Manila Bulletin

Dalawang Gulok

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Oktubre 26, 1964)

Ni Jose Domingo Karasig

I — AKO, —anang isang amang nakaratay, Sa dalawang anak, — ay mahirap lamang; — Dalawang gulok iyang aking yaman, Na siyang sa inyo’y tanging maiiwan; Gagamitin ninyo sa mabuting bagay! — Pumikit ang mata. Ang ama’y pumanaw!

II KAHIT magkapatid, naghiwalay sila, Pagka’t ang damdamin nila’y magkaiba; Ang nakatatanda’y lumakad ng kanya, Ang bunso’y naiwang luhaan ang mata; Sa tabi ng puntod ng yumaong ama, Nagtayong kubo’t doon na nagtira!

III ANG nakatatanda’y nasama’t nakuyog Sa mga tulisang kakila-kilabot; Ni hindi pumurol ang namanang gulok Sa dami ng ulo na kanyang pinugot; Itong bunso nama’y naghawan ng tumok Hanggang sa matamnan ang maraming banos!

IV AT noong ang aping baya’y maghimagsik, Isa sa namarang ang bunsong kapatid; Kung gano kasipag, kung gano kabait, Gayon din kagiting ang puso’t ang dibdib; Namatay sa laban, nguni’t di naalis Ang gulok na hawak nang napakahigpit!

AT isang bantayog sa gitna ng bayan Ang handog sa kanyang naging kagitingan; At noong mahuli naman ang panganay, Ay pugot ang naging hatol ng hukuman; Harap sa bantayog ang pinagpugutan Sa ulong gumulong doon sa liwasan!

CONTENTS

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/282140705025848

Manila Bulletin Publishing Corp