Manila Bulletin

Taksi Blg. 13

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 1, 1960)

Ni Edgardo M. Reyes

MAG-AALAUNA na nang dumating ako sa “terminal” ng “Spark Taxi”. Lekat. Tiyak na sabunan na naman ‘to. Huli na naman ako ng isang oras. Nagmamaneho ako ng taksi. Mula sa alas dose ng tanghali hanggang alas onse ng gabi ang labas ko.

—Sa’ng imp’yerno ka nanggaling at ngayon ka lang?—salubong sa akin ng palasinghal naming “dispatcher” na si Mister Ranuelo. — Wala na’ng taksi mo! Ipinalabas ko sa ekstra!

Nakamot ko ang aking ulo. Kung bakit naman kasi tinanghali ako nang gising. Kailangan yatang patali na ‘ko ke Irma. Tutal ‘ala na ‘ata ‘kong makikitang mas mabuti. Mahirap ‘tong nabubuhay nang nag-iisa.

—Hintayin mo ‘yong “trese” kung gusto mong makalabas,—maya-maya’y wika ni Mister Ranuelo. —Inaayos na ni Sidro.

Pinuntahan ko si Sidro sa talyer. Tanggal pa ang mga gulong ng “trese”. Putris. Kundi ba naman ako inaalat. Bukod sa bulok na’ng taksing ipinalalabas sa ‘kin e malas pa’ng numero: trese!

—Matatagalan pa ba ‘yan, Sidro? — tanong ko sa mekaniko.

—Mga ‘sang oras pa ‘to, — badya ni Sidro.

Napagtiyagaan ko ring hintayin ang “trese”. Wala…Sa oras na ‘to’y palad na palad kapag kumita ‘ko ng limang piso.

Talaga naman ‘atang hinihila ‘ko ng kamalasan. Madalang ang pasahero. Sa Tayuman ay naputukan pa ‘ko ng isang goma. B’wisit na Sidro ‘yon, a! Inayos ang gulong pero ang gomang singnipis na ‘ata ng lobo’y di pinalitan! Pinagtiyagaan ko nang ipalit ang reserba sa hulihan.

Sa pagnanasa kong kumita kahit paano’y hinintuan ko ang isang pasahero sa isang pook na bawal magsakay. Siyang pagsilbato ng isang pulis.

—Bulag ka ‘ata! — angil ng pulis nang makalapit na sa akin. Itinuturo pa niya ang babalang: no loading and unloading.

Ang lelang mong panot, nausal ko. —Lisensiya mo nga!—singhal agad niya. —Pasens’ya na lang, boss, — himig nagmamakaawa kong tugon.

—Anong pase-pasens’ya? — Hindi na galit ang pulis.—Aregluhin mo, —paanas pang buntot.

— ‘Ala pa ‘kong kita, boss, —pagtatapat ko.

—E, pa’no?

Tila isang mahiwagang ukilkil na nakakintal sa isip niya ngayon ang pamahiing kaugnay ng bilang “13”.

—Utang na lang muna, — biro ko. Sa lahat ng tsuper ng “Spark Taxi” ay ako yata ang pinakamadalas mahuli nguni’t pinakamadalang matikitan. Kayang-kaya kong karinyuhin ang mga pulis. Sanay din naman ako sa “lagayan” kung hindi makuha sa pakiusapan. —Kung gusto n’yo, — dugtong ko pa. —Batukan na lang muna n’yo ko bilang paunang-bayad, — at bahagya kong inilabas ang aking ulo sa bintana ng taksi.

—Ikaw pala, ha? — sunggab nito na halatang pinipigil matawa. — Ganyan din ang pangako mo sa ‘kin no’n, a. Doble’ng multa mo ngayon.

Naloko! Ito pala’y nadiskartihan ko na nang ganito. Upang huwag na lamang akong gaanong maabala’t palihim kong inabutan ng pisong papel ang pulis.

— “Lumpo” naman ‘tong bigay mo sa ‘kin, — kunwa’y tutol ng pulis matapos maibukas nang bahagya ang kanyang palad at makita ang halagang iniabot ko. Si Mabini na nakalarawan sa pipisuhin ang tinutukoy niyang “lumpo” daw! — Wala bang malakas-lakas?

Ngumiti lamang ako. Pinasibad ko na ang taksi. Nakaabot ako sa may istasyon ng tren sa Tutuban bago ako nakapagsakay ng isang matanda at payat na lalaki. Kakaiba ang bihis nito. Galing ‘to sa probinsiya, sa loob-loob ko.

