Publication:

Liwayway - 2021-11-01

Data:

TUNGKOL SA PABALAT

CONTENTS

Ang pagbasa ay pagbisita sa ibang mundo. Ngayong nasa pandemya tayo, malaking ambag ang nagagawa ng pagbasa upang lumakbay ang ating isip paalis sa masasakit na realidad ng mundo. Ang disenyo ng pabalat ay mula kay AVERIL PARAS na pinamagatang “Neverland” (Oil on canvas/ 72” x 48”/ 2021). Samahan niyo kami sa mundo ng pagbasa. Ang isyung ito ang nagmamarka ng ika-99 na taon ng Liwayway. Walang babasahin sa Pilipinas na ganitong klase ang tumagal ng ganito. Kung may panahon man sa kasaysayan ng Liwayway na tiyak ay nagbago sa kanyang direksyon, ito marahil ay mga giyera na naganap sa ating bansa. Ang pagpalit din ng mga administrasyon, halimbawa noong kay Marcos papunta kay Aquino, ay may malaking epekto din sa laman ng Liwayway. Sa loob ng mga nakalipas na 99 na taon, bihirang mahinto ang paglilimbag sa Liwayway. Subalit noong nagsimula ang pandemya noong Marso 2020, minarapat ng pamunuan ng Manila Bulletin sa ihinto muna panandalian ang paglilimbag sa isyu. Naintindihan ko ang pasyang ito dahil nakita natin na naging mahirap ang pagbebenta ng pisikal na isyu at may balakid din sa paghahatid ng isyu sa mga subscriber. Marami akong natatanggap na mga email at mensahe sa Facebook na nagtatanong kung kailan babalik ang pisikal na kopya ng Liwayway. Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Ang alam ko lamang ay patuloy kami sa paggawa ng mga isyu at pagpapatibay sa mga online na plataporma ng Liwayway. Noong Hunyo, nagsimula ang opisyal na website ng Liwayway na liwayway.ph; gayun din ang pahina ng Liwayway sa Instagram, Twitter, at sa Tiktok. Maraming nagtaka bakit kailangang may TikTok ang Liwayway gayong ang platapormang ito ay “di seryoso” at para sa mga kabataan. Iyon na nga ang pakay ko -- ang mapalapit ang Liwayway sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagbubukas sa kanilang kamalayan sa yaman ng ating sariling kultura, sining, at panitikan. Aamin ko na hindi madaling gawin ito lalo na sa dami ng content na makikita online. Subalit, kailangang gawin at magsimula kahit hindi pa ito “trending,” dahil kung hindi, paano na lang ang Liwayway sa darating pang siglo?

Images:

© PressReader. All rights reserved.