Manila Bulletin

Hindi Pa Tapos ang Sigwa

Kolum ni FC Marie Esperas

Pakiwari ko, maliban sa nag-iwan sila ng mga alaala na patuloy kong dadalhin habang ako’y nananatili sa mundong ito, may itinangay rin sila mula sa akin. Hindi ako makaramdam ng kahit ano sa ngayon. Hindi ko maisip kung ano ang nag-aantay kinabukasan. Baka tulad nila, isang araw, bigla na lang ako matumba, mawalan ng ulirat, at hindi na tuluyang magising.

Kapag ang isang tao ba ay yumao, sino ba talaga ang namamatay? Siya na nalagutan ng hininga, o ang kanyang mga naiwan?

Kaninang hapon lamang ay napagalaman kong sumakabilang-buhay na ang kasintahan ng isa sa mga malapit kong kaibigan. May dalawang buwan na rin ata ito na nakaratay sa ospital, matapos maputukan ng ugat sa utak. Bagama’t nakikini-kinita na namin na ito ang hahantungan ng lahat, hindi ko pa rin napigilan ang matulala nang matanggap ko ang balita.

Mabait ang taong ‘yun, sa makailangbeses ko siyang makadaupang-palad kapag pumupunta ako sa opisina kung saan sila nagtatrabaho ng kaibigan ko. Hindi rin lingid sa aking kaalaman na sa kabila ng higit isang dekada nilang pagiging makasintahan, karamihan sa mga gabing kanilang pinagsaluhan ay puro away. Toxic, kung susumahin. Hindi naging mabuting kapareha ang kaibigan ko. Hindi ko na rin mabilang kung ilang ulit niyang sinabi mismo sa pagmumukha ng kanyang kasintahan na sana’y mamatay na ito, sa tuwing sila ay may di pagkakaunawaan.

Pero hindi ko rin magawang maawa. Kung tutuusin, mabuti na rin siguro na nauna na itong sumakabilang-buhay, para na rin maturuan ng leksyon ang kaibigan ko. Sige na, ako na ang walang simpatya.

Ngunit isang dahilan rin siguro na hindi ako pa ako makapaglahad ng aking pakikiramay ay dahil sa nakonsumo na ako pagdating sa pagdadalamhati. Dalawang kaibigan na malapit sa akin ang pumanaw nitong nakaraang buwan, sa panahon pa na ako’y sadsad sa trabaho. Hanggang ngayon ay di pa rin ako makapaniwala na ang musikerong nakakainuman ko, nasulatan ko ng artikulo sa magasin, at nakakasabay kong malakad sa Tacloban at Cubao ay wala na sa mundong ito. Gayundin ang tropa kong nasa akademiya, na mula pa noong ako’y kolehiyo ay katsismisan ko na sa maraming bagay, mula UAAP papuntang pultika, hanggang sa kung paano ba maging ama sa aso niyang si Jingle.

Pakiwari ko, maliban sa nag-iwan sila ng mga alaala na patuloy kong dadalhin habang ako’y nananatili sa mundong ito, may itinangay rin sila mula sa akin.

Hindi ako makaramdam ng kahit ano sa ngayon.

Hindi ko maisip kung ano ang nagaantay kinabukasan. Baka tulad nila, isang araw, bigla na lang ako matumba, mawalan ng ulirat, at hindi na tuluyang magising.

Hindi ko rin ata mahanap kung saan huhugot ng tapang para harapin ang mga hamon ng buhay-nang buong sigla at pananabik. Tila ba ang mga araw ay nagdaraan lamang, pare-pareho ang pagsikat ng liwanag at pagsapit ng takipsilim. Walang pagbabago, wala nang kahit ano.

Ang mga nararamdaman kong ito ay taliwas sa mga nararamdaman ko noong Nobyembre 2013, noong ako’y nasa Tacloban at humarap sa isang delubyong nagngangalang Yolanda. Sa isang iglap, nawala sa akin halos lahat, at natagpuan ko ang sarili ko na napapaligiran ng mga katawan ng mga nasawi sa bagyo. Pero sa halip na umiyak at lasapin ang lamig ng lungkot, pinilit kong makapa ang natitirang rason para mabuhay, sa pag-aakalang mapalad ako at hindi ako kinuha ng naturang unos.

