Manila Bulletin

Apat na Tula

Ni Agatha Palencia-Bagares

Kusa kang sumuloy sa kasuluk-sulukan ng aking bakuran. Lumukso ang aking puso nang kita’y natagpuan—ilang buwan na ring pinapangarap na doo’y may tumubong bulaklak (ang sabi kasi nila, mainit ang aking mga kamay).

Kahit na búko ka pa lamang ay lubos ang iningatan: oras-oras kung silipin, kausapin, at kantahan. Kinikiliti ang diwa tuwing aking iniisip na madadampian na ng kulay ang damuhan. Nababalisa naman ang puso sa tuwing naaalala ang kalakip na tungkulin ng pagmamay-ari ng bulaklak.

Ngunit isang umaga’y nagising ako sa pagdanak ng baha sa aking bakuran. Nilumpo ako ng takot, walang magawa kundi panoorin ang paghablot sa iyo ng agos papalayo sa akin.

Wala kang iniwan kundi ugat ng hindi maipaliwanag na kalungkutan.

Malabo ang mga linya sa sumulpot na bahaghari. Hindi pa ganap na bughaw ang langit nang dumating ang malamlam na arkong halos ikubli ng ulap ng sanlaksang alinlangan.

Paano nga ba pagkakasyahin sa puso ang samo’t saring damdamin na inihahayin ng magkakakontrang elemento sa langit? Paano nga ba magpasalamat sa paglitaw ng liwanag matapos lumpuhin ng marahas na unos?

Nanalangin ako ng liwanag sa gitna ng dilim ngunit hindi agad maituring na liwanag ang liwanag na dumating.

* Tawag sa sanggol na ipinagbuntis matapos makunan/ maagasan ang ina.

Nakatakda na ang haba ng paglalakbay sa ilog na kailangan nating tawirin nang magkasama. Pinag-aralan ko ang mga naitalang babala: punô ito ng mga balakid at sopresang panganib. Ganito naman ang disenyo ng paglalakbay: sasakay tayo sa magkahiwalay na balsang pinag-uugnay lamang ng manipis na lubid. Magkadikit, ngunit hindi ganap. Magkalapit, ngunit hindi kita masisilayan hanggang sa maabot natin ang pampang.

Ngunit may sapat nga bang paghahanda kung kamatayan ang parating nakaamba?

Nasa kalagitnaan tayo nang umalog ang balsa ko habang paluwag nang paluwag naman ang kapit mo.

Humiga ako sa gitna ng balsa’t ipinaubaya ang balanse sa marahang agos sabay iniusal ang palaging dalangin mula simula: sana sa pagmulat ng aking mga mata ay kasama pa rin kita.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/282046215284428

Manila Bulletin Publishing Corp