Publication:

Liwayway - 2021-11-01

Data:

‘Asa Ka Pa?

MAIKLING KUWENTO

Ni Armando T. Javier

NAGPUPUYOS pa rin ang loob ni Ian. Ang loka, at siya pa ang nagmamalaki! Tila umaalingawngaw pa sa kanyang pandinig ang mga salita ni Shane. “Breyk na tayo! D’yan ka na lang sa trabaho mo. Tutal, wala ka namang oras para sa ‘kin!” Na may katotohanan naman. Naging abala nga siya sa paga- audit sa libro ng mga kliyente sa pinapasukang Minasama ni Shane na hindi siya nito nakakasama sa gimikan kung gabing nakalalabas ito bilang sales clerk sa boutique sa mall. Sa gimikan din niya nakilala si Shane. Nagkasabay sila patungo sa comfort room. Nagmamadali ito, tutop ng palad ang bibig pero bago umabot sa ladies room, hindi na napigil na masuka; saktung-sakto sa harap niya. Nasukahan nga ang sapatos niya’t dulo ng kanyang pantalon. “A-Ayyy... sorry!” “’Andami naman kasing masusukahan, sa sapatos ko pa talaga?” Dalawang beses pa lamang niyang naisusuot ang leather shoes na iyon. Hindi malaman ni Shane ang gagawin, dumukot ng panyo sa bulsa at akmang pupunasan ang kanyang sapatos pero nagbago ng isip; sa halip, tumakbong papasok sa ladies room para siguro sumuka uli. Nagtuloy si Ian, pailing-iling, sa men’s room, nag-apuhap ng toilet paper at pinunasan ang narumihang sapatos. Nang makabalik na si Shane sa mesa ng kasamang babae, nilapitan ito ni Ian. “Di ba dapat bumabawi ka sa ‘kin?” Napatingin kay Shane ang kasama, nagtatanong. “Sorry talaga, dude, naparami ‘atang inom ko.” “Gano’n lang ‘yon?” “Sige, i- treat kita ng drinks. Pambawi.” Beer lamang ang iniinom ng magkasama. Nagtitipid, naisip niya, hindi sosi. Nakakahiya naman kung aabusuhin niya at oorder siya ng shot ng scotch. “Okey. Dalawang Red Horse.” “Call.” Nakimesa siya sa dalawa. Nalaman niyang magkaibigan nga; kapwa nagtatrabaho sa magkatapat na boutique sa mall. Kim ang pangalan ng kasama nito; Shane naman ang pangalan ng nakasuka sa kanyang sapatos. Bukod sa iisang mall na pinagtatrabahuhan, iisang boarding house rin pala ang inuuwian. “Para namang wala nang thrill ang buhay n’yo. Magkasama na kayo sa mall, magkasama pa rin sa uwian at gimikan?” “Hindi rin,” sabi ni Shane, “minsan-minsan lang kaming makagimik. ‘Pag wala lang date si Kim!” “Ano ka? Ikaw nga ‘tong bihirang mabakante!” Nagkatawanan at nagkatampalan ng palad ang dalawa. “So, pareho pala kayong taken na?” Napatingin si Shane kay Kim. “Minsan, oo. Minsan, hindi!” Tawanan na naman. Gusto niya ang dalawang ito, sabi ni Ian sa sarili, mukhang parehong easy-to-get. “So, sino’ng p’wede kong i- date sa inyo?” Itinuro ni Kim si Shane. “Ba’t ako?” “Gusto mo bang unahan pa kita sa kanya?” Tawanan uli. Tampalan na naman ng mga palad. Pinagtitripan yata siya, naisip ni Ian. “Kung sabay na lang kaya kayo?” Nagtaasan ang mga kilay ng dalawang kausap. “Ayoko na sa ‘yo, mahilig ka pala sa tuhog!” Siya naman ang napalakas ng tawa. Bago maghiwalay, nang magmamadaling-araw