Manila Bulletin

Sila…ang mga OFW

Magtatanong na kaya sa ama si Archie? Ano kaya ang isasagot nito?

Ni Efren R. Abueg

(IKA-5 NA LABAS)

MAKALAWA lamang natawagan ni Archie ang kaniyang Tiya Ising mula nang dumating siya sa Dubai. Natuwa ito pagkarinig sa kaniyang boses. “Ano? Kumusta ka na. Nakakatulog ka ba d’yan? Napaaandar mo ba ang iyong airconditioner?”

“Oho naman! Maayos ang lagay ko ho rito. Ipinagawa ho ako ng sariling silid ni Tatay…kahit maliit lamang!”

Umungol ang kaniyang Tiya Ising. Malaki ang kuwartong tinutulugan niya sa Pilipinas.

“’ Wag ho kayong mag-alala. Wala naman ho akong masyadong kailangan dito. OFW na rin ho ang klasipikasyon ng trabaho ko rito!”

“Nand’yan ba ang Tatay mo? Makailan lang kaming nagkumustahan…ang huli’y nang tawagan ko siya para siguraduhin na nakarating ka sa United Arab Emirates!”

“Ilang araw lang ako rito sa Dubai nang umalis si Tatay. Punta raw sa Europe para tagpuin doon ang kaniyang boss!”

“O? Hindi ba babae ang sadya

niya roon?”

Napangiti si Archie.

“Sa tingin ko ho naman…hindi! Wala naman siyang nabanggit na

babaing taga- Italy. Boss nga ho sa restawran dito ang tatagpuin niya roon!”

Umungol ang kaniyang Tiya Ising.

“Matagal na rin naman sa Dubai ang iyong Tatay. Balita ko’y sa Netherland muna siya bumagsak pagkagaling sa Pilipinas. Sabi ng Tiyo Mondo mo, nagtagal nga sa bansang iyon ang iyong Tatay… kasama ng iba pang Pilipino na umalis dito sa Pilipinas pagkaraan ng Edsa Revolution!”

“Siyempre ho, kumalat naman ang mga kasama niya sa Europe. Sabi nga ho ni Mr. de Luna, ang iba’y nagpunta sa United States. Though

karamihan sa kanila’y namuhay sa Netherland. Under asylum daw ‘yong iba…na agad nilang nakuha.”

“Iba ang Tatay mo! Nag-OFW…at kung ilan daw ang visa! Sino ba ang nagkaloob ng mga iyon sa kaniya!”

“Sabi ho ni Mr. de Luna, boss ni Tatay ang lumakad ng mga visa niya. Hudyo ho ‘yon!”

Tumawa ang Tiya Ising niya. “Makakatiis ba ‘yon? Matagal na’ng nangyari ang tungkol sa iyo at sa nanay mo. Marami daw siyang kasamang mga babae, mga Pinay din nang dumating siya sa Netherland!”

“Nawiwili ho siguro siya sa trabaho niya sa restawran dito. Multinational naman ho ang mga kliyente niya rito!”

Umayon sa sinabi niya ang kaniyang Tiya Ising.

“O, ikaw naman? Pagkaraan ba ni Demy, tutulad ka rin sa Tatay mo?”

“Tiyang, ‘wag na ho muna nating pag-usapan si Demy at ang baby namin. Masakit pa ho sa dibdib ko ang mga nangyari!”

“Pasensiya muna, Archie. Lalaki ka kasi…madaling matangay ng mga babae. Lalo’t mga taga-Europe!”

“Sige, Tiyang…ikukumusta ko na lang kayo kay Tatay!”

“Maintindihan mo sana ako. Wala akong masyadong alam sa mga nangyayari sa buhay ng Tatay mo!”

Nagpaalam na si Archie sa kaniyang Tiya Ising.

