Manila Bulletin

Bagahe: Limang Tula

Ni Carl Angelo Latoja

Magsisimula na naman ang bagong araw, mula sa inaalikabok na salamin sa kaliwa ng pinakamamahal na alaga, ay tanaw ang pasibol na araw, nakahiga sa langit na bughaw.

Alam ni manong tsuper ang ihahanda bagot magsimula sa pagroronda: kahon na lagayan ng barya, bimpo na isasabit sa balikat, tubig na nasa lumang botelya, at rosaryo na pananggala sa mga hindi inaasahang aksidente,

reserbang damit sakaling mamaho kapag pinawisan, at baka makalimutan pa ang mga plaka ng mga lugar na madadaanan ng ruta.

Wala siyang ibang aasahan bukod sa panata na makapag-uuwi ng sapat sa pamilya, pang-isang araw na pagkain sa lamesa, at maiuwi ng buo ang sarili para sa supling at asawa.

Walang minutong hindi sisilip sa telepono ang nanay.

Nag-aabang sa tawag na laging hinihintay. Kapag nababagot, saglit na iidlip.

Kung lumagpas sa isang oras, malalim na ang kaniyang buntong-hininga.

Gabi man inabot sa paglalaba, sa oras na tumunog ang telepono, pilit pa rin makikipag-usap kahit na kailangan nang magpahinga. Ganito nila sinasabi sa bawat isa ang pag-ibig, kahit parehong pagod, at may mga kanya-kanyang bagahe ay mag-uusap pa rin sila. Magsasalo sa mga pasakit at hirap na dinanas ng bawat isa. Ganito nila pinatunayan ang sumpaan sa altar: Kada minuto’y magsasalo sila sa hirap, Ipagpapaliban ang puyat para sa isa’t-isa, Isasantabi ang pagod, malaman lang ang mga nangyari sa buong araw ng bawat isa.

Madalas, ganito ang senaryo tuwing uuwi ang aking ama sa amin: ang bagahe ay puno ng mga empake na mga imported na tsokolate, damit, sapatos, bag, at mga mamahalin na gadgets, laruan para sa batang pinsan, at mga pabango para sa mga tiyahin at biyenan.

Madalas, ganito ang senaryo tuwing tatawag mula sa telepono ang aking ama sa amin. Tila aligaga ngunit buo ang ngiti at pananalita.

Garalgal man ito’y dahil sa koneksyon. Palaging nasa parehong lokasyon sa kanyang higaan at nasa parehong posisyon kung makipag-usap. Madilim, parang nagtatago.

Kung tutuusin, walang pahinga ang isang tulad niya, malalim ang pinaghuhugutan ng motibasyon kaya’t nakakaya. Kung kumita siya’y puro barya, pagbalik naman ay limpak-limpak.

Madalas ganito ang senaryo tuwing uuwi ang ama mula sa amin: makapal na ang buhok, makapal na rin ang bigote’t balbas, namumutla na para bang pagod. Hindi namin alintana

dahil nakatuon ang aming mga atensyon sa laman ng kanyang maleta na siguradong pagbabatayan ng kanyang pagsisikap. Nakauwi siya na para na lamang aksesorya sa iba.

Ganito ko tinitigan ang aking ama, papalabas sa paliparan ng nakangiti: tumingin sa kanyang mata at tinanong sa sarili,

Masaya na akong nakauwi ka.

Pero, anong mga dala mong pasalubong ang magpapa-atat sa kanila sa iyong pagbabalik? Walang bahid ang pagkagalak namin, na iyong pamilya.

Dadalhin niya ang lahat ng mga kakailanganin. Mga paboritong damit na madalas niyang magiging pamalit sakaling matapos sa trabaho. Relo na nabili niya pa sa Quiapo.

Sapatos at sandalyas na itinawad niya pa sa isang tindahan sa Divisoria.

Mga pantalon pamasok na sa ukay-ukay niya nahanap at nahalukay.

Bagong pitaka na kaisa-isang branded na nabili niya sa mall sa huling araw ng 3 Day Sale. Mga medyas na 3 for 100 sa bangketa.

Huli, ang litrato ng pamilya at ilang dolyares na maiipit sa amoy pabrikang pitaka.

Walang ibang tinatanaw ang mga mata kundi ang pamilyar na mukha.

Kapag mamukhaan ay kakaway na lamang, wala kaming dalang kartolina o malaking piraso na karton na may nakalagay na apelyido. Tanging sa mga text, tawag, at inaasahang oras nang paglabas mula sa loob ng paliparan ang aming inaasahan sa pagbabalik-bayan niya. Nag-aabang kami, kabisado ang numero ng eroplanong sinasakyan. Nag-stop-over sa Istanbul, balita pa’y naabutan ang akto ng terorismo. Kaya’t bahagyang nabahala si ina.

Lumipas ang isang oras nang paghihintay, ilang pamilya na rin ang pinanood na nagkasama nang muli at nagkawalay: Ina na muling niyakap ang mga anak.

Anak na muling nakita ang mga magulang. Binata na lilisanin ang bansa, lalayo sa nobya.

Sa wakas, dumating na ang aking ama.

May suot na bughaw na sombrero, kupas na pantalon, pero sapatos ay bago. Nawala ang pagkabagot ng aming bunso ng muling mayakap si ama, ganoon din si ina. Puno ang kariton ng mga pasalubong mula sa duty free: Toblerone, Cadbury, kisses, snickers, at Reese.

May pabango, mga bagong tatak na sombrero, damit, relos, at higit sa lahat, mga sapatos panlaro.

Sabik kaming lahat na uuwi’t nag-aabang ng taksi. Yakap ko ang bag ng aking ama, habang si bunso at ang ina’y nakayakap sa kanya. At may mga kwento ang aming panganay. Gising ang aming mga diwa na uuwi. Matamis ang mga ngiti. Buong uuwi. Lalabas sa sinakyang taksi

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/282016150513356

Manila Bulletin Publishing Corp