Manila Bulletin

Pagsusupling

Ni Arnold Matencio Valledor

JESUS, if this is really Your will that I will become a Sister...please let my father sign.”

Pagkatapos na pagkatapos kong magdasal, hiningi ni Tatay sa akin ang consent form. Kung kanina, umiiling siya nang pinakikiusapan ko siya habang nakaupo ako sa gilid ng kama niya sa ospital na iyon, ngayon ay nakangiti siya — ipinapakita ang dalisay na ngiti kahit alam kong nahihirapan na siya. Ipinaturo niya sa akin ang bahaging pipirmahan niya. Pumirma siya. At niyakap ko siya. Pareho kaming naluluha. Naramdaman ko ang mahinang tapik niya sa aking likod. Kinahapunan, namatay si Tatay.

Nang magpaalam akong babalik na sa kumbento, pinigilan ako ng lahat kong kapatid, magsama-sama lang daw kami sa probinsiya. Magtitser na lang daw ako. Si Nanay ay walang

imik. Kung dati, siya ang boses ko noon kay Tatay sa pagpasok ko sa kumbento, ni hindi ko siya kinakitaan ng dating suporta niya sa akin. Nalungkot ako. Pero dahil pinapirma ng Diyos si Tatay sa consent form, bumalik ako sa kumbento sa Parańaque.

Nagpatuloy ako sa aking formation. Iba ang sayang nararamdaman ko kapag iniisip ko na maglilingkod ako sa aking kapwa kasama ang Diyos. Hindi ko pinapansin ang pagod sa apostolate, sa katekismo sa eskuwelahan at maging sa parish at sa feeding program para sa mahihirap na mga bata. May mga gabing kulang ako sa tulog dahil sa paghahanda sa kinabukasang mga gawain pero kinakaya ko dahil naniniwala akong sinasanay Niya lamang ako para sa mas makabuluhan pang uri ng paglilingkod.

.

MAY mga pagkakataong sumasagi sa isip ko si Tatay. Ang pag-ayaw niya sa pagpasok ko sa kumbento. Ang pagpirma niya pagkatapos kong magdasal. Minsan, napanaginipan ko pa siya. Nasa may altar daw siya ng simbahan. Nilapitan ko at tinanong ko kung ano ang kailangan niya.

“Salamat sa pag-unawa sa ‘kin…,” tugon niya.

Estrikto si Tatay. Kung ano ang ibinilin o iniutos niya ay kailangang masunod, kung hindi ay maparurusahan ang sinomang susuway.

Isang araw, umalis sila ni Nanay. Tanghali na raw silang makauuwi. Maghahanap daw sila ng magbubulay ng abaka sa aming solar.

“Dito lang kayo sa loob ng bahay maglaro… walang lalabas…walang makikipaglaro sa labas. Gumagala-gala ang sintong anak ni Sabas!”

Pero lumabas si Manoy na sampung taong gulang noon at nakipaglaro sa kanyang mga kaedad. Bumalik man siya sa bahay bago pa man dumating sina Tatay at Nanay, nagtanong pa rin si Tatay habang nagsusungka kami. Magkakampi kami ni Manoy sa larong iyon at kalaban namin sina Manay at Nono. “Sinong lumabas?”

Natigil kami sa paglalaro. Walang sumagot sa amin.

“Sinong nakipaglaro sa labas?”

Gusto man namin o hindi, kailangang may sumagot sa amin dahil kung hindi, lahat kami ay maparurusahan. Kaya, halos magkapanabayan kaming sumagot ni Manay, “S-si M-manoy!”

Agad hinawakan ni Tatay sa braso si Manoy at dinala sa likod-bahay namin. Itinali sa puno ng niyog gamit ang bandarang lubid.

Habang nanananghalian kami, ibinilin ni Tatay na walang sinoman sa amin na magbibigay ng pagkain o kahit na tubig sa aming panganay. “At ikaw, Pacita, dalhin mo na muna kina Tatay ang mga pinitas nating gulay kanina para sa kanilang hapunan… idagdag mo na rin ang ilang prutas d’yan,” na halatang galit pa rin kay Nanay dahil sa pagpipigil nito kanina na itali sa puno ng niyog si Manoy.