NGUNIT may iniwan sa kamalayan ni Archie ang mga sinabi ng Tiya Ising niya. Matagal na nga ang 1986! Nasapa-Europe agad ang kaniyang ama. Alam niyang isinilang siya sa kampo ng hukbo ng Pilipinas sa Laguna noong martial law. At pagkabawi sa kaniya ng Tiyo Mondo mula sa DSWD workers, lumaki siyang walang kamalayan tungkol sa kaniyang ama. Nito lamang makapagaral siya sa haiskul pakolehiyo, unti-unti niyang namalayan ang suportang pinansiyal ng kaniyang ama. At dahil bata pa siya, hindi siya nagtatanong-- napatatangay lamang siya. Nito na lamang mag-asawa siya kay Demy at nagkaanak, saka lamang niya tinunton ang kaniyang kasaysayan. At sa Tatay niya sa silid na iyon natuklasan niya ang puno’t dulo ng kaniyang buhay. Naisip niyang ngayong nasa Dubai na siya at malapit na sa kaniyang ama, magtatanong siya ng iba pang mga bagay na hindi niya alam pagdating ng angkop na panahon.

Ngayon lamang sila magkakasamang mag-ama. Makapaghihintay pa siya ng tamang panahon para kumprontahin ang Tatay niya!

Naisip ni Archie si Mr. de Luna. Matagal na itong OFW. Marami na itong kamag-anak na natulungan nitong maipadala sa iba’t ibang bansa. At mismong si Mr. de Luna rin ang nagsalita sa kaniya na bago nito tuluyang natulungan ang kaniyang ama sa Dubai, maraming bansa rin ang narating nito sa Europa at sa Gitnang Silangan.

“Nakasabay ko lang sa eroplano ang Tatay mo nang magmula ako sa Iran patungo sa Dubai. Mahigpit sa mga taga-Asya ang mga naging amo ko roon. Undergraduate naman ako sa college, pero walis at mga maruruming damit ang laging nahahawakan ko. Pumayag agad ako sa Tatay mo nang mag-alok siyang maging katulong muna ako sa kusina hanggang ipagkatiwala niya sa akin ang pagrerekord ng kinikita ng restawran!”

Noon din natuklasan ni Mr. de Luna na isa ang ama niya na natulungan nito sa OWWA sa pamamagitan ng isang kamag-anak nitong paalis din sa Pilipinas.

“Dahil lang do’n, nagkasundo kayo ni Tatay?”

“Magkautak pala kami ng Tatay mo. Hindi siya pabor sa mga patakaran ng Amerika dahil promotor daw ito ng malalaking kaguluhan sa maraming bansa. Naisip ko nga naman…bakit ba kung saan may problema, naroon ang mga Amerikano?”

Parang marami siyang nabasa tungkol sa mga lugar na kinasangkutan ng Estados Unidos. Bakit nga ba pinasok ng mga Amerikano ang Vietnam?

“Demokrasya raw! Kung isipin ko lang ang namatay sa Vietnam dahil sa firepower ng mga Amerikano!”

Saan ba niya nabasa iyon? Nagdala raw ang mga sundalong Amerikano sa Vietnam ng mga sandatang kemikal na sumusunog sa mga kagubatan doon?”

“Kaya siguro natutong maghukay ang mga Vietcong at gawin nilang kuta ang mga iyon!” sabi nga nito.

Nabasa nga niya noon nang magtatapos daw ang giyera sa Vietnam. Nagsulputan daw mula sa ilalim ng lupa ang mga Vietcong sa mismong Saigon, kaya nangabigla raw ang mga South Vietnamese!

“Umatras nga raw na tuliro ang mga Amerikano! Imagine nga naman! Nagsulputan mula sa ilalim ng lupa ang mga Vietcong!” sabi pa ni Mr. de Luna.

Matagal din daw sa Syria ang mga Amerikano. Umatras daw ang hukbo nito gayong naroon pa ang ISIS. Kasi naman, naroon daw ang Rusya at ang Iran na mga kalaban daw ng US!”