—Sa’n ho tayo? — tanong ko pagkasakay ng payat na lalaki.

—Sige lang, Amang, — ang sagot. — Deretso nang deretso.

Sino’ng tinakot mo?... naibulong ko. Tinatanong ka, ayaw mong sabihin…

magpahinog ka! At kung saan-saan ko idinaan ang taksi. Malaki na ang kinakain ng metro. Kung pagmasdan ko sa salamin ang sakay ko’y parang hindi man lamang natitigatig sa laki ng ibabayad niya. Ngingiti-ngiti pa at kung anu-ano ang ibinibidang hindi ko naman maintindihan pagka’t sabug-sabog ang paksa. Walang diwa.

Sa awa ng Diyos ay sumapit din kami sa patutunguhan ng sakay ko. Nasabi rin. Sa Espanya lang pala. Sa ospital. Subali’t nakababa na ang sakay ko’y hindi pa rin nagbabayad. ‘Ala daw siyang pera! Tinama’n ng kuting! Ang tinigilan namin ay ang dating “North General Hospital”. Ngayo’y iba na ang karatulang nakalagay: “National Mental Hospital”! Umasim ang mukha ko. Basag pala ang pula ng sakay ko. Wala…Abunado pa ‘ko nito ngayon. Talagang malas ang trese. Oo!

Tinuwid ko ang Espanya Extension.

Nakaabot ako sa Cubao. May sumakay sa aking isang babaing napakaganda. Mestisahin.

— Airport, — ang utos pagkalulan. — Tulinan n’yo lang ho’t nagmamadali ako.

Isinagad ko ang silinyador. Baka isip nitong sakay ko, ngayo’t bulok ang taksi ko’y mabagal. Talop ang bumbunan mo ngayon! Mabuti’t si “Austin” lang ‘to. Kung ang bago ko pang si “Mercedes”, baka pati anit mo’y ukap.

Tiningnan ko sa salamin kung nababahala na sa aming tulin ang pasahero ko. May inilalagay itong “cap” sa ulo. Asul at may tatlong letra. Diyaske. Kahit pala paliparin ko ‘tong taksi ko’y hindi ko pa rin malulula ang sakay kong flight attendant. Humaharurot na ang taksi ko’y nagpapapula pa ng labi, e!

Bumalik ako sa Pasay. Sa Libertad ay nakapagsakay ako ng isang lalaki at isang babaing kapwa nasa kasibulan. Maganda ang babae. Laparan ang mukha ng lalaki. Sa kilos ay parang magkasintahan. Gayong maluwang naman para sa dalawa ang upuan sa hulihan ay nagsisiksikan sa gawing kaliwa. Nakaakbay ang lalaki sa balikat ng babae. Anasan ang kanilang pag-uusap. Natigil ang pagsulyap ko sa salamin nang itigil ko ang taksi sa bakuran ng isang malaking bahay na may karatula.

Dalawang piso ang iniabot sa akin ng lalaki. Ibinibigay ko ang sukli nguni’t inirapan pa ako. Mahigpit ang hawak nito sa baywang ng babae nang sila’y magkasunod na bumaba. Nang papalabas na ng bakuran ang taksi ko ay hindi ko napigilan ang manghinayang sa babae.

Isang lalaking payat, matangkad at nakasalamin ng de-kolor ang pumara sa akin sa may Harrison. Kagalang-galang kung kumilos.

—Malabon, — banayad nitong sabi, pagkasakay.

Kikita rin yata ako. Malayu-layo rin ang Malabon.

—Sigarilyo, —alok ng lalaki nang kami’y mahuli ng pulang ilaw sa Bambang. Isang kahang sigarilyong king size ang hawak ng kamay niyang nakalaylay sa kanan kong balikat. Bumunot ako ng isa. Isinalabi. Idinuldol ang dulo sa baga ng sigarilyo ng sakay kong inilapit sa aking bibig.

—Salamat, — sabi ko habang ninanamnam ko sa aking lalamunan ang bango ng king size na sigarilyo.

Dumidilim na nang sapitin namin ang Malabon.

—D’yan lang, — anang pasahero ko sabay turo sa isang malaki subali’t may kalumaan nang bahay. — Hintayin mo ‘ko’t may kukunin lamang ako sandali.

Umibis ang sakay ko at tinapunan ko siya ng isang mapaghinalang tanaw. Baka hindi na niya ako siputin. Mukhang mabait naman, palakas-loob ko na lang.

Nang makita ko ang aking pasaherong papanaog sa lumang bahay ay saka lamang lumuwag ang aking paghinga.