Subali’t ngayon, ako’y pagod na. Pagod nang mag-isip na may nagtatagong pag-asa sa tabi-tabi. Wala na akong lakas upang salubungin ang bukang-liwayway at damhin ang init ng Haring Araw.

Sabi nila, ang kamatayan ay nagbibigay-daan para sa isang bagong simula. Kung totoo man ito, sana magsimula na ito.

Kung magagawa lang mapawi ng mga mahimbing na tulog ang lumbay na nagpapalala sa namamanhid kong puso.

Pero hanggang sa mangyari ‘yon, marahil ay mananatili akong humihinga ngunit hindi nabubuhay, naglalakad sa mga kalsada hindi bilang tao kundi bilang bangkay.

Para kina Ben, Noli, Mark, at sa lahat ng mga nang-iwan upang maipagpatuloy kong harapin ang mga pagsubok ng buhay, ngayong di pa tapos ang sigwa.

IISA ang petsa ng kapanganakan ni Dr. Bienvenido Lumbera at ng aking maybahay. Kaya para ko na ring pinakasalan ang gaya niya. Matigas ang ulo, wika nga, ng Aries. Saksi ako rito dahil ang kaarawan niya tuwing Abril 11 ay natataon sa University of the Philippines National Writers Workshop.

Ang pinakatumimo ay nang makasama ko siya sa isang lumang kuwarto sa isang antigong hotel sa Baguio. Naghihilamos siya nang biglang bumagsak ang lababo. Tinamaan si Sir Bien ng basag na bubog na tumama sa kaniya. Hindi siya napahamak pero pinalanggas at pinalagyan ko pa rin ng band-aid ang kaniyang ulo.

Nag-umpisa akong maglingkod bilang direktor ng Likhaan: U.P. Institute of Creative Writing noong 2003.

Dahil ako ang pinakabata noon kaya palagi kong inaagapan ang pulong upang makasama’t mahingian ko ng payo ang mga dating direktor -- at si Sir Bien Lumbera.

Napatunayan ko uli ito noong 2018 nang tuligsain ako sa social media dahil ibinalik ko raw ang Imelda Romualdez Marcos Award sa Philippine High School for the Arts (PHSA) samantalang wala akong kinalaman dito. Proyekto ito ng Cultural Center of the Philippines (CCP).

Bakit hindi ako sumagot?

Sapagkat ito ang payo ni Sir Bien: “Vim, h’wag mo na silang sagutin.” Desisyon ko itong hindi pinagsisihan. Katulad ng pagtanggi ko sa pagpirma sa Coalition of Writers and Artists for Freedom and Democracy (COWARD). Kilala ako ni Sir Bien.

Alam niya -- bilang roommate at rumor mate (o ka-tsismisan) -- na nasa Edsa ako noong 1986 matapos ang Judges Night ng Ustetika Annual Awards for

Alam din niya kahit noong Edsa Dos noong 2001 nang kasama kong nagmartsa ang mga estudyante ko mula sa Quezon Hall hanggang Edsa Shrine hanggang abutin ng aking ika-37 kaarawan.

At ang hindi rin alam ng iba, siya rin ang dahilan kung bakit ako nasa U.P. Sinimulan niya ang diaspora – mulang España patungong Diliman – na sinundan nina Rogelio Sicat, Cristina Pantoja Hidalgo, Arnold Azurin, Wendell Capili, Neil Garcia, at marami pang ibang taga-Varsitarian. Napakaraming dapat ipagunita. Kaparis ng Performatura 2015 na nakalimutan niyang daluhan.

Kagaya ng aking itanghal ang kaniyang A Eulogy of Roaches noong siya ay iproklamang National Artist

noong 2006. Nagtilian ang ilan, nagtakbuhan ang iba sa kaniyang mga bisita – matapos maglabasan ang napakaraming ipis! Mabilis pumuri si Sir Bien. Pero noon, wala lang. Ni ha, ni ho. Hindi ko na rin itinanong kung nagustuhan niya. Ang batid ko lamang ay isang araw ko yatang sinuyod ang paligid ng Quiapo, Sta. Cruz, at Divisoria para makaipon ng halos isang supot na plastic na ipis!

Isang misteryo ito na hindi ko malilimutan mula noon hanggang ngayon.

Walang ipinagkaiba sa pag hindi niya nang alukin siyang maging kaunaunahang direktor ng P.H.S.A..

