Manila Bulletin

Wakas

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 29, 1951)

Ni Liwayway A. Arceo

May naragdag na isa pa na dunong at kaalaman. Sa mura pa niyang diwa’t sa bata pa niyang malay, Ngunit dunong na buti pa’y di na niya natutuhan, Pagka’t nitong maunawa ay saklap ng kalungkutan.

IPINALAGAY ni Perla na nalalaman na niya ang lahat ng bagay sa daigdig: gayon ang malimit niyang ipagmalaki sa kanyang mga kapwa bata. Alam niya kung ano ang buwan: isang malaking tanglaw sa langit. — Ginawa ‘yon ng Diyos para makita ko ang ating pinaglalaruan kung gabi... para hindi ako matakot sa dilim! — At kung magtawanan ang kanyang mga kalaro, palagi niyang sasabihin: —Gano’n po ang sabi ng Tatay ko! Saka sabi ng Nanay ko, totoo raw ‘yon! — Alam niya na ang ibon ay nakalilipad sa langit sapagka’t may dalawa itong pakpak. Alam niya na ang batang mabait ay laging binibigyan ng Diyos ng kakanin. Alam niya na ang maliliit na ilaw na nakikita niya sa langit kung gabi ay tinatawag na bituin. At sa kanyang pagkaunawa, wala siyang hindi nalalaman sa mga bagay-bagay sa daigdig!

Maliban marahil sa mga pangyayaring nagaganap...ngayon! Matagal-tagal nang hindi niya nakikitang umaalis ang kanyang ama. Dati-rati, tuwing umaga ay nagmamadaling nagbibihis ang kanyang ama pagkatapos mag-agahan. Lagi itong nagmamadali sapagkat ang pagkain ay isinasabay pa sa pagbasa ng pahayagan na siyang nakaaabala rito. At laging naririnig ni Perla ang masuyong pagtawag ng pansin ng kanyang Nanay sa kanyang Tatay. Halos ay nakatiim na sa murang isipan ni Perla ang kataga ng kanyang ina: “Oy, hindi tuloy mahusto ang pagkain mo! (Alam na alam niyang Oy ang tawag ng kanyang ina sa kanyang ama kaya nagtataka siya kung sa pagtuturo sa kanya ng kanyang ina ay sabihin nitong ang ngalan ng kanyang Tatay ay Basilio… Basilio del Monte. At kung itanong niya kung bakit, ang tanging sagot sa kanya ay talaga… isang salitang maraming bagay ang sinasagot!) Kung nagbabasa ang kanyang ama, halos ay hindi nito namamalayan ang mga pangyayari sa paligid, at malimit ay hindi rin mapupunang may sinabi ang kanyang ina. Mabilis itong magbibihis pagkakain. At bago ito umalis, hinahalikan siya sa magkabilang pisngi. At hindi nalilimutang itanong ng kanyang ama kung ano ang gusto niyang pasalubong…

Isang hapong umuwi ang kanyang ama, wala itong uwing kendi na siya niyang ipinagbilin. Nakamungot si Perla sa kanyang pagmamaktol. —Sabi ko sa ‘yo, Itay e! — Narinig ni Perla ang tila naiibang tinig ng kanyang ama: “Hindi ako nakadaan sa tindahan, iha. Tingnan mo… nilalagnat ang Tatay!

Noon niya nalamang lahat ng nilalagnat ay mainit ang mga pisngi. Natatandaan niyang hindi miminsang siya’y nanghihina dahil sa sipon at maraming bagay ang ayaw ipagawa sa kanya sapagkat siya ay nilalagnat. Natatandaan niyang nag-iinit nga ang kanyang katawan. At ngayong masalat niya ang pisngi ng kanyang ama, nabatid niyang hindi lamang siya ang mainit kung nilalagnat… pati na ang kanyang ama, marahil ay lahat ng nilalagnat.

