Manila Bulletin

Si Sid Sisid at ang Basurero sa Dagat

Ni Manuel O. Abis

Masiglang gumising nang maaga ang binatilyong si Sid sa araw na ito! Ito ang unang araw na hinirang na wala nang pasok sa eskuwela! Ito ang araw na pinananabikan niya!

Mula sa kaniyang silid sa pinakamataas na palapag ng kanilang lumang bahay sa tabi ng Dagat ng Ayisa’y patakbong nanaog si Sid, binuksan ang pinto, at pagkatapos ay nagmamadaling lumabas tungo sa baybayin. Hindi na niya kailangan ng iba pang gamit. Sapat na ang kaniyang paboritong damit-panlangoy para sa paborito niyang libangan taon-taon sa tuwing wala siyang pasok sa eskuwela: ang pagsisid!

Kahit noong may pasok pa siya sa eskuwela at nasa loob si Sid ng silid-aralan, dilat-mata niyang pinangarap ang pagsapit ng pinakamahalagang araw na ito sa kaniyang buhay: ang lumusong sa malinis at malinaw na tubig-dagat ng Ayisa at sumisid sa malawak at di-gaanong malalim na coral reef ng katubigan.

Sa personal na karanasan ng binatilyo, ang bawat pagsisid niya’y tila isang lihim na pakikipagsapalaran sa ibang daigdig na siksik, liglig at nag-uumapaw sa hiwaga’t kababalaghan na bukodtanging siya at siya lamang ang tanging nakababatid. Kahit taon-taon niyang dinadalaw sa pagsisid ang coral reef ay marami pa rin siyang hindi natutuklasan dito. Sa pananaw niya, hinding-hindi siya magsasawa na sisirin ang buong Dagat ng Ayisa kung bibigyan lamang siya ng pagkakataon.

At dahil na rin sa pangunahing libangan na ito ng binatilyo’y sinimulan niyang bansagan ang kaniyang sarili ng isang nakatutuwang bansag. Sa kalauna’y ito na rin ang naging tawag sa kaniya ng kaniyang pamilya at ng kaniyang mga kababata: si Sid Sisid!

Nang nasa tabing-dagat na si Sid Sisid ay masayang-masaya siya sa kaniyang dinatnan. Walang naging pagbabago ang malakristal na linaw at linis ng tubig ng dagat. Sa paningin ng binatilyong maninisid, tila isang langit sa ilalim ng tubig ang naghihintay sa kaniyang dalawin ito. Agad din niyang nasilip ang ilang makukulay na isda na mapaglarong labas-masok sa ibaibang sulok at lagusan ng coral reef.

Akmang lulusong na sa malamig at preskong tubig ng Dagat ng Ayisa ang binatilyo nang siya’y biglang natigilan.

May isang munting bangka na may sakay na isang tao at tila puno ng samotsaring mga bagay ang biglang tumawid sa tubig sa kaniyang harapan, hindi kalayuan sa baybayin.

Parang nabanlian ng kumukulong tubig ang mga paa ni Sid Sisid at siya’y napaatras pabalik sa buhanginan. Sabik na sabik pa naman siyang sumisid na, habang bagong sikat pa lamang ang araw at kaakit-akit ang tubig-dagat ng Ayisa. Subalit imbis na mainis ang binatilyo’y tila napukaw pa ang pagkamausisa niya. Bakit nandirito ang bangkang ito? Sino ang nag-iisang tao na sakay nito? At ano ang mga samotsaring bagay na lulan nito?

Nang malapit na malapit na ang munting bangka sa kinatitindigan ni Sid Sisid ay tinawag niya ang nag-iisang tao na sakay nito. Napansin niyang kasing-edad niya ang lalaking sakay ng bangka, bagaman nakapangalumbaba at tila malalim ang iniisip.

“Magandang araw sa iyo!”

Parang hindi siya narinig. Inulit ni Sid Sisid ang pagtawag nang mas malakas kaysa sa nauna.

‘Nang nasa tabing- dagat na si Sid Sisid ay masayang-masaya siya sa kaniyang dinatnan. Walang naging pagbabago ang malakristal na linaw at linis ng tubig ng dagat. Sa paningin ng binatilyong maninisid, tila isang langit sa ilalim ng tubig ang naghihintay sa kaniyang dalawin ito.’

“Magandang araw sa iyo, kaibigan!”

Sa pagkakataon na ito’y napansin na siya ng binatilyo sa munting bangka at marahang itinungo ang ulo bilang tugon. Bagaman hindi pa rin nabubura sa wangis nito ang tila magkahalong matinding pagkalungkot at pagkapagod. Hindi na nakatiis si Sid Sisid at inusisa siya.

“Ako nga pala si Sid Sisid. Ano ang pangalan mo?”

“Ako si Boy. Ang basurero sa Dagat ng Ayisa.” Ang mahinang sagot ng kausap.

“Basurero sa dagat? Iyon ba ang iyong trabaho? Paano ang trabaho mo bilang basurero sa dagat? At, kung iyong mamarapatin, maaari bang malaman kung saan nagmula ang samotsaring mga bagay na lulan ng iyong bangka?”

Parang daluyong ng dagat ang sunodsunod na katanungan ni Sid Sisid sa nagpakilalang si Boy, ang basurero sa Dagat ng Ayisa.

Biglang nagbago ang postura ni Boy. Makikitaan ng malabituing kislap ang mga mata nito, at nang ibinuka na nito ang bibig upang magkuwento’y tila isang di-mapigilang rumaragasang agos ng mga salita ang namutawi dito.

Isinalaysay ni Boy ang kaniyang trabaho bilang basurero sa Dagat ng Ayisa: ang pagsisid niya sa ilalim ng tubig upang kuhanin at ipunin ang mga basurang itinapon ng mga tao sa dagat, gayundin ang pagsuyod niya sa mga baybayin, look, at bakawan upang gampanan ang marangal ngunit lubhang nakapapagod at kadalasa’y malungkot na tungkulin niya.

Idinagdag pa ni Boy na dahil sa trabaho

‘Idinagdag pa ni Boy na dahil sa trabaho niya bilang basurero sa dagat, napanatili niyang malinis ang dagat, habang marami siyang natuklasan sa ilalim at sa ibabaw ng tubig na marahil ay wala pang ibang tao ang nakatutuklas.’

niya bilang basurero sa dagat, napanatili niyang malinis ang dagat, habang marami siyang natuklasan sa ilalim at sa ibabaw ng tubig na marahil ay wala pang ibang tao ang nakatutuklas.

Nang matapos si Boy sa kaniyang mahabang kuwento at pagpapakilala bilang basurero sa Dagat ng Ayisa’y tila may nagbago sa kaniyang pakiramdam. Tila natanggal ang isang buong dagat na malaon nang nakadagan sa kaniyang dibdib. Nakangiting nagpasalamat si Boy kay Sid Sisid.

“Ako ang dapat magpasalamat sa iyo,” ang naging tugon ni Sid Sisid, “dahil sa iyo’y nabuksan ang aking puso’t isipan sa aking magiging misyon sa buhay! Magmula sa araw na ito’y tawagin mo na lamang ako bilang si Sid Sisid, ang iyong bagong kasamang basurero sa Dagat ng Ayisa!”

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281964610905804

Manila Bulletin Publishing Corp