Pagkapananghalian, pinapunta na ni Tatay si Nanay kina Lolo na bitbit ang bayong na may sitaw, ampalaya, talong, mangga at abokado. Saka na umalis si Tatay upang bumili ng mga de-lata at bigas at ilang bilog ng gin na babalihin ng kinontrata nilang mambubulay ng abaka.

Naaawang tinitingnan ko si Manoy sa kaniyang kalagayan. Pagkaalis ni Tatay, pinuntahan ko si Manoy. Maingat ang mga hakbang ko at patago-tago sa puno ng mga mangga at abokado upang hindi ako mapansin nina Manay at Nono.

Naupo ako sa tabi ni Manoy. “Bigyan mo ako ng tubig. Nauuhaw ako,” hiling niya sa akin.

“Kabilin-bilinan ni Tatay na ‘wag kang bigyan ng tubig…pati nga pagkain,” sabi ko.

“Kahit ‘sang basong tubig lang,” pagpipilit niya.

Gustong-gusto ko na pagbigyan si Manoy ngunit natatakot ako na baka makita ako nina Manay at Nono. Inulit ko ang pag-iingat sa pagbalik sa bahay. Kumuha ako ng tubig. Mas nanaig sa akin ang kagustuhan kong tulungan si Manoy kaysa sa takot sa aking tatay.

Pinalo ako ng tsinelas ni Tatay sa puwitan nang magtapat si Manay na binigyan ko ng maiinom si Manoy. Pinigil kong maiyak habang pinapalo ako ngunit malalakas ang hampas ni Tatay kahit na inaawat na ni Nanay. Umiyak ako. Malakas.

Hindi ko akalain na ang pag-iyak kong iyon ang magbibigay sa akin ng kahulugan sa dalawang larawan na nakasabit sa aming dingding na yari sa pinag-akob na kawayan - na aakay upang mapalapit ako sa simbahan. Habang pinupunas kasi ni Nanay ang aking luha, ang dalawang larawan ang lagi kong nakikita na para bang pinatatahan ako. Ang sabi ni Nanay sa akin noon na hindi ko naman pinansin dati ay mag-ina ang dalawang larawan. Si Mama Mary ang babae na kapangalan ko pa raw. At si Jesus Christ ang lalaki na siyang Diyos natin. Ewan kung bakit sa pagkakataong iyon ay parang may damdaming nabuhay sa aking puso at may kumislap sa aking isip na hindi ko maintindihan at maipaliwanag. Hanggang sa niyaya ko si Nanay na magsimba. Hindi ko rin akalain na simula na rin iyon ng paglambot ng puso ni Tatay. Nakita pala siya ng isang ministro ng ibang simbahan sa pananakit sa akin at kinausap siya nito na sa una ay puno ng pamimilosopo ngunit kalaunan ay nahikayat din ito na magsamba sa simbahan ng nasabing ministro. Doon siya. Samantalang kami nina Nanay at mga kapatid ko ay sa simbahang Katoliko. Na kalaunan ay niyaya niya kami na pinauunlakan naman namin. Kahit na nasa isip ko na noon ang magmadre.

Nang pumasok ako sa kumbento, sa tulong ni Nanay sa pangungumbinsi kay Tatay, nabalitaan kong bibihira nang magsimba sa simbahang Katoliko sina Nanay at ang mga kapatid ko. Gusto kong sumagot. Pero nabibikig ako. Nagising akong lumuluha.

NAGPATULOY ako sa formation.

Mas lumalim ang aking paniniwala at pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral sa Kanyang mga Salita. Na ipinakikita at ipinadarama ko sa aking kapwa sa pamamagitan ng katekismo at feeding program sa mahihirap na mga bata at pamilya na halos kinalimutan na ng lipunan. Natuto akong makisalamuha at magsalita sa iba’t ibang uri ng tao. Natuto akong unawain ang mga nangyari sa buhay naming pamilya. At naidasal ko na sana ay maunawaan ko pa rin ang mga susunod pang pangyayari sa aking buhay.