—Babalik tayo sa Harrison, —pahayag ng lalaki nang makasakay na.

Pinaharurot ko na naman ang taksi. Tiba ito, naisaloob ko.

Nasa may monumento pa lamang kami ni Bonifacio sa Kalookan ay nagsalita na naman ang lalaki: — Ihinto mo muna d’yan sa me restawran at magmiryenda muna tayo, —anito.

B’wenas ‘ata ang trese, naibulong ko. Me paminandal pa.

—Ano ba’ng pangalan mo? — tanong sa akin ng pasahero ko nang kami’y

nakaupo na sa harap ng bilog na mesa at umiinom ng kape.

—Ruping, —sagot kong nakatitig sa kanyang sinsing na may nagkikislapang batong brilyante.

—Ako’y si Morly, — pakilala ng lalaki na inikot sa daliri ang sinsing kong tinatanaw. Natago sa palad niya ang mga batong brilyante. — Baka gusto mo ng “sandwich”? — anito pa maya-maya. — Magpapakuha ‘ko. ‘Lam mo’y nanalo ‘ko kanina sa karera. Kahit ba sa pagkain man lang e di umambos ka, —at nangiti ito.

— Tama na ‘to, — sambot ko bagama’t ang totoo’y nakahiyaan ko lang.

Makaraan pa ang ilang saglit ay lulan na naman kami ng taksi. Sa may Zurbaran ay muling ipinatigil ni Morly ang sasakyan.

—Dito na lang ako, — sabi niya at inabutan ako ng lilimampuing pisong papel. —Dadaan muna ‘ko sa bata ko. Hindi na muna ‘ko tutuloy ng Harrison.

—Ang bagsik n’yan, — wika ko. — Wala akong isusukli.

—Magkano ba’ng panukli mo riyan? — tanong ni Morly.

—Mahigit lang sampu, —pahayag ko pagkabilang sa aking kinikita kasama na ang dati kong pera sa bulsa.

—Hindi bale na. Akina na ‘yan at sa ‘yo na ‘to. Balato ko na ‘yo’ng sobra.

Hindi ko napigilan ang mangiti sa kasiyahan nang makababa na si Morly. Hindi naman pala kamalasan ang trese.

Sinuwerte pa ako nang bandang huli. Hindi ako nawawalan ng sakay. Panay galante pang “magsipag-tip” ang mga nagiging pasahero ko. At nang gumarahe ako ay naibigay ko ang para sa kumpanya na ni hindi nagalaw ang malutong na lilimampuin bukod pa sa may pisong barya.

KINABUKASAN, Linggo, ay naisipan kong huwag munang pumasada. Tinawagan ko na lamang sa telepono ang nobya kong si Irma upang “makapag-good time” naman kami. Kolehiyala si Irma at sa isang dormitory nakatira.

Pagkatawag ko sa telepono ay dumaan ako sa tindahan ng komestibles ni Ong. Kaharap lamang ng kuwarto kong inuupahan ang tindahan ni Ong.

—‘Sang kaha ngang sigarilyong king size, — sabi ko kay Ong. Hiningi ko ang tatak ng sigarilyong ipinahitit ng isa kong pasahero.

—Mayat ka muna utang, — nakasimangot na hiling ni Ong.

—Oo, — tugon ko. —Magkano’ng utang ko?

Binuklat ni Ong ang listahan niya ng mga pautang.

—Singo meynte, —pahayag niya. Ibinigay ko kay Ong ang lilimampuin. Hindi muna niya ako sinuklian. Matagal munang pinagbiling-biling at inani-aninaw ang salaping hawak pagkatapos ay ibinalik sa akin.

—Hindi akyen kuha ‘yan, —anang Intsik. — Maka masama pera ‘yan.

Kasunod niyon ay iniabot sa akin ni Ong ang pang-umagang pahayagan. Binasa ko ang balitang tinuunan ng daliri niya. Nakalagay na umano’y kasalukuyan may mga nagkakalat ng mga huwad na dadalawampuin at lilimampuing pisong papel. Sinasabi rin na kagabi ay may nahuli nang isa sa mga nagkakalat sa isang restawran sa Ermita. Ang nahuli ay nakalarawan: si Morly! Hindi ako maaaring magkamali. Si Morly nga ang nakalarawan bagama’t ang nakalagay na pangalan ay Agaton Baldehuana. Naalala ko ang tipanan namin ni Irma, ang numero ng aking taksi. Napadagok ako sa istante ni Ong.

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281870122086200

Manila Bulletin Publishing Corp