Manila Bulletin

Kargada

Ni Hannah A. Lecena

Maraming pinaniniwalaan ang aking pamilya. Isa na rito ang pagdadala ng kargada. Kargada ang tawag sa maliit na bote na naglalaman ng ugat, maliliit na bato at langis na lagi naming dala-dala at hindi namin hinihiwalay sa aming mga katawan saanman kami magpunta. Mula sa mga anak ni Lolo, hanggang sa mga apo niya, lalo na ‘yong mga pinsan kong lapitin ng mga lamang lupa. Ang mga Angkol ko rin at Anti ay may mga kargadang panangga’t pananggalang bilang proteksiyon sa katawan. Minsan iniinom ito ni Angkol kapag nasugatan siya nang malalim o nakagat ng insekto. Anti-kamandag din daw ito. Hindi ito proteksiyon lang laban sa masasamang espirito kundi kalasag din laban sa masasamang tao. Ayon sa kuwento ni Lolo, makapangyarihan ang kargada. Dati raw may mga kargada ang mga NPA o mga pulahan na nakatira bundok kaya hindi sila tinatamaan o tinatablan ng bala ng mga militar.

Una akong nagkaroon ng kargada noong sampong taong gulang ako. Pero mahigpit ang bilin ni Mamang, bawal itong ipagsabi sa iba. Nawawalan ito ng bisa. Pinadala ito ni Mamang sa akin upang iadya ako nito sa kapahamakan tulad ng disgrasya, sakit o pagkalason.

Noong mga sandaling ‘yon parang gusto kong ipagmalaki sa aking mga kaklase na may super powers ako. Pag-uwi ko sa aming munting baryo, may dala na akong medalya. Nasungkit ko ang unang gantimpala sa pagsusulat sa balitang pampalakasan. Noong mga panahon ‘yon itinuring kong lucky charm ang aking kargada.

Kung pampasuwerte ito sa akin, iba naman ang tingin ni Papang dito, parang antinganting o tagapagligtas.Hinalik-halikan at hinimas-himas ni Papang ang kargada niya nang minsang umuwi siya sa bahay. Sabi niya kamuntik na siyang sumemplang sa daan dahil ipinagtirik siya ng kandila ni Mamang nang minsang nag-away sila. Laking pasalamat niya sa kargada. Ito raw ang nagligtas sa kaniya.

Dati hiram ko lang ang kargada sa tuwing umaalis ako para sumali sa Campus Journalism mula elementary hanggang haiskul. Pero no’ng nagkolehiyo na ako, binigay na nga sa akin ito ni Mamang nang buo. Ako na ang nagmamay-ari nito.

“Ampingi na, ampingan ka ana,” paalala ni Mamang sa akin noong inihatid niya ako sa kalsada habang naghihintay ng masasakyang van papunta sa lungsod. Ingatan ko raw ang kargada dahil iingatan ako nito. Kaya siguro ipinadala ni Mamang ang kargada dahil matatagalan pa bago ako makauwi.

Kinailangan kong lisanin ang aming bayan upang lumuwas sa lungsod. Doon ako nagkolehiyo kahit may malapit naman na paaralang tersarya sa kalapit-bayan. Iba pa rin

kasi kapag nagtapos sa unibersidad. At saka, mas mura ang matrikula.

Tinanggap ko ang kargada. Dala-dala ko ito sa syudad. Hindi ko pinagsabi kahit kanino. Nakasanayan ko ngang dalhin ito sa loob ng klase, sa silid-aklatan, sa palengke, sa talipapa, sa ko lang ito sa aking katawan sa tuwing naliligo ako. Siguro nga epektibo naman talaga ang kargada. Walang masamang nangyari sa akin sa loob ng dalawang taon sa lungsod. Hindi ako nailapit sa tukso ng sex, pagdodroga, pakikipagrelasyon o sa pakikipagbarkada. Walang nangyaring masama sa akin.

Pero isang araw, nagising na lang ako na hindi ko na makapa ang aking kargada. Hindi ko alam kung bakit nawala o kung paano. Kaya pag-uwi ko, labislabis ang galit ni Mamang nang malaman niyang naiwala ko ito.

“Paanong nawala?” matigas niyang tanong. “Hindi ko alam, ” diretso kong sagot kay Mamang.

“Anong hindi mo alam? Kung natatanggal ‘yang puke mo baka kung saan-saan mo lang naiwan tapos hindi mo alam?” sunod-sunod niyang pahayag. Nagsalpukan ang kaniyang kilay. Kitangkita ko sa kanyang mukha ang pagkadismaya.

Ang sabi niya nag-iisa na lang daw ang kargadang iyon. Walang kapares. Ang ugat at mga bato nito ay galing pa raw sa bundok, sa pinuno ni Lolo. Ang langis nito ay ginawa pa noong Biyernes Santo. Dinadasalan pa raw ito palagi ni Lolo.

Nagsisi ako kung bakit ko ‘yon nawala nang hindi ko nalalaman. Hindi man lang ako makapagdahilan. Marahil nakalimutan kong ilagay sa pitaka, o sa bulsa ng bag, o siguro naiwan ko sa banyo ng aming dormitoryo habang naliligo ako. O marahil masyado akong abala kaya hindi ko namalayang unti-unti nang nahihiwalay sa akin ang kargada. O marahil ay unti-unti na akong humiwalay rito. Tulad ng untiunti kong pagtiwalag sa mga paniniwala ng pamilya.

Pagkalipas ng tatlong taon, bumalik ako sa baryo at wala pa ring nagbago. Naniniwala pa rin ang pamilya ko sa lahat ng puwedeng paniwalaan. At ako, hindi ko pa rin maalala kung paano nawala ang kargada. Hindi na rin ako binigyan pa ni Mamang ng isa pa. Tumatalab lang daw ang bisa sa mga naniniwala.

“Napunta ka lang sa syudad, binago ka na ng syudad,” aniya.

Ngunit bakit ganito, pakiramdam ko walang nawala sa akin. Mas natagpuan ko lang ang aking sariling patuloy na dala-dala ang bigat ng kargadang hindi ko pa rin makapa.

‘Pagkalipas ng tatlong taon, bumalik ako sa baryo at wala pa ring nagbago. Naniniwala pa rin ang pamilya ko sa lahat ng puwedeng paniwalaan. At ako, hindi ko pa rin maalala kung paano nawala ang kargada. Hindi na rin ako binigyan pa ni Mamang ng isa pa. Tumatalab lang daw ang bisa sa mga naniniwala. “Napunta ka lang sa syudad, binago ka na ng syudad,” aniya.’

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281947431036620

Manila Bulletin Publishing Corp