Publication:

Liwayway - 2021-11-01

Data:

Apat na Tula ni

PANULAAN

Lanylyn B. Bellen

Sa Tuwing Umuulan Agad akong dumudungaw sa bintana, kapag mga karayom nang nahuhulog ang ulan mula sa langit, pinalalaboy ang aking paningin sa paligid, baka sakaling matanaw kang tumatakbong muli pabalik dito sa ating tahanan– kung dumating kang basa, higpit ng yakap ang sasalubong sa ‘yo. Nakataob sa ibabaw ng mesa ang paborito mong tasa, sabik sa dampi ng iyong labi, sa hinahon ng iyong paghinga sa init ng iyong palad. Nakalatag na ang kutson sa kwarto, plantsado na ang gusot ng kobre kama, wala nang mantsa ang iyong kumot, naghihintay sa iyong katawan, nangungulila sa iyong samyo. Sa tuwing umuulan, agad akong dumudungaw sa bintana ilalaboy ang paningin sa paligid, at saka ipipikit ang mga mata. Binibilang ko parati ang mga tulo mula sa bubungan, basa na naman pati ang sahig, hindi kayang ampatin ng kumpol ng tela–dumadaloy, lumalawak na ang marka ng tubig, nilulunod ang alikabok na iniwan mo sa may pintuan. Ilang tag-ulan na ang dumaan, pero tumitila rin naman. Arkibus Dinala ako ng aking mga paa sa imbakan ng mga alaala marami rin pala tayong naipon; mga bahaging natabunan ng pagdududa, mga piraso ng panghihinayang, mga pinagtagpi-tagping galit ng puso nakakulong silang parang mga bilanggong patuloy na nag-aasam ng paglaya, mga pangarap na nagnanais ng katuparan, mga pag-ibig na muling humihiling ng muling pagmamahalan habang tayo, bahagi na lamang ng kasaysayan. Mailap Ang Buti Sa Lungsod Mailap ang buti ng lungsod sa mga ikinakanlong nito sa dilim Kumakaripas ang mga paang nakasuot ng leather shoes, Ngumingiwi ang mga ngusong namumutok, nanlilibak Ang mga tingin ng mga matang halos matabunan na ng Pekeng eyelashes. Sa sulok ng overpass nakalahad Ang kulubot na kanang palad, kaliwa’y nakayapos sa kumukulong sikmura, binibilang ang mga yabag ng nagtataasang sandalyas, sinusundan ng panglaw ng mga mata ang bawat indayog ng mga pulsong kinakapitan ng mamahaling oras, tinitingala ang kisig ng pares na amerikana, hinahabol ng singhot ang estrangherong pabango. Walang bait ang lungsod sa mga ikinakanlong nito sa dilim, hangin lamang sa mga taenga ang mga gasgas na tawag at pakiusap para sa hapunang pagpag, alikabok sa mga mata ang walang saplot na katawan ng sanggol na nakabalandra sa tabing-kalsada, niyayakap ng ginaw ng aspalto. Walang bait ang lungsod sa mga ikinakanlong nito sa dilim, marahas sa api, mailap ang buti. Sa Pook Na Aking Lilisanin Sa pook na aking lilisanin, kung sakaling magawi rito ang aking kabiyak paalalahanan mo siya ng pag-iingat sa mga harurot ng sasakyan, sa kemikal na nagkalat sa hangin (pumapatay ang hindi nakikita), sa dilim ng mga tagong-kanto at mga eskinita. Kung sakaling magawi siya sa simbahan ipaalala mo sa kaniya na hindi lahat ng panalangin ay nabibigyang katuparan, hindi isang daop lamang ng palad ang mga pangarap, binubuwisan ito ng pawis, pinapatakan ng dugo, pinatitikim ng isang gabi ng ligaya. Huwag mo siyang hahayaang maligaw sa iyong pusod, hindi siya maalam sa mga pasikot-sikot at gusot na landas. Ihatid mo siya pauwi sa tarangkahan ng kanyang dormitoryo, hintaying makapasok sa sariling silid at makapagpalit ng pantulog— saka mo siya iwan na parang walang nangyaring pagkaligaw at pagtatanong kung nasaan na nga ba siya sa siyudad, kung ano’t dinala siya rito ng tadhana kung saan ako maagang binawian ng dangal—ng buhay.

Images:

© PressReader. All rights reserved.