Manila Bulletin

Nais Kang Mahalin

Ni Armando T. Javier

(IKA-7 NA LABAS)

ANO’NG drama mo, ha?” Pinamaywangan niya si Chicoy, pinandilatan. “You don’t own me at wala kang karapatang bastusin ang bisita ko!”

“Bakit wala?” Nakatingin ito sa kanya. Nakangisi. Sarkastiko. “Me anak ako sa ‘yo, hindi ba karapatan ‘yon?”

“So what kung me anak ka sa ‘kin? It’s no big deal! Kung wala ka nang sasabihin, you may go. Nasisira’ng araw ko ‘pag nakikita kita!”

Tumindig si Chicoy, nagpupuyos ang mukha.

“Ang yabang mo, a!” Mariin siyang hinawakan sa magkabila niyang balikat. Pumiglas siya.

“Ano ba? Nasasaktan ako!” “Bakit ang yabang-yabang mo ngayon, ha? Sino’ng ipinagmamalaki mo, ‘yung gagong ‘yon? Bakit, sino ba ‘yon? Mas magaling ba sa kama ‘yon, ha?”

“Oo, magaling s’ya sa kama! Super! Kaya p’wede ba, bitiwan mo ‘ko. Get the hell out of here!”

Parang naestatwa si Chicoy. Ang madilim, masungit nang mukha ay lalo pang dumilim ngayon at ang mga matang mukhang puyat at problemado ay lalong naningkit at nanlisik.

“Shit! Shit!”

Sinamantala niya ang pagkaabala nito. Nagpipiglas siya. Nang makahulagpos, sinampal niya si Chicoy. Natilihan. Nahamon. Muling hinawakan ang mga kamay niya, pakabig na niyakap siya at padaskol na hinalikan sa labi. Nanlaban siya, ngunit malakas at determinado si

Chicoy.

“Magaling, ha? Ako ba’y panis? Ako ba’y hindi magaling, ha?” “C-Chicoy, ano ba!”

Pilit na ibinubuka ang kanyang mga labi; ipinipilit ang amoynikotinang labi sa labi niya. Sinabunot ang kanyang buhok at buong kasakimang hinalikan siya. Nanakmal siya, nangagat, sa labi ni Chicoy. Nalasahan niya ang dugo sa kanyang labi; kinalmot at ginurlisan niya ng kanyang mga kuko ang leeg nito. Nanampal ang kanyang mga kamay. Bumuwelo siya at nang makatiyempo, tinuhod niya sa pagkakabuka ng mga hita. Napatiklop si Chicoy. Napasapo roon.

“Bastos! Get out! Get out of my house!”

“Hindi pa tayo tapos, Princess. Hindi kita titigilan hanggang hindi ka pumapayag na makisama sa ‘kin. Kayong dalawa ng anak ko!”

“I said get out!”

Humihingal na napaupo siya nang makaalis si Chicoy. Lamang ang panghihinayang at pagkapahiya kay Gus kaysa sa galit sa dating boyfriend.

AKALA niya sa pagseseryoso niya sa kanyang trabaho, makakalimutan na rin niya, tulad ng ibang lalaking napaugnay sa kanya, si Gus. Mali.

“O, hinahanap ka ni Takahashi,” sabi sa kanya ng manager.

“Sasakit na naman ang tenga ko sa kakakanta n’yan ng ‘I Left My

Bakit sa maikling panahon na magkasama sila ni Gus, parang may napasimulan at naipakisama na rito si Princess?

Heart in San Francisco’. Di bale sana kung nasa tono...”

“Pagt’yagaan mo na, mapera naman ‘yon. Galante pa sa tip.”

Matagal nang nagpaparamdam sa kanya si Takahashi pero hindi niya pinapatulan. Guest relation siya, katwiran niya, hindi pokpok. Nagpa- excuse siya sa manager.

“I-adlib mo na lang ako, boss, next time na lang.”

“Anong arte ‘yan, ha, Princess? Buti’t in demand ka dito. Sige, do’n ka na lang sa dulo, sa malapit sa stage. Inire- request ka.”

Mula sa kanyang kinatatayuan, hindi niya mamukhaan ang lalaking nakaupo sa mahabang sopa. Bitbit ang bote ng imported na alak, marahan at nang-aakit na lumapit siya sa kinauupuan ng lalaki.

“Hi.”

Kumurap pa muna siya nang tumindig ang lalaki at alalayan siya sa pag-upo sa sopa. Pumapailanlang ang isang Japanese song, ang “Subaru”; isang sikat na enka ni Kenji Tanimura, na ngayon ay inaawit nang live ng kanilang inhouse singer.