“Nangyari iyon pagkaraang dagsain ang Iraq sa ilalim naman ni Bush. Kasama pa ng ibang bansang kaalyado sa Europa dahil umano’y may sikretong weapon of mass destruction si Sadam. Pero hanggang sa ngayon na patay na si Sadam, wala pang maiprisintang pruweba ang mga Amerikano at mga kaalyado nito!”

“Pero bakit napaalis sa Pilipinas ang mga base-militar ng mga Amerikano?” ganti naman ni Archie.

“Redundant na raw ang basemilitar sa Clark at sa Olongapo. May mga hukbong Amerikano sa Hawaii, Guam, Japan at Korea at may ilang aircraft carrier nila ang dumaraan

sa mga karagatang saklaw ng iba’t ibang bansa dahil daw international waterways ang mga iyon!”

Naisip na lamang ni Archie na kampeon ng demokrasya ang Estados Unidos kaya pati ang European Union at North Atlantic Organization (NATO), pati Japan, South Korea, Australya at New Zealand ay nasa ilalim ng impluwensiya nito.

“Pero may natitira pang mga treaty tayo sa Amerika, kahit nakikipagmabutihan tayo sa Tsina!”

Naisip bigla ni Archie: kung pareho ang kaisipan nina Mr. de Luna at ng kaniyang tatay, bakit ayaw umanong matanong itong huli ng kausap niya ngayon?

Kaya hindi nakatiis si Archie. “Magkabagang naman pala kayo ni Tatay! Bakit sabi ninyo, ayaw niyang matatanong?”

“Kung personal, mahirap tanungin ang iyong ama? Hindi naman niya ako kaano-ano!”

Naisip ni Archie na anak siya ng kaniyang Tatay. Maaari niyang tanungin ito kahit ng mga bagay na personal. Pinigil niya ang sarili na magdagdag pa ng sasabihin kay Mr. de Luna!

ILANG linggong napansin ni Archie na abala ang kaniyang Tatay. Panay ang paglipad nito sa ilang bansa sa Gitnang Silangan. Kung nasa restawran naman ito, maraming kausap na mga Pilipino at mga dayuhan na hindi niya kilala.

Mukhang may “nilalakad” ito sa maraming Pilipinong OFW sa Dubai. Madalas naman siya sa kusina at hinahayaan niyang tulungan siya ni Mr. de Luna sa pangangalaga ng mga bagay ukol sa pinansiyal na kalagayan ng restawran.

Minsan, binati siya ng Tatay niyang nagmula sa biyahe nito tungkol kay Mr. de Luna na dinatnan nitong abala sa pagbuo ng buwanang financial statement ng restawran.

“Humihina na ang focus ng mga mata ni Mr. de Luna. Dapat siya at hindi ikaw ang madalas sa kusina bilang supervisor!” sabi nito sa kaniya nang nagtungo sa palikuran ang kasama niya sa trabaho.

“Hinahayaan kong tulungan ho ako ni Mr. de Luna dahil nawiwili ho ako sa pagluluto na dapat kong natutuhan noong buhay pa si Demy!”

“Huli na nga, Archie ang pagaaral mong magluto. Ginawa mo sana ‘yan noong buhay pa si Demy. Ibig ko lang sabihin na ipinaalam ko rin kay Boss na sa iyo ko iniiwan ang dating tungkulin ni Mr. de Luna. Magsanay kang mabuti sa trabahong iniiwan ko sa iyo. Ikaw ang inaasahan kong magiging kapalit ko sakaling tumanda na ako!”

“Nagkakasundo naman ho kami kapag geopolitics o relasyon ng mga bansa ang usapan namin ni Mr. de Luna!”

“Na pilit na gumagawa ng paraan ang mga Amerikano na magkaisa ang mga bansa sa Europa sa ilalim

ng European Union at North Atlantic Organization?” Parang padarag ang salita sa kaniya ng kaniyang ama.

“‘Yan naman ho talaga ang gusto ng Amerika…sa ilalim ng demokrasya!”

“At ma- isolate ang mga bansang kontra sa paniniwala ng mga Amerikano?”

