Bagong Taon

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 9, 1956)

Tula ni Teo S. Baylen

2022-01-01T08:00:00.0000000Z

2022-01-01T08:00:00.0000000Z

Manila Bulletin Publishing Corp

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281556589181608

PAMANA

Hayun…payao na ang abang Matanda Sa dilim ng kanyang pinagmulang wala; Baon ay sambigkis na poot at sumpa, Katawa’y gusgusin sa pilat ng digma! _______ Anino ng isang pangitaing guho Na ang dinaana’y landas na may dugo; Ang ubaning ulo’y nagkakangyuyuko Sa bigat ng kanyang pasang pagkabigo! _______ Sa sanga ng daan nama’y pasalubong Ang nagtatalalan na bilugang Sanggol; Ang kawalang-malay nito’y nagtatanong, At ang kasaguta’y nasa iyo ngayon. _______ Anong pasalubong ang ipamamata Sa Batang wala pang bahid ng pangamba? Inggit? Lupit? Banta?... o ang natitira Kay Pandorang kahong hintay ng lahat na? _______ Ipamamalay ba nating magkapatid Na tayo kapuwa’y may sandatang sukbit? Ang musmos bang iya’y dapat makarinig Ng ngipin sa ngiping naglangi-langitngit? _______ Akayin ba natin ang Sanggol na ito Sa daang may siga’t nagkalat na buto? Dapat bang marinig sa aki’t sa iyo Ang daing ng isang dayukdok na mundo? _______ O, ano nga kaya ang magiging handog Ng sangkatauhang dinatnan ng lugod? Tungayaw o awit?...Sandata o Kurus? Kalapati kayang ipaiimbulog?

tl-ph