Manila Bulletin

Pagkapit sa Pag-asa

Hindi naging madali ang pagbuo ng isyu na ito. Bukod sa hamon na dala ng pandemya, malaking balakid ang koordinasyon sa pagitan ng patnugutan at sa mga manunulat at ilustrador. May dalang benepisyo ang online na paraan ng komunikasyon, subalit sa prosesong ito, nawawala ang tinatawag na “human touch” -- hindi nadarama ang interaskyon, emosyon, at motibasyon sa mga screen ng laptop o smartphone.

Para sa mga artist, napakahalaga ng pakikipag-usap at talastasan sa mga kapwa artist. Hindi lamang ito para sa mga manunulat o pintor kundi na rin para sa mga disipulo ng ibang sining gaya ng sayaw, teatro, o pelikula. Maraming proyekto o aktibidad ang naudlot o tuluyan nang nabuwag dahil sa pandemya. Sadyang napakalaki ng negatibong epekto ng pandemya na mararamdaman pa rin natin ito sa mga darating na panahon.

Kung may dagok man, may pagasa pa rin. Ayon sa pabalat ng isyung ito -- “Kapit Lang!” Sa panahon ng pighati, wala na tayong sandigan kundi ang pagkapit sa ano mang bagay o konsepto na magbibigay sa atin ng pag-asa. Para sa ilustrador ng pabalat na si Hareol Tero, ito ay “pagkapit sa Panginoon.”

Iba-iba man ang ating mga paniniwala, ang pandemya ay naging panahon ng pagnilay kung ano ba ang kabuluhan natin sa mundo. Maraming nasawi sa paligid natin -mga kaibigan, kamag-anak, katrabaho, atbp. Nawalan tayo ng pagkakataon na magpaalam o magpakita ng simpatya sa personal na paraan. Ang lahat ay ginagawa na online.

Sana ay matapos na ang pandemyang ito sa lalong madaling panahon. Kung di man, sana ay mabilis tayong maka-adapt sa pagbabago na dala ng pandemya. Sana ay makahanap tayong lahat ng makakapitan upang malampasan natin ang pighati na dala ng maraming pagsubok. Para sa akin, kumakapit ako sa Diyos at sa kalinangan na dala ng sining.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

2021-10-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/282153589466828

Manila Bulletin Publishing Corp