At mula nang hapong iyong umuwi ang

kanyang ama na nilalagnat, nagsimula nang maganap ang maraming bagay na halos ay hindi niya nauunawaan…

Nahiga agad ang kanyang ama. Binalutan ito nang makapal na kumot ng kanyang ina. Ipininid ang mga durungawan sa silid. At nakita niyang laging nakapikit ang kanyang ama. May nilunok na maliit na tableta ang kanyang ama at nilagyan pa ng yelo sa ulo ng kanyang ina. Mapilit siya sa paghingi ni kaputol na yelong nasa lalagyang-goma ngunit nakita niyang pinandilatan siya ng kanyang ina. —Huwag matigas ang ulo mo, Perla! Pasaway ka! Hindi ba sinabi ko sa iyong masama ang yelo sa iyo? Para sa Tatay mo ‘yan! — Hindi na siya nagpilit bagama’t nadarama niyang tila nagsisikip ang kanyang maliit na dibdib sa malaking pagdaramdam. At magmula na noon napansin niyang laging magagalitin ang kanyang ina… maliban kung kaharap ang kanyang ama.

Hindi na niya nakitang umalis ng bahay ang kanyang ama magmula noon. Isang umaga nakita niyang nakaupo sa kama ang kanyang ama. Patago siyang pumasok sa silid sapagkat ayaw ng kanyang ina na lalapit siyang lagi sa kanyang Tatay. Nakita niyang nakaupo sa gilid ng kama ang kanyang ina… patalikod sa pinto kaya hindi nakita nito ang kanyang ina na halos ay nasa tabi na rin siya ng kama, bagama’t napatingin sa kanya ang kanyang ama at makailang ulit na nagtama ang liwanag ng kanilang mga mata.

—Huwag kang mag-apura sa pagkilos, Oy…— ang mahinang sabi ng kanyang ina. —Lalong mahirap kung mabibinat ka! — Hindi sumagot ang kanyang ama ngunit nakita niyang napakunot nang bahagya ang mga kilay nito. Makaraan ang ilang saglit ay tinitigan siya. Noon napansin ng kanyang ina ang ginawa ng kanyang ama at napalingon iyon.

—Perla!

—Bayaan mo siya…— ang sabi ng kanyang ama. Nalalaman niyang may idudugtong pa ito ngunit kung anuman iyon ay nalunod sa sumunod na pagubo nito.

—Nakita mo na! — ang tila naninising sabi ng kanyang ina.

—Mahiga ka uli, ha? —Naging masuya ngayon ang kanyang ina at tinulungan pa sa paghiga ang kanyang ama. At nakita niyang hinagod nito ang tumatahip na dibdib ng kanyang ama. Nang matapos sa pag-ubo ang kanyang ama, may hiningi ito sa kanyang ina at isang munting lalagyan ang inilapit sa bibig nga kanyang ama. Ilan pang saglit ay ipinikit ng kanyang ama ang mga mata nito.

—Magpahinga kang mabuti, — ang sabi ng kanyang ina na gumagaralgal ang tinig. At lumabas ito sa silid na halos ay nalimutan nang naroon siya. Hindi siya nakatiis, at sinundan niya ang kanyang ina. Tuluy-tuloy ito sa kusina, lumapit sa lababo at binuksan ang gripo. Ngunit bigla nitong pinihit uli ang gripo na tila may biglang nagunita at sa pagbaling ng kanyang ina’y namataan na siyang sumusunud-sunod. Nakita niyang may luhang umaagos sa mga pisngi ng kanyang ina!

Marahil ay naunawaan ng kanyang ina ang mga katagang hindi niya masabi ngunit nakaguhit sa kanyang mga mata at nakita niyang makagat ng kanyang ina ang labi nito at pinigil ang pag-agos ng marami pang luha.

—Perla, — ang sabi nito sa kanya, —huwag kang papasok sa kuwarto ng Tatay mo…— Basag na basag ang tinig ng kanyang ina.

—Bakit, Inay? — ang hindi rin niya mapigilang itanong.

Pinahid ng likod ng kamay ng kanyang ina ang luha nito sa mata at pinilit na ngumiti. —Kailangang makapagpahingang lagi ang Tatay mo, — ang paliwanag ng kanyang ina. —Bakit? — ang muli niyang usisa. —E… alam mo, Perla… basta huwag kang laging lalapit sa Tatay mo! Sabi ng doktor! — Halos ay malunod sa lalamunan ng kanyang ina ang mga katagang iyon. At bago siya nakapagsalita uli, may kinuha ang kanyang ina sa isang maliit na estante na nakakabit sa may pintuan ng kanilang banyo. Isang maliit na bote na ang laman ay hindi miminsan niyang nakitang ipinapatak ng kanyang ina sa tubig sa palangganang pinaghugasan nito ng kamay.

