Manila Bulletin

Kalayaan

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Hulyo 1, 1946)

Ni Emilio Mar Antonio

—Gunita sa Kaarawan ng Paglaya ng Pilipinas, 4 Hulyo 1946.

Hindi diwang makabago, di rin diwang makaluma ang malayang adhikain at hangarin sa paglaya; bawa’t tao’t likhang-buhay na nilalang ng Bathala, hanggang huling-huling mithi: hinihingi’y laya…laya! KALAYAA’Y luwalhating hantungan ng gintong nasa, nasa ugat, nasa dugo, nasa puso, nasa diwa.

Ang uha ng isang sanggol, unang laya sa pagtili ng buhay na isinilang na ang salag ay pighati; iyang daing ng binatang nakayuko’t kiming-kimi, kalayaan sa pagsintang ang hangarin ay masidhi; iyang luha ng dalagang sa sumpaa’y isinukli ay laya ng isang Oong nagtitipid sa lunggati.

Sa maayang kalawakan, ang malayang isang ibon ay masiglang yao’t dito ng pagkampay sa maghapon; ang malayang isang isda, kubabawin man ng alon, tuwang-tuwang sumisisid sa dagat na malinggatong; sa tinungkab namang bato iyang tubig na dumaloy, tabunan man ng buhangi’y papulandit ang pagbalong.

Iya’y diwa ng paglayang kung wala mang sagka’t sagwil, nguni’t iya’y kalayaang ukol lamang sa magaling; hindi layang masasabi ang pumatay at kumitil sa magandang mga layong nararapat na magsupling; tayong tao’y mangyayaring lumaya sa pagtataksil, subali’t ang kataksila’y di malayang pausbungin.

Ang laya ng gamugamo’y isang layang walang habas na ni ayaw kumilala sa ilaw na nagniningas; alitaptap; may laya mang magsakbibi ng banaag, imbing laya ang pumatay sa sarili mong kutitap; ang paglaya’y di rin bagay sa palalong mga ulap na aayaw masiwangan ng tilamsik ng liwanag!

Ang Paglayang sinasabi na dakila at marangal ay ang dinilig ng dugo at luha ng pagmamahal; PILIPINAS: —sa paglayang iyo ngayong makakamtan, titigan nang tutop-puso ang bandilang nawagayway…! kung utang sa Amerika ang paglayang tinatanaw, KALAYAA’Y itanggol mo sa mabuhay o mamatay!

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281883006988088

Manila Bulletin Publishing Corp