Manila Bulletin

Kuya

Ni Mellodine A. Antonio

WALA nga akong pera, e!”

Nagtirik ng mata ang kaibigan. “This is a recording!”

Ang lakas ng tawa niya sa itsura ng mga mata nito. Parang inatake ng kung ano

“Oo nga! Wala nga! Alam mo naman kung saan napupunta’ng suweldo ko, e!”

Sinutsutan nito ang pag-uumpisa niya sa walang kamatayang break down ng gastos niya.

“Okey na! Tigil na! Huwag na pong umiyak! Ako ang manlilibre ng tanghalian. Pero walang maselan, ha. Pangkarinderya lang ang pera ko.”

“Sus! Ikaw lang naman ang maarte, e!”

“Te, may patis ka?” Lumingon ang tinderang pawis sa dami ng ginagawa.

“Teka lang, ser.”

“May sili ka?”

“Oo, ser.”

“May tubig na malamig? Pahingi na rin.”

Nagtataas-baba ang balikat ng kaibigan. Kinantahan siya. “Mr. DJ, can I make a request...”

Humaba ang nguso niya. “Hanep, a! Yaya ba?”

“Eto, naman! Nanghihingi lang,” salag niya.

“Ipinanganak ka bang may kasamang yaya? Siguro sa sinapupunan ng nanay mo, may ayudante ka!” Tiningnan ko siya nang masama. Dinedma ko nang dumating na ang marami kong request sa tindera.

Kandapatak ang pawis kong butilbutil habang panay ang sabaw ng patis na may tiniris na sili sa kaning binaha ng sabaw ng nilaga. “Mabilaukan ka, dadagukan kita!” “Tse!” Nagtalsikan ang mga kanin mula sa bibig ko.

“Nyet! Talsik mo, lumalaway!” Bad trip nitong saway habang pinapagpag ang kanin na nagtalsikan.

“Pautang!” Pakurap-kurap ang mata kong madalas kong gawin kapag nagpapa- cute at may kailangan sa kausap.

“Ako tigilan mo, ha! Di ka pa bayad sa utang mo sa ‘kin, ha!”

Ngumisi ako. “Idagdag mo na lang sa listahan.”

“Hoy!” Nakapameywang niya kong hinarap. “Di ako tindahan na nakalista sa kahon ng sigarilyo’ng atraso mo!”

Natawa ko. “Hayuf! Jurassic na Jurassic ang hirit mo!”

Umingos ito. “Millennial ka?”

Kumindat ako. “Gen Z!”

“Utot mong blue!”

“Seryoso. Pautang naman!” “Lintik na! Aanhin mo ba? Kasusuweldo mo lang, a.” Seryoso ito. Ito nga pala ang nag- withdraw ng suweldo ko dahil nakisuyo ako.

“Alam mo naman, e! Gusto pang marinig nang paulit-ulit. Gusto pang nagmumukha akong api.” Nakasibi akong nagkamot ng batok.

“Pang-ano ‘yan, alak, sugal, babae o

droga?”

“’Na mo! Alinman do’n – ““Ulit!” Nanlaki’ng mga mata nito. Nagkamot ulit ako ng ulo. “Konting alak at yosi lang ang bisyo ko. Alam mo ‘yon.”

“So...? Aanhin mo nga?”

“May babayaran.”

“Na ano?”

“Eto naman, ang daming tanong! Marites ba pangalan mo?”

“Hindi. Pero di ka rin naman si John Michael, ‘no?”

Kumunot ang noo nito. “Anong John Michael?”

“NanJohn kapag Michaelangan!” Napabunghalit ako ng halakhak. “Ay iba rin!”

“Di akin ‘yon. Nabasa ko lang sa FB.” “Pautang na nga!”

“Ay grabe! Ang layo na ng narating natin. Balik tayo sa square one!”

“Sige na. Ikaw naman, e. Parang di ka nakakaintindi.”

Pumorma ito. Pang-Bea Alonzo. “Bakit parang kasalanan ko?”

“Eto naman!”

“O, sige, magkano?” Nagliwanag ang mukha ko.

“Two five.”

“Wow! Libo. Di ba p’wedeng daan lang?”

Ngumisi ako. “Dalawampu’t limang daan.”