“O, ba’t ganyan ang pagkakatingin mo sa ‘kin?” “Pa’no mo nalaman ‘to?” Ngumiti.

“’Yung ID card, remember?”

“Oo nga naman pala!” Ngumiti rin siya. “So, what can I do for you, Mr. Gus Salvador?”

Bistado si Gus. Hindi siya nito pag-aaksayahang sadyain doon nang walang dahilan. Pero nasa kanya ang diprensiya. Pagkatapos ng traumatic na relasyon nila ni Chicoy, takot na yata siyang makipagrelasyon. Lalo’t sa isang bagong kakilala. Si Gus ay isang estranghero pa.

Noon ngang makausap niya ang tatlo niyang barkada at maikuwento ang kanyang ‘maintrigang pagkawala’ sa camping site, may pagdududa ang tingin ng mga ito sa kanya.

“Pogi ba s’ya, ‘Day?” “Kamuk’a ni Al Pacino.”

“Type!”

“Win na win!”

“Ipakilala mo naman kami.” “Hindi pumapansin ng pangit ‘yon.”

“Bruha!”

Tawanan.

Ewan kung bakit sa maikling panahon (walang isang linggo) na magkasama sila ni Gus, parang may napasimulan na siya at naipakisama rito. Bakit tila nagmamalasakit na siya at pinoprotektahan ang reputasyon nito? Siya’y wala nang poprotektahang reputasyon; matagal na siyang hindi kagalang-galang;

matagal na siyang walang respeto sa sarili mula pa nang bumukod siya’t magrebelde sa kanyang pamilya. At gumamit ng droga.

“Are you with me tonight, Princess?”

Napakislot siya. “S-Sure...” Naka- blazer si Gus; parang isang yuppie sa Ayala at hindi isang suicidal na alcoholic na nakilala niya isang buwan na ang nakakalipas.

“Naisip kong dito ka na lang puntahan, wala pang istorbo.” Patungkol iyon kay Chicoy.

“Ang ex ko. Dyahi sa nangyari sa bahay. Sorry.”

“Wala ‘yon, kalimutan na lang.” “Muk’ang talagang nagbago ka na, pati sa attitude mo...”

“Kailangan. Gusto kong magsimula uli. To pick up the pieces, sabi nga, with your help...”

Na naman?

“Makulit ka rin, ‘no? Bakit ako?” “Ikaw ang gusto ko--gano’ng kasimple.”

“N-Nakuha mo na nga...” Doon, nag- blush siya.

“Gano’n lang ba ‘yon? Hindi ba mas maganda kung tayo na nga. Wala naman akong nakikitang hassle. Libre ako at...libre ka nga ba?”

Hindi siya nakasagot agad. “Alam mo bang ‘andami na ring nag-alok sa ‘kin n’yan? Dito mismo. Karamihan, mga foreigner pa. Me mga pagkakataon naman na sinusugod pa ‘ko ng mga misis nila.”

“Hindi naman nakakagulat ‘yon, ikaw ang pinakamaganda dito!” “Tsarot!” Nagkatawanan sila. Hinintay siya ni Gus hanggang sa labas niya ng alas-dos nang madalingaraw. Mangilan-ngilan na lamang ang sasakyan sa parking lot. Kung gaano sila kasaya ni Gus habang nagkukuwentuhan sa loob, siya namang dating nang hindi niya inaasahan.

Mula sa isang nakaparadang kotse, lumabas ang isang babae, maliit, na sa lahat ng indikasyon ay makikilalang isang Japayuki.

Kinutuban si Princess nang lapitan siya.

“Princess?”

“Yes?”

Iyon lang at sinampal siya. Napamulagat siya. Nasapo ang namulang mukha.

“P’wede ba? Tigilan mo’ng panghahala kay Takahashi. Maghanap ka nang walang sabit, ha? Lokang ‘to, ambisyosa!”

Tinapunan siya nang masamang tingin at tuloy-tuloy na pumasok sa nakaparadang kotse na may naghihintay na driver.

Binatak na niya si Gus. Nagtatanong ang pagkakatingin nito.

“Hazards of the trade,” sabi niya, sinasapo pa rin ang namanhid na pisngi.

Nangunot-noo lamang si Gus, nagbuntunghininga, at nagpapara ng taksi. Wala silang kibuan sa buong haba ng biyahe pauwi sa bahay niya. Humalik sa kanyang pisngi si Gus nang magpaalam. Sumandal siya sa pinto nang makaalis ito, napakagat-labi.

At tahimik na lumuha.

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281904481824568

Manila Bulletin Publishing Corp