Isa naming proyekto sa Likhaan – noong kasapi pa ako ng National Committee on Literary Arts ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) noong 2007 – ay ang Pagpupugay sa mga Pambansang Alagad ng Sining.

Ito ay naglalayong ipakilala ang mga National Artists for Literature sa kanilang sinilangang bayan o birthplace.

Kaya dinala namin si Virgilio Almario sa San Miguel, Bulacan; si Francisco Sionil Jose sa Rosales, Pangasinan; si Alejandro Roces sa Maynila; at Edith Tiempo sa Bayombong, Nueva Vizcaya!

At, siyempre, si Sir Bien sa Lipa, Batangas.

Mula sa Lima Hotel, may napakahabang hile-hilera ng mga batang may tangang bandera ang sumulubong sa kaniya hanggang sa aklatang may eksibit para sa kaniya.

Sa gitna ng kaliwa’t kanang tarp – na parang panghalalan -- dumiretso siya sa Lipa City Youth and Cultural Center na punong-puno rin ng mga kabataang galing sa iba’t ibang kolehiyo’t unibersidad sa Batangas.

Noon at doon ipinalabas ang halaw sa kaniyang Hibik at Himagsik nina Victoria Laktaw bago siya nagkuwento ng kaniyang talambuhay na pinamagatang Ang Lipa Sa Aking Paglikha:

“Lipa ang bayan kong sinilangan at ang kasaysayan ng bayang ito ang nagbigay sa akin bilang manunulat ng tuntungan sa paglikha ng tula, dula, at kritisismong pampanitikan. At hindi lamang ang aking sining ang nabigyan ng laman, pati ang aking pagkatao na biniyayaan ng pagmamahal sa sariling bayang Filipinas at sa kultura ng mga Filipino.”

Santo Papa siya noon! Pagkaraan ng limang taon, noong unang taon ko sa P.H.S.A., inimbitahan ako sa National Artist Collection ng Freeway noong 2014 -- kasama ang idolo siya na si Tessa Prieto Valdez at ang idolo niyang si Gloc-9.

Noong 2017 siya naman ang aking ginawang Panauhing Pandangal sa pagbubukas ng Makiling Inter-Cultural Arts Festival – tuwang-tuwa siya sa Physical Poets na grupo ng butoh artists mulang Japan.

Inamin niyang natakot siya sa kanila dahil para silang totoong multo!

Noong 2006 nang pumanaw ang ikatlo naming anak na si Awit, dumalaw siya sa Arlington kung saan din siya ibinurol noong 28 Setyembre 2021.

Minabuti kong muling buuin ang aming pamilya kaya ipinagdiwang namin ang aming ika-10 anibersaryo kaya nagpakasal kaming mag-asawa sa simbahan noong 2007 makaraang ikasal sa huwes noong 1997.

Pero parang hindi ako pinatawad ni Sir Bien sa kaniyang bulong: “You mean… you’ve been living in sin?”

Paulit-ulit ko ring bibiruin siya – kunwang tatakpan ko ang kaniyang bibig.

Pag nakita mo ang pilyo niyang mata habang nangungulit.

Bago siya pumayag maging ninong namin sa kasal!

Ang hindi ko malilimutan ay ang regalo niyang silver na Sony.

Radio ito na may cassette at C.D. player.

Tulad ng kaniyang kakulitan, ito ay pinakikinggan namin araw-araw. Tampok ang High School Musical ng pangalawa naming si Psalma at Avenue Q ng pangalawa naming si Wika. Natigil lamang ito nang nahirapan na itong umikot. Natuklasan kong ginagawa pala itong alkansiya ng bunso naming si Sulat!

Ito pa mandin ang sentro ng aming bawat araw noon.

Walang iniwan kay Ninong Bien. Siya kasi ang pinasulat ko ng introduksiyon sa kauna-unahan kong librong 15 Lamang noong 1994.

Hindi ko alam na babanggitin siya ni Ka Efren Abueg sa pasakalye ng pinakabago kong aklat: GadalingNoo: “Nabaguhan ako at naiwan sa aking alaala ang mapangahas na performance ng makata (si Vim nga). Dahil doon, maaaring tawagin ko na siyang “Ama ng Performance Poetry sa Filipino”.

Si Ninong Bien ang puno’t dulo ng paglilimbag ko.

KILAPSAW

tl-ph

2021-11-01T07:00:00.0000000Z

2021-11-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281758452523892

Manila Bulletin Publishing Corp