sa matrimonyo kung may ibang itinitibok ang puso mo.” Muli niyang narinig sa isip ang bilin ng lola niya.

“… Pinagtagpo pero di itinadhana…” Paulit-ulit sa isip niya ang sinasabi ng kanta.

“Sana lagi kang nasa tabi ko.” Nagsusumamo ang mga mata ni Randy. “Hintayin mo ‘ko. May mga dapat lang ayusin. May mga gusot lang na kailangang plantsahin.”

“Sigurado ka ba sa kanya?” si Randy. “Mahal niya ‘ko, dama ko,” tugon ni Rhoda. Umiling ito. “Hindi iyon ang tanong ko.” “Hindi ko alam,” amin niya. “Ang alam ko, mahal niya ‘ko.”

“Gusto kong makasama ka sa buhay ko. Gusto mo bang maging ina ng mga magiging anak ko?” May kislap sa mata nito – pag-asa. May inialok, iyong pinakahihintay niya – pamilya.

May pangako siyang binitiwan.

Pero may dumating na matagal niyang inasam. Mariin siyang pumikit.

Kung walang sinabi sa kanya, maayos ang desisyon niya.

Kung wala siyang sinagot, wala siyang tama o maling pag-iisipan.

Tinatanong niya sa isip kung alin ang tama. Isinisigaw ng dibdib kung kanino ang kaligayahan at kapayapaan.

Muling pumatak ang mga luha.

May bigat ba kung bibilangin kung ilang tao ang malulungkot at ilan ang magiging masaya?

Isinubsob niya ang mukha sa unan.

Inabala siya ng tunog mula sa cellphone.

Tiningan niya.

Dalawang mensahe:

Kailan mo kami gustong mamanhikan? – sabi sa unang mensahe.

Hintayin mo ‘ko. Hihintayin kita. – sabi sa ikalawa. Wala sa sariling nayakap niya ang munting aparato. May mga pino ngunit masarap na kaba.

Tiyak niya kung kanino.

Batid niya kung sino ang nagpasikdo ng dibdib niya. Bukas, kailangan niyang magdesisyon.

Bukas, alam na niya ang desisyon.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281895891429068

Manila Bulletin Publishing Corp