Lusis At Paputok

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 12, 1959)

Tula ni Miguel B. Alvaro

2022-01-01T08:00:00.0000000Z

2022-01-01T08:00:00.0000000Z

Manila Bulletin Publishing Corp

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281543704279720

PAMANA

SINDIHAN mo, anak, ang hawak mong lusis Upang ang karimlan ng gabi’y mapunit; Tanlawan mong lahat ang kasakit-sakit Na nangakukubling larawan ng hapis; Ilawan mo silang ayaw ipasilip, Ikinahihiya ang pagkamarungis; Ipaglantaran mo yaong anyong pangit Ng karalitaan na kalait-lait. “PAGKA’T ang maysakit ay inilalagay Sa hagdan ng templo, upang ang nagbuhat Sa pananalangin ay nakapagbigay Ng mabuting payo na makalulunas.” SUSUHAN mo, anak, ang iyong paputok Upang magkahalo ang ingay at tunog; Paluin ang lata, upang ang kalantog Ay makipang-agaw sa taghoy ng lungkot; Ang karalitaan ng salat at dahop Makalilimot din na sila ay kapos; Sa pagkakagulo’y di magsasaloob Nang paghihimagsik ang nadadayukdok. “KUNG kaya ang bungo ng patay na tao Ay sa mga nitso dapat na ilagay Sapagka’t maganda ang pinta ng nitso, Hindi iisipin na pangit ang laman.”

tl-ph