Sa simula ay naging mahirap sa kanya ang sumunod, lalo pa’t nagugunita niyang matagal-tagal na siyang hindi nahahagkan ng kanyang ama sa mga pisngi, hindi na siya kinakarga nito, hindi na siya inihahatid sa kanyang mga Tiya Choleng. Kung wala ang kanyang ina at nasa palengke, lagi niyang pinagtatanan si Petra lalo na kung nalilibang ito sa gawain. Papasok siya sa silid ng kanyang ama at sa gilid pa ng kama nito siya nauupo. Arawaraw nakikita niyang nawawalan ng kulay ang mga pisngi at labi ng kanyang ama. Napupuna niyang nawawalan ng laman ang mga pisngi nito at mabilis na tumutubo ang balbas at buhok. Minsan ay hindi na siya nakatiis na hindi magtanong.

—Itay, — ang sabi niya. —Kailan ka babangon diyan?

Ngumiti ang kanyang ama, ngunit hindi dating gayon ang ngiti ng kanyang ama. Wala siyang makitang sigla, walang tamis, walang lambing… ngunit nakangiti sa kanya, —Perla, kung kailan sabihin ng doktor… —Mahinang-mahina ang tinig ng kanyang ama.

—Kailan sasabihin ng doktor? Nawala ang ngiti sa labi ng kanyang ama at hindi na ito kumibo. Marahil ay hindi siya narinig, kaya hinawakan pa niya ang kamay ng kanyang ama. (Hindi dating ganito ang kamay ng kanyang ama! Bakit nanlalamig?) At nagsasalita siyang muli.

—Itay, kailan? Kailan sasabihin ng doktor?

—Ha? E… basta kung kailan niya sabihin!

Napakunot ang noo ni Perla. Talagang marami na siyang hindi maunawaan mula nang hapong umuwi ang kanyang ama na may lagnat. Hindi siya kumibo at inilayo niya sa kanyang ama ang kanyang paningin. Napako ito sa hapag

na kalayuan sa kama ng kanyang ama. Maraming maliliit na bote ang naroon… iba-ibang laki, iba-iba ang laman. At sa tabi ng mga boteng ito ay may isang orasan, may baso, naroon din ang tenedor at kutsara ng kanyang ama na hindi na niya nakikitang nawawala sa hapag na iyon. Sa katabi pang hapag, naroon naman ang maraming pagkain: may dalandan, may ubas, may mansanas, may biskwit, may itlog, may… Ilang ulit siyang napalunok.

—Itay, — ang baling niyang muli sa kanyang ama.

—Ano ‘yon, iha? — halos pabulong itong sumapit sa kanyang pandinig.

— ‘Yon, Itay…— ang kanyang sabi at nakikimi siyang ngumuso. Itinuro niya ang mansanas.

Hindi agad nakasagot ang kanyang ama. Ngunit sinagot din siya: —Humingi ka kay Petra, iha. Sa labas… hindi natin ‘yan maaabot!

Nais niyang sabihing iyon ang nais niya… ang mansanas na iyong nakikita niya sa hapag sa silid ng kanyang ama, ngunit ang tangi niyang nagawa ay ang tumindig. Narinig niyang marahan siyang tinawag ng kanyang ama, ngunit hindi siya lumingon. Pilit niyang inabot ang mansanas na naibigan niya, ngunit hindi naman maabot ng kanyang kamay. Humatak siya ng isang silya, at marahil ang ingay na nalikha niyon ang tila hudyat na nagpalapit kay Petra. Humihingal na pumasok si Petra sa silid at halos ay nanghihilakbot na napasigaw sa ginagawa ni Perla.

—Perla, naku… magagalit ang Nanay mo! Kagagalitan ako!

—Bigyan mo nga siya… ‘yong nasa labas, Petra. At huwag mo nang sasabihin sa Nanay niya na…na pumasok siya rito! — Kakaunti ang sinabi ng kanyang ama, ngunit nagbigay sa kanya ng hindi niya sukat akalaing kasiyahan sa loob. (Akala niya ay nagbago na ang kanyang ama: akala niya ay hindi siya mahal! Akala niya ay hindi na ito marunong magsalita ng mga katagang tuwina ay nagbibigay sa kanya ng kasiyahan…)

***

ISANG araw ay biglang dumating ang kanyang tiya Choleng. Nagulat siya sapagkat bago pa lamang itong bumubungad sa pinto ay nakita na niyang may luhang nangilid sa mga mata nito. At nang matanawan siya ay pasambilat siyang kinarga at umiyak ito nang umiyak. Hindi siya makapagtanong sapagkat pati ang kanyang ina ay nakita niyang umiiyak.