Binilang ni Archie sa isip ang mga bansang iba ang sistema ng pamamahala sa Europa, tulad ng Rusya.

Umungol ang Tatay niya bago nakasagot si Archie. “Para hindi na linangin ng ibang mga bansa sa Europa ang kanilang mga paniniwala!”

Napaisip si Archie. Binalikan niya ang napag-aralan niyang kasaysayan ng mundo. Bago ang ikalabingsiyam na siglo, iba-iba ang paniwala ng mga tao sa iba’t ibang bansa sa Europa at Asya.

“Hindi ba demokratiko ang mga bansang nakapagpapasiya sa sarili …na iba sa mga alyansa na tulad ng North Atlantic Alliance o NATO?”

Bago nakapagsalita si Archie, itinuloy ang kaniyang ama ang mga sinasabi nito.

“Gayon ba ang napag-usapan ninyo ni de Luna?”

“Nag-uumpisa pa ho lamang kami ng pag-uusap ni Mr. de Luna!”

Tumalikod na ang Tatay ni Archie nang makitang pabalik na si Mr. de Luna sa dating ginagawa nito. Pumasok ito sa sariling silid para magpalit ng damit na ginamit sa biyahe.

Kinabukasan ng umaga, nagisnan ni Archie na may matagal na kausap sa cellphone nito ang kaniyang Tatay.

“Ang Tiya Ising mo, nagbabalita ng nangyayari sa Pilipinas. Nagiingat daw silang mabuti ng katulong niya!” sabi nito.

“Umabot na rin ho sa Pilipinas ang Covid-19?”

“Oo…siguro nga bukod sa dala ng mga turista d’un, nag-uwian na rin ang iba pang OFW natin. Kaso lang, labinlimang araw silang quarantined. Tinitigilan ngayon ng mga OFW natin ang malalaking otel na di nila naranasan kailanman sa kanilang buhay!”

“Malaki ang halaga ng upa sa gayong mga otel!”

“Binabayaran ng gobyerno ngayon ang upa ng mga OFW natin habang parang ikinukulong

sila sa mga otel! Sabi ng Tiya Ising mo, pinauuwi ang ating mga OFW ng kanilang mga employer dahil nga lumalaganap sa Gitnang Silangan at sa Europa ang Covid-19. Marami nga ang hindi na nasusuwelduhan. Pag-uwi naman, hindi makadiretso sa kanilang mga bahay dahil umiiwas ang ating gobyerno na mahawahan ng mga OFW ang kani-kanilang pamilya. Obligadong mag- quarantine muna ang mga manggagawa nating suspect sa Covid.”

“Siguro’y dapat na rin kayong tumigil sa pagbibiyahe. Saan ba kayo galing sa Europa?”

Hindi sinagot si Archie ng kaniyang ama.

“Kapansin-pansin lamang ang pagdami ng mga tao sa mga airport. Pinagmamaskara sila ng mga stewardess!”

“Saan ba huli ninyong nakausap ang inyong boss?”

Parang nagipit ang kaniyang ama sa pabigla nitong pagsagot.

“May bagong negosyo sa Madrid ang boss ko. Nag-iwan ng salitang sasabihan ako kung saan kami magtatagpo sa susunod!”

Ngunit nang tanghaling likumin ni Archie ang maruruming damit ng kaniyang ama na ipalalabhan niya sa isang sanitary laundry na hindi kalayuan sa restawrang Pilipino, nakita niya ang ticket stub ng pinanggalingan nitong airport. Amsterdam Schiphol!

Noon lamang naisip ni Archie na nasa Netherland ang airport na iyon! Naisip niya ang takbuhan ng mga umalis ng Pilipinas pagkaraan ng Edsa Revolution!

Naisip bigla ni Archie: kung pareho ang kaisipan nina Mr. de Luna at ng kaniyang tatay, bakit ayaw umanong matanong itong huli ng kausap niya ngayon?

(ITUTULOY)

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281547999539000

Manila Bulletin Publishing Corp