Isang Bagong Taon

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 11, 1960)

Tula ni Amado V. Hernandez

2022-01-01T08:00:00.0000000Z

2022-01-01T08:00:00.0000000Z

Manila Bulletin Publishing Corp

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281539409312424

PAMANA

At magsisimula: papel na maputi na wala pang titik ni isang salita, kabanatang bago at bago ring paksa— bulaklak at ngiti, tula, salamisim, himutok, dalita… a, ito rin pala ang mapapatala! Isang sanggol mandin iyang Bagong Taon, ipinagdiriwang sa tuwing darating: alak, kasayahan, aliw at taginting; malusog na sanggol, tungkos ng pag-asang maganda’t maningning, isang harding rosas sa sariwang hardin. At dahong nalagas bawa’t isang araw, iilang maghapo’t gabi ang lumipas. nalanta ang Abril ng libong pangarap, ang langay-langaya’y sa kung saang langit humanap ng pugad, at ang tao’y tila tulisang tumakas! Kahambing ng agos ang taon at taon, darating-yayaong simbilis ng busog na itinutudla ng isang paglimot; tao’y isang alon sa kawalanghanggan ng ating sinukob— buhay at panahong walang pagkatapos!

tl-ph