PAGKATAPOS ng formation ko sa Paranaque, lumipad ako sa Italy para ipagpatuloy ito roon. Unang araw ng klase ay nahihilo-hilo pa ako dahil hindi pa natatagalang dumating mula sa Pilipinas at nilalamig dahil spring noon at hindi pa nakakaakma ang aking katawan sa klima.

Hindi naging madali sa akin ang magaral ng Italian language kaya kapag free time ay nagsi- self study ako. Halos lahat na words ay hindi ko alam ang kahulugan. Nagkakandapunit na ang dictionary na ibinigay sa akin ay hindi pa ako makapagconstruct ng sentence, pasalita o pasulat man. Pero nagpursige akong matuto sa eskuwelahan, sa mga free time ko, sa tulong ng regular kong pagdarasal sa Diyos dahil tanging ang language na iyon ang susi ko sa bansang iyon upang maipagpatuloy ko ang aking misyon sa buhay dahil ang paglilingkuran ko ay Italian, French, Portuguese and no English.

Nang matuto ako, laking pasalamat ko sa Diyos dahil magagawa ko nang makipag-usap nang matatas sa mga ospiti sa Umbria at mas magagampanan kong mahusay ang aking tungkulin hindi lamang sa pagpapakain sa kanila kundi sa pakikipagtalastasan din upang mas lalo nilang matanggap sa isip at puso nila ang kanilang kasalukuyang kalagayan na wala nang dumadalaw na kamag-anak o kung mayroon man ay bibihirang mangyari.

Hindi rin naman lahat pag-aaral, pagbabasa ng mga Salita ng Diyos, pagtulong sa pag-aasikaso sa mga ospiti ang aming buhay sa Italy. May pagkakataon din naman na namamasyal kami ng aming mga kaklase at kaibigan sa iba’t ibang simbahan, makasaysayang mga lugar before and after Jesus Christ at iba pang magagandang lugar at tanawin na nakadaragdag ng balanse sa aming buhay. Na kahit malayo ang Umbria sa Florence kung saan kami nag-aaral hindi lang ng Italian language kundi pati ng Sacred Scripture, Liturgy, Moral Theology, Human Science Cristology, Consecrated Life, at Church’s History ay hindi kabagotbagot sa amin ang pagpunta roon bagkus nakapagpapagaan pa nga ng pakiramdam.

Malaki ang pinaglilingkuran naming home for the aged sa Umbria. Limang palapag. Dalawa kaming novices na itinalaga sa magkahiwalay na palapag kung saan pagkatapos ng isang Linggo ay lilipat naman kami ng ibang palapag. Katulong kami ng mga naroon nang nakatalagang madre, nars, at doktor. May dalawang propesor din na magkasalitan sa iskedyul bawat araw na nagtuturo at gumagabay sa mga ospiti na linangin kahit na matanda na sila ang natatanging skill na mayroon ang bawat isa. Kaya may panahon na nananahi ang iba, sumasayaw, nagpipinta, nagsusulat at iba pa. Regular din na pinadadalo sila sa misa sa chapel na naroon din sa lugar na iyon.

Sa paglilingkod ko sa home for the aged na iyon, nabatid ko ang ilang bagay na pinagdaraanan ng mga ospiti sa kusang pagkukuwento nila sa akin na dinurugtungan ko naman ng mga Salita ng Diyos na akma sa kuwento nila upang imbes na negatibo ay maging positibo ang kanilang pananaw. Hanggang sa sila na mismo ang nagbibigay ng insights sa pinagdaanan o pinagdaraanang buhay. Sasabihin nila na ang pagsasakripisyo ay humuhubog sa atin bilang tao; sa pamamagitan ng paghihirap ay nagiging matapang tayo at may lakas ng loob na harapin ang bagong umaga, bagong karanasan at anumang bagay at pangyayaring darating; natututo tayong magpatuloy na magmahal; natututo tayong hayaang saktan ng iba upang maghilom ang kani-kanilang sugat; na anomang nangyayari sa buhay natin ay may dahilan upang mas lalong matagpuan ang sarili at higit sa lahat ang Diyos.