“Gaguh!” Asar-talo itong dumukot ng kailangan ko sa pitaka niya.

“Tenchu!” Tuwang-tuwa kong binilang ang iniabot ko.

“Tiyakin mo lang na makabuluhan at di sa bisyo ang pupunahan niyang inutang mo ha, kundi pipitikin ko ‘yang baga mo!”

Tinanguan ko lang siya ang banta niya.

“Tulungan mo kasi’ng sarili mo! Di p’wedeng nakabilanggo ka riyan sa bangko.”

Inilalalayan niya ang kuya niyang hirap na tumayo. Nakangiwi ito.

Epekto ng pagkaka- stroke three years ago.

Ungol lang ang sagot nito kasama ng laway na sumasargo.

“Ikaw, tulungan mo’ng Papa mo. Di puwedeng puro gala,” sita niya sa pamangkin. Sanay na ito sa kanya. Alam na kung kailan siya galit at kailan nang-uurat.

“E, ‘ To, nagpapawis lang sa basketbol,” katwiran nito.

“Papawisan ka rin kapag binuhat mo’ng Papa mo.”

Napakamot ang pamangkin habang nagkakamot ng ulo.

Alam naman niyang mabigat ang responsibilidad na iyon para sa isang teenager.

Alam din naman niyang ginagawa ng pamangkin ang kaya nito pero dahil nga bata pa, kailangan ding mag- enjoy.

Kaso, nagtatrabaho siya.

Di naman niya kayang saluhin ang pag-aalaga sa nakatatanda niyang kapatid. Kung di naman kasi ito tarantado, di naman iiwan ng asawa. Kaso, lasenggo na’t durugista, babaero pa. Minsang sinaktan ang asawa, pinatawad pa.

Ang kaso, inulit.

Ang malupit, nabali ang ilong ng babae nang suntukin nito.

Kaya, nag-alsa balutan.

Anumang suyo ang gawin, di na napakiusapan.

Nagsandok siya ng ulam. Tig-isang kamay niyang dinala sa mesa ang bandehado ng kanin at isdang sarsiyado.

“Kain na!”

Dumulog ang pamangkin. Binuhat ang ama. Iniupo sa silya. Napatungo siya. Nababaghan sa kuya. Naaawa sa pamangkin.

Mali, e.

Sa kagaguhan ng ama, anak ang nahihirapan.

Sa kagaguhan bilang asawa, iniwan ng mabait na ina ng anak nito.

Sa kagaguhan nito, nasira ang buhay.

Parang patay na buhay. Parang haliging inaanay. Dinaan niya sa pag-ubo ang namumuong bikig sa lalamunan.

Nakakasira ng pagkamacho ang pag-iyak sa harapan ng mga ito.

“’ To, baka covid na ‘yan.”

“Tado!” pabiro niyang binato ng kalamansi ang pamangkin.

Tatawa-tawa nitong sinalo iyon. Nakiungol din ang kuya niya. Nakangiwing tumatawa. Pinunasan ng anak nito ang laway na tumulo.

Napatango siya.

Masaya silang kumain.

“O, bili ka bukas ng bigas. Bili ka rin ng uulamin. Tingnan mo kung kakasyang pang-isanlinggo.” Iniabot niya sa pamangkin ang perang hiniram sa kaibigan.

Para niyang naririnig ang sinabi nito: “Kasusuweldo mo lang.”

Kasusuweldo lang naman niya talaga. Malaki-laki rin naman ang suweldo niya – kung, mag-isa lang siya sa buhay. Kaso, kumuha siya ng responsibilidad. Kinuha niya ang kuya niya’t pamangkin. Para kasi siyang sinikmuraan nang minsan niyang dalawin.

“Ano ba ‘tong lagay mo?” Mangani-ngani niya itong kuwelyuhan para ihagis sa banyo at paliguan. Daig ang sanggol na nakaupo sa sariling dumi. Naghalo ang tiring pagkain na nilalangaw.

Di niya maunawaan. Pero, aaminin niya, nararamdaman niya. At nababaghan siya. May damdaming ginigising. Iyong dugo na naguugnay sa kanila. Iyong laman na pareho ang pinanggalingan.

Madidirihin siya pero di niya nagawang masuka.

