Manila Bulletin

UGOY Instalasyon ni Artist on a Mission, KRISTINE LIM

Pagdakila sa lahat ng mga Ina at sa nagtatag ng Araw ng mga Ina, Dr. Samie Lim

ANG ina at ang misyonaryong alagad ng sining-biswal na si Kristine Lim ay nananatiling masigasig sa kanyang ikatlong Sining Instalasyon sa Intramuros, Manila na pinamagatang UGOY. Siya, bilang ina ng dalawa, ay buong tapang na nagbahagi ng kanyang pananampalataya at talento na imposibleng hindi mapansin sa kanyang mga likhang sining; tulad na lamang ng hindi matatawarang pagmamahal at pag-aaruga ng mga ina na handang gawin ang lahat para sa kanilang mga anak. Sa paglikha ng sining instalasyong sa panahon ng halalan at Araw ng mga Ina, ang “Artist on a Mission” na si Kristine Lim ay nakagawa ng 18 magagandang pugad-duyan upang gawing kahali-halina ang paligid ng Intramuros, Manila. Nabigyan pa ito ng mas malalim na emosyon at nakakaantig na karanasan sa pamamagitan ng komposisyon, para sa UGOY, ni Mr. Music, Jonathan Manalo, ang Creative Director ng ABS-CBN Music. Inilarawan ni Kristine ang kanta ni Jonathan para sa kanyang sining instalasyon bilang “isang pinagsamasamang maganda at makalangit na himig, boses, at ritmo na maaari nating pahingahan habang pinag-iisipan natin kung ano ang kahulugan ng pagduyan ng ating inang bayan na dapat nating itaguyod, parangalan, at pangalagaan. Isang panawagan para sa isang realidad na ang bawat Pilipino, bata, matanda, anuman ang kasarian at katayuan ay ang mga tunay na ina ng ating bayan.” Sa pormal na pagtitipon ng mga alagad ng sining sa main plaza ng Intramuros, sinamantala rin ni Lim ang pagkakataon upang sorpresahin at bigyang-galang ang isa sa kanyang mga tagapagturo at mahal na kaibigan na naging espesyal niyang panauhin sa nasabing pagdiriwang, si Dr. Samie Lim. Si Dr. Samie Lim ang ama ng prangkisa sa ating bansa at ang nagtatag ng pagdiriwang ng Araw ng mga Ina sa Pilipinas. Ipinahayag ni Kristine ang kanyang paghanga at pasasalamat kay Dr. Samie sa pamamagitan ng pagregalo rito ng tatlong ipinintang larawan na may temang ang Ina at Anak. Ang isang metal sculpture na likha