Nang malipat ako sa ground floor, lumapit

Natuto akong makisalamuha at magsalita sa iba’t ibang uri ng tao. Natuto akong unawain ang mga nangyari sa buhay naming pamilya. At naidasal ko na sana ay maunawaan ko pa rin ang mga susunod pang pangyayari sa aking buhay…

sa akin ang isang madre na nakatalaga roon at malungkot na ikinuwento sa akin na may isang matandang lalaki sa palapag na iyon na aloof. Madalas galit sa mga nars, doktor, propesor at maging sa kanya. At kapag wala nang taong nakikita ay napakatahimik na. Hindi nakikipag-usap kahit kanino. Hindi lumalabas sa kuwarto. Inilalayo ang sarili sa karamihan.

Bagamat pinangangalagaan ang privacy ng sinumang ospiti rito, nalaman ko sa nadulas na dila ng nars na Giancarlo ang pangalan ng matandang lalaki, 64 years old, may stage 4 lung cancer, at malapit nang mamatay.

Kinabukasan, madaling araw, bunsod ng lakas ng loob na ibinigay sa akin ng Diyos at ng isiping kapareho si Giancarlo ng kalagayan noon ni Tatay, kumatok ako sa kuwarto niya at pumasok bagamat wala akong narinig na tugon. Maligayang binati ko siya at nagpakilala ako nang maayos. Nagsalita akong parang walang alam sa tunay niyang kalagayan. I treated him like he is not sick. Pinakuwento ko siya at nagkuwento naman habang ako ay matamang nakikinig. Minsang naiiyak, minsang natatawa at muling maiiyak sa kanyang pagkukuwento na gaya ng ginawa ko sa mga naunang ospiti na pinaglingkuran ko sa ibang palapag ay dinurugtungan ko ng mga salita ng Diyos na angkop sa kanyang mga huling linya. Pinadama ko sa kanya na hindi siya nag-iisa. Na nauunawaan ko siya. Na hindi siya iba sa akin at sa iba. Pinadama ko sa kanya na merong Someone na sinasamahan siya at minamahal sa kabila ng kanyang kondisyon.

Naalaala ko ang sinabi ng nars na hindi rin regular na kumakain at umiinom ng gamot si Giancarlo kaya sinabi kong ang Tatay ko ay humaba pa ang buhay nang nasa ospital ito dahil sa hindi pumapalya sa pagkain at pag-inom ng gamot na ibinibigay ng nars.

“A partire da oggi, lo farò,” sabi niyang susundin na niya ang nars na ikinatuwa ko.

“Vuoi che preparo la frutta per te?” tanong ko sa kanya kung okey bang bigyan ko siya ng prutas na nasa mesang kainan niya. Tumango siyang ngumingiti.

At binigyan ko siya ng prutas na agad niyang kinain nang nasisiyahan. Masaya siya. Ganoon din ako. Nakita ko sa kanya ang pagkakaroon ng bagong pag-asa at ng lakas na magpatuloy sa buhay maging anoman ang kanyang kalagayan. Araw-araw pinupuntahan ko siya. Umuupo ako sa kanyang higaan. Kinakausap siya at pinararamdam sa kanya na feel at home ako sa kanya so that him too might feel at home with me. Minsan ay naglilinis ako sa kuwarto niya kahit na may janitor na naglilinis doon. Binubuksan ko ang bintana upang pumasok ang sariwang hangin at makita niya ang kagandahan ng bundok, ang nagdaraang tren, ang mga bahay, pati na rin ang mga ibong lumilipad at tumatalon-talon sa mga sanga, gayundin ang kalangitan.

Sa pagkatok ko, alam na niya na ako iyon. At siya ay ngingiti. Ngunit nang araw na iyon ay hindi ko nakita ang saya sa kanyang mga labi. Malungkot siya at hindi kumain. Nakita ko ang isinilbing pagkain at prutas. Hindi niya nagalaw. Kinausap ko ngunit hindi siya umiimik. Gusto kong tanungin ang nars kung anong nangyari ngunit hindi ko nakita. Inisip ko na lamang na baka sumumpong ang kanyang sakit at inisip niya na wala ring patutunguhang mabuti ang pagkain at paginom niya ng gamot.

