Manila Bulletin

Bagong Landas sa Mundo ng Sining

Ni Johannes L. Chua

Ang Hunyo ang huling buwan sa termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Sa pagsapit ng alas-12 ng hapon ng Hunyo 30, 2022, ang bagong administrasyon ni Ferdinand Marcos, Jr. ang mauupo.

Sa loob ng nakaraang anim na taon, maraming mga pagsubok na dinaanan ang administrasyong Duterte. Ang pinakamabigat na marahil ay ang halos dalawang taon na pandemya. Inagaw ng pandemya ang atensyon sa maraming mga bagay gaya ng sining, kung kaya’t marahil ay naigawad lamang ng isang beses ang Orden ng Pambansang Alagad ng Sining. Bihira ring madama ang suporta ng administrasyon sa larangan kultura at iba’t ibang larangan ng sining gaya ng pelikula, pagsayaw, teatro, o sa pagpinta.

Marami akong naririnig at nadarama na agamagam mula sa mga grupo ng manlilikha sa sining. Hindi maikakaila na dama pa rin nila ang sakit ng nakaraan. Hindi ito kailanman malilimot at karapatan ng bawat manunulat, manlilikha, at makata na maalala ang nakaraan upang hindi na muli itong mangyari pa sa hinaharap.

Sa pagpasok ng bagong administrasyon sa Hulyo, ano kaya ang agenda nito para sa sining? Kung aalisin ang kulay ng pulitika at alaala ng nakaraan, ano kaya ang plano ng bagong administrasyon pagdating sa sining? Hindi malinaw nitong mga nakaraang linggo kung ano ba ang balak gawin upang mapalawig ang ating kultura. Hangad namin na hindi muli na maiwanan sa tabi ang sining gaya ng nangyari sa nakalipas na anim na taon.

Patuloy lamang ang Liwayway sa adbokasiya nito na maging plataporma para sa mga kabataang manunulat, makata, at artist. Bagamat sinasalamin ng sining ang totoong pulso ng lipunan, mananatili kaming nasa serbisyo ng sambayanan lalo na’t nag-iisang magasing Filipino ang Liwayway. Kung mawala pa ang Liwayway sa panahong ito, ano pa ang maipagmamalaki nating babasahin sa ating sariling wika?

Sa darating na sentenaryo ng Liwayway, at sa pagkakaroon muli ng printed na isyu pagkatapos ng dalawang taon na “break” dahil sa pandemya, nawa’y magsilbing gabay ang magasing ito sa kalinangan ng bawat isa, lalo na para sa mga kabataang nais na magpamalas ng kanilang talento at sidhi sa sining.

Mabuhay ang sining! Mabuhay ang ating bayan!

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281479280062264

Manila Bulletin Publishing Corp