—Ang pamangkin ko! Kawawang Perla…— ang narinig niyang sabi ng kanyang tiya Choleng. Basang-basa na ang harapan ng suot niyang damit at nakakaramdam na siya ng pagkayamot ngunit ayaw pa siyang ibaba ng kanyang ale. Ang kanyang ina ang lumapit sa kanila at kinuha siya sa kanyang tiya.

—Halika, anak, mabigat ka… kawawa naman ang tiyang, — Hindi pa rin natutuyo ang luha sa mga mata ng kanyang ina ngunit hindi ito katulad ng kanyang tiya Choleng.

Naupo siya sa kandungan ng kanyang ina at minasdan niya ang kanyang tiya

Choleng na noon ay tila pinagbabalikan na ng katatagan ng damdamin. —Inso!, — ang sabi nito. (Biglang nagliwanag ang mga mata ni Perla … Inso nga pala ang pangalan ng kanyang ina. Inso! Matagal na niyang itinatanong iyon sa kanyang ina at ang totoo ay itinatanong na nga niya ngunit ang laging sinasabi sa kanya ay Carlota… Carlota ang pangalan ng kanyang ina.)

—Inso, — ang sabi uli ng kanyang tiya Choleng sa paos na tinig, —ano ang sabi ni doktor?

— ‘Yon nga raw, Choleng… lalong mabuti kung madadala siya sa ospital, — ang walang gatol na sagot ng kanyang ina.

—O… pa’no? Ano’ng sabi ng Kuya? — (Ito ang lagi niyang ipinagmamalaki sa kanyang mga kalaro, na ang kanyang Tatay ay maraming pangalan: iba-iba ang tawag nila sa kanyang ama: ang taguri ay Tatay, ang ina ay Oy at ang kanyang tiya Choleng ay Kuya at kung itatanong ng kanyang Titser sa pag-aaral niya ay Basilio del Monte. Hindi niya nalilimot iyon!)

—Ano’ng sagot niya? — ang ulit ng kanyang tiya Choleng nang tila nakababagot na ang hindi pag-imik ng kanyang ina.

—Ayaw niya, Choleng. Dito na lamang daw siya maghihintay…— Napaiyak na muli ang kanyang ina. — Ang wakas daw ay dito na lamang niya hihintayin!

Hindi rin nakaimik ang kanyang tiya Choleng. Wakas! Natitiyak niyang hindi pa niya nakikita ang wakas na sinasabi ng kanyang ina. Hindi pa niya nakikilala ang taong iyon. Kung si doktor ang ibig nilang sabihin… nangunot ang noo ni Perla ngunit nalimutan lamang niya.

Ang pag-uusap na iyon ng kanyang ina at ng kanyang tiya Choleng ay hindi niya malaman kung saan humangga. Tila nakatulugan niya ang pag-uusap na yaon…

NAGISING si Perla sa pagkakaingay sa kabilang silid: sa silid ng kanyang ama. Nakilala niya ang tinig ni doktor, gayundin ang tila umiiyak na tinig ni Petra. At walang anu-ano’y narinig niya ang impit na hagulgol ng kanyang ina. Napabangon siyang bigla at siya naman ang umiyak. Aywan ngunit bigla siyang natakot. Natakot nga siya… ngunit hindi niya matiyak kung bakit. At nang nakatayo na siya at wala pang sumasalubong sa kanya ay bigla siyang tumakbo. Tumakbo siyang papasok sa silid ng kanyang ama, at bago siya nakapasok ay nakita na niya si doktor. Ibinabalik na ang kagamitan niyon sa lalagyan nito, si Petra ay tila ipinako sa may paanan ng kama ng kanyang ama, at si Padre Jose ay nakaluhod na magkadaop sa dibdib ang dalawang palad…

Sa simula ay naging mahirap sa kanya ang sumunod, lalo pa’t nagugunita niyang matagal-tagal na siyang hindi nahahagkan ng kanyang ama sa mga pisngi.

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/282136410058552

Manila Bulletin Publishing Corp