Mas nangibabaw ang galit at awa. Nagagalit siya sa kalagayan nito. Naaawa siya sa sinapit nito. Nagmumura ang isip niya habang nililinis niya ang kuya niya. Naubos ang kayabangan nito. Nalaos ang pagiging siga.

Ang kaharap niya ngayon at tila batang binabalungusan.

Tila paslit na walang isip at pagpapasya kung alin ang tama sa mali at dapat sa hindi.

Noong araw na iyon, kinuha niya ang mag-ama sa miserableng inuupahan ng mga ito.

Wala sila halos dinala. Iniwan nila dahil halos lahat naman, pasableng basura.

“Dito kayo ng Papa mo.” Binuksan niya ang pinto ng bakanteng kuwarto. “Ayusin natin bukas. Malinis diyan.” Iniabot niya ang mga kumot at unan.

“’ To, may pagkain ka pa ba? Kahit tira. Di pa kami naghahapunan ni Papa, e,” tila nahihiyang sabi ng pamangkin sa kanya.

“Teka, magluluto ako. Saglit lang.” Umpisa iyon ng pagbabago sa routine niya.

Pati sa budget na dati-rating sagana dahil sarili lang ang iniisip niya. “Magkano bang pagpapa-rehab?” “Bakit, adik ka ba?” Nabatukan niya ang kaibigan. “Gaguh! Iyong pang- therapy para sa mga na- stroke. Iyong maghihilot para kahit paano lumakas iyong I na patay.”

May ibinigay na pangalan ang kaibigan.

Pinuntahan niya.

“Mahal pala,” sabi niya. Napakamot ng ulo. Seven hundred per session.

“Sir, hindi naman po everyday gagawin. Saka may package din naman po kami. Discounted po ‘yon.” Pikit-mata, pinatulan niya ang package. “Pero, sir, di po guarantee na gagaling siya o maibabalik sa dati. Ang therapy po ay makakapagbuti lang po sa present condition niya at depende po iyon sa cooperation at response ng katawan niya.”

“Ang tagal mong absent sa check-up, a,” bati ng doktor sa kuya niya. “Umiinom ka pa ba ng gamot?”

“Hindi na po, Dok,” mahinang sagot ng pamangkin niya.

“Kailan pa?”

“Matagal na po.” Tila nahihiya itong yumuko.

“Dok, iyon pa rin ang gamot o babaguhin na?” salo niya sa pagkapahiya ng pamangkin.

“Babaguhin na natin. Papalitan na. More on vitamins na siya. Payat ngayon, e. Nagda- diet ba?” biro nito.

“Lahat na ‘yang nasa reseta,” sagot niya sa pharmacist nang itanong kung ilan ang bibilhin niya.

Binilang niya ang natira. Napabuntonghininga siya. Nakahiga na sa sariling kama, napapabuntonghininga pa rin siya.

Puwede naman niyang pabayaan. Tulad ng ilang taon na nagdaan.

“Paano na ang kuya mo?” Umiiyak na tanong ng Nanay niya nang mastroke ito. Natagpuan nilang nakangiwi. Tulo ang laway. Nakasubsob sa harap ng banyo.

“Kaya niya ‘yon. Malaki na siya.” Hindi naitago ang galit sa boses niya.

“Pa’nong kaya? Alam mo naman ang lagay niya.”

Hindi na siya sumagot. Hahaba lang.

Di naman siya kakampihan ng ina. Mula’t mula, ito at ang ama, nakakampi sa kuya niya.

Kaya lumaking gago’t iresponsable, nakunsinti kasi.

Pinagsalikop niya ang kamay sa ibabaw ng ulo.

Itinaas ang mga paa sa mesa. Nilaro ang stick ng yosi sa pagitan ng hintuturo’t hinlalaki.

“Kapatid mo ‘yon. Kuya mo ‘yon. Di ka ba man lang nag-aalala? Di ka ba naaawa?”

Di naman siya bato. Dama naman niya ang awa. Nag-aalala naman siya. Di nga siya makatulog kaiisip, e. Mabilis ang karma. Dito pa lang sa lupa, danas na.

“Nagkamali siya pero tapos na ‘yon,” dagdag ng Nanay niya.

