Manila Bulletin

Tatlong Tula

Ni Norsalim S. Haron

Lambat

Palubog na ang araw, nagtatampisaw pa rin ang mga isda sa sapa malapit sa inilatag na duyang hinabi mula sa sapot ng gagamba. Nag-aaliw sila, naglalaro, lumilikha ng maliliit na alon katulad ng patak ng ulan. Kinabukasan. Maraming kaliskis na pilak ang naiwang nakasabit sa lambat.

Ang sabi ng Papel

Isa lang akong kapirasong puting papel, Na nangangarap sa ‘yong tinta, Nagpapantasya, na balang araw,

Ang malinis na pahina ko’y iyo ring ibuka. At ang matulis mong dulo’y, uukit sa ‘king katawan, nang dahan-dahan, mula sa itaas, gitna, pababa.

Maaari bang sulatan mo na ako, Tintahan mo ang aking katawan, Dungisan mo ang aking kalinisan, Nang ako’y maging ganap na papel. Dahan-dahanin mo ang pagguhit, Nang madama ko ang bawat letra’t salita, At sa bawat katapusan ng pangungusap, Pakiusap, diinan mo ang bawat tuldok.

Timbangan

Sa mata ng timbangan, pareho ang dalawang kilong bigas, at dalawang kilong asukal. Subalit magkaiba ang bigat, ng limampung pisong ibinigay, sa limampung pisong pinagpaguran. Ang kadalasan sa timbangan, ay nasusukat ang iba, ngunit di matimbang-timbang ang sarili. Kung marunong lamang ang timbangan, titimbangin yaring kaliwa at kanan, lalo yaong simula at katapusan.

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281762747903800

Manila Bulletin Publishing Corp