na, nakipagpalitan ng contact number si Ian sa mga bagong kakilala. Kinabukasan, naunahan pa siyang mag- text ni Kim. Kinukumusta siya, itinatanong din kung wala siyang hang-over at kung natatandaan pa niya ito. Sinagot niya: sinabing hindi niya ito nakakalimutan. At para yata kilitiin si Kim, niyaya niyang magdate kinagabihan. Tumawag, sa halip na mag- text, si Kim. “Sige. Pero ‘wag mong ipapaalam kay Shane, ha? Me pagkaselosa ‘yon.” Sa mall na rin, sa kanto ng Shaw Boulevard at EDSA, sila nagkita. Pabor kay Ian; isang sakay lamang iyon mula sa opisina niya sa Roosevelt. Nakauniporme pang maroon na palda’t blusa si Kim nang makita niya sa harap ng bookstore na tipanan nila, may subong lollipop. “Late ka,” sabi sa kanya. “Punuan kasi’ng MRT. Nag-abang ako nang maluwag...” “Pakainin mo ‘ko, ha? ‘Di kasi ‘ko nakapagmeryenda kanina.” Hapunan na ang inorder nila: sizzling porkchop para rito, sizzling chicken naman para sa kanya. “’Asan nga pala si Shane?” “Ako’ng kasama mo, pero si Shane ang hinahanap mo? Magseselos ako n’yan!” “Sensitive ka naman...” “Day-off n’ya, baka nagpapakayod ng muk’a. O baka me date si mama!” “Me dyowa ba s’ya?” Inulit ang sinabi kagabi. “Minsan, meron. Minsan, wala. Type mo ba?” Nagkibit-balikat siya. “Okey lang...” “Ano kaya ‘yon? Siguro, me dyowa ka na, ‘no?” “Minsan, meron. Minsan, wala!” Natawa si Kim. “Gusto mo, ilakad kita sa kanya? Type no’n ang tsinito ‘tsaka maputi.” “At ikaw, ano naman ang type mo?” “’Yung galante s’yempre: makapal ang wallet, mataas ang limit ng credit card.” “Material girl ka pala?” “Oo!” Natawa. Gusto niya ang babaeng ito, sinasabi ni Ian sa kanyang sarili. Ang inakala niyang biro ni Kim, na ilalakad siya kay Shane, tinotoo pala. Kaya nang tawagan niya at yayaing mag- date, iba na ang pakitungo sa kanya. “Ikaw, ha, me lihim ka palang pagnanasa sa ‘kin, ipinadaan mo pa ke Kim. ‘Di mo pa ‘ko dineretso?” Nakakunot-noo siya, walang ideya kung ano ang tinutukoy ni Shane. “’Wag ka nang mag- deny, sinabi sa ‘kin ni Kim. Nag- treat ka pa para lang sabihin sa kanyang type mo ‘ko.” Saka pa lamang niya nakuha. “P’wede bang maging tayo?” “’Bilis mo, ha?” “Patatagalin pa ba natin? Single ka. Available naman ako.” Lumabi. “’Bilis mo, ha!” ulit nito. Sa paghahatid kay Shane sa boarding house, humirit siya ng halik. “’Bilis talaga! Hindi ko pa nga s’ya sinasagot...” Pumayag naman sa hug. Kung paano naging sila, nangyari na lang. Tatlo silang laging magkakasama sa gimikan, pero isang gabi, absent si Kim. “Um’wi sa Nueva Ecija. Muk’ang delikado raw ang lagay ng lolang nagpalaki sa kanya, ipinagbiling makita at makausap s’ya.” “’Di solong-solo pala kita?” “E, ano naman?” Kumindat si Ian. “Halika na nga!” sabi ni Shane, sabay hila sa kanyang kamay. “’Dami mong pasakalye!” Nakisabay sila sa yugyugan sa Madaling-araw na nang makauwi sila. “Siguro naman, e, p’wede na ‘kong makagoodnight kiss?” Nagbabantulot pa si Shane. “I-Isa lang, ha?” “Dalawa