“Iyong kay Tatay, kakalimutan na?” Naroon ang malalim na pait. Di niya maitago ang ngitngit.

“Di niya iyon sinasadya. Walang may gusto no’n.”

“Kung di siya gago, buhay pa si Tatay ngayon. Di ka pa sana biyuda. Di sana ako ang nagpaaral sa sarili ko. Di sana ako nahirapang pagsabayin ang pag-aaral at trabaho.”

“Kailan mo ba tatanggapin na sakit sa puso ang ikinamatay ng Tatay ninyo?”

“Kailan mo rin tatanggapin na kung di siya nag-uwi ng problema, di aatakihin sa puso si Tatay? Kailan mo haharapin ang katotohanang iyang paborito mong anak kung di nasangkot sa droga, di mapuputukan ng ugat sa puso si Tatay? Kailan mo haharapin ang katotohanang, iyang paborito mo na sumimot sa naiwang konting pera ni Tatay ang dahilan kung bakit masahol pa tayo sa ninakawan na sinaid ang kahuli-huling meron tayo?”

Tumalikod ang ina.

Iniwan siyang nagkukukot ang kalooban sa sala.

Noon pa, dama na niya, di pantay ang turing.

Iba ang trato.

May paborito.

Hindi iyon masama.

Natural na may paborito.

Ang masama, ang di natural, ang mali – ipakita’t ipadama na sa pagitan nilang magkapatid, may pinapaboran.

May mas mahal.

May tinititigan.

“’ To, tulong naman, o!” “Bakit?” Di niya matukoy ang itsura ng pamangkin. Parang naasar na nandidiri. Masuka-suka.

“Si Papa, tumae sa kama. Di ko

mabuhat. Magkakalat.”

Para siyang kidlat. Nangingilid ang luha sa mga mata ng kuya niya.

Ayaw salubungin ang mga mata niya.

Umuungol.

Di niya maunawaan.

Pero, aaminin niya, nararamdaman niya.

At nababaghan siya.

May damdaming ginigising. Iyong dugo na nag-uugnay sa kanila.

Iyong laman na pareho ang pinanggalingan.

Hindi niya alintana ang amoy na sumisigid sa ilong dahil nahihigitan iyon ng awa – malasakit – pagunawa.

“Bubuhatin ko, ibalumbon mo’ng kobre kama,” mahinang utos niya.

Mabilis na kumilos ang pamangkin.

Pag-angat niya sa katawan ng Papa nito, sabay balumbon ng sapin ng kama.

Sapo niya ang pang-upo ng taong dahilan ng ilang taon ng pait niyang nararamdaman.

Pangko niya ang matagal niyang sinisi sa kamatayan ng Tatay nilang mahal na mahal niya dahil di tulad ng Nanay nila, kahit paano, naramdaman niyang iniintindi at may panahon ito para sa kanya.

“Saglit lang, lilinisin lang kita.” Umuungol ito. Pumipiksi. “Kuya…” mahinang tawag niya. Matagal na naging estranghero ang salitang iyon.

Matagal niyang di binanggit. Matagal na inalis sa kanyang bokabularyo.

Sinalubong ng mata nito ang mga mata niya.

May kislap ng luha.

Nagpilit na itaas ang isang kamay. Sa putol-putol na bitaw. Sa paungol na bitaw. Narinig niya iyon: S-s-salam-sa-lammm-ssaa-laaa-maattt, bbbunssshhoooo.”

Bumagsak ang mga luha niyang kanina pa pinipigilan. Napasinghot siya.

Sumigid ang amoy pero mas sumigid sa dibdib niya ang itsura at salita ng kuya niya.

“Magpagaling ka. Gagaling Ka. Aalagaan kita. Aalagaan ka namin. Aalagaan ka ni Nanay. Aalagan ka namin nina Nanay.”

“’ To, salamat.” Nagulat pa siya sa pamangkin. Nasa pintuan pala ito. Matamang nakikinig. “Iyan lang ang madalas bigkasin ni Papa – Bunso.” Ngumiti ito. “Mahal ka ni Papa.” Tumango-tango siya. Nginitian din niya ang pamangkin. Hinawakan niya ang palad ng nakatatandang kapatid.

Masuyo niya iyong pinisil.

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281672553590584

Manila Bulletin Publishing Corp