Manila Bulletin

Artsibo ng Nobelang Komiks…

(IKA-19 NA LABAS) NOBELANG KOMIKS BLG. 26

Ni Edgar C. Samar

RODRIGO DE VILLA

Manunulat: Nemesio E. Caravana Ilustrador: Ben Alcantara Publikasyon: Liwayway Bilang ng Labas: 66 Bilang ng Pahina Bawat Labas: 3 Unang Labas: 1 Enero 1951 Huling Labas: 7 Abril 1952

BUOD

NAGSIMULA ang nobela in medias res, walang pagpapakilala sa mga tauhan, at basta ipinakita ang binitay na si Lucas at ang liham ni Rodrigo De Villa na nagsagawa ng pagpatay upang umano’y mapatahimik ang kanilang nayon. Gayon na lamang ang takot ng kaniyang ina sa paniniwalang maghihiganti ang mga tulisang kasamahan ni Lucas. Hindi nga nagtagal, sumalakay ang mga tulisan sa bahay nina Rodrigo. Matapos niyang matalo ang mga tulisan, nagpasya si Rodrigo na hanapin ang kanyang ama, na isang Konde. Napadaan siya sa isang taberna at nayamot siya sa halos pagsamba ng balana sa isang nagngangalang Lozano—hanggang sa makasagupa niya ang magkapatid na alagad nito, na mga kapatid pala niya sa ama. Inaglahi si Rodrigo ng magkapatid subalit nasupil niya ang mga ito.

Ang kabayanihang ginawa ni Rodrigo sa bar ay lumikha ng malaking alingasngas sa bungad ng Kastilya kaya’t sinundan siya ng maraming tao. Patungo pa lang siya sa Kastilya ay marami nang naging hadlang sa kanyang landas hanggang sa tamaan siya sa mata ng pilota ng Kondesa Jimena. Sa kabila ng mga di-sinasadyang pagkakasakitan ay nahulog agad ang loob ng dalawa sa isa’t isa.

Samantala, nang makita si Rodrigo ng kanyang ama ay gulat na gulat ang huli dahil kamukhang-kamukha niya si Rodrigo noong kaniyang kabataan. Noon naman biglang sumalakay sa isang bata ang isang dambuhalang aso ni Konde Lozano. Sumaklolo si Rodrigo at napaslang ang mabangis na

aso. Dahil dito, ibig maghiganti ng Konde. Samantalang hinahanap ni Konde Lozano si Rodrigo, kasama naman ng lalaki ang dalawang kapatid upang maghanap ng kabayo sa kabundukan. Dahil sa pagbibigay ni Rodrigo ng pagkain sa isang matanda, tinulungan siya nito upang makakuha ng kabayong pinangalanang Bebeca. Subalit payat at galisin ang kabayo kaya pinagtatawanan si Rodrigo ng dalawang kapatid.

Pagbabalik ng magkakapatid, dinatnan nilang may bikig sa lalamunan na ipinaaalis ang kanilang ama. Si Rodrigo ang nakalutas sa bikig ng lalamunan ng ama. Ibig talaga nitong maipaghiganti ang karangalang inapi bunga ng pagkakatampal sa kanya ni Konde Lozano sa harap ng korte ng hari. Sinadya ni Rodrigo si Konde Lozano na umaglahi sa

kanyang ama. Hinahadlangan naman noon ang konde ng anak niyang si Jimena kaya sa bandang huli ay wala ring nangyari. Umalis si Rodrigo upang maiwasan si Jimena ngunit ipinaharang siya ng Konde. Nagipit si Rodrigo nang pagtulongtulungan siya ng marami. Patakas na si Rodrigo sa tulong ng Kondesa nang inabutan siya’t nasugatan at nahulog sa lawa.

Dalawang mangingisda ang nakatagpo sa nag-aagawbuhay sa likod. Natuklasan ng hudas sa dalawang mangingisda na may gantimpala sa makakahuli kay Rodrigo. Mabuti na lamang at si Jimena ang nakausap nito at napuntahan nito agad si Rodrigo. Tinugaygayan naman si Jimena ng mga kawal ng Konde hanggang sa pagtungo ng babae sa simbahan upang humingi ng balsamo ni

Santiago na siya lamang umanong makapagpapagaling kay Rodrigo.

Habang pinagyayaman si Rodrigo ay bumalik naman sa palasyo ng Konde si Jimena at inabutan niya roon si Duke Jose Montero ng Galisya. Sinabi ni Jimena sa duke na hindi siya makikipag-isang-dibdib sa hindi makagagapi sa kaniya sa espadahan. Dumalaw naman agad noon nang palihim si Rodrigo kay Jimena at nakita sila ni Jose Montero. Nagkapingkian ang dalawang lalaki subalit naputol ang labanan nang ipaalam sa kanilang pinasok ng mga Turko ang Kastilya.

Nabihag ni Heneral Ahmed Laram ng Turkiya ang hari ng Kastilya. Nilimot ni Rodrigo De Villa ang sariling alitan sa Duke upang ipagtanggol ang Kastilya. Nagtakbuhan ang mga Moro sa pamimiyapis ni Rodrigo. Ginamit niya ang kabayong si Becca na habang napapagod ay lalong bumibilis. Samantala, galak na galak ang Haring Abadasul sa pagkakabihag sa Haring Alfonso ng Kastilya. Pinasimulan nito ang pagdiriwang sa liwasan ng Granada. Nainggit naman ang anak niyang si Selina sa pagdiriwang kaya nakipagpalit ito ng kasuotan sa aliping si Flerida. Pinagtangkaang gahasain si Selina ni Bendul subalit narinig iyon ni Rodrigo na nagpapanggap na Turko noon at nailigtas ang babae. Nagpakilala siya bilang Usman kay Selina, nagpakilala namang Fatima si Selina, na isa umanong utusan sa palasyo.

Sa bandang huli, natuklasan ni Rodrigo na si Jimena ay hindi talaga anak ng Konde Lozano, kundi kadugo ni Haring Alfonso. Napigilan ang plinanong pagpapakasal ni Jimena kay Duke Montero at pinarusahan ng bitay ng hari si Konde Lozano. Sa bandang huli, ikinasal sina Jimena at Rodrigo.

ILANG PANSIN

⦿ Nasa dulo na ng bawat labas ang pagkilala kay Ben Alcantara bilang ilustrador ng serye, tanda ng namamayani pa rin noong higit na pagpapahalaga sa mga manunulat ng nobelang komiks kompara sa mga nagguguhit nito.

⦿ Maraming espadahan sa nobela, na dahilan kaya maraming panel na nagpapakita lamang ng aksiyon ng larawan at walang anumang diyalogo o pagsasalaysay.

⦿ Itinatampok dito si Rodrigo De Villa bilang isang mahusay na mandirigma na kayang talunin ang kahit mahigit sa isang kalaban, o kahit ang tagapagturo ng eskrima, o kahit pa ang isang dambuhalang aso. May mga aspekto ang kuwento na nanunulay sa pagitan ng realismo at kagila-gilalas.

(ITUTULOY)

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281801402609464

Manila Bulletin Publishing Corp