“Giancarlo, di mahalaga kung gaano kaikli o kahaba ang ilalagi natin dito sa mundo kundi kung paano natin tatanggapin ang kalooban ng Diyos. H’wag mong isiping

pinabayaan ka Niya kundi laging nariyan Siya upang kandiliin ka. Isuko natin ang ating sarili sa Kanya at matatanggap nating maluwag sa dibdib ang lahat… maging anoman ‘yon.”

Tumango siya.

Binigyan ko siya ng booklet of prayers at rosaryo. At kinukumusta ko siya araw-araw kung dinarasal niya ang nasa booklet.

“Sì, ora sto per finire,” maaliwalas ang mukhang sagot niya sa akin nang halos isang linggo na akong nangungumusta. Na ikinatuwa ko dahil halos nauubos na niyang dasalin ang laman ng booklet.

“Buongiorno!” bati ko sa kanya isang umaga nang makita ko siya sa labas ng kuwarto niya. ”Sei qui fuori! Che bello…!” Ngumiti siya.

“Dove stai andando?” Tinanong ko kung saan siya pupunta.

“Andrò nella cappella per adorazione e preghiera,” masayang sagot niya.

Natuwa ako at naiisip na niya ang pumunta sa chapel, magdasal at magpasalamat sa Diyos.

Paggaling sa kapilya, nakita ko siyang marahang naglalakad kasama ang isang therapist at magiliw na nakikipagkuwentuhan sa ibang katulad niya at sa mga manggagawa na dati ay nilalayuan niya.

Gumaganda na ang kondisyon niya kaya nang mag-imbita ang isa sa mga Sisters namin sa Sicily para sa kanyang Perpetual Profession ay hindi ako tumanggi. Gugugol kami roon ng sampung araw. Nagpaalam ako sa kanya. Imbes na malungkot ay natuwa pa siya para sa akin.

“Sono felice che tu ci sia. È un posto bellissimo in cui molte persone desiderano andare,” sinabi niyang masaya siya na mararating ko ang lugar na pinapangarap na marating ng marami. At humirit siya na kumuha ako ng mga pictures na titingnan daw niya pagbalik ko.

MASAYA kaming bumiyahe. Uminom ako ng matapang na kape upang hindi ako antukin at makita ko at mapiktyuran na rin ang magagandang tanawin na madaraanan namin. Umalis kami ng alas singko ng umaga at dumating kami sa destinasyon ng alas dose ng hatinggabi.

Kinabukasan at nang sumunod pang mga araw, bago ang mismong celebration, bilang bahagi ng pagpunta namin sa lugar, nambahay-bahay kami para sa Bible sharing at pumunta kami sa mga eskuwelahan para sa vocational campaign.

Nang dumating na ang araw ng celebration of the Perpetual Profession, dagsa ang napakaraming tao sa simbahan mula sa iba’t ibang lugar, matanda man o bata, propesyonal man o estudyante. Punong-puno ang simbahan na halos kami ay wala nang maupuan.

Maganda ang buong seremonya. At naantig ako. Hindi lang sa speech ni Sister Angelina kundi pati na rin sa suporta na ipinakita ng kanyang kapatid na lalaki nang maging emosyonal siya sa kanyang talumpati dahil lumapit ito at tinapik-tapik siya sa balikat. Naisip ko sina Nanay at mga kapatid ko.

Mula alas sais ng hapon, natapos ang seremonya ng alas tres ng umaga. Alas singko ang alis namin pabalik sa Umbria. Nang bumibiyahe na kami, biglang bumigat ang pakiramdam ko na kahit ang tumugon sa manaka-nakang usapan at kuwentuhan ay hindi ko nagawa. Bumiyahe kami ng buong araw at alauna na nang madaling-araw kaming dumating sa Umbria at imbes na bumuti ang aking pakiramdam ay lalong sumama. Bago ako dumeretso sa kuwarto ay sa kusina ako tumuloy at agad naman akong binigyan ng makakain ng tagaluto na sa oras na iyon ay abalang-abala na sa kusina. Nakakailang subo pa lamang ako nang nagmamadaling lumapit

sa akin ang isang madre.