ni Kristine ay ipinresenta rin kay Dr. Samie. Kasama niya ang may-ari at namamahalang Direktor ng Art Lounge Manila, Ms. Susanne Tiausas, at ang mga matagal nang kaibigan at kasamahan ni Dr. Samie Lim; Bing Limjoco, Sheril R. Quintana, at Yvette Pardo-Orbeta, at mga kaibigan mula sa Department of Tourism, It’s More Fun In The Philippines, Intramuros Administration, Art Lounge Manila, Philippine Franchise Association, Philippine Chamber of Commerce and Industry, I Love Mom Movement, Sustainable PH, Christian Collective, Artists on a Mission Workshops, OM Philippines, at AOR Global. Ayon kay Dr. Samie Lim, ito ang unang pagkakataon na nagsulat siya ng talumpati. Sabi niya habang sa gitna ng kaganapan, “Sobra akong namangha, isang malaking pasasalamat na kailanman ay hindi ko makakalimutan. Kaya ito siguro ang unang talumpati na naisulat ko.” Pinuri rin niya si Kristine Lim at sinabing, “Taon-taon, sinusubukan kong humanap ng 100 paraan para parangalan ang mga ina; ngunit sa makabagong art exhibit na ito, naniniwala akong nakahanap ako ng 100+1 na paraan para mapangiti ang mga ina. Ito ay ang mga makabuluhang likhang sining na naglalarawan ng hindi matatawarang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak.” Ipinaalala rin ni Dr. Lim na “Isa sa mga pinakadakilang patunay ng pagibig ng Diyos ay ang mga ina.” Ang nagbigay inspirasyon sa kanya upang palawakin ang selebrasyon ng Mother’s Day sa ating bansa ay ang kanyang personal na karanasan. “Napunta ako sa pag-iisa, sa pagmumuni-muni, kung saan tinangay ako tungo sa malalim na depresyon... ngunit gaya ng dati, ang Diyos ay mabuti sa akin. Ang mga nag-alaga sa akin ay aking ina, asawa, at kapatid. Lahat sila ay mga ina. Inalagaan nila ang aking kalusugan. Kaya naman gusto kong pasalamatan sila at ang lahat ng mga ina sa pagsisimula ng isang programang maglalapit sa mga pamilya sa pamamagitan ng pagkilala sa kahalagahan ng tungkulin ng mga ina.” Sa pagtatapos ng kanyang pahayag ay isa ring magandang mensahe para sa lahat ang kanyang sinabing, “Sabihin mong ‘Mahal kita!” sa iyong ina, sa iyong asawa, sa iyong kapatid, at sa lahat ng iyong mga kamag-anak dahil ang ilan sa kanila ay kailangang marinig iyon, dahil matagal na silang hindi na nakakarinig niyon.” Ang sumunod na nagbahagi ng taos-puso at nakapagbigay-sigla na mensahe sa naturang kaganapan ay sina Atty. Vhincent Canares (Head of Urban Planning and Community Development Division of Intramuros Administration), Ms Katherine Solis –Davila (Board Member of Sustainable PH), Ms. Claudette Celine Tojos (Christian + Collective’s VP for internal affairs), Ms. Lita Teodosio ( Full time na misyonaryo mula sa Operation Mobilization in the Philippines & Team Leader for Luzon at Head of Resource Development for OM National), Dr. Bing Sibal Limjoco, CFE (Honorary Chairman at Adviser Chairman, Membership and SDG Committee, PCCI), Ms. Sheril R. Quintana, CFE (Chairwoman of Philippine Franchise Association), at si Ms Yvette Pardo-Orbeta, CFE (Trustee at I Love Mom Movement). Ang naturang kaganapan ay pinangunahan ng panalangin at dedikasyon na isinagawa ni Pastor Monique Lopez-Ong ng Revelation City Church at host ng ABS-CBN’s Real Talk, kasabay ng simbolikong pagpapalaya ng 18 puting kalapati bilang pagpupugay sa layunin ng UGOY at ng programa; kasabay ng isinagawang live performance ni Andre Ruelo mula sa Revelation City Church tampok ang kanyang personal na interpretasyon ng kantang “Hanggang Sa Huli” ni

Manalo. Ang “UGOY” ay ipinresenta ng Department of Tourism, It’s More Fun In The Philippines, Intramuros Administration, Art Lounge Manila, Philippine Franchise Association, Philippine Chamber of Commerce and Industry, I Love Mom Movement; sa partisipasyon ng Sustainable PH, Christian Collective, Artists on a Mission Workshops, OM Philippines at ng AOR Global. Ang Art Installation ay naipakita sa Fort Santiago, Intramuros, Manila sa buong buwan ng Mayo.

UGOY PAHAYAG NG MANLILIKHA Ni Kristine Lim

Labinwalong pugad-duyan ang nakakalat sa Intramuros na kumakatawan din sa labinwalong rehiyon bilang parangal sa mga ina ng bansa at ng inang bayan. Naging mahirap ang mga nagdaang taon, at sa yakap ng Panginoon, tulad ng ina na nag-aaruga sa kanyang anak, ay pinagkalooban tayo ng lakas na panghawakan natin sa kabila ng pagsubok. Ang pakikipagsapalaran tuwing eleksiyon ay nagpapaalala sa ating mga Pilipino na hindi lang dapat tayo umasa sa mga nahalal na lider pagdating sa pagpapahalaga ng ating bansa. Tayo ang tunay na ina ng tinubuangbayan. Ang pagiging makabayan ay hindi nakasalalay sa katapatan sa mga tao kundi sa ating bansa. Patuloy na nagbabago ang mga lider pero ang lupa na ating tinatapakan ay mananatili. Tayo ay mga Pilipino hindi dahil sa ating gobyerno o mga namumuno kundi dahil sa kung sino tayo. Ang patuloy nating pangangailangan para sa mga nag-uugoy ng duyan sa bansa ay magiging sapat lamang kapag marunong na tayong tumingin sa ating mga sarili, gawin ang nararapat, at magtiwala hindi sa tao kundi sa Diyos. ISAIAH 66:13

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/282093460385592

Manila Bulletin Publishing Corp