Manila Bulletin

Kahirapan sa Isla

Mahirap man ang buhay, hindi ito naging balakid sa kanila para sumuko at maging mabuting tao…

Ni Glenn Lebico

ISA ang kahirapan sa mga problema ng ating bansa mula noon hanggang ngayon. Marami pa rin sa ating mga Pilipino ang walang maayos na tahanan at sapat na hanapbuhay. Gayunpaman, hindi ito nabibigyan ng kongkretong solusyon ng mga nakatataas. Kaya marami pa rin ang naiiwan sa laylayan.

Taong 2019 ay nagkaroon kami ng advocacy patungkol sa kahirapan. Binisita namin ang isang remote area sa Tanza, Navotas City.

Tumawid kami patungo sa isla gamit ang maliit na bangka. Nang makarating ay sinalubong kami ng mga bata at magulang nila. Agad namin silang binigyan ng mga tubig at tinapay na binili namin sa palengke.

Noong malibot namin ang isla ay nakaramdam kami ng lungkot. Nakita namin ang mga tagpi-tagping tahanan na gawa sa yero, kawayan, marupok na kahoy, at tela. Ang tanging hanapbuhay nila ay paguuling at pangingisda. Ito lamang ang pinagkukunan nila panggastos at pambili ng pagkain sa araw-araw.

Hindi biro ang buhay nila sa isla. Masasabi mo na mahirap talaga ang maging mahirap. Pangarap nila ang magkaroon nang maayos na tahanan at hanapbuhay. Umaasa na matulungan sila ng gobyerno, tulad ng libreng pabahay.

Sa kabila ng kahirapan, hindi nawawala ang pagmamahal nila sa pamilya. Nakita namin ang pagkakaisa at pagsusumikap ng bawat isa. Hindi rin namin nakakalimutan ang mga ngiti at mainit na pagtanggap nila sa amin. Mahirap man ang buhay, hindi ito naging balakid sa kanila para sumuko at maging mabuting tao.

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281784222740280

Manila Bulletin Publishing Corp