“Hurry! Go to Giancarlo, he is in very critical condition. He can’t eat and don’t talk anymore… always on bed!”

Binitiwan ko agad ang kutsara at ibinilin sa tagaluto na ayusin na lamang ang aking kinakainan.

Pagpasok ko sa kuwarto ni Giancarlo, tiningnan niya ako. Malamlam na tingin ngunit ngumingiti. Nagulat ako sa biglang pagbagsak ng kanyang katawan.

“Come stai?” Kinumusta ko siya.

“E’ cosi’, fino qui,” sagot niyang namamaalam.

Sinabi sa akin ng nars na isang linggo nang walang ganang kumain at makipagkuwentuhan si Giancarlo. Dapat bang sisihin ko ang sarili ko sa pagpunta sa Sicily? Kinuwentuhan ko siya ng aking karanasan papunta at habang naroon kami sa Sicily, kasabay ng pagpapakita ko sa kanya ng mga kuha kong larawan.

“Non ce l’ho faccio piu’,” ang naging tugon niya sa pagsusumikap kong pasayahin siya.

Napatigil ako sa aking pagkukuwento. Naramdaman ko ang sakit na binabata niya na lalong nagpapahina sa kanya. Ganoon din ang nakita ko kay Tatay noong mga huling araw niya.

Nag- lead akong magrosaryo sa lahat na naroroon sa kanyang kuwarto. Sa nars. Sa doktor. Sa madreng kumaon sa akin. Hawak ni Giancarlo ang rosaryong ibinigay ko. Pinagsalikop niya ito sa kanyang mga palad. Pagkatapos naming magrosaryo ay nakaya pa nitong humingi ng tubig at sumimsim. Naalaala ko si Manoy nang bigyan ko ng tubig habang nakagapos siya sa puno ng niyog. Ngumiti siya at humugot ng huling hininga. Hindi ko napigilang lumuha.

LUMIPAT KAMI sa ikalawang apostolic services namin. Sa Umbria rin. Gaya sa nauna, mula kami sa iba’t ibang bansa, kongregasyon at kultura. Pari. Madre. At lay people.

Nagpatuloy kami sa aming misyon hanggang sa matapos kami ng aming pagaaral.

Pumunta kami sa Assisi for the retreat and preparation for the First Temporaneal Profession kung saan maraming mga madre ang dumalo pati na rin galing sa ibang kongregasyon. May mga kapamilya ng mga kasamahan ko ang dumalo rin ngunit hindi ang aking pamilya. Malayo masyado ang Assisi sa Pilipinas. Pero naipagpasalamat ko na may isang Filipinang madre, si Sister Fe, na nakasama ko sa pangalawang apostolic services namin na umalalay sa akin.

PAG-UWI ko sa Pilipinas, sinundo ako ng mga madre ng kongregasyon namin, kasama si Nanay.

Bago umuwi sa amin sa probinsiya, naiisip ko ang pagiging madre ko at ang pagiging miyembro ng ibang relihiyon nina Nanay at mga kapatid ko. Tiningnan ko ang suot kong habit at sinulyapan ko si Nanay.

“Grazie. Non ci hai solo aiutato, ma ci hai mostrato e insegnato la vita morale e spiritual.” Halos nauulinigan ko ang pasasalamat ng mga ospiti sa akin sa nangyaring pagbabago sa moral at spiritwal na aspekto ng kanilang buhay.

“Non sono oi. Gesù in me,” sinabi ko sa kanila na it’s Jesus in me at hindi mismong ako ang nag-transform ng buhay nila.

“Aalis na po, Sister!” sabi ng dispatcher ng bus papunta sa aming probinsiya.

“’Lika, Nay,” hinawakan ko ang kamay ni Nanay at inalalayan siya sa pag-akyat sa bus.

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281724093198136

Manila Bulletin Publishing Corp