naman...” “Ano ka?” Nagpalinga-linga siya at nang matiyak na walang dumaraang tao o sasakyan, kinabig niya si Shane. Iiiwas pa sana nito ang mukha ngunit nahuli na kaagad ng kanyang bibig ang mga labi. Nagbuka ng labi si Shane, nagkuyumusan ang mga labi nila; nagkalas lamang nang makarinig nang paparating na sasakyan. Sila na nang sumunod na magkita sila. Kinakantiyawan siya ni Kim sa text. “Galeng! Pa-canton ka naman!” “Oo ba!” Sa food court ng pinagtatrabahuhang mall, pinakain niya ang magkaibigan. “Kayo, ha,” patuloy na panunudyo ni Kim, “masyado kayong malihim...” “Si Shane kasi,” sabi ni Ian, “sinedyus ako!” “Hoy...!” Nang maging sila ni Shane, nabawasan din ang pagsama sa kanila ni Kim. Hindi pa pandemya noon, malaya pang nakakalabas ang mga tao, bukas pa ang mga sinehan at iba pang gimikan. Galing pala sa break-up si Shane kaya naging sila agad. Ipinagtapat naman niya na mag-iisang taon na siyang single. Nurse ang huling nakarelasyon niya na nang makapagtrabaho sa Germany ay nakipag- break na sa kanya. Maayos ang mga unang buwan ng relasyon nila. Kung may pagtatalo man, iyon ay sa pagpansin niya sa seksing pananamit ni Shane lalo na’t sila’y nagde- date. Mahilig ito sa matitingkad na kulay ng blouse na pawang mabababa ang cut sa tapat ng dibdib, laging litaw ang cleavage at kapiraso ng dibdib. Mahilig din sa hanging shirt na litaw naman ang pusod, sa hapit na jeans at sa sobrang igsing shorts. “Hindi ka ba nako- conscious n’yan na pinagtitinginan ka ng mga guys?” “E, ano naman, me ipakikita naman ako? ‘Tsaka, makukuha ba nila? Maglaway sila hanggang gusto nila!” Minsan na nga silang napaaway nang sitahin ni Shane ang lalaking nakagitgitan nito sa bus na inakusahan nitong nanghipo sa kanya. “Anong nanghipo? Nakita mong siksikan at tayuan na’ng mga pasahero!” Pinababa silang tatlo ng konduktor para hindi na humaba ang away. Binatak niya palayo ang girlfriend para iiwas sa nagbububusang lalaki. Isa lamang naman iyon sa pinupuna niya kay Shane. Mapagbigay ito kung magkasama sila, walang kiyeme, gustong laging nakadikit sa kanya at nilalambing niya. Pero gayong game ito, selosa rin. Maatraso lamang siya ng ilang minuto sa date nila, nagdududa na. Mag- cancel lang siya ng lakad dahil may biglaang overtime siya, lalo na. “Ano ba ‘yan? Nagpaganda pa naman ako!” “Pasens’ya ka na. Hindi ko naman gusto ‘to. Naghahabol kasi kami ng deadline. ‘Bawi na lang ako next time.” “Bahala ka!” Pinatayan pa siya ng cellphone. Ilang araw siyang tinikis. Susunduin niya sa boutique at lalabas sila ay parang wala siyang kasama, dinededma siya. Maghihiwalay silang naghihinanakit siya kay Shane. “Kulang ka kasi sa lambing,” sabi ni Kim nang ihinga niya rito ang problema nila ni Shane. “Yayain mong mag- weekend get-away. Mag- out-of-town kayo para makapagrelaks at makapag- unwind. Makakabawas ‘yon ng stress at makakapag-usap kayo nang maayos.” “Palagay mo, epektib ‘yon?” “Hindi mo malalaman kung ‘di mo susubukin. Ikaw rin, ligawin ‘yang dyowa mo. Me nagpaparamdam nga d’yang agent daw ng kotse, bago’ng wheels at muk’ang galante. Pero, quiet ka lang, ha? ‘Wag mong sabihing ako’ng nagtsika sa ‘yo.” Pinapag-isip siya ng sinabi ni Kim. Hindi kaya ginagawa lamang na dahilan ni Shane ang pagkaabala niya sa trabaho para magka- break sila? Sinubok niya ang payo ni Kim, niyayang mag-Tagaytay si Shane ng weekend na iyon. Pero sa halip na paunlakan siya, nag- excuse. “Me natanguan na kasi ‘kong commitment sa Sabado. Sorry, ha?” “Sa’n naman?” Bahagyang tumaas ang boses. “Lahat ba ng activities ko, kailangan kong i- report sa ‘yo?” Saka niya nakita sa facebook post nito kinaSabaduhan ang pagrampa ni Shane, nang nakatwo piece bikini, sa isang beach sa Mindoro. May kuha ring nakaakbay rito ang isang lalaking moreno, nakahubad-baro at swimming shorts. Kapwa nakangiti ang dalawa sa naka- post na larawan. Si Shane pa ang galit nang tanungin niya nang sumunod na linggo tungkol sa lalaking kasama nito sa litrato. Sa halip na sagutin siya, ibinato sa kanya ang pagiging busy niya sa trabaho at ang kawalan niya ng oras para rito; saka sinabing break na sila. Nagtimpi si Ian. Sinarili ang pagpupuyos ng kanyang dibdib. Niyaya niyang mag-inom si Kim at dito inilabas ang kanyang hinanakit. “Naging faithful ako sa kanya nang kami pa. ‘Tapos, ganito pa?” “Dude, hindi ko s’ya kinukunsinti. Iba-iba talaga’ng ugali ng tao...” Uminom sila, nagpakalasing kahit inaawat na siya ni Kim. Hindi naman siya iniwan. Ito pa nga ang naghatid sa kanya, nang walwal na siya, sa inuupahang apartment. Pinunasan pa siya ng bimpo, nang nakahiga na siya sa kama, para mahimasmasan. Gising ang kanyang diwa, nakatingin siya kay Kim na hayag sa mukha ang pag-aalala at pagmamalasakit sa kanya. Mabigat ang kanyang ulo, umuungol siya pero tila may isip ang kanyang mga kamay. Kumapit iyon sa likod ni Kim, humaplos, at maya-maya’y kumabig. Napasubsob sa kanya si Kim, nabitiwan ang hawak na bimpo. Dalawang kamay niya itong niyakap; para pa rin siyang kinukumbulsiyon. Nag-apuhap ang kanyang mga labi sa leeg ni Kim, sa ilalim ng baba, sa mismong labi nito; para siyang nauuhaw sa halik nito. Naigupo niya sa kama si Kim--at wala na siyang naalala pagkatapos. Masakit ang ulo niya, may giray ang lakad niya kinabukasan. Mataas na ang sikat ng araw, masakit sa kanyang mata. May agahan na sa mesa, natatakpan ng mga plato. “Okey ka na?” bati sa kanya nang lumabas siya sa banyo. Nasorpresa siya na narito pa si Kim. “Halika. Kumain ka na.” “Coffee lang ako. Masakit pa’ng ulo ko.” “Ikaw kasi, ayaw mong paawat.” Tila umiiwas ng tingin si Kim. “K-Kim,’yung k-kagabi. M-Me n-nangyari ba?” Umiwas na naman ng tingin si Kim, ngumiti, saka inilapag sa harap niya ang mug ng kape. “’Asa ka pa? Kumain na tayo,” sabi nito at inalisan ng takip na plato ang iniluto nitong agahan. Na bale tanghalian na rin.

Images:

© PressReader. All rights reserved.